Besties (Chapter 26) Masayang Salubong 

2 pregnant women leaning back against each other

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

ISA. DALAWA. TATLO…

Katanghaliang tapat.

Halos apat na araw na silang nasa ospital. Pabalik-balik sa kung saan ba utusan ng doktor para sa mga importanteng papel na kinakailangan.

Kasalukuyang nasa information si Nikko at may kausap na mga kaibigan na dumalaw sa ina. Nang matapos ang kanilang usapan ay nagawi ang tingin ng binata sa isang hilera ng mga upuang bakal sa waiting area, kung saan naroon tahimik na nakaupo si Vicky sa pinakadulo.

Kinurot ang puso ng binata nang makita niya si Vicky na hubad ang mga sandals at salitang hinihilot ang mga binti. Naawa siya sa itsura nitong pagod na pagod. Siya kasi ang tumatakbo sa labas kung may mga kailangan dahil sa hindi naman siya maaring manatiling matagal sa loob ng ospital dahil sa buntis at may ilang nakahahawang sakit na maari niyang makuha.

Sandali pa at nagtama na ang kanilang mga paningin. Walang isinalubong sa isa’t isa kung ‘di matatamis pa ring ngiti; sa kabila ng pagod nila. Ngunit gayunpaman; walang paglagyan ang pagod sa buhay na kinakailangan  nilang isalba. Under temporary coma si Emi, dalawang araw na mula nag-usap sila ng doktor. 

Laging mataas ang presyon ni Emi, hindi nagiging stable ang body oxygen count at minsa’y nakitaan nila nang hirap sa paghinga. Hindi nila alam kung saan nanggagaling ang lahat kaya at nakadadagdag pa sa mga inoobserbahan ng doktor ang mga ito. Hindi kasi maaring isagawa ang surgery kapag ganito siya. Hindi lang isang doktor ang tumitingin kay Emi dahil sa paiba-iba niyang kondisyon. Nariyang tinubuan na rin siya ng mga rashes sa buong katawan kasabay ang biglaang paglalagas ng buhok sa hindi malamang dahilan.

Nang nakalapit na si Nikko ay isang malambing na halik sa noo ang ibinigay kay Vicky. Anim palakad sa pitong buwan na ang tiyan nito at ilang panahon na lang ay manganganak na.

“Okay ka lang?” mahinang boses ni Nikko.

Tumango lamang si Vicky bilang tugon.

“Paano ako aalis? Wala kang kasama at hindi ka pwede rito sa ospital,” bulong ni Nikko. Lumuhod ito upang haplusin ang mga namimitig na binti ni Vicky.

Hinawakan ni Vicky ang kamay ng binata at sinabing maupo ito.

“Kailangan kong ayusin si Fey, pinababayaran niya sa akin ang lahat o ipakukulong niya raw ako,” muling sabi ng binata.

Hinawi ni Vicky ang buhok na nakatabon sa mukha ng binata. “Kausapin mo, kaya ko rito, Nikko at— sabihin mo sa akin kung may maitutulong ako— kahit ano— kahit— kahit magkano.” Hinalikan niya ito sa noo. Sabay… “Nandito ako, Nikko— nandito ako para sa ‘yo…”

Hindi mailihis ni Nikko ang mga mata sa malalambing na titig ni Vicky kaya pilit na lang niyang pinigilan ang pagbagsak ng mga luha. Gulong-gulo ang isip niya dahil sa biglaang pagbabago ng lahat. Ang pagbagsak ng kabuhayan kaya at malaki ang kakulangan sa pinansyal para sa pagpapagamot ng ina. Ayaw niya talagang magpakita nang kahinaan ngunit sadyang hindi niya na kinakaya.

Ginawa niya na ring lumapit sa mga kaibigan para sa kaunting tulong ngunit hindi pa rin sumasapat lahat. Ngayo’y dumadagdag pa si Fey na ipinababalik sa kanya lahat ng nagastos sa mga papeles niya papuntang London pati na rin danyos perwisyo na tinatawag.

