Naging successful naman ang pagkakasama ng nangyari kay Joshua sa show ni Lucas de Villa. Mas maraming nakaalam ng krimen, bukod pa sa pag-post sa social media accounts ng nasabing palabas.
Dahil dito ay mas lalong maraming nakaalam ng tungkol sa grupo nina John. Lumiit na rin ang mundo ng mga ito at maraming tao na ang on the lookout sa kanilang maaaring pinagtataguan.
Pero kahit mas dumami ang tsansa na mahuli ang mga salarin, hindi pa rin nito naso-solve ang pinakamalaking problema. Iyon ay ang hindi pa rin paggising ni Joshua mula sa coma.
“Doc, hanggang kailan po ba magiging ganyan si Joshua?” tanong ni Juliet kay Samantha. “Mag-iisang linggo na mula nang mangyari sa kanya iyon. Hindi pa rin siya nagkakamalay.”
“I wish I could answer that question. I also don’t know what to say,” malungkot namang sagot ni Samantha. “Wala naman kasing nakakaalam kung kailan gigising talaga ang isang tao mula sa coma.”
Thursday noon, at nasa labas ng hospital room ni Joshua ang dalawa. Pagkatapos nila mag-usap ay nanatili muna sa labas ng kwarto si Juliet. Nasa loob kasi si Garee, at ayaw niyang makita nito na pinanghihinaan siya ng loob. Alam niyang lalo lamang itong malulungkot kapag ganoon.
Kaya naisip niyang manatili muna sa labas, sa may gang chair upang hamigin ang sarili. Mabuti na lamang at walang masyadong nagdaraan sa pasilyo noong mga oras na iyon kaya malaya niyang nailabas ang mabigat na saloobin.
Samantala, si Garee naman ang nagbabantay ngayon kay Joshua. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong makausap ng sarilinan ang natutulog pa ring si Joshua.
“Josh… bakit ba hindi ka pa nagigising?” aniya. Saka na naman siya napaluha. “Halos one week ka nang natutulog, hindi ka pa ba pagod? Hindi ka pa ba nagsasawang humilata lang diyan?”
Napatingin na lamang si Garee sa mukha ng lalaki.
“Huy…! Ano ba?” Muli na naman siyang napaiyak. “Kailan mo ba balak gumising? Lahat na ng tao, nag-aalala sa iyo. Pati iyong mga netizens, ang daming nagwi-wish na magising ka na. Alam mo bang lumabas ka na sa show ni Lucas de Villa? O di ba, gusto mo makita sa TV? Gusto mo sumikat? Hayun na… Picture mo nga lang yung nandoon at hindi ikaw. Eh kasi, hindi ka pa nagigising!”
Muling napahagulgol si Garee. Sobrang lungkot na ang nararamdaman niya. Noong magkaaway sila ni Joshua ay nalungkot din siya, pero mas matindi ngayon dahil nga siguro may posibilidad na hindi na sila magkausap pa ulit.
“Ang sabi mo noon, hindi mo na ako paiiyakin. Pero anong ginagawa mo? Lagi na lang akong umiiyak, Josh… Nakakapagod na.”
Napayuko na lamang siya habang patuloy na umiiyak. Sa sobrang bigat ng nararamdaman niya ay napadukmo siya sa kama ni Joshua.
Kaya naman hindi niya nakita noong unti-unting dumilat ang mga mata ni Joshua. Saglit na inilibot ng lalaki ang mga mata sa silid, hanggang sa mag-landing ang mga ito sa babaeng nakadukmo sa kama nito.
“Miss…?”
Natigilan si Garee, pero saglit lang at kaagad din siyang napatingin kay Joshua.
“Josh…!” sigaw niya.
“Miss…” ang sabi lamang ni Joshua.
“Josh… gising ka na!” naluluha niyang wika.
“Miss…”
Natigilan si Garee. Bakit ‘Miss’ ang tawag nito sa kanya?
“Josh…?”
“What…” nanghihinang tugon nito.
Parang naguguluhan si Joshua na ewan. Bigla tuloy kinabahan si Garee. Hindi naman kaya…
“Josh?” Napatayo siya at napalapit pang lalo dito. “Josh, are you okay? What are you feeling?”
Ngunit tinitigan lamang siya ng lalaki. Tuluyan nang nagimbal si Garee.
“Josh… y-you don’t remember?” Natignan lamang siya nito. “Josh… ako si Garee! Ako iyong best friend mo.”
