Angel Vs. Demon – Twenty-Three

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

Twenty-Three

“Salamat sa paghatid, Alladin.” Ngumiti ito at saka bumaba ng sasakyan.

“Sigurado ka bang ayos ka lang diyan mag-isa?” tanong ko.

“Oo, mamaya naman uuwi na rin ‘yong dalawa. Baka napasarap lang ang sayaw at kwentuhan,” sabi nito. Bakas naman sa itsura nito ang lungkot na hindi ko alam kung paano papawiin. Tiyak kong mag-aalala si Genie kung siya ang nakakakita ng itsura ni Heaven ngayon.

“Sige, mauna na ako. Matulog ka na at huwag mo na silang hintayin,” sabi ko bago pinaandar ang sasakyan. Nakita ko pa na kumaway ito bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay.

Kaagad akong umuwi ng bahay habang naghihintay ng tawag ni Genie. Hindi ako mapakali lalo na at alam kong alam ni Hell kung paano kokontrolin si Genie. Nagtungo ako sa banyo at naghilamos upang mahimasmasan ngunit hindi iyon nakatulong. Kaagad akong lumabas at kinuha ang susi ng kotse at kaagad na nagpasyang hanapin ang dalawa ngunit palabas pa lang ako ng bahay nang makita ko ang pigura nang dalawang naglalakad patungo sa direksyon ko.

“Genie!” Kaagad ko siyang sinalubong matapos kong mapagsino ang isa.

“Inihatid ko siya ng ligtas dito, Alladin kaya wala kang dapat na ipag-alala.”

“Salamat,” sabi ko. Kaagad kong inilayo rito si Genie at ngumiti lang ito.

“Pero, masakit ang suntok mo,” at sa mga katagang iyon ay walang sabi-sabi niya akong sinuntok sa mukha at dahil sa sorpresa ay hindi ako nakailag at kaagad tinamaan ang aking panga. Kaagad namang lumapit sa akin si Genie ngunit hinawi ko siya at nagsimula ng pag-atake. Kaagad kong pinakawalan ang aking kamao patungo sa sikmura ni Hell ngunit nailagan nito at sa hindi inaasahang pangyayari ay nagulat kaming dalawa ni Genie nang inilahad nito ang kaliwang palad at padulasin ang kanang kamay mula sa kaliwa patungong kanan at nanlaki ang mga mata ko nang magliwanag iyon ng kulay asul at lumabas ang isang espada.

“Hell!” Napasigaw si Genie nang makita iyon. Kaagad itong lumapit sa akin ngunit pinigilan ko siya.

“Are you surprised?” nakangising tanong ni Hell.

“Paano napunta sa’yo ‘yan?” nakakunot ang mga noong tanong ko,

“Bakit? Ikaw lang ba ang may karapatang gumamit nito?” Ibinaba nito ang kamay na may tangan ng espada at nilingon si Genie. “Genie, hindi ka ba nagtaka kung bakit alam ni Alladin ang tungkol sa espadang ito?”

Napalingon naman si Genie sa akin na puno ng tanong sa mga mata.

“Tutal hindi mo rin naman masabi, hayaan mong ako na ang magkwento.” Iwinasiwas ni Hell ang espado at diretsong itinuro sa direksyon ko. “Pero hindi magiging masaya kung basta ko na lang sasabihin kaya naman, maglaro muna tayo.”

Kaagad iwinasiwas ni Hell ang espada sa harap ko at sa pag-ilag ko ay tumama ang dulo nito sa sahig. Ikinayod niya pa itong muli bago muling iwinasiwas sa direksyon ko at sa pagkakataong iyon ay naglabas na ito ng mga mumunting kidlat na gumuhit sa sahig patungo sa aking direksyon. Kaagad ko iyong iniwasan upang hindi tumama sa akin ngunit nalinlang ako ni Hell nang tumama ang likod ng espada sa aking likuran dahilan para tumalsik ako patungo sa pwesto ni Genie.