Alam niya sa sarili na wala na siyang perang ipambabayad kung sosobra man sa meron siya ang hihingin ni Fey at ito ang araw na aayusin niya ang lahat kaya at namomorblema siya kung sino ang makakasama ni Vicky sa ospital.

“Ibibilin ko na lang muna siya sa nurse, ihahatid muna kita sa bahay,” pilit ni Nikko kay Vicky.

“Ayoko!” Mariing pagtanggi naman ni Vicky. Tumayo pa ito. “Ayokong umuwi! Baka magising si Emi hanapin tayo!”

Napangiwi na lang si Nikko. “Vicky—”

Tinalikuran  niya ang binata at nagmaktol na parang bata. “Umalis ka pero dito lang ako, ayokong— ayokong iwan si Emi ng walang kasama— iniwan na nga siya ni—-“

Halos makagat ni Vicky ang dila niya nang…

“Carlo? An— anak?” bulalas nito.

Napatayo si Nikko. Maging siya ay hindi makapaniwala kung sino ang nakitang nakatayo sa dulo ng pasilyo.

“Carl—” tanging bulong niya.

Sinalubong ni Vicky. Nang magtagpo ang mag-ina…

“Carlo?”

“Ma—-“

“Anak— anak?” hindi halos makapagsalita si Vicky. At… “Anak—- bumalik ka… Hmmn… Carl…” Niyakap niya nang mahigpit ang anak. “Paano mo nalaman dito?”

Nakasunod namang agad si Nikko.

Nagkatitigan ang magkaibigan ng ilang segundo rin. Walang may gustong ngumiti o bumati. Batid kasi ni Nikko na  naroon si Carlo para dumaan lamang o dumalaw saglit sa ina, nasa isip din nito na malamang kasama ang asawang si Isha at naghihintay lamang sa sasakyan.

“Kamus—”

Pinutol agad ni Nikko ang itatanong ng kaibigan. “Hindi siya pwedeng dalawin ngayon—”

Napasulyap sa kanya si Vicky. Humiwalay sa pagkakayakap sa anak.

Inayos ni Carlo ang salamin sa mata. “Ganoon— ba? Kak—kamusta na siya?”

“Bakit nandito ka?” matigas na pagkakasabi ni Nikko sa mababang boses lamang.

“Ha?” dagliang tugon ni Carlo sa kaibigan.

Nagtama ang mga mata nila.

“Hindi ko ba siya pwedeng mak— makita, Niks?” wika ni Carlo sa pinakamahinahong boses.

“Alam mo— Carl—” Isang malalim na hininga muna ang inilabas ni Nikko, bago… “Bakit nandito ka? Ba—kit?” idiiniin pang mabuti ang salita.

“Kailangan ako ni Emi, Nikko, kailangan ako ng Mama mo—” diretsahan at matapang na sagot ni Carlo sa kaibigan.

Nangilid ang mga luha ni Nikko, nangatal ang labi. “Paano mo nasabing kailangan ka niya? Ha— Carl?”

Tumalikod si Carlo. Nameywang at mabilis na ipinihit paharap ang katawan upang sabihing…

“Kasi kailangan ko siya, Nikko! Nikko— kailangan ko ang Mama mo kung paano mo naramdaman na kailangan mo si Mama— Niks—-” Inilapat ni Carlo ang magkabilang kamay na para bang nagdadasal sabay itinakip sa kanyang mukha upang ikubli ang mga luha. At muli… “Nikko—- mahal na mahal ko si Emi— mahal na mahal ko ang Mama mo— kung alam mo lang!”

Hindi mapigilan ni Vicky na yapusin ang anak na nakikita niyang nahihirapan din ang damdamin. Alam niya na hindi ito nagbibiro dahil nakita niya kung paano umagwasa agad ang mga luha.

“Niks— please— please— p’re—”

“Pero may asawa ka na Carlo! Ano? Dalawa pa silang pasasakitan mo? Maawa ka naman sa nanay ko! Tch!”

Kinapitan ni Carlo ang balikat ni Nikko. At.. “Wala akong asawa! Hindi ko kaya— hindi ko kayang magsaya habang si Emi nandito may sakit! Nikko— Nikko, please—”

Kinabig ni Nikko ang kaibigan palayo. “Ano? Ganoon na lang ba ‘yun? Ano pa ba aayusin mo? Wala ka ng babalikan— nandoon na si Mama! Comatose!” malakas na boses ni Nikko.

