Book of Fate

Book of Fate (Chapter 9)

Nang nakalabas na ng opisina si Glen, sumandal si Jack sa kanyang upuan at tumingala at biglang napangiti. “Malapit na ulit kitang makita — Alexa.”

Samantala si Alexa ay naisipan muna na lumabas at mag-grocery, napansin kasi niya na wala na silang stock ni Lexie. Sa isang supermarket sa loob ng mall siya nagpunta dahil malapit lang ito sa bahay nila ni Lexie.

Ilang oras rin ang lumipas na hindi nakapagsulat si Alexa sa libro, pero hindi ibig sabihin no’n ay hindi na gumagalaw ang mga characters niya sa aklat dahil iisa lang naman sila ng mundo, panahon, at oras. Magpapatuloy pa rin sila sa kanilang ginagawa ngunit may konting kalituhan dahil habang nagsusulat si Alexa sa libro ay nakokontrol niya ang mga ginagawa nila Daniella at William. Oo puwedeng ihinto ni Alexa ang pagsusulat ng kwento nila ngunit magkakaroon na ito ng problema dahil nasimulan na niyang manipulahin ang mga hindi dapat muna mangyari kaya kung ihihinto ito ni Alexa ay paniguradong sa huli ay magkakagulo ang lahat.

Malapit ng matapos sa pamimili si Alexa ng may nasanggi siyang isang lalaki habang hawak ang basket. “Naku! P-pasensya na hindi ko sinasadya,” nakayuko siya habang sinasabi iyon.

Ang lalaki naman ay sinisilip siya na tila kinikilala. “Alexa?”

Kumunot ang noo niya dahil mukhang kilala siya nito base sa pagtawag ng pangalan niya. Tumayo siya ng tuwid at tiningnan ang lalaki sa harap niya at sa pagtitig niya rito ay napagtanto niya kung sino ito. ” R-ryan?”

Ngumiti ito sa kanya. “Ako nga, long time no see, kumusta ka na?” Ngumiti lang siya dahil hindi naman niya inasahan na sa araw na ‘to ay makikita niyang muli ang lalaking inibig niya noong high school student pa lang siya.

Pagkatapos ng tagpo na ‘yon naisipan ng dalawa na pumunta sa isang parke malapit sa mall at doon mag-usap.

“Kumusta ka na?” tanong ni Ryan.

Nakaupo sila sa isang mahabang upuan at nakaharap sa mga palaruan ng mga bata. “Ayos naman, ikaw kumusta?”

Ngumiti ito. “Masaya may pamilya na at may isang anak.”

Nilingon niya si Ryan at nakita niya kung gaano ito kasaya sa buhay nito ngayon. “Mabuti kung gano’n.”

Tumingin ito sa kanya. “Ikaw may pamilya ka na ba?” Umiling lang siya bilang sago. “Ano naman ang pinagkaka-abalahan mo ngayon?”

“I’m a writer,” nakangiti niyang sagot.

Tumango-tango si Ryan sa sagot niya. “Mukhang masaya ka na rin sa kung ano ang tinatahak mo ngayon, pero siya kaya masaya na rin ngayon?” Habang nakatingin sa kalangitan.

Nagtaka siya sa huling sinabi nito at tumingin kay Ryan na nakakunot ang noo. “Siya?”

“Hindi ka ba niya nakausap bago tayo mag-graduate ng high school?”

Nalito siya sa sinasabi ni Ryan. “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo.”

Bumuntong-hininga si Ryan. “Torpe rin pala ang isang ‘yon ang tapang na kausapin ako noon pero hindi rin pala nasabi kung ano ang gustong sabihin.” Pagkatapos ay umiling pa ito.

“Sino ba ‘yong sinasabi mo?”

Ngumiti si Ryan. “Alam kong mayroon kang pagtingin sa akin noon, Alexa.” Natigilan siya saglit. “Lahat ng pasimple mong sulyap sa akin noon ay napapansin ko kahit saan ako naroon ay na sa paligid ka, pero hindi ka nagbalak lumapit sa akin noon.”

Umilap ang mata niya. “Paano mo naman nasabi na mayroon akong pagtingin sayo noon?”

Hinawi ni Ryan ang buhok at ngumiti na para bang may naalala. “Dahil sa kanya, ang akala ko lang noon ay nagkataon lang kung nasaan ako ay nandon ka pero hindi pala, may isang tao ang lumapit sa akin at kinausap ako tungkol do’n.”

Halos malukot na ang noo niya sa pinagsasabi ni Ryan dahil hindi niya alam kung sino ang taong tinutukoy nito. “Sino ba kasi ang taong tinutukoy mo?” may konting pagka-irita na sa boses niya na tinawanan lang ni Ryan.

