Untitled design (94)

Lost Soul (Chapter 1)

Maingay, maraming tao at halos lahat ng mga boses ay maririnig sa isang gusali na iyon, may boses na nasasaktan, umiiyak, at boses na parang wala ng pag-asa na namumutawi sa kanilang mga bibig,at mga taong kumakapit sa itaas upang pawiin ang kanilang paghihirap.

(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});

Maliban sa isang kwarto na malayo sa ibang pasyente, dito ay sobrang tahimik, maging ang paglalakad ng tao papuntang kwarto na iyon ay dinig na dinig.

Pumasok ang doctor at isang nurse sa kwarto upang tingnan kung may pagbabago na ba sa pasyente na naka-admit sa kwarto na ‘yon.

“Ano na ang status nurse may sign na ba na gumalaw man lang kahit ang kanyang mga kamay ngayon?” tanong ni Doctor Calix habang nakatingin sa file na hawak nito. Siya ang personal na doctor ng pasyente.

“Wala pa rin ho doc. Nakamonitor naman po ako lagi dito pero wala pa po talagang nangyayari,” sagot ng nurse bago tumingin sa pasyente.

Bumuntong hininga ang doctor bago magsalita muli. “Mukhang kailangan ko ng kausapin ang mga magulang ng pasyente tungkol dito. Abisuhan mo ako ulit pag bumisita na sila.” Bago inabot ang file sa nurse at nauna ng lumabas ng kwarto.

Ang tinutukoy nitong pasyente ay isang babaeng maraming nakakabit na mga wire sa katawan nito na nakakonekta sa isang makina na nakasuporta sa katawan nito. Ang pasyente ay tila ba natutulog lamang at walang anumang sakit.

Lumapit ang nurse at inayos ang kumot at buhok nito na wala na sa ayos. “Palagay ko’y may desisyon na ang doctor sa iyo at kailangan ng kausapin ang mga magulang mo. Marami ka pang dapat gawin dahil bata ka pa naman at napakaganda mo pa, kaya sana lumaban ka hanggang sa kaya mo, alam kong naririnig mo ako kaya sana huwag kang bibitaw.” Kausap ng nurse sa natutulog pa din na pasyente.

Sa halos pitong buwan ng nakaratay ng babaeng pasyente doon ay naka-gawian na ni Nurse Sophie na kausapin ito kahit walang sumasagot sa kanya pati na din ang pagpapalit ng damit nito’y siya na rin, maging ang pagpupunas ng katawan dahil ang mga bumibisita dito ay unti-unti ng hindi dumadalaw. Noong unang buwan nito dito ay halos buong pamilya ang bumibisita ngunit ng lumipas ang ilang buwan ay tila nagsawa na ang mga ito. Nagpapadala na lamang ng gamit ng babae at pina-aalagaan na lang ng tuluyan sa mga nurse sa ospital.

(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});

Samantala sa bahay ng pamilya ng pasyenteng babae ay abala sa pagkain ng umagahan at pinag-uusapan ang lagay nito. “Ma, hindi ba tayo bibisita kay Natalia?” tanong ni Jacob ang kuya ni Natalia.

“I’m sorry anak busy kasi ako sa pinapatayo kong bagong salon, ngayon kasi ang dating ng supplier ng mga gagamitin doon, baka sa susunod ay sasama na ako sayo,” sagot naman ni Anastacia ang ina ni Natalia at Jacob.

“Ikaw Papa, baka gusto mong sumama sakin?”

“May meeting ako ngayon, actually pa alis na ako,” sambit ni Aurelio sabay tayo nito at humalik lamang sa asawa at umalis na.

“Ako ang sasama sayo Jacob, kaya bilisan mo ng kumain ng maka-alis na din tayo,” sambit ng lola nila si Dahlia.

“Ma naman ilang beses ko bang sasabihin na hindi kayo puwedeng dumalaw doon dahil baka makakuha kayo ng sakit, alam niyong may edad na kayo ‘di ba!” tutol na sambit ni Anastacia.

