Lumapit naman ng mas malapit si Natalia sa kanila at sa mismong likuran ni Ivan huminto. Dinantay ang mga kamay niya sa likod ng sofa.
“Ang galing naka-ayos na kaagad ang buhok ng lalaki na ‘to, kahit umaga pa lang.” Nilapitan niya ito at tiningnan ng mabuti at hinawakan pa.
Si Ivan ay nakaramdam ng kakaibang lamig sa gawing likuran niya na ikinatayo ng mga balahibo niya sa braso. “Teka bakit biglang lumamig? Ang init naman kanina pag pasok ko dito.” Lumingon ito sa likod, kaya magkaharap na sila ni Natalia ngayon pero hindi naman nito ito nakikita. Habang si Miguel ay nakatingin lang sa kanila.
“Kung weird ka ngayon Miguel mas weird ata ‘tong bahay mo ngayon.”
“Sabi ko sayo tingnan mong mabuti kung may napapansin ka.”
Kumunot naman ang noo ni Natalia. “Weird? Bakit may multo ba dito,” sambit niya na narinig naman ni Miguel.
Napahawak naman sa noo si Miguel sa narinig nito mula kay Natalia.
“Ano bang akala ng babae na ‘to na tao siya ngayon at hindi niya alam na siya ang multo dito?” bulong ni Miguel.
“Ano ‘yon?” tanong ni Ivan.
“Wala. Kumain ka na ba?”
“Oo, bago ako pumunta dito kumain na ko.”
Hindi talaga nakontento si Natalia at tumabi pa talaga ng upo kay Ivan.
“Hindi niya ba ko nakikita?” Inilapit pa niya ang mukha niya sa mukha nito pero wala pa din talagang reaction. “So itong lalaki na ‘to lang ang nakakakita sakin.” Lumipat ang tingin niya sa may-ari ng bahay na nakatingin din pala sa kanya.
Si Ivan ay hindi na talaga mapakali dahil sobrang lamig na sa kabilang side kung saan siya nakaupo.
“A…Miguel may pupuntahan pa pala ko, kailangan ko ng umalis.” Tumayo kaagad ito at lumayo sa sofa.
“Sigurado ka?”
“Oo, siya sige next time na lang ulit.” Ito na lang ang nagkusang nagbukas ng pinto paalis sa bahay ni Miguel.
“Hala ba’t umalis siya kaagad?” Naguguluhan na saad ni Natalia.
“Tinanong mo pa, sa tingin mo bakit?” tanong ng lalaki sa kanya.
“Ha! Hindi ko alam.” Napakunot pa ang noo niya at hindi talaga alam kung bakit.
Napapikit naman ang mata nito. “May kaluluwa pa lang minsan hindi mo alam kung may utak ba.”
“Hoy! Narinig ko ‘yon a.”
Umupo ng maayos si Miguel at tinanong na si Natalia kung bakit ito nasa bahay niya.
“Okay klaro na sa akin na isa kang kaluluwa o multo, pero bakit na sa bahay kita mismo.”
“Nakita kita sa labas ng bahay mo, kaya pumasok na ako dito.”
“Bakit?” maikling tanong nito.
“Dahil ikaw lang ang makakatulong sa akin.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Miguel.
“Makatulong saan?”
“Hanapin kung saan ako naka-admit na hospital.”
“Bakit ako?”
“Hindi din makulit ang isang ‘to, puro may bakit ang sagot,” bulong niya. Tiningnan siya ng lalaki na tila inip na inip. “Ikaw lang kasi ang nakakakita, nakakarinig, at nahahawakan ko kaya ikaw lang talaga ang puwedeng makatulong sa akin.”
“Sige nga. Sa paanong paraan kita matutulungan, alam mo ba kahit pangalan lang ng hospital?”
“Hindi,” tila nag-aalinlangan pang sagot niya.
“Galing na sa sagot mo. Hindi kita matutulungan diyan.” Tumayo na ito at pumunta na sa kusina.
“Sandali!” Hinabol naman niya ito. “Sige na please! Ikaw lang talaga ang makakatulong sakin.”
“Busy akong tao at wala akong panahon sayo, at isa pa sa tingin mo may maniniwala sa akin na may nakakausap ako na tulad mo.”
“Ayaw mo no’n unique, ngayon lang may kaluluwa na puwede pa lang kausapin.”
Naubusan na ng pasensya si Miguel. “Maghanap ka na lang ng iba na puwedeng tumulong sayo, hindi ako ang tao na ‘yon, kaya kung puwede makaka-alis ka na sa bahay ko.”
