SAKAY ng pick up ay inihatid ni Dante pauwi sa kanilang bahay si Belinda. Dama niya ang kaseryosohan sa pangako nitong pagbabantay at sa wari niya ay ligtas ang pakiramdam niya kapag kasama ito. Hindi na ipinasok ng lalaki sa loob ng bakuran ang pick up pero inihatid siya nito hanggang sa terasa ng kanilang bahay.
Paglapit sa pinto ay binuksan niya iyon at saglit siyang nagtaka nang makitang nakandado iyon. Iniwan niya iyon nang bukas kanina at hindi naman iyon ikakandado ni Nancy. Napaisip siya at awtomatikong kumilos ang mga paa para silipin ang garahe. Doon ay nakita niyang kulang ang mga nakaparadang sasakyan. Umalis kaya ang mama at papa niya?
“Nancy?!” tawag niya sabay katok sa pinto. Pero ilang minuto na silang nakatayo roon ay wala pa ring nagbubukas ng pinto o kahit ng ilaw kaya.
Kumilos ang kaniyang kamay upang kuhanin ang cellphone mula sa kipkip na bag pero natampal niya ang sariling noo nang makitang patay iyon. Marahil ay kanina pa siya tinatawagan ng mga magulang pero dahil patay ang cellphone niya ay hindi na nakapagpaalam ang mga ito.
“Sandali lang…”
Napatingin siya kay Dante nang hawakan siya nito sa balikat na tila inaawat sa pagtawag sa loob. Sa gitna ng dilim ay nakuha niya ang ibig nitong sabihin. Inilagay nito ang hintuturo sa kaniyang mga labi at nakuha niya ang kahulugan niyon. Naramdaman niya ang kamay nito sa kaniyang likod at kusa naman siyang napakayakap dito. Kumakabog ang dibdib na nakiramdam siya sa paligid.
Bumaba ang mukha ni Dante sa kaniyang tainga at sa mahinang-mahinang tinig ay itinanong nito kung may dala siyang susi. Tumango siya nang maalalang nakuha niya ang sariling kopya ng susi na nakasabit sa gilid ng pinto ng silid ng mga magulang. Walang ingay na kinuha niya iyon sa loob ng dalang bag at maya-maya pa ay hawak na iyon ni Dante.
Iginiya siya nito papunta sa likod nito na tila ba ikinakanlong siya sa panganib. She felt a sudden rush of relief ran though her veins. She was with Dante and she knew he would always protect her. Maingat nitong binuksan ang pinto habang nasa likuran siya nito. Dahan-dahan silang pumasok sa loob ng bahay habang nakikiramdam. Makalipas ang matagal na sandali at matiyak na walang ibang tao roon ay naramdaman niya ang pagkabig ni Dante sa kaniyang ulo. She was not sure if he kissed the top of her head. Basta natagpuan na lang niya ang sariling saglit na napaloob sa mga bisig nito.
“Cleared, Belle. There’s nobody inside the house,” sa buong-buong tinig ay anas nito. Nakahinga siya nang maluwag dahil doon. Kinapa niya ang switch ng ilaw sa isang sulok at agad na kumalat ang liwanag sa paligid. Doon niya nakita ang isang dilaw na papel na nakadikit sa silong ng hagdan.
Nasa Tagaytay sila Mama. Kept calling you but your cellphone was out of reached. On group activity for two days. Take care. Reynan.
Malakas niyang binasa iyon kasabay ng pag-iling. Iniwan siya ng mga magulang at itinuloy na ang bakasyon na sinasabi ng mga ito. At wala rin si Reynan kaya mag-isa siya roon sa loob ng dalawang araw. Ang nakakainis pa, kasama ng mga ito si Nancy, ang ahas na kinukupkop nila sa bahay na iyon. Napapikit siya dala ng inis.
“Paano ka? Wala ka bang ibang makakasama rito?” pukaw ni Dante sa kaniya.
“I’m sure, iniisip nina Mama na pupuntahan ko si Yaya Sela sa kabila para patauhin dito. I-cha-charge ko lang ang cellphone at siguradong tatawag na ang mga iyon.” Hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay muling namatay ang ilaw. Napatili siya.
“Belle…brown out lang,” tudyo ni Dante. Hindi siya agad nakakibo.
“Sigurado ka? Paano kung…kung may tao sa paligid at…”
“Hussshhh…paranoid ka na,” saway nito. Inalalayan siya nitong maupo sa sofa na naroon at ito na ang kumilos upang maghanap ng kandila sa mga cabinet. Saglit lang ay pabalik na ito dala ang isang mataas na kandilang nakatayo sa isang puswelong may tubig.
“Bakit may tubig? Oh, stupid question…para hind maging sanhi ng sunog?” nakangiting tanong niya kay Dante. Kaykisig nito sa malamlam na liwanag na nagbubuhat sa munting kandila. Iniiwas niya ang tingin nang masalubong ang mga titig ng lalaki.
“Sa lahat ng oras ay dapat na alerto ka. Huwag kang magtitiwala sa katahimikan. Lalong huwag sa dilim,” seryoso ang tinig na wika nito.
“Sira ang generator namin at walang mag-aakalang mawawalan ng kuryente ngayong gabi. Hindi bale, mamaya lang ay baka magbalik na ang ilaw,” tugon niyang binalewala ang kilabot na nadama sa sinabi nito.
“Paano kung hindi?”
Napatingin siya kay Dante. Ngayon ay nakaupo na ito sa tabi niya habang ang kandilang kanina lang ay hawak nito ay nasa ibabaw na ng center table.
“Matutulog lang naman ako. Saglit lang ay umaga na.”
“Hindi ko alam ‘yan. Parati nang mahaba ang gabi para sa akin,” sabi nitong may bahid ng ngiti sa mga labi.
Kapwa sila natahimik sa mga sumunod na sandali. Si Dante ang unang bumasag ng katahimikang iyon nang itanong nito kung saan ang bahay ng Yaya Sela.
“Diyan lang sa labasan. Ikatlong bahay mula rito. Siya ang nag-alaga kay Reynan noong bata pa ang kapatid ko.”
Tumango ito. “Kung pupuntahan natin siya, mapapanatag ka ba?”
Sasagot na sana siya nang biglang makarinig ng malakas na iyak ng pusa. Kapwa sila nagulat nang kasunod ng iyak na iyon ay ang paghagis ng kung ano sa bintana ng bahay. Napasigaw siya at napatayo naman si Dante. Mabilis nilang tinungo ang terasa ng bahay at nakita nila ang isang pusang itim na nakahiga sa damuhan. Mabilis itong tumayo at nagtatakbo palayo. Tila takot na takot habang umiiyak nang kakila-kilabot sa kaniyang pandinig.
“Dante…” nahihintakutang sabi niya sabay hawak sa isang braso nito. Si Dante naman ay nanggigilalas ang anyo habang minamasdan ng tingin ang madilim na bahagi ng bakuran na sa tingin nito ay pinanggalingan ng hayop.
“Belle, papayagan mo ba akong magpalipas ng gabi rito?” tanong nito nang lingunin siya. Mabilis at sunud-sunod na tango naman ang naging tugon niya rito.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




