Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 42)

Kunot noo naman siyang tumingin kung saan nakatingin si Dylan, sa mismong harap na may kalayuan sa kanila. Ang bilang niya ay nasa limang tao, pero ang suot nila ay purong itim na hindi makikita ang mga mukha dahil sa mga taklob nila sa mga ulo.

“Ang suot nila ay katulad ng nakita ko sa tarangkahan ng palasyo,” saad niya sa isip. Hinanda niya ang sarili dahil wala siyang dalang armas. Mabuti na lang ang mga kawal ay meron maging si Dylan ay walang ding dala.

“Anong gagawin natin?”

“Sa ganitong pagkakataon ay lumalapit kami at kinakausap sila, lalo na kung gusto naming dumaan.”

“Kinakausap niyo lang paano kung bigla silang sumugod? Hindi ba noon ay hindi ka pa marunong gumamit ng espada at konti lang din naman ang kawal na nakabantay sayo sa tuwing lumalabas ka ng palasyo?”

“Sa bansa namin ay ganito talaga ang nangyayari. Ayaw namin ng gulo lalo pa at sa labas ng palasyo, kaya ang ginagawa namin ay kinakausap sila ng mahinahon. Sumusunod naman sila, pero kakaiba ang mga humarang sa amin ngayon dahil hindi na nakikita ang mga mukha nila ngayon at purong itim ang mga suot nila.”

Humarap siya sa mga taong naghahantay na makalapit sila. “Wala akong espada kung sakaling sumugod sila.”

Nagtaka naman si Dylan. “Hindi mo kailangan ‘yon. Maghintay ka lang na makalapit tayo para tanungin kung bakit nakaharang sila sa daan.”

Sa isip niya, “Hindi ba nag-iisip si Dylan? Paano kung bigla na lang sumugod ang mga misteryosong mga tao? Apat lang ang kawal na nakabantay kay Dylan tapos ako ay wala pang armas.”

Ilang sandali pa ay nakalapit na sila sa mga naka-itim na damit at ang lahat ay nakaharap sa gawi nila. Hindi sila gumagalaw, kaya paano siyang hindi maghihinala.

Bumaba ang isang kawal na nasa harapan at kinausap ang mga ito, pero bumalik ang kawal at lumapit sa kanila, at may sinabi. “Mahal na prinsipe ayaw nila tayong padaanin.”

Kumunot naman ang noo ni Dylan. “Bakit hindi daw tayo maaaring dumaan?”

“Hindi niya sinabi ang dahilan sa akin dahil ikaw ang gusto nilang maka-usap, mahal na prinsipe.” Nakayuko lang ang kawal habang sinasabi ang mga salita na ‘yon.

Nagtataka at nag-aalinlangan man ay bumaba si Dylan, at maging si Adira ay bumaba na din. “Dito ka lang Adira,” saad nito at naglakad na, pero hindi siya nakinig at sumunod kay Dylan habang na sa likuran lang siya nito.

Huminto si Dylan apat na hakbang ang layo maging siya sa mga misteryosong tao. Tiningnan niya ang mga taong na sa harap nila isa-isa, kahit pa ang mga suot nila ay iisa lang at hindi makita ang mga mukha, pero sa pang-apat na tao mula kaliwa hanggang sa kanan siya napahinto ng tingin dahil iba ang postura nito na nakayuko at ang mga kamay ay nasa likuran hindi kagaya ng apat na nakatayo lang ang ulo, mga kamay na nasa gilid lang at nakababa.

“Ano at ayaw niyo kaming padaanin dito?” saad ni Prince Dylan.

“Pasensya na kung hindi kayo maaaring dumaan sa ngayon dito dahil may mga hayop na mababangis na nakawala sa kanilang kulungan. Kaya kung maaari humanap na lamang kayo ng ibang daan,” saad ng nasa gitna.

Kanina pa talaga napapansin ni Adira ang isang tao na katabi ng nasa gitna habang nag-uusap ang tao na nasa gitna at si Dylan. Lumakad siya at lumapit sa mismong likod ni Dylan at bumulong. “Tanungin mo kung bakit ganyan ang mga suot nila.”