Wala ng nagawa si Natalia dahil tinalikuran na naman siya nito kaya labag man sa loob niya ay lumabas na siya ng bahay nito.
Nang oras na pinalabas ni Miguel si Natalia sa bahay nito ay na sa labas lang siya at nakaupo lang sa upuan malapit sa swimming pool.
Tinukod ni Natalia ang siko sa hita niya at pinatong sa kamay niya ang pisngi niya.
“Ano na kayang kailangan kong gawin ngayon?”
Habang si Miguel ay nakatingin lang kay Natalia mula sa bintana sa itaas.
“Hindi pa din siya umaalis?”
Habang nakatingin siya sa babae ay bigla itong lumingon sa taas ng bahay niya sakto pa talaga kung saan siya nakasilip, kaya naman agad niyang hinawi ang kurtina para magtago.
“Nakatingin pa ba siya?” Dahan-dahan siyang sumilip, pero wala na siyang makita na babae sa baba. “Ang bilis naman ata niyang naka-alis?”
Ang hindi niya alam pumasok muli si Natalia sa bahay at pumunta sa mismong kwarto niya at habang nakasilip siya sa bintana ay na sa likuran na niya ito na sumisilip din sa ibaba ng bahay.
Nagsalita ito. “Sinong tinitingnan mo diyan?”
“Yung babaeng multo nawala na kasi siya sa ibaba. Umalis na ata.”
“Talaga? Bakit nakasilip ka pa din diyan sa bintana, hinihintay mo ba siyang bumalik?”
“Syempre hindi sinisigurado ko lang na— “ Hindi na niya natapos ang sasabihin ng bigla siyang lumingon sa likuran niya at nakita ang babaeng tinitingnan lang niya kanina sa ibaba.
Ngumiti naman ito. “Hi.”
“Bakit nandito ka na naman?”
“Wala lang. Libre lang naman pumasok kaya pumasok na ako.”
“Hindi mo talaga ko lulubayan?”
Iling lang ang sagot nito. Napabuntong-hininga naman siya.
“Sige umupo ka do’n.” Sabay turo sa isang mini sofa sa loob ng kwarto niya.
Sumunod naman ito at maging siya ay umupo na din kaharap nito. “Sige tutulungan kita pero may mga impormasyon lang akong dapat malaman tungkol sayo.”
“Ano ‘yon?”
Pinakatitigan naman niya ang mukha ng babae.
“Ano’ng pangalan mo?”
“Natalia.”
“Ilan taon ka na?”
“22 years old.”
“Saan ka nakatira? Bakit ka naging ganyan? Sino mga magulang mo? Naalala mo pa ba kung ano ang nangyari bago ka naging ganyan?”
“Wow! Tinamad ng pa isa-isa ang tanong.”
“Sagutin mo na lang!” Inip na sagot niya.
“Ang sagot ay— hindi ko alam.”
Kumunot ang noo niya sa sagot nito.
“Paanong hindi mo alam? Bakit pangalan at edad mo ay alam mo, pero ang pinaka-mahalaga sa lahat ng impormasyon ay ‘yon pa ang hindi mo maalala, at kung bakit ka na sa ospital?”
“‘Yon lang ang alam ko yung iba ay hindi ko na maalala pati kung bakit nahiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko.”
Katahimikan ang nagdaan sa kwarto na iyon. Nang magsalita muli si Miguel.
“Sa totoo lang hindi ako makapaniwala na nakikita kita ngayon at nakaka-usap, pero sa tingin ko pagnagtagal na wala ka sa katawan mo posibleng permanente ka ng ganyan. Isang ligaw na kaluluwa.”
Nakaramdam naman ito ng takot base sa sa sinabi niya.
“Kaya nga kung maaari ay tulungan mo ako!”
Hinawakan niya ang bridge ng ilong niya.
“Malabo ‘yang sinasabi mo, kahit man lang sana pangalan ng magulang mo ay naaalala mo ay okay lang kahit hindi na ang lugar kung saan ka nakatira.”
“Halughugin mo ang lahat ng ospital dito at itanong kung may naka-admit bang Natalia ang pangalan.”
“Sa tingin mo mahahanap ko kung saan ka naka-admit dahil sa pangalan mo lang? Nagkakamali ka do’n, kasama dapat ang apelyido ng pasyente para hindi naman lumabas na isa akong masamang tao dahil simpleng apelyido ng pasyenteng hinahanap ko ay hindi ko pa alam.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Yun lang pero ano p kya magaganap