Baryo Tahimik (Chapter 7) Paghabol sa Kalayaan

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

NAGLALAKAD NA pauwi ang dalawang makulit na paslit. Pinag-uusapan nila ang kanilang mga natuklasan sa kakaibang pamilihang kanilang nasilayan.

“Elena, karne kaya ng tao ang mga itinitinda roon?” tanong ni Abel.

“Hindi ko alam Abel…” tugon naman ni Elena.

“Mabuti naman at naisipan mong balikan pa ako Elena…”

Tumingin lang sa kanya si Elena.

ANG NANGYARI…

Sapo-sapo na ni Abel ang kanyang harapan. Malapit na kasi siyang maihi sa takot.

“Elena, nasaan ka na kasi, nakakatakot dito..”

Mas dumarami na ang tao sa buong lugar, maging sa sulok na kanyang kinukublihan na kanina lamang ay wala.

Takot na takot na si Abel dahil pakiramdam niya ay may bigla na lamang hahablot sa kanya at sabay sasagpang sa lalamunan niya.

Mas lalo pang nadaragdagan ang kanyang kilabot nang makitang ang bawat dumaan ay hinahagingan siya nang masamang tingin at mga labing panay pa ang ngisi. Kahit pa alam niyang ‘di talaga siya lubos na napapansin ng mga ito dahil sa kanyang bulsa-bulsang asin na may bulong ay nangangamba pa rin.

Ngunit ang sumunod niyang nakita ay talagang ikinatakot niya na.

“Ha? Ka— kamay ba ng tao ‘yon?”

Dumaan ang isang lalaki sa kanyang harapan na may bitbit na kabiyak ng isang dibdib ng tao na may isang buong braso pang nakakabit. Halos bumakas sa daanang lupa ang mga sariwa pang  dugong tumutulo mula rito.

“Aahaa.. Aah…”

Napaatras bigla si Abel nang huminto ang lalaki sa kanyang tapat.

“Naku po!”

Tila naamoy nito ang kanyang takot.

At…

“Aah!”

Nagtatakbong bigla si Abel palabas sa tagong sulok na kanyang kinukublihan. Wala siyang pakialam kahit pa may nakakabanggaan na.

“Elena nasaan ka?”

Halos umikot na ang kanyang paningin sa magulong paligid na kanyang tinatakbuhan, kahit pa natitisod at halos matumba na ay tuloy pa rin siya, ang mahalaga lamang para sa kanya ay makalayo siya sa pamilihan ng mga aswang.

“Haah.. Aah…”

Hindi niya na halos namamalayan kung saan na ba siya nakarating, maging ang paghanap kay Elena ay ‘di na niya pansin.

Takbong mabilis na nakayuko, iniiwasang siya ay may matitigan.

Hanggang sa…

“Ugh! Ano ba?”

“E—Elena!”

“Abel? Bakit ka tumatakbo?”

AT IYON na nga ang pangyayari kung paano silang nagtagpong muli.

“Ang sakit nga ng  pagkaka-untog mo sa akin Abel…”

Nagkabanggaan kasi silang dalawa sa pamilihan.

“Mabuti nga Elena at pareho tayo ng puwestong pinagtakbuhan eh, kung hindi siguro—malamang naluto na ako!”

Natawa naman si Elena sa sinabi ni Abel sabay may napuna rin ito.

“Bakit nga pala basa ang salawal mo?” tanong kay Abel.

Napahawak naman si Abel sa kanyang basang salawal at tila nahiya kay Elena.

“Haha! Naihi ka?”

Napapakamot pa sa ulo si Abel at ‘di makatingin nang diretso kay Elena.

“Oo, nakakita kasi ako ng kalahating katawan ng tao na may nakakabit pang braso, tapos buhay na buhay pa ang dugo..” sabi nito.

Biglang naging seryoso ang mukha ni Elena.

“Saan ka ba kasi nagpunta Elena?”

Huminto si Elena sa paglalakad at… “Sinundan ko ang matandang pumasok sa bahay natin Abel, iyong may kasamang aso, pero ‘di ko na siya inabutan.”

“Hindi ba nga sabi ni inay Laura na mahirap silang dikitan?”

Tumingin si Elena kay Abel at…

“Ngayon pa ba tayo matatakot Abel? Ngayong alam na natin kung saan sila matatagpuan?”

Hindi kumibo si Abel at napangiwi lang.

Tumuloy na ang dalawang bata sa kanilang paglalakad. Sa madadawag na talahib sila muling bumaybay.

“Hindi ko na alam ang daan pabalik Elena…”

“Sundan na lang natin ang mga damong pinatay natin kanina. Saka— umamoy-amoy ka na lang!”

Nagbubulungan pa ang dalawa habang hinahawi ang mga damo.

“Hindi ito gagana…”

“Bakit Abel? Kung kailan kailangan?”

“Natatakot kasi ako—at nagugutom pa!”

Napatingin lang nang masama si Elena kay Abel.

“Tara na nga! Papasakan ko ng karayom iyang ilong mo eh, kahit kailan talaga iyan!” Irap nito kay Abel.

At muli, sinesermonan na naman ni Elena ang nagugutom na si Abel.

ALAS-TRES ng hapon.

Dumadagundong na sa ingay ang buong pamilihan. Punong-puno ng usok ang buong paligid at matatakam kang talaga sa napakasarap na amoy ng inihaw na karne— na karne ng tao.

