Samantala pagbalik ni Adira sa harap ng mall kung saan niya iniwan si Prince Dylan ay nagtaka siya sa itsura nito. Lumapit si Adira kay Prince Dylan habang nakakunot ang noo.
“Bakit pawisan ka, mainit ba?” tanong niya.
Pinunasan naman ni Dylan ang pawis nito sa noo gamit ang likod ng kamay. “Sabi mo kasi ay dito ako maghintay, kaya tingnan mo pawisan na ako. Bakit hindi mo naisip na sabihin na sa loob na lang ako ng gusali na ‘to maghintay para malamig?” Tila sinisisi pa ni Prince Dylan si Adira.
Tumaas naman ang kilay niya. “Bakit hindi ka pumasok? Makikita naman kita sa loob dahil malinaw naman ang pader ng mall, basta makita kita ay okay lang.”
Masama ang loob na tinalikuran ni Prince Dylan si Adira at nauna ng lumakad pabalik ng ospital. Habang si Adira ay napataas na lang ang dalawang kilay sa ginawa ng prinsipe.
“Grabe!” Sinusundan niya ng tingin si Dylan habang nakakunot ang noo. “Konting pawis lang ay naiirita na siya, palibhasa sanay sa lamig dahil sa bansa niya.” Napailing na lang siya at sumunod na din sa prinsipe.
Ang rason kung bakit pawisan talaga si Prince Dylan ay sumunod talaga ito kay Adira ng medyo malayo na ito. Nasaksihan din nito ang ginawa ni Adira sa pagtatanggol sa bata mula sa mayabang na babae. Pagkatapos kasing kuhanin ni Adira ang plastik ng pagkain ay agad tumakbo pabalik si Prince Dylan kahit may kabigatan ang dala nitong plastik na may laman na binili nila sa supermarket.
Nakarating na sila sa ospital at nadatnan nila si Simon na natutulog, kaya walang ingay silang pumasok sa kwarto at inihanda ang kakainin nila sa almusal.
Samantala sa Paradise Castle habang palabas ng kwarto si Prince Franco ay nagtataka siya sa mga katulong dahil tila may pagmamadali ang mga kilos nila. Pabalik-balik sa kusina, sa labas, at sa parte ng palasyo kung nasaan ang trono ng kanyang ama at ina.
May makakasalubong na isang katulong si Prince Franco, pero bago pa man lumagpas sa kanya ito ay tinanong niya, “Ano ang nangyayari at may pagmamadali ang kilos niyo?”
Yumuko naman ang katulong. “Paumanhin mahal na prinsipe hindi ko din batid kung bakit. Inutusan lang kami ni Queen Alice na maghanda at linisin ang buong palasyo.”
“Ganon ba. Puwede ka ng bumalik muli sa ginagawa mo.” Yumuko muli ang katulong at tuluyan ng umalis, pero si Prince Franco ay gusto talagang malaman ang nangyayari kaya pumunta siya sa kwarto ng magulang niya, ngunit wala ang mga ito sa loob ng kwarto. Sinubukan niyang tingnan sa parte ng tanggapan ng mga bisita kung saan nandoon ang trono ni Queen Alice at King Felip.
Nakita niya ang kanyang ina na abala sa paglalagay ng tela sa trono nila. Ang dalawang trono na magkatabi ay sa kanyang magulang at ang sa kanya ay nasa gilid.
“Ina, ano ang nangyayari at bigla kayong nag-ayos at pinalinis ng mabuti ang palasyo?”
Lumingon sa kanya ang inang reyna na tila nagliliwanag ang mukha sa tuwa. “Prince Franco gising ka na pala. Nag-almusal ka na ba?” tanong nito habang nakangiti kay Prince Franco.
Kumunot ang noo niya. “Magkakaroon ba ng malaking pagpupulong dito, ina?”
Umiling si Queen Alice. “Higit pa doon, Franco. Ito ang pinakahihintay nating lahat at sigurado akong matutuwa ka dahil matagal mo itong hiniling. Bukas ng gabi, muling sisigla ang Paradise Castle.” Tinapik ng reyna ang pisngi ni Prince Franco. “Kumain ka na ng almusal. Nauna na kaming kumain ng iyong ama dahil magiging abala kami ngayong araw.” Lumakad na muli pabalik si Queen Alice sa puwesto nito kanina.
Natigilan si Prince Franco at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng kanyang ina, pero kalaunan ay pumunta na siya sa hapag-kainan.
