Twenty-One
I saw her, standing straight at the balcony. Looking at the birds flying around the blue skies. Puno ng lungkot ang kaniyang mga mata habang sumasabay sa ihip ng hangin ang kaniyang mahabang buhok. Isang buwan na ang lumilipas mula nang magdesisyon siyang umiwas kay Hell. Isang buwan na rin kasi ang lumilipas mula nang magising ito na walang naaalala. Masakit para kay Heaven na tanggapin ang katotohanang ginawa niya ang lahat para iligtas ang lalaking pinakamamahal niya ngunit ang pagmamahal naman nito ang naging kapalit at mas lalong masakit kay Genie dahil pakiramdam niya ay wala siyang magawa para ibalik sa normal ang lahat lalo na sa panahong hindi niya aakalaing magugulo ang lahat sa kanilang tatlo.
“Alladin, wala ka bang balak na umuwi?” tanong niya habang nananatiling nakatingin sa kalangitan.
“Pinapaalis mo na ba ako?” tanong ko naman.
“Hindi naman sa ganoon. Naiisip ko lang kung paano ka nabubuhay? Wala ka bang trabaho or business? All this time kasi, nakabantay ka lang sa akin. Dinaig mo pa ang bodyguard.” Narinig ko pa ang pagbuntong-hininga niya bago humarap sa akin. Lumapit naman ako sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat.
“I’m a stalker of you, Genie and I love to be in your company. Masaya na akong nakikita kang safe.” Hinawakan ko ang kaniyang mga kamay at pinisil iyon. “If revealing the truth will make you safe, hindi na ako magdadalawang isip pa.” Mga salitang sa isip ko na lang nasabi.
“Bakit mo ba ito ginagawa? You are not paid to be my bodyguard. You don’t have to protect me all the time.” Ramdam na ramdam ko kung paano siya mahiya sa akin. Halos hindi niya magawang tumingin ng deretso sa mga mata ko.
“I love doing this at wala naman sigurong masama roon?” Ngumiti na lang ako para kahit paano ay mapalagay siya. Ang tagal na kasi naming nagkakasama tapos ngayon pa siya mahihiyan.
“Thank you, Alladin. I really appreciate it all. Hindi ko na alam kung paano ka susuklian,” sabi niya at niyakap ko na lang siya para pagaanin ang loob niya at mukhang nabigla naman siya sa ginawa ko.
“Just stay, Genie, that’s all I want,” sabi ko.
“Okay,” at naramdaman ko na lang ang mga braso niya sa aking likuran.
Mahinang mga katok ang naging dahilan para mapabitiw kami sa isa’t isa. Lumapit siya sa pintuan ng silid at kaagad na pinihit ang seradura ng pinto.
“Genie, kakain na tayo,” nakangiting sabi ni Heaven. Hindi alintana sa itsura nito ang lungkot. Lagi itong nakangiti at masigla. Ngunit sa kaibuturan ng aking puso ay nararamdaman ko ang sakit at lumbay sa puso nito lalo na at hindi man lang nito magawang lumapit sa lalaking pinakamamahal.
Ngumiti lang si Genie at sumunod na rito. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkabalisa lalo na sa tuwing makikita si Heaven. Nang mga nagdaang araw ay napansin niya ang pagiging attached ni Hell sa kaniya at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay parang may kung ano sa mga titig at galaw nito. Hindi man sabihin ni Genie ng diretso ay alam kong nararamdaman niya rin iyon.
“Alladin, may problema ba?” tanong ni Genie nang mapansin ang pagiging tahimik ko.
“Wala naman, may naalala lang.” Ngumiti na lang ako sa kaniya nang mapansin ang pag-aalala sa ekspresyon ng kaniyang mukha.
Kasabay ng pag-upo namin ni Genie sa harap ng hapag ay ang saktong pagsulpot din ni Hell sa kusina.
“Hell, kakain na.” Nakangiting binati siya ni Heaven ngunit hindi ito pinansin iyon. Naupo lang ito sa tabi ni Genie at inabot ang pinggang may kanin.
Halos napipi kaming tatlo nang lagyan ni Hell ng kanin ang plato ni Genie at ganoon rin ng ulam.
“Hell, s-salamat. Kaya ko namang gawin ‘yan,” sabi ni Genie.
“O anong tinitingin tingin ninyo? Gusto n’yo lagyan ko rin kayo ng pagkain?” sarkastikong sabi nito.
“Hell…” sambit ni Genie sa mahinang tinig at hindi na rin naman nagsalita pa ulit si Hell.
Tahimik lang kaming apat habang nagpapakiramdaman. Ramdam ko rin sa bawat kilos ni Genie ang pagkabalisa habang pasulyap-sulyap kay Heaven na kasalukuyang nakatitig lang sa pagkaing nakahain.
“Heaven, ayaw mo ba ng ulam? Ikaw pa naman ang nagluto niyan,”pambasag ni Genie sa katahimikan.
“Si Heaven pala ang nagluto. Masarap.” Nagulat pa kami nang biglang magsalita si Hell at dahil doon tila natuwa naman si Heaven kung kaya nagsimula na itong kumuha ng kaniyang pagkain.
