Ilang araw rin na hindi nakapasok si Bree dahil sa lagnat kaya si Daniella ay laging nag-iisa sa pagkain sa canteen at sa garden, pero ngayon araw na ito ay tuluyan ng gumaling si Bree at pumasok na rin sa eskwelahan.
Nakita ni Daniella na bahagyang nabawasan ang timbang nito dahil rin siguro sa lagnat at walang gana na kumain, kaya naman naisipan ni Daniella na bumili na puwede nitong kainin katulad ng tinapay habang nakaupo ito sa garden ng eskwelahan. Umupo siya at ngumiti ng pagkalaki kay Bree saka nilagay ang binili niya sa lamesa sa harap nito. Samantalang si Bree ay nakakunot ang noo sa ginawa niya.
“Ano ‘to?”
“Pagkain, nakikita mo naman ‘di ba?”
Sinamaan siya ng tingin ni Bree. “Ang ibig kong sabihin, hindi naman ako nagpabili sayo bakit binigay mo sa akin ‘to?”
“Libre ko ‘yan sayo dahil mukha kang buto na may balat pero walang laman na tao, kaya sige na kainin mo na ‘yan.”
“Anong akala mo sa akin buto ng baboy?!”
“Parang ganon, pero naiiba ka naman dahil tao ka, ‘di ba?”
Napapikit na lang si Bree at sinimulan buksan at kainin ang tinapay na bigay ni Daniella. “Bakit ang laki naman ng pinayat mo, halos ilang araw lang naman tayong hindi nagkita?”
“Humina kasi akong kumain, masyadong mabigat ang pakiramdam ko at noodles lang ang kinakain ko.”
“Kumain ka na ng marami ngayon magaling ka na rin naman.”
Tiningnan naman ni Bree si Daniella sa mata. “Sweet ka na niyan?”
Umirap lang siya kay Bree, pero may naalala siyang sabihin dito. “Ikaw Bree may partner ka na sa J.s Prom?”
“Wala at hindi ko rin kailangan.”
“Kung puwede lang si Alexander ngayon pa lang meron ka ng escort.”
“Bakit napasok na naman sa usapan ang lalaki na ‘yon?”
“Wala naman. Ako tanungin mo kung sino ang magiging escort ko.” Excited siyang sabihin kay Bree kung sino ito.
“Wala.”
Kumunot ang noo niya. “Anong wala?”
“Wala namang may crush sayo dito at alam ko ‘yon. Sino ang mag-aaya sayo kung ganon, si William?”
“Oo siya nga.”
Nagtaka si Bree at isang tingin na nagsasabing huwag siyang mag-iilusyon sa sinabi niya. “O alam ko ‘yang mga tingin mo na ‘yan. Siya nga mismo ang nagsabi dahil sa kakulitan ni Charice, kung ako lang kaya kong pumunta ng J.s prom ng walang escort o kaya hindi na pumunta. Nagulat nga ako ng sinabi niyang siya ang magiging partner ko kahit pa nag-alinlangan ako.”
“Bakit ano ang nangyari dito ng wala ako at bakit napasok sa usapan si Charice?” kunot noo na tanong ni Bree.
Tumingin siya sa paligid bago sinabi ang nalaman mula kay Charice. “Ganito kasi habang nag-uusap kami ni William dito rin biglang sumulpot si Charice at siya daw ang magiging partner ni William sa prom tapos naging drama na ang usapan at nalaman ko ang ilang impormasyon tungkol sa kanilang dalawa.”
“Ano naman ‘yon?”
“Magkababata talaga sila pero mukhang nagkaroon ng problema at ngayon ay binabalik ni Charice ang tiwala nito sa kanya pero mukhang mahihirapan siya doon.”
“So ibig sabihin malalim talaga ang pinagsamahan nilang dalawa?”
“Parang ganon na nga.”
“Baka kaya nasabi lang ni William na ikaw ang gusto niyang maka-partner dahil ayaw niya lang makasama ng matagal si Charice?”
Naningkit ang mata niya kay Bree. “Sinasabi mo bang ako ang excuse ni William para hindi niya makasama si Charice!”
Ngumiti ng pilit si Bree. “Baka lang naman ‘di ba?”
Bumuntong-hininga siya. “Hindi naman siguro at kung mangyari man ‘yon habang buhay kong hindi mapapatawad si William dahil okay na ng wala akong escort pero sa bibig niya mismo nagmula na siya ang magiging escort ko kaya kung sakaling ganon nga ang gawin ni William. Kakalimutan ko ang nararamdaman ko para sa kanya kahit ang kapalit noon ay sakit sa mga susunod na taon.”
Kumunot naman ang noo ni Bree. “Grabe naman Daniella daig mo pa yung magkasintahan na naghiwalay, wala pa nga kayong level ni William.”
“Kahit na, once na ginamit ka niya. Baka masiyahan at ulitin pa niya, dapat once na alam mong ginagamit ka na pala niya para sa sarili niyang intensyon na hindi ka kasama ay dapat lumaban ka na agad hindi yung hihintayin mo pang masaktan ka ng paulit-ulit pero masaya ka pa.”
“Sa tingin mo ba kaya mong bitawan si William?”
“Puwede.”
“Anong klaseng sagot ‘yan?”
“Saka na ako mamimili sa oo at hindi pag nasa sitwasyon na ako. Mahirap magdesisyon kung alam mo lang dahil baka mamaya oo pala ang sagot pero ang napili mo ay hindi.”
