Napabuga siya ng hangin. “Paano ka makakapag-ensayo kung dalawang linggo kang makukulong sa kwarto mo. Kung hindi ka nag-ensayo mag-isa, sana ay hindi mo natamo ‘yan.”
Nakita niya kung paano nag-iba ang emosyon sa mukha ni Dylan. “May gusto kasi akong patunayan.”
“Ano?” tanong niya.
“Alam kong mahina ako lalo na sa pakikipaglaban, kaya nag-ensayo akong mag-isa at ginamit ang tinuro mo sa akin bago pa ako umalis ulit sa palasyo. Aaminin ko, wala talaga akong silbi sa paghawak ng mga armas, pero nag-iisa lang akong anak ng aking ama, kaya kailangan kong malaman ang lahat.”
Humalukipkip siya at seryosong sinagot ang mga sinasabi ni Dylan. “Hindi mo kailangan patunayan ang sarili mo kung alam mong hindi mo pa kaya, puwede kang mapahamak kung iisipin mo lagi na kailangan mong matuto kaagad dahil sa napapahiya ka.”
“Ilang taon na rin binibini, ang ibang prinsipe na pinagtatawanan lang ako dahil sobrang hina ko sa lahat.” Tumingala ito at inaalala ang nakaraan.
Simula na naman ng paligsahan ng mga prinsipe gamit ang pana at palaso. Habang naghahanda na ang lahat, si Prince Dylan ay nasa isang gilid lang at nakamasid sa paligid dahil hindi niya mga kaibigan ang ibang prinsipe lalo na si Prince Damon.
Lumapit si Prince Damon sa kanya. “Siguro naman ay may alam ka na sa pag-gamit ng pana dahil kung hindi ay bakit ka pa narito kung wala ka man lang makukuha na kahit anong gantimpala dahil isa ka lang mahinang prinsipe sa ating bansa.” Ngumisi ito at iniwan siya.
Nangingilid ang luha ni Prince Dylan, pero sinikap niyang huwag ng dumami pa iyon dahil alam niya na sa oras na bumagsak ang luha sa kanyang pisngi ay siya ang pagbabalingan ng atensyon ng iba at ayaw niya ‘yon. Kahihiyan rin sa Stalwart Castle at sa kanyang ama na si King Stephen na ang kanyang anak ay isang lampa, duwag, at mahina sa lahat.
Nag-umpisa ang paligsahan. Ang lahat ng prinsipe na naroon ay nagkaroon ng gantimpala bukod tangi kay Prince Dylan. Hindi na naman siya nakatira sa mismong pabilog na kahoy lahat ay hindi tumama o bumaon.
Simula noon ang ibang prinsipe ay pinagtawanan na siya lalo na si Prince Damon, wala siyang naging kakampi o kaibigan kahit isa sa mga prinsipe, kaya mas lalong pinanghinaan ng loob si Prince Dylan sa tuwing sasapit ang buwan kung saan magkikita-kita ang mga prinsipe para sa isang paligsahan.
Napansin ni Adira na nakatulala ang prinsipe at may kuminang sa mata nito. “Mahal na prinsipe!” may kalakasan niyang tawag.
Nagulat naman ito, pero napansin niyang pinunasan ng prinsipe ang gilid ng mata nito. “Pasensya na may naalala lang ako.”
“Anong naalala mo?”
Natigilan ito at tumingin sa kanya habang may ngiti sa labi na alam niyang hindi totoo. “Kung paano ako pinagtawanan ng ibang prinsipe dahil wala akong alam na gawin.”
Tinitigan niya ang mata nito dahil halata na pinipigilan lang na huwag umiyak, kapansin-pansin kasi sa puti ng mata ni Dylan na namumula. “Bakit apektado ka pa rin hanggang ngayon?”
Masama itong tumitig sa kanya, pero nalaglag na ang luha sa mata ni Dylan. “Kahihiyan iyon sa aming palasyo, binibini. Nag-iisa akong prinsipe p-pero hindi ako katulad ng ibang prinsipe sa aming bansa na malakas, kayang gamitin lahat ng armas, at higit sa lahat matapang sila hindi katulad ko na mahina. “ Umiwas ito ng tingin sa kanya at pinahid ang luha sa pisngi gamit ang kamay nito. “Kaya kung puwede lang hindi na ako dadalo, pero mas lalong nakakahiya kung ang prinsipe ng Stalwart Castle ay hindi kayang humarap dahil natatakot siyang pagtawanan muli.”
Humalukipkip siya. “Alam mo kung bakit ka naging mahina?” Tumingin ito sa kanya pero nakatitig lang. “Masyado mong niyakap ang mga naririnig, nakikita, at ginagawa nila sayo.”
Kumunot ang noo ni Dylan sa sinabi niya. “Anong ibig mong iparating?”