Lumipas ang maghapon na umiiwas si Genie kay Hell. Kahit hindi niya iyon sabihin ay kita naman sa bawat paggalaw niya. Kapansin-pansin rin kasi ang pagsunud-sunod ni Hell sa kaniya at ganoon na lang din ang pag-iwas ni Heaven na makita ang sitwasyon nilang tatlo.
“Heaven, gusto mo bang sumama na mamasyal mamayang gabi? Kasama ko si Alladin, pupunta kami ng Padis,” yaya ni Genie sa kaibigan. “Hindi ba Alladin?” Siniko niya pa ako kapagkuwan upang sumang-ayon sa kaniya.
“Oo nga, Heaven. Minsan lang naman,” sagot ko.
“Sasama ako.” Napatingin na lang kaming tatlo nang biglang sumingit sa usapan si Hell. “Hindi ako mapapalagay na kasama mo si Genie nang kayong dalawa lang. Baka kung ano pa ang gawin mo sa kaniya.”
“At ano naman ang gagawin ko kay Genie?” tanong ko.
Lumapit naman sa akin si Hell bago muling may ibinulong sa aking tainga.
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig iyon ngunit minabuti ko na lang na huwag magsalita dahil alam kong makakaapekto iyon ng labis kay Genie at Heaven. Ngunit hanggang kailan? Hanggang kailan ko nga ba mapoprotektahan si Genie at makokontrol ang sitwasyong malapit nang mabunyag.
“Sige, Genie. Sasama na ako.” Ngumiti si Heaven pagkasabi noon.
Sakto alas otso nang marating namin ang Padis. Nakaagaw naman kaagad ng atensiyon ng iilang si Hell. Bukod kasi sa gwapo ito ay may katawan rin naman itong masasabi. Idagdag pa ang itsura nitong may pagkasuplado at mga matang animo’y nanlilisik. Sa kabilang banda naman ay ang presensiya ni Heaven. Tila naiilang pa ito habang pinagmamasdan ang ilan sa mga naroon na tumitingin sa kaniya kaya napakapit na lang ito kay Hell nang hindi nito sinasadya.
“S-sorry,” sabi nito nang mapansin ang pagkairita ni Hell.
Kaagad naman kaming nakahanap ng mapupwestuhan at naupo roon. Tumayo naman ako saglit at kinuha ang mga gusto nilang order-in bago ako nglakad sa harap ng bar counter at iniwan silang tatlo.
Mula sa bar counter ay tanaw na tanaw ko ang ginawang pagdikit ni Hell kay Genie at ang pag-iwas nito kay Heaven. Naiintindihan ko ang nararamdaman ni Genie dahil kung ako man siya ay mababalisa rin ako. Si Hell na walang ginawa kung hindi ilagay lagi sa panganib si Genie, ngunit ngayon ay napakalaki ng ipinagbago nito.
Nang makabalik na ako ay kaagad naman akong lumapit kay Genie at hinawakan ang kamay niya.
“Tara sayaw tayo, Genie.” Hindi naman tumanggi si Genie at kaagad na sumama sa akin sa gitna ng nakararami.
Kasabay ng bawat tugtog ay ang pagindayog ng kaniyang katawan. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko sa bawat ngiting iginuguhit ng kaniyang mga labi. Eto kasi ang unang pagkakataon na makasama ko siya sa ganitong klaseng lugar. Hindi naman sa hindi ako nagpupunta rito subalit ang makasama ang babaeng pinakamamahal ko rito ay walang katumbas na saya.
“Genie, salamat at pinagbigyan mo ako,” sabi ko sa pagitan ng kaniyang mga tainga kasabay ng ngiti.
“No worries, Alladin. Salamat din at kahit paano napanatag ako sa panandaliang paglayo sa akin ni Hell. Kasi naman pakiramdam ko ay nasasakal ako sa ginagawa ni Hell. Hindi ko na siya maintindihan,” sabi niya.
“Ayaw mo no’n, hindi na pagtatangkaan ni Hell ang buhay mo. Malaya ka na sa takot sa kaniya.”
“Anong malaya? Mas natatakot ako ngayon sa ikinikilos niya.” Huminto siya sa pagsayaw bago muling nagsalita “C.R. lang ako. I’ll be back.”
Sakto naman ang pag-alis ni Genie ay ang pagpapalit ng tugtog. Bumalik na lang muna ako sa pwesto namin at tanging si Heaven lang ang naabutan ko roon. Tahimik lang ito at umiinom ng ladies drink na inorder nito.
“Nasaan si Hell?” tanong ko.
“Hindi ko alam, wala namang sinabi,” tugon nito at sa mga sandaling iyon ay naramdaman ko na lang ang kakaibang kaba na bumalot sa aking buong katawan.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
Nakanang… Mukhang magkakaroon pa ng love quadrilateral ang grupo nila 😲😂
Kawawa naman si Heaven. But if their love is true then she and Hell will get through yheir situation.
Good luck kay, Genie. Mukhang may secret pa itong si Alladin.
Hahaha sumunod si hell Kay genie sa cr at dun kiniss na siya ni hell bwahahaha okay next chap hahaha