Ang Laban ni Faith (Unang Kabanata)

Taong 1989

Dahan-dahan kong idinikit ang aking mga daliri sa itim at puting mga piyesa ng piano. Nakatingin lang ako sa aking mga kamay nang simulan kong tugtugin ang panimula ng kanta.

“I love the Lord.” Isinabay ko ang pagkanta sa banayad na tugtog ng piano. Marahan lamang at malambot ang aking tinig. “He is filled with compassion.”

Lumingon ako sa aking kanan habang patuloy na tumutugtog. Halos hindi kumukurap ang mga matang nakatingin sa akin ngayon kaya pigil ang aking ngiti habang kumakanta. “He turned to me on the day that I called.”

Kahit tumanda siguro ako ay hindi ko pagsasawaang pagmasdan ang mga inosente nilang mukha. Mabagal ang ritmo ng kantang ito kaya’t masarap pakinggan sa tainga. “From the snares of the dark, oh Lord save my life, be my strength.”

Hindi rin napigilan ng mga nanonood sa akin ang mabagal na paggalaw ng mga ulo nila na tila ba sinasabayan ang malamyos na tono ng kanta.

“Gracious is the Lord and just…” Biglang may sumabay na matinis na boses sa aking pagkanta kaya napakurap-kurap ako. Lumaki ang ngiti ko nang makilala iyon.

Si Yna. Walong taong gulang, maganda kahit na matinis ang boses na madalas pa ay nawawala sa tono. Ngunit kahit na ganoon ay hindi talaga ito napipigilan sa pagkanta.

“Our God is mercy, rest to the weary,” patuloy na pagkanta naming dalawa. Tumatango-tango ako sa kanya, tanda na nais kong ipagpatuloy niya ang pagkanta. Sa tingin ko’y lalo siyang ginanahan dahil nilakasan niya pa ang kanyang boses.

Nang matapos ko ang kanta ay nagpalakpakan ang mga bata. Ang iba’y nilalakasan pa ang pagpalakpak upang mapansin ko. Inilagay ko ang aking dalawang kamay sa puson habang nakaupo sa harap ng piano. Nilingon kong muli ang mga batang nakaupo sa sahig ng seminar house.

“Sister Peyt, ang ganda po ng boses niyo!” Nginitian ko si Pinpin, ang batang pinakamaliit sa kanilang lahat at bukod-tanging may nangingitim na ngipin. Kung paano niya bigkasin ang pangalan ko ay nakakagigil, nasilip ko tuloy ang maitim niyang ngipin dahil nilakihan niya ang ngisi. Pinigilan ko ang sarili na matawa kaya nauwi sa hagikhik.

“Alam niyo ba kung sino ang nagbigay sa akin ng magandang boses?” nakangiting tanong ko. Narindi ako nang sabay-sabay silang sumagot ng pasigaw.

“Si Papa Jisas!”

“Si Jisas!”

“Si Papa Lord!”

Kaagad kong inilagay ang isang daliri sa labi, senyas na pinapatahimik ko sila. May prayer meeting ang mga opisyal ng simbahan at mga kasamahan kong madre sa kabilang building. Kaya ako muna ang nag-asikaso sa mga batang kasama namin mula sa orphanage.

“Shhh, quiet lang tayo ha. Magagalit si sister Fatima sa atin, sige kayo,” pananakot ko pa sa kanila kaya agad silang nanahimik.

Si sister Fatima ang kasama kong madre sa tuwing may activity ang mga bata. Kaming dalawa rin ang sabay na tatanggap ng final vows namin sa susunod na buwan. Siya ang panakot ko sa tuwing may pasaway sa mga bata, nanenermon kasi siya at minsan ay nagbibigay ng parusa sa mga pasaway.

“Si Jesus Christ, sister!” pabulong na sambit ni Fita. Siya ang pinakamatanda sa kanilang lahat. Twelve years old at masipag sa lahat ng gawaing-bahay. Hanggang balikat lang ang buhok niya dahil pawisin. Hindi ko nais na putulin ang buhok niya rati ngunit panay ang reklamo niya sa damit na kapag piniga ay may tutulong tubig na dulot ng kanyang pawis.

