Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 65)

Pagkalabas nila sa kwarto ni Adira ay agad na silang pumunta sa labas ng palasyo kung saan wala pa si Prince Dylan. Humanay si Adira sa kawal na kasama sa paglalakbay nila patungo sa palasyo nila Queen Alice.

Samantala naglalakad na palabas ng palasyo si Prince Dylan kasama si Heneral Agustin habang seryosong-seryoso ang mukha nito. Nang tuluyan na siyang nakalabas ay pinagbuksan kaagad siya ng pinto ng kotse ni Heneral Agustin habang si Adira ay pinagmamasdan lang ang prinsipe sa loob ng sasakyan. Tanging ang mata lang ni Adira ang gumalaw para makita lang si Prince Dylan.

Tumayo sa harap nila si Heneral Agustin at pina-alalahanan kung ano ang dapat nilang gawin, bago pa man sumakay ng sari-sarili nilang kabayo ang mga kawal. Tinitigan muna ni Heneral Agustin si Adira sa mata at tumango. Pagkatapos ay sumakay na din siya ng kabayo.

Ilang saglit pa ay umandar na ang sasakyan at sumunod ang mga kawal na nasa likuran. May kabilisan ang takbo ng sasakyan na kaya namang habulin ng takbo ng kabayo, ngunit si Adira ay napapangiwi dahil ang suot niyang manipis na bakal dahil tumataas at bumababa sa balikat niya kahit pa maayos naman niya itong sinuot, ngayon niya naramdaman ang bigat.

Samantala sa Paradise Castle, nakahanda na ang prinsesa at naghihintay na lang na siya ay palabasin sa kanyang silid.

Pumasok si Queen Alice sa kwarto ni Princess Francesca. “Anak, tapos ka na bang ayusan?”

Ngumiti ang prinsesa sa kanyang ina. “Oo ina, bago ka pumasok ay nakalabas na ang naglagay ng kolorete sa aking mukha.”

Lumapit si Queen Alice at hinagod ang buhok ng prinsesa. “Pasensya na Francesca kung hindi mo maaaring ipakita ang buhok mo sa iba.”

Kumunot ang noo ni Princess Francesca sa sinabi ni Queen Alice. “Anong ibig mong sabihin ina, at bakit hindi ko puwedeng ipakita ang buhok ko sa ibang tao?”

Bumuntong-hininga si Queen Alice at kinuha ang isang mahabang tela sa kamay ng katulong na kasama nitong pumasok. Tiningnan niya ang katulong at tumango na ibig sabihin ay makaka-alis na ito.

“Sapagkat ang iyong buhok ay hanggang balikat lamang.”

Napakunot ang noo ng prinsesa. “May problema ba kung ganito ang haba ng buhok ko?”

Tumango si Queen Alice. “Ang isang prinsesa o reyna ay hindi maaaring putulan ng buhok. Kailangan ang haba ng buhok natin ay hanggang bewang o lagpas pa doon ngunit ang sayo ay hindi, kaya kailangan mo muna na itago ang iyong buhok para hindi ka din pag-usapan ng tao sa labas.”

“Kung ‘yon ang nararapat na gawin ay susundin ko.”

Napangiti naman si Queen Alice at hinawakan ang mukha ng kanyang anak bago sinimulang ayusin ang tela sa ibabaw ng ulo ni Princess Francesca.

“Maganda ka pa din kahit na hindi nakikita ang iyong buhok.” Ngumiti ng malaki si Princess Francesca. “Halika na sa labas ng iyong kwarto at hintayin mo na lamang si Prince Dylan sa tanggapan ng mga bisita.”

Lumabas na sila ng kwarto at pumunta sa tanggapan ng mga bisita. Nadatnan nila si Prince Franco na naka-upo doon at tila may hinihintay.

“Nandito ka na pala Prince Franco,” saad ni Queen Alice ngunit agad kumunot ang noo niya sa suot ng kanyang anak. “Anak, bakit ganyan na naman ang suot mo? Ang sabi ko ay magsuot ka ng kagaya ng kausotan ng isang prinsipe.”

Tiningnan naman siya ni Prince Franco sa mata. “Hindi ko pa kayang magsuot ng pang maharlika ina, kaya hayaan mo na lamang ako,” seryosong sambit nito.

