Love Potion (Chapter 11)

“ANONG ayawan na ang sinasabi mo sa harap ni Grena kanina?” mapanganib ang boses na tanong ni Phil kay Gael.

“Ayokong makipag-usap sa `yo! Basta sinabi kong ayoko na, ayoko na talaga!”

Hinawakan niya ang braso ng asawa nang talikuran siya. “Hindi puwede ang gusto mo! Ano `to, laro? Nakikipaglaro ba `ko sa `yo, Gael?”

“Hindi, dahil hindi rin naman ako nakikipaglaro sa `yo!”

“`Yon naman pala, eh! Bakit ganyan ang mga sinasabi mo? Ano ba ang nagawa ko?” nalilito niyang tanong.

“Wala!”

Kung titingnan ang reaksiyon ng asawa, parang napakalaking kasalanan ang nagawa niya rito. Halata ang inis sa mukha nito tuwing susulyap sa kanya at hindi niya iyon maintindihan.

Naihilamos ni Phil ang dalawang kamay sa mukha. He was not used to it. Hindi siya sanay sa ganoon. He used to get everything he wanted in just a snap. Ni hindi niya kailangang magdalawang salita. Nang muling sulyapan si Gael, nangingilid na ang luha sa mga mata nito.

“Ano, naiinis ka na? Ako rin naman. Akala mo ba, madali para sa akin ang ganito? Alam ko namang ayaw mo sa akin, Phil. Dahil lang kay Lola Merced kaya mo `to ginagawa kaya itigil na natin—”

“And you think we can do that easily? Kung hindi ka desidido, sana pala sinabi mo agad sa akin. I thought you love Grena, too, and you are also doing this for her.”

“Oo nga. Pero hindi naman kailangang pagtiyagaan ko ang pambababae mo, `di ba?”

Napakunot-noo si Phil sa narinig. “Pambab—what?!”

“What-what ka pa diyan! Nakita ko kayo! Nagpunta ako sa ospital kahapon para dalawin ka. Nakita ko… Nandoon ang… ang kabit mo!” Mahina pero malinaw ang pagkakasambit ni Gael sa huling salita.

“What the heck! What are you talking about?” Noon niya naalala ang nakaawang na pinto kahapon. Could it be… Gael?

Nasagot ang tanong niya nang magpatuloy ang asawa.

“Nakaupo si Luisa sa kandungan mo! Normal ba `yon?!”

“Wait, I can explain that part! Dumalaw lang siya do’n at—”

“Dumalaw? At walang upuan sa clinic mo kaya sa hita mo siya pinaupo? Astig!” Tumalikod na naman si Gael at mabilis na naglakad palayo.

“Wait! Makinig ka muna kasi!” Hinawakan niya ito nang mahigpit sa braso. “Okay, aaminin kong nagpunta nga siya sa ospital kahapon. Nasaktan siya sa biglaan kong desisyon na magpakasal sa `yo. She cried and… Oh, well, alam mo namang ayoko ng babaeng umiiyak, Gael—”

“Ah, okay. Kaya pinaupo mo siya sa kandungan mo para tumigil sa pagngawa? Ano `yon, bata?!”

“Hindi ko `yon sinasadya, okay? It was an accident. Umiyak siya at yumakap sa akin. I was trying to avoid her pero nawalan ako ng balanse at napaupo nang itulak niya. She landed straight into my lap. Bakit ko naman sasadyaing gawin `yon gayong may asawa na ako?”

“Hah! Lokohin mo ang lelang mo!” Tumalikod na si Gael at tuloy-tuloy na lumapit sa hagdan.

“Gael! Hindi pa tayo tapos!”

“Tapos na!” sigaw nito.

“Gael!”

“Tapos na tayo, Phil! Narinig mo? Tapos na tayo! Tse!” sagot nito, sabay pabalibag na isinara ang pinto ng kuwarto.

Nasipa niya ang kaharap na settee dahil sa sobrang inis.

“LOLA, hindi na po yata effective ang juice ninyo,” malungkot na sabi ni Gael kay Lola Merced.

“Bakit naman? Hanggang ngayon ba, wala pa ring nangyayari sa inyo ng apo ko?”

Napakamot siya sa ulo sa tanong na iyon. “Paano pong may mangyayari kung may ibang gusto si Doc?”