Tumango ako kay Fita. “Oo, ang Panginoon natin. Si Jesus Christ,” sabi ko. “Binigyan Niya tayo ng kanya-kanyang talento upang magbigay puri sa Kanya. Tulad ni Diane, may talento siya sa pagsasayaw,” patuloy ko sabay turo sa batang nakatali ang hanggang baywang na buhok. Ten years old na siya, maputi at makinis ang balat. Ang alam ko ay may lahi ito.

“Kaya naman, tandaan niyo na kapag nalaman niyo na kung ano ang talentong mayro’n kayo, gamitin niyo ito upang purihin ang ating Panginoon. Huwag ninyo itong gamitin sa iba pang bagay kung saan alam niyong hindi magagalak ang Panginoon dito,” pangangaral ko sa kanila. Tumango-tango ang ilan. Ngumiti na lamang ako kahit na hindi sigurado kung naintindihan nga ba nila ang sinabi ko.

“Sister Peyt, pwede po ba akong tumugtog diyan?” tanong ni Yna sa’kin. Sinulyapan ko ang piano na nasa harapan ko at muling ibinalik ang tingin sa kanya.

“Hindi kasi ito sa atin, Yna. Sa simbahan ito rito. Baka makasira tayo, alam mo namang mahal ito.” Kalmado kong saad ngunit may kiming ngiti sa labi. Ngumuso si Yna dahilan upang pagtawanan siya ng mga kasama, sa pangunguna ni Pinpin.

Tuwing nasisilayan ko ang kanilang mga mukha, naaalala ko ang aking karanasan noong ako ay musmos pa lang.  Mahirap ang aking pamilya ngunit pinalaki kami ng aming magulang na may pananalig sa Panginoon.

Naalala ko ang panahon kung kailan sinubok ang tatag ng pamilya namin at doon ko napatunayan na ang Diyos ay gumagalaw kahit na tahimik lang Siya.

Agosto 2, 1972. Malakas ang bugso ng hangin at malala ang kalagayan ng Barangay Poblacion, Baliuag dahil sa hagupit ng bagyong Siritsit. Isang linggo na nitong pinupuno ang aming tahanan dahil sa hanggang baywang na baha. Hindi kami makapagluto ng pagkain dahil lahat ng kahoy at uling ay nabasa na ng baha. Wala rin kaming mapaglutuan dahil sa hangin na tumatangay sa apoy na sinusubukan naming sindihan. 

Sa huling araw ng pagbuhos ng ulan, makulimlim na ang kalangitan kahit na ala una pa lang ng hapon. Kakapasok lang ni tatay sa bahay naming kaunti na lang ay masisira na ng bagyo. Basang-basa si tatay at may hawak na pulang supot na sa tingin koy pagkain ang laman. Tinanggal niya ang suot na salakot sa ulo na wala rin namang silbi dahil sa malakas na buhos ng ulan.

“Nardo! Saan ka ba nanggaling ha?” bulyaw ni nanay Elena sa aking tatay. Dinuduyan ni nanay ang nakababata kong kapatid na si Hope. 

“Len, babalik ako sa barangay hall. Ang daming bangkay na nakita ro’n. H’wag niyo na akong hintayin mamayang gabi, tutulong ako sa paghakot ng mga namatay.” Binuksan ni tatay ang kahon na nasa ibabaw ng aparador naming kinain na ng tubig. Naghubad din ng pang-itaas si itay saka kumuha ng bago na mahaba ang manggas.

“Hindi ka ba natatakot na matulad sa kanila, Nardo? Nasisiraan ka na ba? Paano kung malunod ka? Ano na lang ang gagawin namin ng mga anak mo kung mamatay ka? Aalis na tayo mamaya, lilikas na tayo tapos aalis ka?”