“Hindi ba’t may kasunduan tayo noon? Bakit tila nakalimutan muna iyon?”

Lumipat ang tingin ni Prince Franco sa kanyang kapatid, pero agad ding umiwas ng tingin. “Huwag kang magmadali ina, makakaya ko din magsuot ng pang maharlika pagnatanggap ko na ang mga bagay-bagay na nangyari ngayon sa ating palasyo, pero sa ngayon hayaan mo muna ako sa aking gusto. ” Tumayo ito sa pagkaka-upo. “Mauuna na akong lumabas, ina. Sumunod na lamang kayo ni Francesca.” Diretso na itong lumabas na hindi na tumingin pa sa kanyang ina at kapatid.

Si Princess Francesca naman ay nakatingin lang sa papalayong si Prince Franco. “Ina, galit ba ang kapatid ko sa akin?” malumanay na tanong ng prinsesa.

“Hindi anak, unawain mo na lamang ang iyong kapatid. Ganyan na siya kahit hindi ka pa bumabalik sa amin, pero hindi ko lubos maisip kung bakit hindi pa din niya tinutupad ang binitawan niyang salita noon.”

Nagtataka namang lumingon si Princess Francesca sa kanyang ina. “May kwento ba kung bakit ganon siya, ina?”

Maliit na ngumiti si Queen Alice. “Malalaman mo din iyon, pero sa ngayon halika na sa labas at mukhang dumating na ang sasakyan ni Prince Dylan.”

Ilang oras na paglalakbay ay nakarating na din sila Adira sa Paradise Castle. May isang kawal ang bumaba mula sa kabayo para pagbuksan ng pinto si Prince Dylan habang si Adira ay nanatiling naka-upo sa kanyang kabayo at naka-abang ang paningin niya sa pinto ng palasyo.

“Ano kayang itsura ng prinsesa na tinutukoy ng heneral?” saad niya sa isipan, habang nakatingin siya sa pinto ay biglang lumabas si Queen Alice at ang prinsesa, pero sa telang nakabalot sa ulo nito ay hindi makita ni Adira ang mukha ng prinsesa. “Bakit nakabalot naman sa tela ang ulo ng prinsesa? Hindi ko tuloy makita ang mukha niya.” Sinubukan niya pang sumilip kahit hindi dapat siya gumalaw, pero hindi niya talaga makita hanggang sa makapasok na ito ng sasakyan kasama si Dylan.

Umalis sila kaagad at naglakbay sila patungo sa lugar kung saan may mga taong nagtitinda ng kung ano-ano, pero hindi ito mga modernang gamit. Hindi katulad sa bansa kung saan galing si Adira. Si Prince Franco ay kasama din nila ngunit nauna ito at sumunod lang ang sinasakyan nila Prince Dylan.

Narating na nila ang lugar at huminto malayo sa mga tao. Ang mga kawal maging si Adira ay bumaba na din sa kabayo maging sila Prince Dylan, ngunit ang prinsesa ay lumapit sa kanyang kapatid na si Prince Franco at naiwan si Prince Dylan sa tabi ng sasakyan. Si Adira naman ay humanay sa mga kawal at tumayo ng tuwid habang hinihintay si Prince Dylan at ang prinsesa dahil sila ay susunod lamang sa likuran ng mga ito.

Habang hinihintay ni Prince Dylan ang prinsesa napalingon siya sa kanyang kawal at napahinto ang paningin niya sa isa sa mga ito. Napakunot ang noo ni Prince Dylan habang papalapit sa mga kawal niya at tila sinusuri ang isa sa mga ito.

Samantalang si Adira ay napakunot na din ang noo sa prinsipeng palapit sa kanya ngayon. “Bakit kaya siya palapit sa puwesto namin?” saad niya sa isipan.

Huminto si Dylan sa mismong harapan niya at aaminin niyang nakadama siya ng kaba dahil hindi niya inaasahan na may ganitong pangyayari. Sinunod niya ang payo ng heneral, hindi siya tumingin mismo sa mga mata nito at tumayo ng tuwid.

“Bago ka bang kawal ng palasyo?” tanong ni Dylan.

Napalunok siya ng ilang beses at hindi nagsalita. Bahagyang kumunot ang noo Dylan. “Uulitin ko, bagong kawal ka ba ng palasyo ng Stalwart Castle?”

