Papunta na sana sina Jasmin at Nick sa may Macabulos Park para mag-practice ng kanilang PE practicum, nang biglang tumunog ang cellphone ni Jasmin. Isa itong mensahe sa kanilang group chat sa Facebook, na normal lang naman nilang natatanggap.
Pero nang makita na si Garee ang nag-send ng message, biglang kinabahan si Jasmin. Alam niya kasing ng mga oras na iyon ay nasa ospital na si Garee, nagbabantay sa Kuya Joshua niya.
“May problema ba?” tanong ni Nick nang bigla siyang matigilan pagkakita sa cellphone.
Tinignan ni Jasmin ang lalaki, pero imbes na sumagot ay binuksan niya ang mensaheng pinadala ni Garee. Nakitingin na rin si Nick, guessing that the message is the reason for her sudden hesitation.
Isa iyong picture ni Joshua, na naka-thumbs up while grinning to the camera. Kalakip nito ang mga salitang: BUHAY PA AKO, GUYS! In all caps na parang pinagsisigawan niya ito.
“Nagising na si Kuya Joshua!” buong galak na wika ni Nick.
Hindi nakapagsalita si Jasmin. Napatingin lamang siya sa kasama.
Si Nick naman ay natatawa sa sobrang galak. Saka nito hinawakan sa magkabilang balikat si Jasmin.
“Okay na iyong kuya mo.” Saka para itong maiiyak. Siguro kasi, nagsimula na ring mamuo ang mga luha sa mga mata ni Jasmin.
Bago pa tuluyang humagulgol sa tuwa si Jasmin ay biglang dumating sina Terrence at Kim na magpa-practice na rin sana.
“Have you seen the message in the GC?” bungad ni Terrence sa dalawa. Saka ito natigilan pagkakita ng reaksiyon ng dalawa. “You’ve seen the message in the GC…”
“Jas, okay na si Kuya mo!” ang sabi naman ni Kim sabay yakap kay Jasmin.
Hindi nakasagot si Jasmin. Kataka-takang hindi pa siya tuluyang naiiyak kahit pa nga namamasa na ang kanyang mga mata.
“Pumunta muna kaya tayo sa ospital? Huwag na muna tayong mag-practice,” ang sabi naman ni Nick kay Jasmin.
“Right! I’ll drive everyone to TGH,” ang sabi naman ni Terrence.
Hindi na namalayan pa ni Jasmin kung paano niya nagawang sumama sa tatlo papunta sa kotse ni Terrence. Basta nang mga sandaling iyon kasi ay nakay Joshua lamang ang isip niya.
Samantala, nang makita naman ni Carol ang mensahe ay napasugod siya sa opisina ni Vic.
“Vic, have you seen–”
“I have,” ang sabi ng lalaki na nagliligpit ng mga gamit niya. “I’m going there now.”
Natutulalang pinagmasdan lamang ni Carol si Vic hanggang matapos ito sa pagliligpit.
“What are you still doing just standing there?” tanong ng lalaki nang matapos ito sa ginagawa.
“Wala pang 5,” imbes ay sagot ni Carol, na ang ibig sabihin ay wala pa ang oras ng pagtatapos ng kanilang trabaho sa araw na iyon.
“Well, I am your boss, and I am telling you now that we will go to Joshua.”
“Right!”
Dali-daling nagligpit na rin ng gamit niya si Carol.
********
Pagdating ni Jasmin sa ospital ay kaagad niyang niyakap ang kanyang kuya. Noon na rin niya pinayagang dumaloy ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan habang papunta sila doon nina Nick, Terrence at Kim.
Napangiti naman si Joshua sa ginawa ng kapatid. Alam niyang malaking pag-aalala sa kanyang kapatid ang nadulot ng nangyari sa kanya. Hindi man niya kasalanan ay medyo nagi-guilty din siya, pero wala siyang magawa kundi ang yakapin na lamang ang umiiyak na kapatid.
Nandoon na rin nang mga sandaling iyon si Jason, na nilipad yata ang distansiya mula opisina nila papunta sa TGH. Buti na lang at hindi sa ER ito dumiretso bilang biktima ng vehicular accident. O kaya naman, sa presinto o sa LTO dahil sa charges na over speeding.
“Sorry na,” ani Joshua kay Jasmin. “Hindi ko naman sinasadya, eh.”
Napatingin ang luhaang si Jasmin sa kapatid. Pinunasan naman ni Joshua ang mga luha sa pisngi ng kapatid.
“Sige ka, gusto mo bang makita ni Nick na pumapangit ang mukha mo kapag umiiyak ka? Di ba crush mo siya?”
“Kuya!” atungal ni Jasmin.
Natawa na lamang si Joshua sa reaksiyon ng kapatid. At siya na mismo ang yumakap dito.
“Joke lang. Tsaka, mabuti ngang makita ni Nick iyang mga pangit sa iyo.” Saka ito tumingin sa lalaki. “Para kung liligawan ka niya, at least alam niya kung ano ang whole package. Maganda at pangit.”