Samantala habang natutulog pa si Simon ay kumain na sila Adira at ngayon ay nagliligpit na. Pagkatapos ay umupo lang sila sa sofa na malayo sa higaan ni Simon.
Nagsalita si Prince Dylan. “Binibini, hindi ka ba naiinip?”
Kumunot ang noo niya. “Hindi bakit?”
Sumimangot naman si Dylan. “Gusto ko ulit makita ang labas.”
Tumaas ang isang kilay niya. “Lumabas ka, wala namang pumipigil sayo.”
Masama naman siya nitong tiningnan. “Ang ibig kong sabihin ay sa ibang lugar hindi sa labas ng ospital.”
“Hindi puwede walang kasama si Simon dito, saka hindi ka puwedeng lumabas ng hindi ako kasama dahil baka mamaya ay may kumuha na lang sayo bigla dahil sa itsura mo.”
“Ano ba ang itsura ko ngayon?” nagtatakang tanong pa ni Dylan.
“Nagtanong ka pa talaga. Nakita mo na ba ang sarili mo sa salamin? Agaw pansin ‘yang itsura mo at ‘yang balat mo na mukhang galing ibang bansa talaga. Baka kidnapin ka pa at malaking problema ‘yon.”
“Gusto kong makita ang labas!” parang bata pang saad ni Dylan.
“Hindi nga puwede ang kulit mo ba daig mo pa ang bata sa inaasal mo ngayon!”
“Adira.” Napalingon ang dalawa kay Simon dahil nagising na pala ito.
“Nagugutom ka na ba? Sandali lang.” Tatayo na sana siya ng magsalita ulit ito.
“Ipasyal mo kaya ang prinsipe ng hindi siya naiinip.”
Kumunot ang noo niya. “Wala kang bantay dito kaya hindi puwede.”
“Kaya nga may nurse para pumunta dito oras-oras para i-check ang pasyente. Huwag kang mag-alala okay lang ako dito sa ospital mas safe pa nga dito kaysa sa labas para sa akin. Ipasyal mo na siya ilang araw lang kayo dito kaya kahit isang lugar dito sa ating bansa ay mapuntahan niya.”
Seryoso namang napatingin si Adira kay Prince Dylan na nahuli niyang nakangiti, pero mabilis ding nawala.
Sa isip niya, “Ayoko talagang lumabas, pero itong makulit na prinsipe na ‘to nakahanap pa ng kakampi para lang sa gusto niyang mangyari.”
“Mamayang hapon ay pumunta kayo sa isang lugar na puro pagkain sa tabi ng kalsada.”
“Hindi na ata kasya ang pera ko para pumunta pa doon.”
“Huwag kang mag-alala mababang presyo lang ang pagkain doon, kaya sigurado akong may pambayad pa kayo sa tricycle.”
Sa huli pumayag naman si Adira. Lihim naman na humingi ng pasasalamat si Prince Dylan kay Simon ng walang boses na lumalabas sa bibig niya. Napangiti lang si Simon sa ginawa ng prinsipe.
Sumapit na nga ang hapon at papunta na sila sa lugar na sinasabi ni Simon. Nagbigay lang ito ng direksyon papunta sa lugar na ‘yon.
Pagkababa pa lang nila sa sasakyan ay nakita nilang ang daming tao. Para itong isang eskinita na puro tao lang ang dumadaan, hindi naman masikip tama lang at din hindi naman nagsisiksikan ang mga taong namamasyal. Totoo nga ang sinabi ni Simon na maraming mga nagtitindang pagkain sa gilid. Napansin din ni Adira na halos mga kabataan ang nandoon.
“Hindi ka puwedeng humiling sa akin ng sobrang daming pagkain dahil ang laki ng nagastos ko sa mga kinuha mo sa supermarket,” saad niya habang nakahalukipkip ang mga braso.
“Parang ang sarap pa naman ng pagkain dito.”
Tiningnan niya ito ng masama. “Kung hindi ka kumuha ng kumuha sa lagayan ng pagkain sa mall. Mas marami kang makakain dito. Wala pa naman akong sahod sa misyon ko para sayo.”
“Hindi salapi ang ibabayad sayo ni ama. Ginto ang pambayad namin, at sa tingin ko ay hindi mo din iyon magagamit dito dahil perang papel ang ginagamit niyo.”
Nakatingin kasi si Prince Dylan sa isang street vendor na may bumibili na ang pinambayad ay ang perang papel.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





