Book of Fate

Book of Fate (Chapter 49)

KINABUKASAN ay maagang nagising sila Daniella, pero nakita nilang paalis na ang bangka na sakay rin si William papunta ng kabilang Iila para sa hiking activity nila.

Habang sila Daniella ay na sa kubo at nagkakape pa lang ng oras na ‘yon.

“Ang aga naman nilang umalis.”

“Baka kasi gabihin sila pauwi ang hirap pa naman dahil tubig ang daan pabalik,” sagot ni Bree.

“Sabagay.” Bago pa man makalayo ang bangka na sinasakyan nila William ay napalingon ito sa mismong puwesto nila Bree, kaya naman todo kaway ni Daniella dito kahit malayo.

“Mukha kang ewan sa ginagawa mo.”

Saka palang tumigil sa pagkaway si Daniella ng malayo na sila William. “Pang goodluck ko lang sa kanya ‘yon. Ayokong sumigaw baka hindi rin niya marinig.”

Lumipas ang oras at nasa tapat na ng kweba sila Daniella para makinig ng gagawin nila pagpasok sa loob ng kweba. “Okay class, ang mission niyo ay hanapin ang mga bagay na nakatago sa likod ng mga bato, minsan na sa tubig na nilalakaran niyo. Ang unang makarami ng item bago ang tinakdang oras ay siyang panalo.”

“Yes ma’am!”

“Pero mag-ingat pa rin kayo kahit meron kayong kasama na tauhan ng resort na expert na sa pagpasok sa kweba. Huwag kayong lumayo sa isa’t-isa maliwanag ba?”

“Yes po.”

“Okay set ko lang ang timer then magstart na tayo. “ Inayos na nito ang timer at kailangan nilang mahanap ang maraming bagay na nakatago ng halos isang oras lang. “Ready! Go.”

Ang iba ay mabilis na pumasok kahit medyo matatalim ang maliliit na bato sa lalakaran nila. “Class careful,” paalala ng teacher nila.

Si Daniella ay kalmado lang na pumasok sa loob at naghanap. Habang naglalakad sila ay nakakita ng isang kabibe si Bree. “Ito Daniella may nahanap na ako,” masayang saad ni Bree.

“Kasama ba ‘yan sa dapat hanapin? Kabibe ‘yan e at may dagat dito baka naligaw lang dito ‘yan?”

Dahan-dahan lumingon si Bree na parang isang nakakatakot na manika na anumanag oras ay bigla siyang gugulatin. “Gusto mo bang maging sirena Daniella. Ito ang cellphone nila sa dagat,” seryosong saad ni Bree.

Nanlaki pa talaga ang mata niya at curious sa sinabi ni Bree. “Talaga?” Kinuha niya ito at tinapat sa tenga niya, pero tanging parang ugong ng hangin lang ang naririnig niya.

“Wala naman e.” Ibinalik niya muli ang kabibe kay Bree.

“Naniwala ka naman at isa pa Daniella kanina ka pa salita ng salita diyan kung maghanap ka kaya ng sayo ilang minuto na tayong nakatayo rito sa sobrang dami mong sinasabi.”

Tiningnan niya ang loob ng kweba pero ilang estudyante na lang ang na sa parte na ‘yon. “Sige na nga maghiwalay tayo sa paghahanap baka mamaya kunin mo pa yung nakita ko.” Sabay ngiti ng pagkalaki kay Bree at lumakad na papunta sa pinaka-loob ng kweba.

Samantala nakabalik na si William galing ng kabilang isla at kasama din pala si Alexander nauna lang sila itosa kabilang isla kaya hindi kasabay ni William sa isang bangka.

Habang nagpapahinga saglit si William sa kubo ay may dumaan na estudyante na nag-uusap. “May nawawala daw na estudyante sa section C. Halos lahat ng estudyante naroon na sa labas ng kweba bukod tangi sa isang estudyante.”

“Sino daw, kilala mo ba?” tanong ng kasama nito.

“Alam ko ‘yong nanalo ng “The Most Beautiful Woman” noong nakaraan na program natin.”

Napatigil si William sa ginagawa niya at itatanong na sana kung saan kweba naroon ang mga estudyante pero nakalagpas na ang mga ito. “Si Daniella ‘yon,” saad niya at tumakbo na sa gawing may mga batong parte ng isla at may ilang estudyante na pabalik sa cottage.

May nakita siyang dalawang babae na makakasalubong niya kaya naman tinanong niya ang mga ito. “Sino daw ang nawawalang estudyante sa section C.”

Nagkatinginan ang dalawa. “Daniella Sanchez daw ang pangalan.”

“Ilang minuto na siyang nawawala?”

“30minutes.”

Sige , salamat.” At tumakbo na muli si William papunta kung nasaan ang kweba.

Pagkarating ni William sa labas ng kweba ay nakita niya si Bree na halatang may bahid ng luha sa kanyang pisngi at halos gusto na ulit pumasok sa loob pero may mga tauhan na ang isla na naghahanap sa loob at hindi na puwedeng may pumasok pa ulit.

Lumapit siya kay Bree. “Anong nangyari?”

Tumingin ito sa kanya. “William si Daniella!” Nangilid na muli ang luha nito.

Tumingin siya sa kweba at sa tauhan na nakapaligid rito. Pumunta siya sa gilid malapit sa pasukan ng kweba at pasimpleng pumasok sa loob. Hindi naman siya napansin ng mga ito dahil ang mga bantay ay sa mga estudyante nakatuon ang pansin. Sa pagpasok niya sa loob ay bahagyang madilim kaya kailangan malinaw ang mata niya dahil may mga batong patusok ang hugis, kaya kung hindi ito makikita ay masusugatan ang magdadaan.