“Kilala mo siya, kilalang-kilala mo siya Alexa, at siya ang tunay na nagkaroon ng damdamin para sayo noon, pero bakit hindi niya pa rin sinabi sayo. May pagkakataon na siya e, pinagbantaan pa nga ako na huwag kang pansinin dahil sa oras na magpakita ako ng kahit maliit na interes sayo ay mawawalan na siya ng pag-asa sayo, kaya ang ginawa ko ay kahit mapagawi ang mata ko kung nasaan ka ay hindi ko ginawa noon.”

Hindi ma-proseso ng utak niya ang sinasabi ngayon ni Ryan at sa taong tinutukoy nito na ayaw nitong pangalanan. “Hindi ko muna ibibigay sayo ang pangalan niya at baka magkita pa kayong muli at malay mo doon niya na sabihin ang nararamdaman niya para sayo, kung wala pa rin siyang pamilya hanggang ngayon.” Tumayo na si Ryan at kinuha ang mga pinamili. “Paano una na ako sayo at baka magalit na sa akin si misis sa tagal kong namili, at siya nga pala gagawin kitang ninang ng anak ko sa binyag niya.Okay lang ba sayo?” Tumango naman siya at kinuha na nito ang numero ng telepono niya bago umalis.

Pagka-alis ni Ryan ay parang wala sa sariling nakatulala lang si Alexa.

“Sino bang tao ang tinutukoy niya na kilalang-kilala ko?” Ilang minuto na inaalala niya ang mga nakilala niya noon pero hindi na niya maalala ang mga pangalan ng mga ito sa sobrang tagal ng nakakalipas.

Dahan-dahan siyang umiling at inalis na lamang sa isip niya ang sinabi ni Ryan sa kanya. Kinuha na rin niya ang pinamili niya at lumakad na palayo sa parke.

Ang hindi niya alam si Jack ang tinutukoy ni Ryan, bago pa man sila mag-graduate ay kinausap ni Jack si Ryan tungkol kay Alexa.

Umupo si Jack sa tapat ni Ryan na may pagitan na isang table habang nagbabasa ito ng libro. Nagtataka naman na tiningnan siya ni Ryan. “Anong kailangan mo?”

Nakipagtitigan pa muna si Jack bago sagutin ang tanong ni Ryan. “Alam mo bang may nagkakagusto sayo rito?” Umiling lang si Ryan. “Puwes ako na magsasabi, pero pinapa-alalahanan lang kita huwag kang magkakamaling pansinin siya!”

“Sino ba ang tinutukoy mo?”

Lumingon si Jack kung nasaan si Alexa at buti na lang busy ito habang nagsusulat sa isang notebook kaya sigurado siyang hindi mapapagawi sa kanila ang atensyon nito.

“Yung babae na ‘yon, kaya paalala lang huwag mo siyang titingnan kahit isang beses dahil baka isipin niya na may chance na siya para mapansin mo, maliwanag ba”

Nakataas ang dalawang kilay ni Ryan habang litong nakatingin kay Jack. “Teka! Bakit ako ang kinakausap mo tungkol diyan, hindi ba dapat siya ang kausapin mo?”

Tamad na tumingin sa kanya si Jack. “Sa tingin mo makikinig siya sa akin, gayo’ng ikaw ang gusto niya at hindi ako. Mainam ng ikaw ang kausapin ko para sure.”

“Bakit hindi mo pa sabihin ang feelings mo sa kanya kung natatakot kang mapansin ko siya?”

Lumingon muli si Jack sa gawi ni Alexa. “Dahil hindi pa ako sigurado, kung ikaw naman ang gusto at nakikita niya.”

“Bakit hindi mo subukan?”

“Sasabihin ko rin ‘yon, pero hindi pa ngayon, huwag ka lang eeksena. Tandaan mo lahat ng sinabi ko. Nagkaka-intindihan ba tayo.” Maangas pang tiningnan siya ni Jack bago nilipat ang tingin kay Alexa na ngayon ay paalis na.

Mula kay Jack nalipat ang tingin ni Ryan kay Alexa at nasabing,“Torpe .” At umiling bago nagbasa muli ng libro.

Pagkatapos nga ng pag-uusap nila ni Jack ay sinunod na lang niya ang sinabi nito para wala ng gulo at ayaw rin naman ni Ryan na may isang taong masasaktan dahil sa kanya.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Book of Fate (Chapter 9)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

  1. Haha nakakatawa yung pagbabanta niya 😅 grabe lang haysul life talaga ang da best moments e 🤣 jusko 1st baby namin ni hubby hayskul na sa pasukan haha well anak siya ng ate ko haha kaedaran niya ang relasyon namin ni hubby at kami halos nagpalaki dun skl 😝

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.