Hindi pa din siya sumagot sa tanong ni Dylan dahil sa boses niya na tiyak niyang makikilala nito. Mabuti na lang at may nagsalita na isang kawal.

“Paumanhin mahal na prinsipe, hindi siya nakakapagsalita.” Napakunot naman ang noo ni Adira sa sinabi ng kawal.

Nagtaka naman si Dylan at tumingin sa kawal na nagsalita. “Ibig sabihin hindi niya din maaaring sagutin ang tanong ko?”

“Ganon na nga mahal na prinsipe, ngunit ako na lamang ang sasagot ng iyong katanungan. Kahapon lamang siya naging kawal ng palasyo.”

Tumango-tango naman si Dylan at muling tumingin sa kanya. “Kaya pala hindi niya pa alam kung saan nilalagay ang espada.” Alam niyang nakatingin ito sa mga mata niya, pero siya ay nakatingin lang sa leeg nito dahil may katangkaran din ang prinsipe. “Hindi sa likuran nilalagay ang espada, kung mapapansin mo ang kasama mong kawal ay sa bewang nila ito nakalagay at bahagyang nasa harap. Kung maaari ayusin mo ang lalagyan ng espada mo dahil delikado ang puwesto nito lalo pa at hindi mo ito nakikita.”

Tumango na lamang siya bilang sagot at bago niya pa magawang ayusin ang espada ay may tumawag na kay Dylan, ang prinsesa. Mabilis niyang nilipat ang paningin niya sa prinsesa para makita na sana ang mukha nito, pero maging ang mukha nito ay nakatakip ng tela hanggang ibabaw ng ilong kaya tanging mga mata lang ang nakita niya. Lumakad naman palayo sa kanila si Dylan at pinagpatuloy niya na ang pag-aayos ng espada.

“Hindi ako sanay na may bagay sa gilid ng bewang ko. Sana’y ako na nasa likod ang weapon na gagamitin ko katulad ng dalawang kong kahoy, pero tama naman si Dylan mas mainam na habang binubunot ang espada ay nakikita ko ito kaysa sa likod na maaaring makasugat.”

Pagkatapos ayusin ang lagayan ng espada sa bewang niya ay nakita niyang lumakad na si Dylan at ang prinsesa sa pamilihan, kaya naman silang mga kawal ay lumakad na din at sumunod sa likura nila, pero napansin niya na hindi sumunod si Prince Franco sa kanila. Naiwan lang ito kung nasaan ito kanina.

Habang naglalakad sila at tumitingin sa mga produkto na nandoon ay kumunot bigla ang noo niya. “Paano nila makikilala ang isa’t-isa kung ganito lang ang gagawin ni Dylan at ng prinsesa? Habang naglalakad ay pag-uusapan ang mga bagay na binebenta dito?” saad niya sa isip na siyang pinagtataka niya talaga dahil sa bansa niya ay hindi ganito ang ginagawa ng mga tao sa napupusuan nila. “Sabagay magkaiba nga pala ang ugali at gawain namin. Sa kanila ay parang sinauna at sa amin naman ay modern era.” Nagpatuloy na lang siyang maglakad kasabay ng mga kawal.

Sa mabagal na paglalakad nila ay napansin ni Adira na sumunod sa kanila si Prince Franco dahil nauna pa itong maglakad sa kanilang mga kawal kaya naman nasa likuran na siya ni Prince Dylan at ni Princess Francesca.

Huminto si Prince Dylan at lumingon sa isang maliit na kainan. “Gusto mo bang subukan na kumain dito, prinsesa?” tanong ng prinsipe, pero si Princess Francesca ay matagal na nakatingin lang sa karinderya at walang sagot na lumabas sa bibig niya.

“Ayos lamang sa akin kung diyan tayo kakain,” biglang saad ni Prince Franco na bahagyang kinagulat ni Prince Dylan dahil bigla na lang itong sumusulpot.

Kumunot ang noo ni Prince Dylan. “Akala ko ay hindi ka susunod sa amin?”

Nagkibit-balikat si Prince Franco at tumingin sa kanyang kapatid. “Malapit ng sumapit ang tanghali kailangan mo na ding kumain Francesca. Hindi mo naman siguro bibiguin ang alok sayo ni Prince Dylan?” Ilang segundo ang pagtitigan nilang dalawa bago tumango ang prinsesa. “Pumasok na tayo sa loob at ng hindi tayo magtagal pa dito. Malayo pa ang paglalakbay pabalik sa aming palasyo at sayo na din Prince Dylan.”