“Hell! Tama na!” pakiusap ni Genie. Kaagad itong lumuhod at inalalayan akong tumayo.

“Genie, paano mo naaatim na hawakan ang taong pumatay kay Sigfrid?”

Tila nanigas ako sa aking kinatatayuan nang marinig iyon mula kay Hell.

“A-anong pinagsasabi mo, Hell?” naguguluhang tanong ni Genie.

“Kaya alam ni Alladin ang tungkol sa espadang ito, dahil ito mismo ang espadang ginamit niya sa pagpatay sa pinakamamahal mo.” Tumawa ito nang malakas at kaagad na sumulpot sa harap ko.

“Alladin…”

“Genie, huwag kang ma—” magsasalita pa lang sana ako ngunit kaagad nang pinutol iyon ni Hell at muli akong ginamitan ng espada kaya tumilapon akong muli palayo kay Genie.

Dahan-dahan akong bumangon kahit ramdam ko na ang buong sakit ng katawan dulot ng mga pag-atake ni Hell na hindi ko man lang madepensahan. Muli, ay biglang sumulpot si Hell sa aking harapan at akmang titirahin ulit ako ng espadang hawak niya ngunit nasalag ko iyon ng aking braso at kaagad siyang sinuntok nang malakas. Napaatras naman si Hell ngunit hindi roon nagtapos ang lahat dahil sa muling pagwasiwas nito ng espada ay nagpakawala na naman iyon ng mga boltaheng nagmumula sa mumunting kidlat na gumuhit sa sahig patungo sa direksyon ko.

“Alladin!”

Napalingon ako sa aking likuran at nakita si Genie na nakatayo roon. Dahil doon ay wala na akong nagawa at alam kong hindi na ako makakapagkaila pa. Wala na akong pagpipilian. Mas gugustuhin ko nang masuklam sa akin si Genie kaysa hayaan siyang mapahamak. Kaagad ko siyang nilapitan, binuhat at inilipad patungo sa ere.

“Alladin… sino ka bang talaga? Totoo ba?”

“Genie… mahal na mahal kita.” Mga salitang matagal kong ninais na sabihin sa kaniya at ngayon ay nagawa ko na.

Dahan-dahan kaming bumaba at kaagad naman siyang lumayo sa akin. Tinangka ko pang lumapit sa kaniya ngunit umiwas lang siya sa akin. Kasabay ng pagbagsak ng mga itim na balahibong nagmumula sa aking pakpak ay ang mga luha ni Genie na hindi maitatangging dahil sa akin.

“Hell, umuwi na tayo.” Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang lungkot habang sinasabi iyon.

“Masusunod,” sabi naman ni Hell kasabay ang pagyuko paglahad ng kamay nito.

“Genie… please…”

Wala na akong nagawa nang tuluyang abutin ni Genie ang kamay ni Hell at naglakad palayo sa akin.

***

Pabagsak akong sumubsob sa kama habang iniisip kung ano ang dapat na gawin. Kung maibabalik ko ang lahat sa tamang takbo nito ay tiyak kong makakabalik ako ng langit at patatawarin ako ng Diyos dahil sa kasalanang nagawa ko. Unti-unti ay bumalik ang mga alaalang pilit kong ikinubli…

“Tu…tulong…”

Nakatingin lang ako sa duguang katawan ni Sigfrid habang pilit nitong inaabot ang aking paanan.

“Malapit ka ng mamatay. Nakikita mo na ako.” Binunot ko ang espada mula sa aking tagiliran at walang pag-aalinlangang itinarak ito sa kaniya. “Hayaan mo at aalagaan ko si Genie.”

Nilingon ko si Genie, inilabas sa sasakyan at tumawag ng ambulansya. Ilang sandali pa ay ang pagsabog ng sasakyang lulan ng lalaking pinakamamahal ni Genie.

***

“Panginoon, ipinatawag ninyo raw po ako.” Nakaluhod ako habang nakayuko at naghihintay ng sasabihin Niya sa akin.

