Dead End (Chapter 27)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

NAGING kainip-inip ang mga sumunod na oras para kay Michaela. Matapos kumain at maligpitan ni Tilda ang kanilang pinagkainan ay agad na itong umalis ng kubo. At kagaya ng dati ay naging mahigpit ang bilin nito na huwag siyang lalabas ng kubo o ni huwag gumawa ng kahit na anumang ingay.

(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});

Kaya naman magmula nang umalis si Tilda kung hindi nakatalungko sa mesa ay naroong hihiga siya sa papag. At maingat na maingat ang bawat kilos niya upang hindi siya makalikha ng ingay just in case na may nagmamanman sa paligid ng kubo ni Tilda. And she had been doing that for almost four hours. Malapit na ngang lumubog ang araw. Mahigpit din ang bilin ni Tilda sa kanya na huwag siyang mangangahas na magsindi ng gasera kapag sumapit na ang dilim upang walang magtaka kung bakit nakasindi ang gasera sa kubo nito gayong wala naman doon si Tilda.

 Ilang oras pa ang lumipas. Inip na inip na talaga siya. Kulang na nga lamang ay matunaw ang pinto sa sobrang pagtitig niya doon, hoping Tilda would apper. Pero wala pa ring Tilda na nagbubukas ng pinto.

Marahan siyang tumayo at sumilip sa maliit na siwang sa bintana. Madilim. Hindi niya maaninag ang labas. Pakapa-kapa siyang bumalik sa mesa at muli siyang naupo at yumupyop sa mesa. Ilang sandali pa ay unti-unti siyang ginupo ng antok. Naalimpungatan lamang siya nang makarinig siya ng tila ba nabaling sanga dahil natapakan iyon ng kung sino man. Bigla siyang naging alerto. Nanatili lamang siyang nakaupo at nakikiramdam.

“Walang tao sa kubo ni Tilda,” narinig niyang wika ng isang lalaki. “Hindi nakasindi ang gasera.”

“Kasama ng grupo ni Rosela si Tilda at naghahanap sa dayo, pero may nagmamanman din kay Tilda doon,” sabi naman ng isa pang lalaki.

“Ang ibig sabihin lamang ay wala sa kubo ni Tilda ang dayo.”

“Pero kailangan nating makasigurado, iyon ang utos ni Panginoong Tonyo, mga ilang araw pa nating matyagan itong kubo ni Tilda at kapag wala talaga tayong napansing kakaiba ay tsaka natin sabihin kay Panginoong Tonyo na wala sa pangangalaga ni Tilda ang dayo.”

Hindi maiwasan ni Michaela na kabahan sa naririnig na pag-uusap ng mga kalalakihan sa labas. Delikado pala talaga silang dalawa ni Tilda. Kailangang makalipat siya sa bahay ni Rosela. Sana lamang talaga ay mapagkakatiwalaan nila ito.

Ilang sandali pa ay pahina ng pahina ang usapan na ang ibig sabihin lamang ay paalis na ang kung sino man ang nasa labas. Nakiramdam muna siyang maigi. Nang masigurong wala ng tao sa labas ay maingat siyang tumayo at nahiga sa papag. Sa totoo lamang ay nagugutom na siya pero sa sobrang takot niyang lumikha ng ingay ay minabuti na lamang na mahiga at matulog.

Biglang napabalikwas ng bangon si Michaela nang makarinig siya ng ingay na tila may nagbubukas ng pinto. Titingnan niya sana sa wrist watch niya kung anong oras na pero sobrang dilim. Hindi niya alam kung gaano siya katagal natulog at kung naepekto pa ba hanggang ngayon ang huling likido na ginamit niya kanina. Kahit na madilim ay pinilit niyang aninagin ang pinto. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib dahil patuloy ang ginagawa ng kung sino man ang nasa kabilang pinto. Nang tuluyang magbukas ang pinto ay napakagat-labi siya.

“Kinabahan ka, ano?”