“Hinayaan mo silang gawin ang mga ‘yon sayo, kaya naging mahina ka. Kasalanan mo rin naman kaya naging ganyan ka.”
Nainis naman ito at naigalaw ang paa. “See, sabi ko naman sayo kasalanan mo.” Ngumisi siya, pero bigla rin nawala. “Hindi mo ginawang armas ang mga sinasabi nila sayo, bagkus ay hinayaan mong tumama ang lahat ng ‘yon sa sarili mo kaya napuno ka ng sugat ngayon. Hindi porke’t nadapa ka ay hindi ka na tatayo o kaya maghihintay na lang ng may tumulong sayo, matuto kang magtiis, pero hindi ibig sabihin no’n ay lampa ka na o mahina. Ang dapat mong ginawa ay magpanggap sa harap ng tao, mahina sa panlabas na anyo, pero nagiging halimaw pag lumabas na ang tunay mong pagkatao.”
“Hindi ko maintindihan?” nalilito nitong saad.
Napapikit siya. “Maging isang puno ka kahit na nasaktan at lumuha na ng dagta ay nanatili pa rin itong nakatayo at malalago pa rin ang mga dahon.”
Napakamot s Dylan sa ulo. “Bakit ang lalim ng mga sinasabi mo? Ang hirap unawain.”
Galit siyang tumingin sa dito. “Tsk, kaya ka napapagsabihan ng mahina kasi pati utak mo hindi na rin gumagana.”
“A-anong sabi mo!” Hindi ata alam ni Dylan na may pilay siya sa paa kaya kumilos ito ng normal at binalak na tumayo. “Ahhh….” sigaw nito. Napangiwi naman si Adira sa sobrang lakas, pero nagulat siya sa biglang pagbukas ng pinto.
Pumasok pala si Heneral Agustin. “Anong nangyayari d-dito?” natatarantang tanong ng heneral.
“Nakalimutan ata ng prinsipe Heneral Agustin na may pilay siya sa paa kaya kumilos ng normal.”
Napabuga naman ito ng hangin at kumalma. “Akala ko kung ano ng nangyari rito.”
“Huwag kang mag-alala heneral. Narito naman ako kaya magiging okay lang ang prinsipe.”
“Nagulat lamang ako habang naglalakad sa labas ng kwarto, kaya kaagad akong pumasok.”
Tumingin naman si Adira kay Dylan. “Kulang lang sa pansin ang prinsipe, pero okay naman siya.”
Kinagat na lang ng prinsipe ang labi niya ng hindi na siya makapagsalita pa ng hindi maganda kay, Adira.
“Kung ganon ay lalabas na ulit ako.” Tumango lang si Adira at tuluyan ng nakalabas si Heneral Agustin.
“Ang sabi huwag mong i-gagalaw ang paa mo, pero parang gusto mo pa atang lumala ‘yan dahil daig mo pa ang bulate.” Tumayo siya at nag-inat. “Iiwan na muna kita rito, huwag mo akong masyadong mamimiss dahil may gagawin ako.”
Mahina naman na bumubulong si Prince Dylan, “Ang lakas rin ng loob ng binibini na ‘to.”
“May sinabi ka?” tanong niya habang na sa tabi na ng higaan ng prinsipe, kaya nagulat ito at napahawak na lang sa dibdib. Pinipigilan na din ni Dylan na hindi nga igalaw ang binti niya.
“Ang lakas naman ng pandinig mo?”
“Instinct ‘yon dahil alam kong may gusto kang sabihin, pero gusto mong ikaw lang ang makarinig dahil hindi magandang salita ang lumabas diyan sa bibig mo.”
Inis na inis naman itong tinulak ang likod niya. Nasa tabi siya ng higaan nito pero na sa iisang direksyon lang ang katawan kung saan kami nakaharap. “Umalis ka na nga! Umi-init lalo ang ulo ko sayo at madalas ko pang nagagalaw ang binti ko!”
“Kulang ka kasi sa pansin, pero aalis na rin naman talaga ako. “ Lumakad na si Adira papunta ng pintuan, pero huminto siya habang nakahawak sa seradura ng pinto. “Huwag mong isipin at alalahanin ang nakaraan mahal na prinsipe dahil gagawin kong masaya ang alaala mo na ‘yon kung makakasali ka muli sa paligsahan sa susunod na buwan.” Binuksan na niya ng tuluyan ang pinto at umalis.
Nanatili pa ding nakatingin si Prince Dylan sa pintuan at inulit niya sa kanyang isipan ang sinabi ni Adira.
“Maraming salamat, kung magagawa mo ‘yon.” Dahan-dahang humiga si Prince Dylan at pinikit ang mga mata.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Kawawang nilalang grabe lang