“`Yong Luisa na naman na `yon ang tinutukoy mo, hindi ba?”

Bahagya siyang tumango.

“Pinasusundan ko ang babaeng `yon. Duda kasi akong hindi siya titigil sa panggugulo sa apo ko dahil tingin ko, may kutob siya sa totoong dahilan ng biglaan n’yong pagpapakasal. Hindi nga ako nagkamali.”

Namilog ang mga mata ni Gael. “Ibig n’yong sabihin, alam n’yong may relasyon si Phil sa babaeng `yon?”

Tumaas ang isang kamay ni Lola Merced para patahimikin siya. “Wala silang relasyon… sa ngayon.” Tiningnan siya nito nang matiim at muling nagsalita. “Pero kung pababayaan mong magkaro’n, baka isang araw ay maagaw sa `yo ng malditang `yon si Phil!”

Nakaramdam siya ng sobrang pagkabahala. “Ano ang gagawin ko, Lola?”

“Ano pa? Eh, di rendahan mo ang asawa mo! Huwag mong pabayaang maghanap siya ng iba! Asawa mo na siya, Gael, at nasa batas ang mga karapatan mo sa kanya, gayundin siya sa `yo.”

“Natatakot kasi ako, Lola…”

“Gaga! Bakit ka matatakot? Akala ko ba, mahal mo ang apo ko?”

“Huh? Sinabi ko po ba `yon?”

Kunwa ay kinatok ni Lola Merced ang ulo niya. “Oo. Sinabi mo `yon at huwag ka nang magtangkang magkaila. Anyway, the fact that you easily agreed to marry my grandson only proved that you truly love him.”

Nahihiyang tumango si Gael. “Mahal ko namang talaga ang apo ninyo. Kaya lang… kaya lang…”

“Kaya lang natatakot ka? Mali nga `yan, Gael. Huwag kang matakot na ipaglaban ang karapatan mo sa kanya. Kahit ano pa ang dahilan ng pagpapakasal ninyo, may bias pa rin `yon. Kaya kung ako sa `yo, simulan mo nang akitin ang asawa mo. Sa gano’ng paraan, hindi na siya magkakaro’n ng dahilang tumingin pa sa iba,” mahabang litanya ni Lola Merced.

Tumanim iyon sa isip ni Gael. May punto ang matanda. Kahit hindi siya mahal ni Phil, may karapatan siya rito dahil siya ang legal na asawa. Hindi tamang may ibang babaeng umaaligid dito dahil siya lang ang dapat gumagawa ng ganoon. Bakit ba siya magpapatalo sa Luisa na iyon? Nagkamali nga siya dahil imbes na harapin, tinakbuhan niya ang eksenang dinatnan sa ospital. Dapat nilapitan niya sina Phil at Luisa para nakita niya ang magiging reaksiyon ng asawa.

Nang gabing iyon, hindi agad nakatulog si Gael. Pasado alas-diyes na nang pumasok sa kuwarto si Phil. At gaya ng dati, patalikod siyang nakahiga sa gawi nito. Napapiksi siya nang mapadikit sa itaas na bahagi ng likod niya ang braso nito. Umisod siya palayo.

“Gael…”

“Hmmm…” paungol niyang sabi na hindi lumilingon.

“Mag-usap tayo,” sabi ni Phil, sabay dantay ng kamay sa kanyang braso.

Kinilig siya sa ginawa ng asawa pero hindi nagpahalata. Sa halip, lalo niyang pinagbuti ang pagpikit. “Inaantok na `ko,” kunwa ay patamad niyang sagot.

“Gael, we need to talk.” Hinawakan siya ni Phil at iniharap dito.

Bumuntong-hininga muna si Gael bago bumangon at saka tumabi kay Phil. Pareho na silang nakaupo habang kapwa nakasandal sa headboard.

“About Luisa… please believe that she’s nothing to me. Don’t mind her. Wala kaming relasyon at—”

“Okay. Naniniwala na `ko,” putol niya sa sinasabi ni Phil.

Napalingon ito sa kanya. “You do?”

Tumango siya, apologetic nang humarap sa asawa. “Sorry kung nasigawan kita kanina. Hindi ko naman sinasadya…” nakayuko niyang sabi na kunwari ay sising-sisi sa nagawa.