“Ang dami-dami kasing lalaki sa mundo. Sa lalaki pang may Charice at hindi mabasa kung ano ba ang nararamdaman para sayo.”
Ngumiti siya. “Wala ka rin naman magagawa kahit pigilan mo. Kahit nga butas sa isang bagay na may tubig, kahit takpan mo man ang butas may lalabas at lalabas pa rin na tubig at minsan sa sobrang gusto ng kumawala ng tubig wala rin nagawa ang pandikit dahil kusa rin itong natanggal.”
“Ang kamalian mo talaga ay sa isang William ka nagkaroon ng paghanga. Magiging suwerte ka lang kung ikaw ang pipiliin sa huli.”
Biglang nagring ang school bell. “Halika na baka mamaya mauwi na tayo sa isang teleserye at makabuo na ng script sa mga pinagsasabi nating dalawa.” Pag-aaya ni Bree.
Lumipas ang oras, at hapon na naman at nasa gilid na ng kalsada sila Bree at naglalakad na pauwi. “Ingat ka sa daan,” saad ni Bree.
Tumango lang siya, si Bree kasi ay na sa isang daan na patungo dahil doon papasok ang bahay niya, kaya kailangan pa lumakad ni Daniella ng isang kanto. Mataas pa naman ang sikat ng araw, kaya mabagal lang siyang naglalakad, pero naramdaman ulit niya na may sumusunod sa kanyang likuran, kaya agad naman siyang lumingon pero katulad ng dati wala pa rin siyang nakita kahit hayop sa kanyang likuran.
Kunwari na wala siyang alam na parang may sumusunod sa kanya, binagalan pa lalo niya ang paglalakad at pinakinggan ang kaluskos sa kanyang likuran kung meron nga bang tao na sumusunod sa kanya. Nakapikit pa siya habang hinahakbang ang mga paa niya at nang makarinig siya na parang may tumapak sa isang dahon na tuyo base sa pagkakarinig niya ay kaagad siyang lumingon pero kumunot na naman ang noo niya dahil wala siyang makita.
“Guni-guni ko lang ba ‘yon o hindi?” tanong niya sa sarili.
Dahil sa mga dinadaanan ni Daniella ay may mga puno, sinubukan niyang lapitan ang puno na malapit sa kanya baka naroon ang tao na hinala niyang sumusunod sa kanya pero ng malapit na siya sa puno ay biglang may lumundag na pusa sa mismong harap niya. Hindi man siya sumigaw buong katawan naman niya ang hindi nakagalaw sa sobrang gulat sa pusa.
Napahawak siya sa ibabaw ng dibdib niya. “Grabe naman yung pusa walang pasabi na tatakutin pala niya ako,” saad niya habang mabilis ang paghinga. “Guni-guni ko nga lang siguro na parang may sumusunod sa akin.” At muling naglakad at hindi na pinansin ang pakiramdam na parang may sumusunod na naman sa kanya.
Lumabas ang nanay ni Daniella para bumili at ng nasa tabi na ito ng kalsada ay nagtaka siya. “Si Daniella ba yung dumaan?” tanong niya sa sarili. Sinundan niya ng tingin ang lumagpas sa kanya na mukhang si Daniella nga. “Daniella, saan ka pupunta lumagpas ka na sa bahay natin?!” may kalakasan na saad niya.
Napahinto naman si Daniella at lumingon. Nanlaki ang mata nito na tumingin sa paligid at agad na bumalik at huminto sa harap ng nanay niya. “Ano bang iniisip mo at lumagpas ka pa ng bahay natin? Nakalimutan mo na ba kung saan ka umuuwi? Hindi mo man lang ako napansin?”
“Pasensya na nay, hindi ko namalayan.”
“May problema ka ba’t nakatulala ka habang naglalakad?”
Tumungin sa paligid si Daniella. “Feeling ko kasi nay may sumusunod sa akin. Matagal ko naman ng nararamdaman na may sumusunod sa akin pero bakit parang feel ko mas lumala lang ngayon.”
“Nakita mo ba kung sino?”
“Hindi nay, sa tuwing lilingon ako ay wala naman.”
“Baka guni-guni mo lang ‘yon Daniella, kumakain ka ba sa eskwelahan? Baka mamaya hindi, sinasabi ko sayo Daniella.”
“Kumakain ako nay nagmimiryenda pa nga ako.”
“Kung ganon na sa imagination mo lang ‘yon, akala mo may sumusunod pero wala dahil iniisip mo ang senaryo na ‘yon kaya feeling mo meron pero ang totoo wala.”
“Pero kasi nay—” Pinutol na ng nanay niya ang sasabihin niya.
“Pumasok ka na Daniella sa loob ng bahay at may bibilhin pa ako. Huwag mo ng isipin ‘yon maliwanag ba?”
” Opo nay.”
Pumasok na sa loob si Daniella at ng nawala na sa paningin ni Maria si Daniella ay saka palang ito tumawid ng kalsada. Napalingon siya sa daan na nilakaran ni Daniella pero may isang tao siyang nakita na umalis sa pagkakatago sa isang puno at naglakad papalayo. “Siya na naman?” nasambit ni Maria at tuluyan ng pumunta sa maliit na tindahan sa tapat ng bahay nila.
Nang ibinaba ni Daniella ang bag niya ay napa-isip siya. “Tao nga kaya ‘yon? Pero kung sakaling tao man ‘yon kailangan kong malaman kung sino siya.” Saka pumunta ng kanyang cabinet para magpalit ng pambahay na damit.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





