Book of Fate

Book of Fate (Chapter 58)

Samantala habang nagbabantay si Glen kay Alexa ay dumating si Lexie na may dalang pagkain. Napansin nito na wala si Jack sa kwarto.

“Nasaan ang kasama mo?”

 “May importante lang na pinuntahan.”

 “Ganon ba, kumain ka na ba?”

 “Busog pa ko mamaya na lang ako kakain.”

 Pumunta na lang si Lexie sa lamesa para ilagay ang mga pinamili niya na pagkain at inumin nila ng nagtanong si Glen. “Anong trabaho ni Alexa?”

 Napatigil siya at umupo katabi rin ng higaan ni Alexa, pero sa kabilang side kaya magkaharap sila ngayon ni Glen. “Wala,” maikli niyang sagot.

 “Wala?”

 “Nasa bahay lang si Alexa at madalang lumabas.”

 Kumunot ang noo ni Glen. “Kaya pala ang hirap niyang hanapin. Inabot na kami ng ilang taon bago siya natagpuan at sa tulong mo pa.”

 Nagtaka si Lexie. “Ako?”

 “Nang nalaman ko na si Alexa na kaibigan mo ang pinapahanap ni Jack ay tumawag ako agad sa kanya, pero hindi ko naman lubos maisip na ganito ang mangyayari sa sobrang gustong-gusto niyang makita na agad si Alexa.”

 Tumingin siya sa natutulog niyang kaibigan. “Napawi naman na ang galit ko kay Jack dahil sa nangyari pero hangga’t hindi pa nagigising si Alexa ay hindi ko muna siya kakausapin. Pero may dahilan naman ang lahat ng nangyari, hindi naman niya alam na noong araw na ‘yon ay may mababangga siya at si Alexa pa na matagal na niyang hinahanap. Hindi naman sa lahat ng sitwasyon ay may kasalanan ang mga taong nagiging dahilan katulad ng nangyari kay Alexa, hindi nila gusto, pero nangyari. Ang kalmadong panahon nga ay may dumarating na bagyo ng hindi mo nalalaman, kaya hindi ako magtatanim ng galit kay Jack.”

 Napangiti si Glen ng maliit. “Kung ganon ano naman ang ginagawa niya sa loob ng bahay?”

 “Nagsusulat.”

 “Nang ano?”

 “Istorya sa libro, aakalain mo bang tapos siya ng HRM course, pero hindi niya ginagamit dahil pagsusulat ang gusto niya. Marami na siyang nasulat pero unfortunately hindi natatanggap sa publishing house, pero hindi pa rin sumusuko. Actually may sinusulat siya ngayon, pero mukhang hindi pa niya matatapos dahil sa nangyari.”

 “Kung ‘yon naman talaga ang gusto niya at doon siya masaya, bakit hindi ‘di ba?”

 Tumawa ng mahina si Lexie. “Kung alam mo lang na sobrang tigas ng ulo ni Alexa sa tuwing sinesermonan ko siya tungkol sa pagsusulat niya na wala siyang kinikita na kahit piso at lagi pang puyat.” Napatingin siya sa mukha ni Alexa kaya ang mukha niyang maaliwas kanina ay naging malungkot na naman. “Ilang araw din akong walang maka-usap at masermonan dahil masyado siyang nasiyahan matulog at hindi man lang dumilat kahit isang segundo lang.”

 Nagpalipat-lipat naman ng tingin si Glen kay Alexa at Lexie ng biglang may nagbukas ng pinto at pumasok si Jack. “Pasensya na at natagalan ako, Glen.” Napatingin siya sa gawi ni Lexie at tumango bilang pagbati.

 “Okay lang dumating na rin naman agad si Lexie.” Nagpalit na sila ng upuan ni Glen, siya na ngayon ang katabi ni Alexa.

 Samantala habang tulog si Alexa ay gising naman siya sa panaginip niya at naglalakad sa isang mahabang daan at maraming bulaklak ang makikita na kulay puti. Nagtaka siya dahil parang na sa ibang lugar siya. Ang hindi niya alam ay tulog siya at gising lang siya sa panaginip niya.

 Habang naglalakad ay hinahawakan niya ang ang mga bulaklak sa daan. “Anong lugar kaya ‘to, bakit ang daming bulaklak?” saad niya habang nakakunot ang noo.

 Ilang saglit pa ay may sobrang liwanag ang nagpakita sa kabilang side ng daanan, kaya sa sobrang curious niya ay pumunta siya sa gawi na ‘yon, pero napatigil siya sa nakita niyang dalawa na nakatayo na tila hinihintay siyang lumapit.

 Ang dalawang tao na nakatayo at nakaharap kay Alexa ngayon ay ang magulang niya na matagal ng pumanaw. “Mama, Papa!” Sa nangingilid niyang luha ay dahan-dahan siyang lumapit sa mga ito at mabilis na niyakap ang mga magulang niya. “Miss na miss ko na kayo. Ang tagal na rin ng huli tayong nagkita!” Tuluyan ng umagos ang luha niya sa kanyang pisngi ng walang tigil.