“Nikko—” awat ni Vicky.

“Sasaktan mo lang ulit ang nanay ko— bakit? Hindi pa ba sapat na—- na dahil sa ‘yo— ganito siya?” tuluyan nang bumagsak ang sama ng loob ni Nikko.

“Nikko— sorry—- sinunod ko lang naman siya na lumayo ako dahil hindi niya na raw ako kayang mahalin!! Sabi niya mahirap akong mahalin at ayaw  niya na sa akin— alam mo ba kung gaano kasakit ‘yun para sa isang taong nagmamahal ng todo?? Ha?” medyo malakas na boses na  ni Carlo.

“Anak— anak tama na—”

Napapatingin na ang mga tao sa kanila. Nag-iiyakan ang dalawang binata habang nagtatalo sa gitna ng hallway ng ospital.

Isang basketball coach na naka-formal office attire at isang fifth time first placer international tattoo artist na naka-casual lang samahan pa ng cute na buntis na naka-sexy maternity dress. Sino ba naman ang hindi mapapalingon sa kakat’wang eksena nila?

Ilang segundo ring katahimikan ang umikot sa pagitan nilang tatlo matapos. Hanggang sa…

“Nasaan ang Mama mo Niks?” muling tanong ni Carlo. “Saan ang room niya?”

“Umalis ka na, hindi ka na niya kailangan,” mahinang pagkakasabi naman ni Nikko sabay talikod na at lakad palayo.

“Kailangan ko pa bang magwala rito Niks o kailangan pa nating magsuntukan bago mo sabihin kung nasaan ang nanay mo?” mahina ngunit pagigil na pananalita ni Carlo.

Nilingon siya ng kaibigan.

Mariin ang matalim na pagkakatitig ni Carlo. Handi siyang panindigan ang sinasabi.

Ngumisi ang Nikko, sabay… “Eh, di magsuntukan tayo, para namang mananalo ka sa akin, tch!”

Kumagat sa ibabang labi niya si Carlo, at…

Sumunggab.

“Carlo!! Ano ba?” Mabilis na nakapagitan si Vicky. “Tumigil kayong dalawa! Umn!” Halos maipit ang nakaumbok na tiyan nito dahil sa pumagitna.

“Babasagin ko uli ‘yang mukha mo!” sabi ng Carlo.

“Ilang stitches ba gusto mo ngayon, tch!” sagot naman ng Nikko na nagpatunog pa ng mga buto sa daliri.

Sige pa rin ang tulak ni Vicky sa dalawa. “Tumigil nga kayo!”

“Matuto kang gumalang dahil magiging asawa ako ng Mama mo!” maangas na pagkakasabi ng Carlo.

“Baka nakakalimutan mo— ako tatay ng dinadala ng nanay mo! In short— stepdad mo ako!” mas maangas na sagot naman ng Nikko with matching yabang facial expression pa.

“Ano baaaa! Pareho lang ‘yun! Tumigil na kayo!” sikmat ni Vicky.

Hindi na mapigil ang pagkikiskisan ng dalawa, nang biglang…

TUNG DUNG!

Sabay-sabay nagsitigil ang tatlo at napatingala sa puting kisame ng tumunog ang pinakaiiwasan ng lahat, mas lalo na dahil sa tila pamilyar ang doktor na pinatawag para magtungo sa Intensive Care Unit.

At…

“Doctor Suanez? Nikko—”

“Si— kay, Mama—”

Mabilis na tumakbo si Nikko patungo sa ICU kung nasaan si Emi sa ngayon.

“Si— Emi, Ma? Nasa—ICU?” tanong ni Carlo sa ina.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Besties (Chapter 26) Masayang Salubong 

3 Responses

  1. Nakuuu Po paktay kang Bata ka anyare na Kay emi woaaahhhh nabitin Ako hahaha Sabi na next WK q na basahin e kaso nasasabik Ako mabasa to salamat otor the best ka talaga sobra🥰😘😘😘

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.