“Best… f-friend…”
Saglit na hindi nakapagsalita si Garee. Napatitig na rin lang siya kay Joshua.
“Y-You…” Iniangat ni Joshua ang kamay, at saka ito dumapo sa mukha ni Garee. Pinunasan nito ang mga luha sa kanyang pisngi.
Pero dahil doon ay lalo naman siyang napaluha.
“Josh… hindi mo ako natatandaan? I’m your best friend.”
“I’m sorry…”
“Okay lang… siguro nabagok nga talaga ang ulo mo. Siguro nga, nagka-amnesia ka. Ano ba kasing ginawa nila sa iyo? Bakit ganyan?”
Lalong umiyak si Garee.
“Hey…”
“Bakit kailangan sa iyo pa mangyari ang ganyan?” puno ng pait na tanong ni Garee. “Wala ka namang ginagawang masama. Hindi mo naman kasalanan. Si Gina naman kasi, eh.” Hysterical mode na siya.
“Siya naman talaga iyong pangit ang ugali, kaya ka nakipag-break sa kanya. Siya naman iyong hindi nagmahal sa iyo. Bakit parang siya pa iyong pa-victim ngayon? Tapos, ayaw pa niya tayong maging masaya. Bakit hindi ka na lang niya hayaan na maging maligaya sa piling ng iba? Oo, nasaktan siya pero kailangan ba niyang hilingin na mawala ka sa mundo?” ang sabi pa niya.
Napakunot ang noo ni Joshua. “Huh?”
“Eh kahit ano namang sabihin niya, kahit gaano niya iiwas ang sarili niya, siya naman ang puno’t dulo nito. Hindi naman iyon maiisip ni John kung hindi niya sinabi iyon.”
“Garee…” mahinang tawag ni Joshua.
“Alam naman niya na baliw na baliw si John sa kanya, eh. Kahit anong sabihin niya, gagawin noong isa. Hindi ba niya naisip na maaari kang mamatay dahil doon sa sinabi niya–”
“Ga!”
Nagawang makasigaw ng konti ni Joshua. Tinipon nito ang konting lakas para makuha ang atensiyon ng kaibigan.
Na gumana naman dahil natigil si Garee sa paglilitanya.
“What did you say?” he then asked.
“Huh?” Hindi pa rin makapagsalita si Garee.
“Si Gina?”
Saglit na natigilan si Garee. Oo nga pala, may amnesia ito at hindi nito natatandaan si Gina.
“Si Gina iyong ex-girlfriend mo. Si John, yung lalaking obsessed sa kanya,” sagot niya.
“No, not that part.”
Saka lang na-realize ni Joshua kung ano ang nangyayari kay Garee.
“I remember everything,” he suddenly said.
Natigilan si Garee.
“I remember everyone.”
“Wala kang amnesia?” Dagsa ang ligaya sa puso niya.
“I just wanted to prank you. Sorry…”
Napangiwi si Joshua. Samantala’y unti-unti namang nag-sink in kay Garee ang lahat.
“Wala kang amnesia? Prank lang iyon? Alam mo ba kung gaanong nalungkot ako? Akala ko, hindi mo na kami natatandaan. Nag-sorry-sorry ka pa na hindi mo ako naaalala. Hindi mo ba naisip na sobra akong nag-aalala sa iyo? Nagawa mo pang mag-prank, eh ganyan na nga iyong kalagayan mo?” Talagang galit siya ngayon.
“Sorry na, hindi ko naman–”
Pero tuloy-tuloy na ang pagra-rant ni Garee. Sinabi niya lahat dito ang hirap ng kalooban na naranasan niya noong malaman ang nagyari dito, kung gaano siya nag-alala na hindi pa siya nagigising kahit isang linggo na halos ang nakakaraan, kung gaano siya natatakot at nalulungkot.
“Tapos nagawa mo pang mag-prank?” Hayon na naman iyong hahulgol ni Garee.
Sobra namang na-guilty si Joshua.
“Ga…” Pinilit nitong maupo at abutin si Garee, pero biglang sumakit ang tahi niya sa tagiliran. “Ugh!” Talagang napasigaw siya sa sakit.
Bigla namang nag-alala si Garee. Pero dahil galit ay hindi niya ito dinaluhan. Tinignan na lamang niya ito at saka sinuri kung kailangan ba niyang tulungan ito.
“What did they do to me?” His face mimicked the pain he was feeling. “Bakit ang sakit dito sa side ko?” Itinuro pa nito ang tagiliran.