Bahagyang nagulat si Dylan. “Bakit ba bigla ka na lang sumusulpot? Sabi ko naman sayo doon ka lang sa tabi ng kabayo,” mahina pero may inis nitong saad.

Inirapan niya lang ito at tumingin muli sa harap. “Bilisan mo na ng makaalis na tayo. Tanungin mo kung bakit ang suot nila ay kakaiba.”

Kumunot ang noo ni Dylan. “Ikaw na nang galing sa ibang bansa at kakaiba din ang suot ay magtatanong ng ganon?”

Masama niya itong tiningnan habang ang ulo nito ay nakalingon sa kanya. “Kung ayaw mo ako ang magtatanong.” Mabilis naman na humarap si Dylan at nagtanong.

“Kung hindi niyo mamasamain tila kakaiba ang mga suot niyo, at hindi din kita ang inyong mga mukha. Saan kayong lugar nanggaling?”

Napakunot ang noo ni Adira ng biglang gumalaw ang ulo ng nakagitna at parang tiningnan ang tao sa tabi nito na nakayuko na kanina pa niya tinitingnan. “Paumanhin ngunit labag sa amin ang magbigay ng impormasyon kahit sa maharlikang katulad mo.”

Tumango-tango si Dylan at tiningnan siya. “Ano okay na ba ang nalaman mo? Umalis na tayo dito.” Naglakad na pabalik si Dylan kung nasaan ang kabayo maging ang kawal nito, pero siya ay nanatiling nakatingin sa limang misteryosong tao sa harap niya. Sa tingin niya ay lahat sila ay mga lalaki, pero bahagya siyang napaatras dahil ang kaninang nakayuko ngayon ay nakatunghay na sa kanya kahit pa hindi nakikita ang mukha nito maging ang mga mata nito.

Sa isip niya, “Sigurado ako, hindi ang nasa gitna ang leader nila kung hindi ang nakayuko kanina na ngayon ay nakatunghay na sa akin. Pero bakit hindi siya nagtaas ng ulo nang nandito si pa Dylan?”

“Binibini!” biglang sigaw ni Dylan.

Lumingon siya at isang masamang tingin ang binigay nito. Humarap muli siya sa kanila at mukhang sa kanya na nakatingin ang hinala niyang leader nila. Pero kalaunan ay lumakad na siya palapit kay Dylan at nag-umpisa ng lumakad palayo ang mga naka-itim na suot na mga lalaki.

Galit na naman ang mukha ni Dylan nang nakalapit na siya. “Bakit ba hindi ka pa sumunod sa akin agad? Gusto mo pa bang mapahamak!” gigil na saad nito.

“Namangha lang ako sa suot nila. Bakit ba?”

Ang dalawang kamay ni Dylan ay mahigpit ang pagkakuyom ng kamao. “Ang tigas talaga ng ulo mo minsan. Nakakainis na din ang ugali mo.”

Nanlaki naman ang mata niya. “Mas nakakainis ang ugali mo!” inis niya din sabi kay Dylan

“Mas malala ang sayo kaysa sa akin!”

Ang apat na kawal nila ay tila hindi alam ang gagawin, pero mabuti na lang at may isang kawal na lumapit sa kanila. “Mahal na prinsipe, kailangan na po nating umalis dahil malapit ng mag-takipsilim.”

Nahinto naman ang dalawa at masamang tumingin sa isa’t-isa. “Maghanda na kayo ulit at aalis na tayo,” sagot ni Dylan.

Lumakad siya paalis sa harap ni Dylan. “Saan ka pupunta?” tanong nito.

“Sa kawal na lang ako makikisabay tutal naiinis ka naman sa ugali ko ‘di ba,” sarkastiko niyang saad at lalakad na sana ulit ng hinila nito ang kamay niya papunta sa sinakyan nilang kabayo.

“Sumakay ka na ng maka-uwi na tayo,” mahinahon na saad ni Dylan na nagpakunot ng noo niya dahil sa bilis ng pag-iiba ng mood nito.

Tahimik na lang siyang sumakay muli sa kabayo at sumunod naman si Dylan. Nagpatuloy muli sila sa paglalakbay pauwi.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 42)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.