“Isang malaking kasalanan ang iyong ginawa. Sinira mo ang balanse ng mundo sa ginawa mong pagpaslang sa isang mortal dahil lang sa pag-ibig mo sa isang nilalang.”

“Patawarin ninyo ako, Panginoon. Ginawa ko lamang iyon dahil alam kong ilang minuto na lang ay doon din naman siya patutungo. Hindi ko na siya pinahirapan pa.”

“Hindi mo alam ang iyong winiwika, Gabriel. Hindi pa nakatakda ang paglisan ng lalaking iyon sa mundong kaniyang kinabibilangan. Dahil sa ginawa mo ay nagkaroon ng napakalaking pagbabago sa pag-ikot ng mundo. Magaganap na ang dapat maganap.”

“Panginoon, patawarin ninyo po ako. Handa po akong ayusin ang lahat ng gulong ginawa ko nang dahil sa kasakiman.”

“Ikaw ay aking parurusahan. Bibigyan kita ng sapat na panahon upang magdesisyon sa landas na tatahakin mo. Sana ay hindi ka magkamaling muli.”

Nagulat ako nang unti-unting bumuka ang mga ulap na kinaluluhuran ko at dahan-dahan naman akong nahuhulog doon.

“Panginoon!”

Kasabay nang pagbulusok pababa ay ang pagbabago ng kulay ng aking pakpak. Mula sa puting nakakasilaw ay napalitan ito ng kulay itim na nababahiran ng kadiliman. Bumagsak ako sa isang malawak na kapatagang walang kahit sinong nilalang ang naninirahan. Ikinubli ko ang aking pakpak at naglakad ako ng naglakad ng ilang araw at doon ko naramdaman ang pagbabago sa aking katawan. Nakakaramdam na ako ng gutom at uhaw at pakiramdam ko ilang sandali pa ay bibigay na ang aking katawan. Hanggang sa hindi ko namamalayan ay napadpad na pala ako sa siyudad. Nababanaag ko ang bawat tingin ng tao sa aking hubad na katawan kaya minabuti kong maghanap ng pansamantalang kasuotan. Sakto namang napadaan ako sa isang bahay na may mga nakasampay na damit. Kaagad kong kinuha iyon at isunuot sa akin. Alam kong panibagong kasalanan na naman iyon ngunit wala na akong pagpipilian. Naupo ako sa isang sulok at pinagmasdan ang lalaking nakaupo rin sa aking tabi at nanghihingi ng limos. Maya-maya pa ay may lumapit na isang matandang babae sa akin na may tangang isang pusang kulay puti at kinausap ako.

“Anong pangalan mo?” tanong nito.

“Pangalan?” Pilit kong inisip ang aking pangalan ngunit wala akong maalala na kahit na ano.

“Mukhang may amnesia ka. Ako nga pala si Lucia at eto ang aking alagang si Genie.”

Wala akong maalalang kahit ano ngunit nang marinig ko ang pangalang iyon ay tila may kung ano sa aking puso na nang-uudyok na hanapin ito.

“Genie? Tama. Kailangan kong makita si Genie.”

Tumingin ako sa ginang na animo’y matagal ko na itong kilala. Nakikiusap ang mga matang sana ay matulungan niya ako.

“Tutulungan kita kung sasama ka sa akin,” sabi nito.

“Sasama ako.” Walang pag-aalinlangang tugon ko. Tumayo ako at ganoon din siya.

Ngumiti ito at tila pansamantalang nag-isip.

“Alladin…” sabi nito.

“Alladin?” naguguluhan kong pag-uulit sa sinabi nito.

“Iyon ang ipapangalan ko sa iyo. Mula ngayon ikaw na si Alladin. Ang nag-iisang anak ni Lucia.”

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Angel Vs. Demon – Twenty-Three

2 Responses

  1. Astig…so anghel nga SI Alladin pero nd siya Ang epal na anghel o siya? Ano ba otor hahahaha well basa nalang aq pero napakaloko niya sadja palang pinaslang niya SI sigfrid nun tsk so next chap hahaha

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.