“Iyong tahi mo iyon,” sagot ni Garee nang maalala ang naging operasyon nito.
“Huh?” Joshua is really clueless. Hindi naman nga kasi niya alam kung ano ang mga pinaggagawa nila sa kanya.
“Inoperahan kasi iyong rib mo. Nabali at tumusok sa baga mo,” paliwanag niya.
“Kaya ba, nahihirapan akong huminga?”
Hinihingal nga si Joshua. Napalapit tuloy si Garee sa kanya.
“Nahihirapan ka bang huminga? Gusto mo tawagan ko yung nu– Ah!”
Nagulat na lamang si Garee nang bigla siyang hablutin ni Joshua. Saka siya nito niyakap.
“I’m sorry for making you cry. I promised na hinding-hindi na kita paiiyakin, pero heto ka ngayon. Nasasaktan dahil sa akin.”
“Hindi mo naman kasalanan talaga,” malungkot na wika ni Garee.
“Still, it was because of me, that’s why you cried. I’m sorry…”
Muli na namang dumaloy ang mga luha ni Garee, but this time ay hindi na purong lungkot. May kahalo na itong ligaya sa paggising ni Joshua.
Magkayakap pa rin sila nang pumasok ng hospital room si Juliet. Ang akala nito noong una ay niyakap lamang ni Garee ang anak, pero nang mapansin niyang nakayakap din ang mga braso ni Joshua kay Garee ay bigla siyang napaiyak.
“Josh…” Bigla siyang hindi makagalaw.
Kumalas si Garee sa pagkakayakap kay Joshua.
“Gising ka na…”
Tuluyan na ngang napahahulgol si Juliet habang papalapit sa anak. Mahigpit silang nagyakap na mag-ina, habang si Garee naman ay natutuwang pinanood ang mga ito.
Pagkatapos noon ay nag-video call naman sila kay Jason na nasa trabaho. Naluha din ito dahil sa saya, at nagpasya siyang pumunta na sa ospital kahit hindi pa oras ng uwian nila.
“Si Jasmin, tawagan din natin,” excited na wika ni Juliet.
“Tita, baka nasa klase pa po si Jasmin. Mamaya na lang siguro?” ang sabi naman ni Garee. “Alam ko naman ang oras ng last subject niya. Ako na lang magsasabi sa kanya.”
Sumang-ayon na rin naman si Juliet doon. “Sabagay…” ang sabi na lamang nito.
“Ga, ano iyong sinabi mo kanina tungkol kay Gina?” tanong ni Joshua.
Ikunuwento ni Garee sa kanya kung ano ang mga nangyari noong nasa coma siya, at kung ano nga ba ang naging dahilan kung bakit siya inatake ni John.
“Anak, naalala mo ba iyong ginawa nila sa iyo?” tanong ni Juliet sa kanya.
Tumango si Joshua.
“Eh kung tawagin na lang muna natin iyong mga pulis?” ang sabi naman ni Garee. “Para minsanan ka na lang magsalaysay. Kasi parang nahihirapan ka pang magsalita.”
“Sige…” sang-ayon ni Joshua sa sinabi nito.
“Pagdating ng papa mo, papatawag natin iyong pulis sa kanya,” ang sabi naman ni Juliet.
“O kaya Tita, sabihan ko iyong mga bantay sa labas,” ani Garee nang maalala ang mga bantay nila sa labas lang ng hospital room.
“Ah, oo. Pwede din,” ani Juliet.
“Bantay?” tanong ng naguguluhang si Joshua.
Si Garee ang nagpaliwanag sa kaibigan. “May ibinigay na bodyguard si Vic. Ewan, baka daw kasi balikan ka nung mga gumawa sa iyo niyan.”
“Tsaka noong una kasi akala din nila may kinalaman iyong pagpunta mo sa Hacienda sa nangyari sa iyo,” dagdag pa ni Juliet.
Natutuwa na nakokonsensiya naman si Joshua sa narinig.
“Nadamay pa tuloy sina Vic,” aniya.
“Mahal na mahal ka ng best friend mo na iyon. Sobra siyang nag-aalala, Josh,” ani Garee.
“Ganoon din naman ako, eh. Mahalaga din siya para sa akin,” ang sabi naman ni Joshua.
“At least ngayon, magkakasama na kayo ulit, at pwede na ulit kayong mag-bonding lagi,” ani Juliet sa anak.
Tumango si Joshua. Tsaka siya tumingin kay Garee na ngumiti naman sa kanya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