 Nagkatinginan ang mag-asawa at hinaplos ang ulo ni Alexa. “Kumusta ka na anak?”

 Inalis na niya ang pagkakayakap sa mga ito bago nakangiting sumagot. “Ayos naman Ma, nakapagtapos ako ng pag-aaral sa tulong ni tita.”

 “Mabuti kung ganon, sapat na sa amin ng Papa mo na okay ka at masaya.”

 “Masaya naman ako Ma, pero hindi buo dahil wala kayo sa tabi ko ng panahon na umaakyat ako ng stage ng school namin at walang magulang na naka-antabay sa akin.”

 Nalungkot ang mukha ng Papa niya. “Anak alam kong naging matatag ka ng panahon na ‘yon, pero hindi namin hawak ang panahon at hindi namin alam noon na maaga kaming kukuhanin. Nakikita ka namin mula rito hanggang sa lupa.”

 Kumunot ang noo niya. “Lupa?” nagtataka niyang tanong.

 Hinawakan ng Mama niya ang dalawang kamay niya. “Hindi mo ba matandaan ang sinapit mo sa lupa?”

 Umiling siya at nagpabalik-balik ng tingin sa Papa at Mama niya. “Ang iyong katawan ay na sa isang ospital ngayon at natutulog na may mga gamit na naka-kabit sa iyong katawan. May mga naghihintay rin sayo roon.”

 “Hindi ko po kayo maintindihan?”

 “Na-aksidente ka Alexa, at malapit ng mag isang buwan kang na sa ospital at hindi man lang nagpakita ng senyales na gigising ka, pero sinasabi ko sayo anak na ito na ang panahon para magdesisyon ka kung mananatili ka na lang ba rito o babalik ka pang muli sa iyong katawan.”

 Napa-isip siya sa sinabi ng Mama niya, pero kung sakaling piliin niya na manatili kung nasaan ang mga magulang niya ay maiiwan naman si Lexie at ang kanyang tita sa lupa, kaya nalilito siya ngayon. Napansin naman ito ng Mama niya. “Mukhang naguguluhan ka ngayon Alexa, huwag mong madaliin dahil may ilang araw ka pa para pumili, sa ngayon magkaroon muna tayo ng bonding ng Papa mo.”

 Tumango lang siya at masayang naglakad patungo sa dulo ng mga bulaklak.

 Lumipas ang araw na halos nagpabalik-balik sa ospital si Jack maging si Lexie at kapansin-pansin na pumayat ng bahagya si Jack dahil kadalasan siya ang nagbabantay kay Alexa sa gabi hanggang umaga kaya wala rin siyang panahon para matulog ng matagal.

 Bumisita muli si Glen sa hospital at nakita niyang nakapikit si Jack habang naka-upo kaya tinapik niya ang balikat nito. “Jack okay ka lang ?”

 Bahagya itong nagulat. “Oy, ikaw pala, oo naman medyo inaantok lang.”

 Umupo si Glen sa sofa. “Wala pa rin bang senyales? Ilang araw na lang at isang buwan na siyang narito. May sinabi na ba ang doctor pag hindi siya nagising bago maging isang buwan na comatose si Alexa?”

 Umiling siya. “Wala pa, baka dalawang araw bago mag-isang buwan saka lang sasabihin ng doctor ang gagawin.”

 Napansin naman ni Glen na  maluwag na ang mga t-shirt nitong suot na dati naman ay hindi. “Malaki na rin ang nabawas sa katawan mo, natutulog ka pa ba?” Hindi kasi araw-araw pumupunta si Glen sa hospital minsan limang araw bago ito magpakita ulit kaya napansin niyang pumayat si Jack.

 “Oo, pero saglit lang, hindi rin ako makatulog ng diretso.”

 Kinuha ni Glen ang supot na may laman na pagkain. “Tamang-tama may dala akong pagkain. Kumain ka muna baka mamaya palitan mo na si Alexa sa higaan.” Biro pa nito. Gutom na rin naman siya kaya kumain na rin siya kasabay nito.

 Samantala habang si Lexie ay umuwi para magluto ng pagkain na puwede niyang dalhin sa ospital ng napansin niya ang kwarto ni Alexa na nagliliwanag base sa bahagyang nakabukas ang pinto nito. Nagtaka si Lexie at nag-aalinlangan pang pumasok sa loob pero masyadong ng maliwanag ang loob ng kwarto ni Alexa kaya naisip niya na baka may cable ng kuryente ang nagliliyab.

 Dahan-dahan siyang pumasok habang ang mga kamay ay nakatakip sa mata niya sa sobrang liwanag ng paligid. Napansin naman niya na unti-unti ng humihina ang liwanag kaya inalis na niya ang kamay niya sa kanyang mata, pero ang ikinagulat niya ay sa pahina ng libro nanggagaling ang liwanag na lubos na pinagtaka niya. Mula sa libro ay nalipat ang mata niya sa kabilang bahagi ng kama ni Alexa dahil may narinig siyang kaluskos at mabilis na tumingin sa isang sapatos na makikita sa gawing paanan ng kama. Sa sobrang takot niya ay kinuha niya ang hanger sa gilid at dahan-dahan na pumunta sa kabilang bahagi ng kama, pero bigla na lang may tumayong tao na muntik na niyang ikasigaw ng malakas, mabuti na lang at napigilan niya kung hindi ay may mga kapit-bahay siyang maiistobro.

