My Bubbly Girl (Chapter 11)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

PINILIT niyang i-focus ang atensiyon sa pagmamaneho hanggang sa makarating sila sa tapat ng bahay nina Sarah.

“Hindi ka ba bababa muna?” malambing na tanong ni Sarah matapos niya itong bigyan ng goodbye kiss sa pisngi.

“Hindi na.”

“Sayang. Maid lang ang kasama ko,” pilyang sabi nito.

Nagtataka na siya sa sarili kung bakit walang epekto sa kanya ang mga parinig at pagbibigay ni Sarah ng motibo. “May…may gagawin pa akong term paper. Meron kasi kaming out of town trip ng SPUDS sa weekend kaya kailangan ko nang gawin ngayon ang project na iyon.”

Biglang sumimangot si Sarah. “Trip? Kasama ang buong SPUDS? Eh, di kasama si… ang babaeng ‘yon?”

Gustong matawa ni Migo. Halatang-halata ang insecurity ni Sarah kay Michelle dahil hindi man lang nito mabanggit ang pangalan ng tinutukoy. “Si Michelle ba ang ibig mong sabihin? She just resigned from SPUDS, right?”

Umaliwalas ang mukha nito. “Ah…oo nga pala.  Mabuti at hindi siya kasama,” anito. “Eh, ako? Hindi mo ba ako yayayain?” biglang tanong nito.

Nagulat siya. Hindi lang niya masabi na kaya siya nag-public apology kay Michelle ay para lang sumama ito sa outing sa Sabado. Napilitan siyang magsinungaling para hindi na humaba pa ang usapan. Malaking gulo kapag sumama si Sarah sa outing. “Kasi—ahm…hindi rin naman kami talaga mag-e-enjoy doon. We’ll be having our early brain storming para sa debate match sa La Salle very soon. Napili namin ‘yong lugar para tahimik.” May naalala pa siya. “At saka di ba sabi mo, may bonding kayo ng mga pinsan mo this weekend?”

“Puwede ko namang i-cancel ang bonding namin na iyon para makasama ka.”

“Huwag mo nang i-cancel. We can have our own outing anytime. Ma-bo-bore ka lang doon, for sure.”

“Promise? Pupunta tayo roon, ha?”

“Yeah.” Sa ilong lumabas ang pangakong iyon.  Damn! He didn’t want what he was doing but he had to.

“Only the two of us?”

Pilit ang tawa niya. How could a girl who looked so reserved and naïve talked like that? Nagkamali ba siya ng akala? Talaga yatang hindi dapat husgahan ang tao sa panlabas na na anyo at kilos.

“O? Bakit ka natawa?”

“Nothing. Hindi ko lang akalain na maririnig sa iyo ang mga salitang sinasabi mo.”

Pilya ang ngiti nito. “You still have a lot to know about me, Babe.” Hinaplos nito ang braso niya pagapang sa dibdib niya hanggang sa bumaba iyon sa may puson niya.

Pinigil niya ang kamay nito nang mas ibaba pa nito iyon. He felt awkward. “Ahm… I have to go.” Hinagkan na lang niya uli ito sa pisngi.

Napasimangot na naman si Sarah. “Sige na nga. Masyado kang pakipot.” Padabog itong bumaba at malakas na isnara ang pinto ng kotse.

Napabuga ng hangin si Migo bago pinasibad ang sasakyan. He really didn’t know what was happening to him. Dalawang buwan niyang niligawan si Sarah. Ngayong napasagot na niya ito at naglalamabing sa kanya, siya itong umaatras.

 

HOT topic na naman sa unibersidad ang nangyari kahapon. Sa tambayan ng barkada ay walang tigil sa pangangantiyaw ang buong tropa kay Michelle. Bagama’t napag-usapan na nila iyon sa chat kagabi dahil hindi niya natiis na hindi sabihin sa mga ito ay kuntodo pangungulit pa rin ang mga ito sa kanya. Talagang inagahan ng mga ito ang pagpasok para lang magkuwentuhan.