“Busy ka ‘di ba puwes ako ang gagawa ng dapat na ikaw ang gumagawa simpleng pagbisita mo sa anak mo hindi mo pa magawa.” Tumayo na ito at iniwan si Anastacia na napailing na lang. Hindi na lamang din kumibo si Jacob at pumunta na din sa kanyang kwarto upang magbihis.

Lulan na sila ng kotse at mahabang biyahe din ang kanilang bubunuin dahil malayo ang ospital kung saan naka-admit si Natalia.

Nakarating din sila ng mga bandang magtatanghali na at dumiretso agad kung nasaan ang kwarto ni Natalia. Pagbukas ng pinto ay isang nurse ang nakita nilang inaayos ang higaan nito.

“Good morning ho,” bati nito.

“Magandang umaga rin sayo. Ano ng lagay ng apo ko?” tanong ni Dahlia.

“Buti ho napadalaw kayo ngayon matagal na po kayong hinihintay ng doctor, upang pag-usapan kung ano na ang lagay ng pasyente. Sumunod ho kayo sakin.” Sabay lakad palabas ng kwarto ng nurse at hinintay si Dahlia sa labas.

“Jacob dito ka muna, ako na lang ang kakausap sa doctor.”

“Sige ho.”

Hinatid na lamang ng tingin ni Jacob ang kanyang lola bago binalingan ng tingin si Natalia at lumapit sa tabi ng higaan nito at kinausap habang mahimbing pa din na natutulog si Natalia. “Ano Wala ka bang balak gumising diyan hindi naman ikaw si sleeping beauty na naghihintay na dumating ang prince charming niya para gumising,” saad ni Jacob na may halong tawa.

Bigla ding sumeryoso ang mukha nito. “Ilang buwan na Natalia natutulog ka pa din. Gumising ka naman wala na akong naaasar sa bahay, alam mong tayo lang ang magkakampi doon ‘di ba, kaya sige na magpakita ka naman sakin ng konting pag-asa,” naluluhang saad nito.

Naghintay siya ng ilang minuto ngunit wala pa ding pagbabago. Bumuntong-hininga na lamang si Jacob at inayos na lamang ang buhok ng kanyang kapatid.

Samantala sa opisina ni Doctor Calix magkausap na ang dalawa tungkol sa lagay ni Natalia. “Kayo po ba ang magulang ni Natalia?”

(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});

“Ako ang lola niya.”

“Magulang ho sana ang gusto kong makausap tungkol sa usapin na ‘to, pero parte rin naman ho kayo ng pamilya, kaya sa’yo ko na rin sasabihin ang dapat malaman niyo tungkol kay Natalia.”

Tumango lamang si Dahlia. “Sa ilang buwan na pananatili ni Natalia dito ay wala pa ding pagbabago ang katawan niya. Hindi pa rin siya nagbibigay ng senyales kung gigising pa ba ito dahil kahit monitoring siya ng mga nurse dito ay wala pa ring nakakakita kung gumalaw man lang kahit ang daliri nito. Halos mahina na rin ang pintig ng puso niya at ang makina na lang ang nagpapalakas nito. In short kung wala po ang life support niya ay alam niyo na po kung ano ang mangyayari.” Hindi na tinuloy ng doctor ang pinupunto niya dahil mukhang alam na rin naman ni Dahlia ang ibig sabihin.

“Hangga’t tumitibok pa ang puso niya mananatili siya rito at hindi ko patatanggal ang makina na nakasuporta sa buhay niya.” Pinipigilang huwag maluha ni Dahlia habang sinasambit ang mga salita na ‘yon.

“Kung ‘yon ho ang gusto niyo susunod lamang po kami, pero hindi ko po masisiguro ang kalagayan niya sa ngayon dahil pati ang katawan niya’y ayaw na ring tumanggap ng mga gamot na pinapadaloy gamit ang dextrose, kung meron man ay wala pa sa kalahati ng gamot ang umaabot sa buong katawan niya kaya maghanda rin kayo sa anumang posibleng mangyari,” paalala ng doctor.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Lost Soul (Chapter 1)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.