Tinignan lamang ni Nick si Joshua. Sa loob-loob niya, alam niyang napatawad na siya ng nakakatandang kaibigan, at kung ano man ang nangyari dati ay hindi na mahalaga pa. Natutuwa din siya na nabalik na sila sa dati.
“Welcome back, Kuya,” ang sabi naman ni Terrence na in-offer ang kamay upang makipag-kamay dito.
Na tinanggap naman ni Joshua. “Salamat.” Saka siya tumingin kay Kim. Nginitian niya ito, at ngumiti din ito sa kanya.
Medyo natapos na si Jasmin sa pagda-drama niya sa kapatid. Umayos siya ng upo sa tabi nito, nakaharap pa rin kay Joshua. Saka niya pinunasan ang kanyang mga luha.
“Okay ka na ba talaga, Kuya?” tanong ni Jasmin sa kapatid.
“Siyempre, meron pa rin masakit. Lalo na kaninang nakayakap ka sa akin. Pakiramdam ko nakadagan ang mabigat na pison,” biro niya.
Napasimangot ulit si Jasmin. “Grabe ka!”
Napangiti si Joshua. “Joke lang. Pero, medyo hirap pa nga ako sa paghinga. Tsaka medyo sumasakit pa yung mga tahi ko sa katawan, tsaka yung buong katawan ko mismo. Masakit na nanghihina.”
“Naaalala mo ba iyong nangyari sa iyo, Kuya?” tanong naman ni Nick.
“Lahat ng detalye,” sagot ni Joshua.
“Then, we should ask the police to record your statement,” ani Terrence. “Ngayon mapapatunayan nang sina John talaga ang gumawa sa iyo noon.”
“Pinatawag na nga namin iyong mga pulis,” ang sabi ni Jason.
“Mamaya na lang din ako magkukwento para minsanan na lang. Nakakapagod, eh,” ani Joshua.
Ilang sandali pa ay dumating na rin ang pulis. Pero imbes na magsimula na si Joshua na magbigay ng statement ay pinagpaliban muna niya ito ng sandali.
“Hintayin na muna natin iyong BFF ko, Sir,” ani Joshua sa pulis. “Para minsanan na lang ang kwento. Parating na rin iyon.”
“Sigurado ka bang darating si Kuya Vic?” tanong ni Jasmin sa kapatid.
“Siguradong-sigurado,” sagot ni Joshua sabay kurot sa ilong nito.
Hindi nga nagtagal ay dumating na rin sina Vic at Carol.
“Ang bilis n’yo, ah? Nilipad n’yo ba mula Concepcion papunta di–”
Hindi na natapos ni Joshua ang sasabihin nang bigla na lamang siyang yakapin ni Vic. Nang magtama ang kanyang paningin at kay Garee ay napangiti siya. Napangiti rin ang naluluhang si Garee.
Nang mapagtanto ang ginawa ay kaagad na kumalas si Vic sa pagkakayakap sa kaibigan.
“Sorry, I just…” Sa sobrang hiya ay hindi niya malaman ang sasabihin.
“Okay lang. Alam ko naman talagang may lihim kang pagtingin sa akin, eh,” biro ni Joshua.
Ngumiti na lamang si Vic. Saka siya napalingon kay Carol.
Naiiyak namang lumapit si Carol kay Joshua. Pagkatapos ay niyakap niya ito.
“Welcome back, Josh…” ang sabi niya.
“Thank you.” Tinignan ni Joshua si Vic, na napaiwas naman ng tingin.
Nang matapos ang kumustahan ay nagsalita na ang pulis na naghihintay sa statement ni Joshua.
“Pwede na siguro tayong magsimula?” tanong ng pulis na walang iba kundi si Sgt. Gamboa. Tinignan nito ang lahat ng naroon, kung may kokontra pa ba sa pag-usad ng pinunta niya doon ngayon.
“Sir, hintayin muna natin iyong doktor,” ang sabi ni Juliet. “Ang sabi kasi niya, baka daw makaapekto kay Joshua iyong pagsasalita niya. Gusto lang niya masiguro na okay iyong pasyente habang at pagkatapos niyang magsalita.”
Huminga ng malalim si Sgt. Gamboa. “Okay, sige.”
Ilang sandali pang nagkumustahan at nagkuwentuhan ang lahat bago dumating si Samantha.
“Sorry, toxic kasi sa ER kaya na-late ako,” ang sabi niya sa lahat.
Nanatiling nakatingin lamang ang lahat kay Samantha, hindi masyadong maintindihan kung ano ang ibig sabihin nito.
“Pwede na ba tayong magsimula na?” tanong naman nung pulis.
“Opo,” sagot ni Joshua. “Pwede na po tayong magsimula.”
Lahat ay tumahimik at nakinig sa sumunod na mga sinabi ni Joshua.