“Wow naman! Ang haba-haba ng hair mo ‘Chelle!” malakas na sabi ni Shiela. “Dinaig mo pa si Rapunzel. Nakita at narinig ng pinsan ko ang makabagbag-damdaming paghingi ng sorry sa iyo ni Papa Migo! Oh my!”

Sumegunda naman si Lerma. “Hay naku…’yong pinsan ko nga na kasali sa dance group na nagpa-practice sa oval, kilig na kilig din. Sa dinami-dami raw ng nangyaring kilig moments dito sa campus, ‘yong nangyari kahapon ang pinakamatindi.”

Kung alam lang ng mga itong talaga namang kinikilig pa rin siya hanggang ngayon. Siyempre’y hindi niya puwedeng ipangalandakan iyon. Hindi na siya ang dating Michelle na sinasabing lahat ang nararamdaman. “Heh! Magsitigil nga kayo. Paano naman magiging kilig ‘yon eh hindi naman kami mag-dyowa? Ginawa lang ni Migo ‘yon to save his gentleman image. Baka may plano siyang tumakbong Presidente ng student council next year.”

Sumabad si Elyza. “Ang sabihin mo, he really meant what he said na nagsisisi siya sa ginawa sa iyo at saka gusto ka niyang makasama sa outing. And Bhez, accept it. Talaga namang kilig to the max ang ginawa niya, ano?”

“Siya…siya…oo na. Kilig na kung kilig. Matigil na lang kayo.”

Si Lerma naman ang sumingit. “Eto pa ang tsika….ayon sa mga nakasaksi, umuusok daw ang ilong ng babaeng butiki.” Si Sarah ang tinukoy nito.

Sinaway niya ito. “Hoy, Miss Aubrey Carampel, alam kong mahusay kang Mass Comm student at balang-araw ay magiging star reporter ka pero puwede ba, tigilan mo na muna ang intriga. Baka may makarinig sa iyo, malaking issue na naman ‘yan.”

“Naku…ewan ko ba naman sa iyo, Michelle. Talaga namang para kang nasa showbiz ngayon. Kung noong time nina Elyza at Atty. Gil, sila ang hot issue, ngayon  naman ay kayo ni Migo. Bongga talaga, di ba?”

“Tama!” sabay-sabay na sagot ng lahat.

“Heh! Elyza and Atty. Gil had a mutual understanding then at alam nating lahat iyon. Eh, kami ni Migo, wala. Puro ilusyon ko lang.”

“Until now? Iniilusyon mo pa rin?” pananalakab ni Shiela sa kanya.

Nag-init ang kanyang mga pisngi sa tanong na iyon. “H—hindi na.  Utsosera kayo.” Dinampot na niya ang kanyang bag. “Tigilan na nga natin ito. Hala! Magsipasok na tayo at malapit nang mag-bell.” Hinila na niya sa kamay si Elyza. “Halika ka na, Bhez.”

Habang papalayo sila ni Elyza sa grupo ay naririnig pa rin niya ang kantiyawan ng mga ito.

Sa totoo lang ay samu’t sari ang naglalaro sa kanyang isipan. Magdamag halos na wala siyang tulog sa kakaisip sa mga naganap kahapon. Hindi nga niya alam kung paano haharapin si Migo magmula ngayon. Nakahingi na ito ng tawad sa kanya sa pamamagitan ng isang kakaibang paraan.

Natural lang na patawarin na niya ito dahil ginawa naman nito ang dare niya.  Pero paano nga? Babalik na ba siya sa pagiging madaldal at galawgaw niya? Magagawa na ba niyang kumilos ng gaya nang dati sa harapan nito?

Paano nga ba?

Hah! Hindi niya alam. Bahala na. She would just have to be herself.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

My Bubbly Girl (Chapter 11)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.