Nakakarindi ang pagmamakaawa at pagsigaw ni inay ngunit tila bingi si tatay na umalis ng bahay. Hindi siya nakinig kay nanay na ang tanging nagawa ay tumangis sapagka’t hindi niya rin kami maiwan-iwan.

Tumila na ang ulan nang sumapit ang alas otso ng gabi ngunit huli na dahil umabot na hanggang leeg ang tubig ng baha. Kami ay lumikas na rin sa bukid ng aming tiyahin. na hindi kasama si tatay. Halos mabaliw ang nanay ko sa pag-aalala kung napaano na siya lalo na’t ibinalita sa amin ng mga rescuer na tinangay ng baha si tatay nang maputol ang lubid na nagdudugtong sa kanya at sa isang puno upang sagipin ang batang nalunod.

Dumating ang mga tanod na siyang tumutulong sa rescuer, nakita nila ang katawan ni tatay ngunit naghihingalo na siya. Sinusubukan nila na siya ay sagipin ngunit nakakahilakbot ang hitsura niya. Basang-basa, maputla ang labi, nangingitim na ang kamay at paa na tila sinasabayan ang kulang ng maambon na kalangitan.

Habang ang nanay ay tumatangis, ako naman ay nanatili sa loob ng isang purok kung saan may maliit na altar ng birhen. Ang mga matatanda ay nagrorosaryo habang ako ay tahimik na umiiyak. Wala kaming ibang libro sa bahay maliban sa bibliya. Iyon ang binabasa ng aking ina sa amin bago matulog.

Ipinikit ko ang aking mata at pinagdikit ang mga palad. Nagdasal ako ng taimtim sa Panginoon. Sinambit ko ang Kanyang ngalan at hiniling ang kaligtasan ng aking tatay. Hindi ko malilimutan ang sandaling iyon. Tumaas ang aking balahibo at naramdaman ko ang kakaibang kaginhawaan. Tila ba nawala ang lahat ng takot at pag-aalala na hindi ko masabi-sabi.

Nabalot ako ng hiwaga ng kapayapaan na ang Diyos lamang ang nakakagawa. Walang anu-ano’y biglang umubo si itay at doon nanumbalik ang kanyang kulay. Himala ang naging simula ng aking pangarap na maging bahagi ng simbahan bilang madre.

Bumukas ang pintuan sa likod ng mga bata at pumasok si sister Fatima. Mas matanda siya sa akin. Dalawampu’t pitong taong gulang pa lang ako at apatnapu’t limang taong gulang na siya. Katulad ko ay nakasuot din siya ng puting veil at puting damit ng madre. Matangos ang ilong ni sister Fatima. Malusog din siya ngunit mahinhin kung gumalaw.

Nginitian ko siya saka tumayo. Tiningnan ko ang suot na relo. Oras na pala.

“Tara na sa simbahan. Magsisimula na tayo,” aniya saka binaling ang tingin sa akin. “Ako na ang bahala sa mga bata, sister Faith. Sumunod ka na lang mamaya,” bilin niya sa akin. Tumango ako bilang sagot.

Panay ang bulungan ng mga bata habang papalabas sila na siyang nagpangiti sa akin. Alam nilang hindi sila maaaring sumigaw o mag-ingay ng sobra dahil malalagot sila kay sister Fatima.

Napahinga ako ng malalim. “Nakaka-miss ang mga bata. Sana ay mababait ang kumupkop sa kanila,” nasabi ko sa aking sarili.

Inalala kong muli kung bakit kami nandito.

Mula sa Sta. Ana Orphanage ay dinadala namin ang mga bata sa iba’t ibang parokya sa lungsod. Ito ang naging patakaran ng orphanage simula nang pumanaw ang dating namamahala roon na si Mother Antonia.

Sa bawat parokya ay maaaring mag-fill up ang mga mag-asawa na legal na ikinasal sa simbahan na nais mag-ampon. Kung aabot ng labinlima ang mga mag-asawa ay pupuntahan namin ito kasama ang mga bata.