Isang napakahabang lamesa ang nakahanda, may mga bulaklak din at makukulay na mga palamuti.

Isang binyagan kasi ang magaganap. Kung iyong pagmamasdan ay masasabing ito ay ordinaryong pagtitipon lang din ng mga tao. Bukod nga lamang sa isang buong taong nakatuhog sa kawayan.

Isang matandang lalake ang kanilang inilitson. Nakatali ang mga kamay nito palikod at ang paa rin. Nakatuhog ang kawayan mula sa kanyang puw*tan na pinatagos sa b*nganga. Kahindik-hindik ang itsura kung isang ordinaryong tao lamang ang makakakita.

At isa na nga si Soraya na halos bumaligtad ang sikmura sa kanyang nakikita.

“Uwark! Uwaak!” Panay ang duwal nito habang nakasapo pa sa kanyang sikmura.

“Haah…”

Nakatingin lamang sa kanya ang iba.

“Subukan mo kasing tumikim ng aming pagkain para ‘di ka nagkakaganyan,” sabi ng isang babae.

Ngunit tiningnan lamang siya ni Soraya at dumura pa. “Pweh!”

Tila nainsulto naman ang babae.

Lumapit ito sa kanya at piniga ang kanyang mukha. “Sa susunod na pandirihan mo kami ay karne mo na ang aming titikman!”

Tinabig ni Soraya ang kamay ng babae at itinulak pa ito. “Eh di tikman ninyo! Sawang-sawa naman na talaga akong mamuhay ng kasama ang mga halimaw na tulad ninyo—lalo ka na, Concha!”  matapang na salita ni Soraya sabay layas.

Minsan ay matigas talaga ang loob ni Soraya at pumapalag siya sa mga umaalma sa kanya. Wala siyang pakialam kahit pa alam niyang kaya siyang saktan ng mga ito. Ang para sa kanya kasi ay mas gugustuhin niya nang mamatay kaysa ang habang panahong mamuhay na kasama sila.

At sa kanyang pananaw ay wala rin namang pakialam ang asawa na pinuno ng mga aswang na ito dahil isa lang naman siyang dating tagapagsilbi na napusuan lang at naanakan nito. Dahil kahit pa minsan ay ‘di niya naramdamang may halaga siya, bukod tanging ang kanilang anak lang na si Sonia ang kanyang tinitingnan.

Magkahalo na kasi ang dugo ng bata, at darating ang panahon na kanila na itong patitikimin ng karne ng tao na may kakaiba ring laway na ihinahalo upang masalinan ng kanilang pagka-aswang.

At isa pa rin iyon sa pinakaiiwasan niya. Mag-aapat na taong gulang na ang kanyang anak, dito inuumpisahang patikimin ng karneng may kahalong laway ng mga matatandang aswang sa kanila. Ngunit madalas namang iiwas ni Soraya ang anak, ayaw niya kasing malawayan nila ito at maging isang halimaw ding tulad nila.

Maya-maya ay inilabas na ang kanilang mga pagsasaluhan.

Iba’t-ibang putahe ang kanilang inihanda. Ngunit ang espesyal talaga sa lahat ay ang taong kanilang nilitson. Ito ang inilalagay sa pinakasentro ng lamesa.

Wala rin naman silang masyadong ipinagkaiba. Niluluto rin nila ang kanilang mga pagkain, iyon nga lang ay karne ng tao ang ginagamit nila.

Nakatakip pa ang kamay ni Soraya sa kanyang bibig habang pinagmamasdan ang mga abalang aswang. Ito ang pangalawang beses pa lamang na may handaang magaganap muli na kanyang dadaluhan. Ayaw niya talagang sumama sana ngunit kapag binraso na siya ng asawa ay wala na siyang tanggi pa. Kaya kahit ayaw ng sikmura niya ay pilit niyang kinakain ang masalimoot na tanawing isinusubo sa kanya.

“Maupo ka na…” sabi ni Elson na nasa kanyang likuran. Iniabot sa kanya ang kargang si Sonia at saka humugot ng upuan para sa kanya.

“Sa— sandali, may nakalimutan ako…” agad itong tumalikod upang maiwasan ang pagpigil ng kanyang asawa.

Naningkit na lamang ang mga mata ni Elson. Alam niyang umiiwas lamang ito sa muling pagpapakain sa kanya. Ngunit pinabayaan niya na lang din, alam niya naman kasing wala itong ibang pupuntahan. At naupo na lamang siya at itinuon ang atensyon sa handaan.

Nagmamadaling tumakbo si Soraya palayo sa pamilihan.

“Kailangan kong makalayo, ito na ang tamang oras para kami ay makaalpas ni Sonia, magiging abala ang lahat at makakatulog nang mahimbing dahil sa kabusugan.. Ahaa…”

Alerto ang mga mata habang tinatakbo ang daan papalayo sa pamilihan.

“Pupunta muna ako sa bahay ng dalawang bata, titingnan ko muna kung ligtas sila…”

“At…”

“At baka maari nila akong mabigyan kahit pa konti lamang ng kanilang kakaibang asin…”

“Hah! Hah!”

Hingal na hingal na siya  ngunit ‘di pa rin tumitigil sa pagtakbo.

“Sana nga lang ako ay tanggapin nila…” kanyang sabi sa sarili.

Tinatakbo niya ang landas patungo sa kubo nila Elena. Nais niyang humingi ng tulong sa mga ito.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Baryo Tahimik (Chapter 7) Paghabol sa Kalayaan

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.