Doon lamang siya nakahinga ng maluwag. “Namputsa! Grabe ang kaba ko dun ah,” wika niya.

Binuksan ni Tilda ang gasera.

“Balita sa paghahanap sa akin?”

“Hayun, hindi ka pa rin makita.”

She giggled. Of course, that was an obvious answer. Paanong makikita siya ng mga naghahanap sa kanya gayong naririto siya sa kubo ni Tilda?

“Nga pala, may mga kalalakihan na nagpunta rito kanina,” pagbibigay-alam niya rito. Nakita niyang nanlaki ang mga mata nito.

“Mabuti naman at hindi ka gumawa ng ingay,” anito bakas sa tinig nito ang pag-aalala. Pagkatapos ay napabuntong-hininga ito.

“Kulang na nga lamang ay huwag akong huminga e,” napapangiting saad niya. “Ni hindi nga ako makakain dahil nag-aalala ako ng sobra na baka makagawa ako ng ingay,” dagdag niya pa.

“Tamang-tama itong dala ko,” nakangiting turan ni Tilda. Noon niya lamang napansin ang dala nitong plastic container na nakalagay sa supot. “Kanina pa dapat ako pero mapilit kasi si Ate Rosela at nagluto pa para hindi na raw ako magluto pagdating ko.”

Inilapag nito ang plastic container sa mesa at binuksan iyon. Napalunok siya nang maamoy ang halimuyak ng bagong lutong pansit. Mabilis siyang tumayo at kumuha ng plato at tinidor para sa kanila ni Tilda.

“Grabe, miss ko na itong pansit,” saad niya habang kumukuha ng pansit.

(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});

“O, siya kumain kang mabuti at alam kong nagutom ka sa pagtiis mo ng gutom,” anito.

“Wala bang pampatulog ito?” biro niya. Naikuwento niya rito kung paano sila nilansi ni Lucinda.

Pabirong inirapan naman siya nito. Tahimik nilang pinagsaluhan ang pansit.

Ipinagtapat mo na ba sa Ate Rosela mo ang tungkol sa akin?” tanong niya rito makalipas ang ilang sandali.

Umiling ito.

“Bakit?” nagtatakang tanong niya rito. “Akala ko ba lilipat na ako sa bahay niya?”

“Sa palagay mo ba makakapag-usap kami gayong marami kaming kasama?”

Na-‘ah’ na lamang siya.

“Babalik ako sa bahay niya. Doon na ako matutulog. Para mag-usap-usap tayong tatlo kapag nagising na kami,” sabi nito.

“Paano ko malalaman kung nasaan ang bahay niya?” she asked.

Tilda rolled her eyes upward. “Duh! Natural sasabihin ko sa iyo.”

Natawa siya. Agad naman tinakpan ni Tilda ang bibig niya dahil napalakas ang pagtawa niya. Nag-peace sign naman siya.

“Bukas lilibutin ko ulit ang Thalassa,” aniya nang matapos na silang kumain. “sana lang talaga, makita ko na ang kapatid ko at mga kaibigan ko,” bahagyang nabahiran ng lungkot ang kanyang tinig.

“Umaasa ka pa ba na buhay sila?” seryosong tanong ni Tilda sa kanya.

“Sa palagay mo ba talaga patay na silang lahat?” balik na tanong niya rito.

“May mga pagkakataon na pinapatagal nila sandali ang buhay ng mga naliligaw dito…tipong tinotorture muna…naglalaro ba ganoon. Pero madalas pinapatay agad nila,” sagot nito.

“Mga wala silang puso!”

“Kung magagawa ko nga lamang sana na hanapin ang kapatid at mga kaibigan mo ginawa ko na. Kaya lang gising ang lahat, hindi ako makakakilos ng maayos. Basta sa abot ng aking makakaya tutulungan kita.”

 Nagpasalamat siya rito. Sana lang ay may mangyaring maganda sa susunod na gagawin niyang paghahanap sa kanyang mga kasama.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Dead End (Chapter 27)

3 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.