Tumango si Prince Dylan at sabay-sabay na silang pumasok sa maliit na karinderya. Naiwan naman sa labas sila Adira.

Habang nakatayo si Adira ay biglang nag-ingay ang tiyan niya. Naalala niyang hindi nga pala natuloy ang pagkain niya ng umagahan dahil hindi agad dinala ang dapat sana niyang kakainin bago pa umalis ng palasyo.

Pasimple siyang napahawak sa tiyan niya. “Hindi ba nila pinapakain ang kawal nila sa tuwing may ganito na halos abutin na ng hapon na nasa labas at hindi kumakain?” tanong niya sa isip, pero hindi niya na din natiis kaya nagsalita siya kahit hindi humaharap sa mga katabi niyang kawal. “Puwede ba akong magtanong?” saad niya pero wala agad sumagot, pero ilang saglit pa ay biglang nagsalita ang kawal na nagbigay ng palusot kanina kay Dylan.

“Ano iyon, binibini?”

“Sa ganitong pagkakataon hindi ba kayo kumakain?”

“Ang ibig mo bang sabihin ay kumain dahil oras na ng pagkain ng tanghalian?”

“Oo.”

“Sa tuwing lalabas kami ng palasyo ay kumakain na kami ng marami na ang dami ay pagkain na namin hanggang hapunan.”

Bahagyang napanganga ang bibig niya sa sinabi nito. “Bakit naman ganon?”

“Dahil kami ay isang kawal. Hindi maaaring mawala ang aming pokus kay Prince Dylan at sa kasama nito maging kay King Stephen. Kung kami man ay kakain ‘yon ay kung naglalakbay pa lang kami habang nakasakay kami ng kabayo, isang malaking tinapay.”

Napangiwi siya. “Ang hirap naman pala maging kawal dito, bukod sa hindi puwedeng mawala ang pokus sa prinsipe napakabigat at ang hirap gumalaw sa suot ko ngayon,” reklamo niya sa isip.

Lumipas ang isang oras at lumabas na din sa karinderya sila Prince Dylan at dahan-dahan na lumakad paalis sa pamilihan doon, pero pumunta naman sila Prince Dylan at Princess Francesca sa ilalim ng malaking puno at mukhang doon nila balak kilalanin ang isa’t-isa. Sila Adira naman ay huminto lang sa hindi kalayuan sa kanila.

Lumakad siya ng ilang hakbang palayo sa mga kawal dahil puwede na silang magpahinga at umupo dahil halos sila lang ang nandoon sa lugar na iyon kaya kampante na din ang ibang kasama niya.

Sa pag-upo niya sa isang malaking bato habang nakatulala sa kawalan dahil nalipasan na siya ng gutom ay biglang may nagsalita sa likuran niya. Hindi siya lumingon at nanatiling nakatingin sa harapan niya.

“Mukhang napagod ka, kawal?” Hindi siya nagsalita at hindi din gumalaw.

Napakunot naman ang noo ni Prince Franco sa kawal dahil hindi ito sumagot. “Maging ang boses mo ay napagod na din ata dahil hindi mo ako mabigyan ng sagot?” Humakbang ito at umupo sa tabi ni Adira.

Dahan-dahan naman siyang humarap sa kabilang direksyon para ang makikita lang sa mukha niya ay ang suot niyang parang helmet sa ulo.

“Hindi mo ba sasagutin ang tanong ko?” tanong na naman ni Prince Franco.

Napabuntong-hininga siya. “Hindi talaga siya titigil sa pagtatanong,” saad niya sa isip. Nakakita siya ng isang payat na kahoy kaya ginamit niya ‘yon sa pagsusulat sa buhangin at sinulat ang, “Nagkaroon naman kami ng pahinga kaya okay lang ako, mahal na prinsipe.” Ang tagal niyang sinulat ang sagot niya dahil sa isang salita na kailangan niyang burahin para sa kasunod na salita.

“Kaya pala ayaw mo akong sagutin kanina ay dahil hindi ka makapagsalita.”

Tumango naman siya at hindi muna binitawan ang hawak niyang manipis na kahoy.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 65)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.