 Itinutok niya ang dala niyang hanger sa taong bigla na lang nagpakita sa kwarto ni Alexa. “S-sino ka, paano ka nakapasok rito sa loob ng bahay namin?!” matapang niyang sagot kahit hindi naman nakakatakot ang kaharap niya baka kasi mamaya ay bigla na lang atakihin siya.

 Tumingin ito sa mata niya at makikita naman niyang maamo ang mukha nito. Dahan-dahan nitong itinaas ang isang kamay at itinuro ang nakabukas na libro.

 Kumunot ang noo niya. “Sa libro ka galing?” Tumango ito sa kanya. “Paanong nangyari sa libro ka galing?” Nalilito pa rin siyang sambit.

 “Hindi ko rin alam kung bakit ako narito. Hinigop ako ng isang parang portal at lumabas ako mismo sa libro,” saad nito.

 Lubos na nagtataka siya sa nangyayari dahil ang kaharap niya ngayon ay isang babae na naka-uniform pang eskwelahan. “Ano ang pangalan mo?” tanong niya.

 “Daniella.”

 “Sigurado ka bang sa libro ka galing. Hindi ka galing sa labas ng bahay at pumasok lang rito?”

 “Sa libro talaga ako galing at hindi ako nagsisinungaling sa iyo.”

 Napahawak na lang siya sa noo at pilit iniisip kung paano nangyari ‘yon at sa isip niya, “Simula pa lang ng nakita ko ang libro ay may kakaibang pakiramdam na ako na hindi ordinaryo at ito na nga ang nangyari.”

 “Isa ka bang may kakaibang kapangyarihan o isang prinsesa?”

 “Wala akong kapangyarihan at hindi rin ako isang prinsesa.”

 “Pero base sa suot mo pumapasok ka sa isang eskwelahan at sa tingin ko ay tagarito ka lang rin sa mundo namin. Alam mo ba ang pangalan ng eskwelahan mo o kaya kung saan lugar ka nakatira?”

 Umiling ito. “Pangalan ko lang ang alam ko at hindi ko na alam kung saan ako nakatira.”

 “Paanong nangyari na ganon?” sa sobrang dami niyang tanong sa sarili ay may naamoy siyang may nasusunog, kaya nagmamadali siyang lumabas habang may sinasabi kay Daniella. “Diyan ka lang muna may gagawin lang ako!” Tuluyan na siyang nakalabas at pinatay ang nakasindi na gas stove saka muling bumalik sa loob ng kwarto at nakita niyang nakaupo na ito sa kama. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sayo, si Alexa lang ang puwede mong kausapin tungkol sa nangyari sayo pero na sa hospital pa siya. Hindi rin kita puwedeng iwan dito kaya isasama na lang kita sa ospital hanggang sa magising na si Alexa. ” Nakatingin lamang sa kanya si Daniella.

 “Dito ka muna ulit at ihahanda ko lang ang puwede kong dalhin.” Bago siya lumabas ay tiningnan niya muna ang libro at sinarado ito dahil balak niyang dalhin rin ito sa ospital.

 Umalis na nga si Lexie kasama si Daniella papunta ng ospital at nang nandoon na sila ay nakita ni Lexie na palabas ng kwarto si Jack. Pumasok sila sa loob at mukhang si Jack lang ang nagpunta ngayon dahil hindi niya nakita si Glen sa loob.

 Habang palapit sila sa higaan ni Alexa ay nakatitig lang si Daniella rito at nagtanong. “Sino po siya?”

 Napatingin naman si Lexie kay Alexa. “Kaibigan ko.”

 “Ano po ang nangyari sa kanya?”

 Napabuntong-hininga siya. “Na-aksidente siya, nabangga ng isang kotse.”

 “Para lang po siyang natutulog, ‘di ba po?”

 Napangiti siya ng bahagya sa sinabi ni Daniella. “Sana nga natutulog lang siya, pero hindi. Halika upo ka muna rito.” Pinaupo niya si Daniella sa kabilang side ng higaan ni Alexa.

 Pumasok naman ang isang nurse sa kwarto. “Excuse me Ms., pinapatawag po kayo ng doctor. Kailangan daw po kayong kausapin.”

 “Okay sige, salamat.” Umalis na ang nurse at bumaling muli siya ng tingin kay Daniella. “Huwag kang aalis rito Daniella, may kailangan lang akong puntahan. Bantayan mo muna siya okay.” Tumango naman si Daniella bilang sagot.

 Lumabas na si Lexie, at si Daniella na nakatingin lang kay Alexa.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Book of Fate (Chapter 58)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.