Tulad na lang ngayon. Umabot ng dalawampu ang mga mag-asawang nais mag-ampon dito sa San Jose Parish. Hindi pa naman nila iuuwi ang mapipili nilang bata, kung may napili na sila ay kailangan nilang bumisita sa orphanage at doon namin gagawin ang mas pormal na proseso ng pag-aampon.

Nilingon ko ang piano sa aking gilid. Nilapitan ko ito upang ibaba ang takip sa teklado. Matapos ay lumabas na ako ng seminar house at naglakad-lakad.

Nakita ko ang maliit na puwesto kung saan nagtitirik ng kandila ang mga tao. Sa gilid nito ay may kayumangging mesa kung saan nakalatag ang mga kandila iba’t iba ang kulay.

May lalaking nagmamadaling lumapit sa akin. Matangkad ngunit payat, kayumanggi ang balat at may magulong buhok.

“Uy, sister! Magtitirik po ba kayo ng kandila? Kuha lang po kayo d’yan! Libre na po para sa inyo,” nangingiting sabi nito sabay lahad ng kamay sa mga nakalatag na kandila. Napansin niya siguro na isa akong madre dahil sa kasuotan ko.

Nginitian ko siya. “Binebenta mo ba ‘to?” tanong ko. Tumango naman siya sa’kin.

“Medyo bata pa po yata kayo, sister?” Panay ang tingin niya sa mukha ko. Nang mapansin niya na tinititigan ko siya ay napakamot siya ng ulo. “Pasensiya na ho, hindi kasi ako sanay na makakita ng madre na medyo bata pa.”

“Ayos lang. Twenty-seven pa lang din naman ako.”

“Talaga, sister? Ilang taon po pala kayo no’ng pumasok kayo sa pagmamadre?”

“Eighteen pa lang.” Kinuha ko ang puting kandila saka tumingin sa kanya. “Salamat ha,” nakangiting sabi ko bago lumapit ako sa malaking krus na nakadikit sa dingding. Nasa ibaba nito ang pinagtitirikan ng mga kandila.

Taimtim akong nagdasal para sa mga batang mapipili, para sa mga magulang na makakapili sa kanila, at para sa pagiging ganap na madre ko sa susunod na buwan.

Matapos ng aking dasal ay saglit ko pang tinitigan ang mga santo na nakahilera sa magkabilang gilid ng malaking krus.

Nang makuntento ay tumalikod na ako para sumunod na sa simbahan ngunit napatigil ako dahil sa lalaking nagbebenta ng mga kandila.

Nakaupo na siya sa upuang yari sa kahoy, hawak-hawak ang ulo na tila may mabigat na problema. “May problema ka ba?” tanong ko dahilan upang mapaayos siya ng upo.

“Lahat naman po siguro tayo meron, sister,” nag-aalanganing sagot nito kahit pa nakangiti.

“Totoo.. pero alam mo, kung meron kang problema, alalahanin mong may Diyos ka rin.”

Ngumiti ako sa kanya kahit pa sumeryoso bigla ang mukha niya.

“Paano kung ang taong malapit sa’yo ay gumagawa ng hindi maganda, sister? Ano kaya ang gagawin mo?”

Sa tingin ko ay ito ang problema niya.

“Nagi-guilty ka ba sa kasalanan ng iba?” tanong ko. Hindi siya makasagot. “Dasal ang sagot d’yan, hijo.”

Pinanood ko siyang tumango at kumuha ng isang kandila. Lumapit siya sa pinagtitirikan ng kandila. Natutuwa akong makita na malambot ang puso ng binatang ito. Kung ano man ang kanyang pinagdadaanan, sigurado akong panalangin ang sagot dito.

Nagpayo ako sa ibang tao ngunit hindi ko inakalang ang pinagdadaanan niya ay mangyayari rin pala sa akin.

 

Next to: Ang Laban ni Faith (Ikalawang Kabanata)


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Ang Laban ni Faith (Unang Kabanata)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.