Halos na sa gitna na ng kweba si William pero wala siyang makita na tao o maramdaman na naroon nga si Daniella. Pero hindi siya tumigil sa paghahanap dahil mas lalong hindi na ito makikita pag tuluyan ng dumilim ang paligid.

Sa parte ng pinuntahan ni William ay may bahagyang sumilip na liwanag pero kumunot ang noo niya ng may nakita siyang pula na kulay na nakahalo sa tubig sa gilid ng isang malaking bato. Kinabahan siya at agad pumunta sa likod ng bato na ‘yon at nakita niyang nakasandal si Daniella at mukhang walang malay, pero ang talampakan pala nito ang nagtamo ng sugat kaya may nakita siyang kulay pula sa tubig. Tiningnan niya ito at kasing laki ng barya ang sugat nito na mukhang malalim kaya hindi tumitigil ang pagdugo.

Sinubukan niyang gisingin si Daniella pero hindi talaga ito magising. Kaya naman binuhat na lang niya ito na nakapasan sa likod niya at dahan-dahan na lumakad dahil madilim na sa lalakaran niya mabuti na lang may biglang umilaw at nanggaling pala sa flashlight ng tauhan ng isla na naghanap din pero sa kabilang daan ng kweba.

“Siya na ba yung estudyante na nawawala?” tanong ng lalaki. Tumango si William. “Anong nangyari sa kanya?”

“Hindi ko rin po alam nakita ko lang po siya sa likod ng bato at sugatan, pero kailangan na po nating lumabas dahil may sugat po siya sa talampakan at medyo malalim ang sugat.”

Tiningnan ito ng lalaki. “Naku! Malalim nga ang sugat niya. Sigurado akong hindi niya malalakad ang paa niya ng ilang araw, sumunod ka samin.”

Nasa unahan ang tauhan ng isla at sumunod naman sila William. Halos pinagpapawisan na si William sa tagal ng pagkakabuhat niya kay Daniella, at sa paglabas nila ng tuluyan sa kweba ay palubog na ang araw. Nakita niya si Bree na kasama rin si Alexander.

Lumapit agad si Bree kay William. “Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Bree.

“Mukhang may natapakan siyang matulis na bato. Kailangan na rin siyang magamot at delikado dahil malaki ang sugat niya.”

“Kung ganon tara na!” Sumunod naman agad siya at ang adviser nila na nakasalubong nila na may dalang flashlight at mukhang may balak rin pumasok ng kweba pero nakita na ni William si Daniella.

Sa isang maliit na bahay nila ito dinala dahil meron daw isang mangagamot doon. Hiniga niya ito sa isang higaan na gawa sa kahoy.

Sinuri ito ng lalaking mangagamot. “Ang lalim ng sugat niya at ang laki ng butas, kailangan ‘tong matahi pero susubukan kong lapatan ng gamot para kahit paano ay tumigil ang pagdurugo sa paa niya.”

Nilinis ang sugat ni Daniella at binalutan ng tela at tiningnan si William. “Pagdating niyo sa inyong lugar kailangan tahiin ang sugat niya,mas mabuting bukas na siya madala sa ospital.”

Tumango lang si William at lumabas sandali ang lalaking mangagamot. Umupo si Bree sa tabi ni Daniella at inayos ang buhok nitong wala sa ayos.

Pumasok ang teacher nila sa loob. “Uuwi na rin tayo bukas kaya maaari ng matahi ang sugat ni Daniella. Tinawagan ko na rin ang kanyang ina at sinabi ang nangyari kay Daniella. Maiwan ko muna kayo rito sandali. “ Lumabas muli ang teacher nila at naiwan si William at Bree sa loob kasama si Daniella.

“Ano bang nangyari at nawala siya sa loob ng kweba? Lagi kayong magkasama ‘di ba?” biglang tanong ni William.

Bumuntong-hininga naman si Bree habang nakatitig sa mukha ni Daniella. “Humiwalay kasi siya sa akin at akala ko nasa paligid lang siya malapit sa akin pero ng nag-focus ako sa paghahanap ng bagay ay nawala ang atensyon ko sa paligid at ng aayain ko na sana siyang lumabas dahil sigurado ako na talo na kami ay hindi ko na siya makita pa at hindi naman puwede na ako ang maghanap dahil baka parehas kaming mawalang dalawa at mas mahirap maghanap ang daming butas ng kweba na puwedeng lusutan kaya maaaring maligaw ang taong nagbalak pumunta. Baka kung saan mo nakita si Daniella ay hindi na kami puwedeng pumasok doon kaya humingi na ako ng tulong sa labas ng kweba.”

“Ganon ba, sobrang malala kasi ang natamo niyang sugat.”

Bahagyang napangiti si Bree. “Ang kulit kasi ng babaeng ‘to basta na curious sa isang bagay aalamin niya kung ano ‘yon. Mukhang ganon ang nangyari kaya siya napadpad sa bawal na lagusan ng kweba.”

“Sa tingin mo alam niya kaya ang nangyari sa kanya?”

“Oo, pero sigurado ako pag-gising ni Daniella, daig pa niya ang nabagok ang ulo dahil kunwaring walang maalala.” Napailing na lang si Bree sa naisip niya at sigurado siyang gagawin ito ni Daniella lalo pa’t kasalanan din nito kung bakit napunta siya doon.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Book of Fate (Chapter 49)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.