Kumilos si Phil para humarap sa kanya at naramdaman niya ang masuyong paghawak nito sa kanyang balikat.

“Gael, you need to trust me, okay. Wala akong panahon sa mga kalokohan. I am a very busy person kaya huwag mo na uli akong pag-iisipan ng kung ano-ano.”

Pinigil niyang mapangiwi. Busy lang pala si Phil kaya wala itong panahon na mambabae. Paano na pala kung magkaroon ito ng libreng oras?

“If you need to ask something, feel free to approach me. Gano’n din naman ang gagawin ko. Maliwanag ba?”

Tumango si Gael pero ang tingin ay nakapako sa dibdib ni Phil. Mayamaya, nagulat siya nang itaas ng asawa ang kanyang mukha. Natagpuan niya ang sariling nakikipagtitigan dito.

“I want to hear your voice,” sabi nito.

“Oo… Naiintindihan ko.” Sa kabila ng panlalamig, lumaban siya ng titigan kay Phil.

“Are you all right? Giniginaw ka yata?”

Umiling siya, sabay iwas ng tingin. “Hindi. Kaliligo ko lang kaya siguro gano’n.”

“Okay.”

“Puwede na tayong matulog?”

“Sure.” Ngumiti si Phil nang buong kapilyuhan. “Can I… can I kiss you, Gael?”

Nanlaki ang mga mata niya sa pagkagulat sa tanong na iyon. Si Phil, itinatanong kung puwede siyang halikan?

“Teka… bakit?”

“Good-night kiss lang. I hope you don’t mind. After all, we’re already married.” Hindi pa man natatapos ang sinasabi, unti-unti nang yumuyuko si Phil para halikan siya. Napapikit siya pero agad ding umiwas hindi pa man dumadampi ang mga labi ng asawa sa kanyang bibig. Nayakap niya ang mga tuhod na agad tumiklop dahil sa halo-halong emosyon.

“Hey, what’s wrong?”

Umiling-iling si Gael. “Kinakabahan na naman ako, Doc… este Phil…”

“There’s no reason to get nervous, okay. Actually, we could have done more than kissing but—”

“Teka lang… ngayon na ba?”

Napailing si Phil, sabay ngiti. “No. Don’t worry, I won’t force you to do that. Alam kong hindi pa panahon para—”

“Ay, okay lang!” Bigla niyang natakpan ang bibig. “I mean, naiintindihan kong tungkulin ko `yon bilang asawa mo kaya kung sakaling…” Sandali siyang huminto para lumunok. “Kung sakaling gusto mo na, kaya ko naman siguro…”

Napangiti si Phil. Sa tingin pa nga ni Gael ay nagpipigil ito ng tawa. “Ayaw mo nga ng good-night kiss, `yon pa ba ang makakaya mo?” amused nitong tanong.

She pouted her lips on instinct. Nagulat siya nang mabilis na yumuko ang asawa at dinampian ng halik ang kanyang mga labi. Pero hindi agad nito tinapos ang halik, at sa halip ay para itong tumitikim ng ice cream sa ginagawa. Dahil sa pagkabigla, hindi nagawang umiwas ni Gael. Namalayan na lang niyang sumasagot na rin sa halik ni Phil.

“Kailangan pala ay binibigla ka pa,” nakangiting sabi nito nang pakawalan ang mga labi niya.

Napayuko si Gael. Pakiramdam niya ay kulay-mansanas na ang kanyang mga pisngi.“Sorry…”

Hinaplos ni Phil ang kanyang pisngi. “That was a good start, honey. Come on, matulog na tayo.”

Inalalayan siya ng asawa para makahiga. Gusto niyang tumili sa sobrang saya nang ilagay nito ang braso sa likod niya at pinaunan sa dibdib. Hindi pa nakontento, iniyakap pa ng asawa ang kanyang braso sa katawan nito. Parang anumang sandali, lalabas na ang kanyang puso at magsasasayaw sa tuwa! Hindi niya akalaing ganito lang pala magiging kadaling pumasok sa buhay ng guwapo niyang asawa. Sana lang hindi panaginip ang nagaganap dahil kung sakali, iyon ang klase ng tulog na mahihiling niyang wala nang gisingan.

 

Next to: Love Potion (Chapter 12)


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Love Potion (Chapter 11)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.