My Bubbly Girl (Chapter 7)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

MULING nagpalakpakan ang barkada nang makita ng mga itong nag-martsa palabas ng restaurant si Sarah na sinundan ni Migo.

“O…ayan…umalis na ang mga kontrabida,” ani Shiela.

“Itong kaibigan natin, pretending to be okay pero halata namang uneasy na nasa tabi-tabi lang ang kanyang naunsiyaming boyfriend,” biro ni Lerma.

Michelle snorted. “Hay…ako nga’y lubayan ninyo mga otsoserang frogs. Hindi ba’t sinabi ko nang wala na siya sa akin?”

“Aba’y dapat lang. Imagine, dalawang taon mo siyang niligawan pero hindi umepekto ang pagpapa-cute mo?” natatawang sagot ni Lerma.

Sumabad si Shiela. “Atleast, Migo gave her a token. A very sweet kiss na hinding-hindi malilimutan ng kaibigan natin dahil iyon ang kanyang first lips to lips kiss ever.”

Sigawan at palakpakan ang mga kaibigan niya.

Sinaway ang mga ito Elyza. “Girls, baka umiyak na si Michelle. Bahala kayo.”

“Let them say whatever they want, Bhez. Okay lang sa akin kahit nangako na kayo sa akin kagabi nang nag-chat tayo na wala ng babanggit sa pangalan Migo at wala ng magpapaalala ng kagagahan ko sa loob ng dalawang taon.”

Sabay-sabay na humawak sa kanya ang makukulit na kaibigan at nag-sorry sa kanya. Hindi na raw talaga uulit ang mga ito.

“Siya…siya…tama na ‘yan! Ayoko ng drama. Ayoko ng emotera kaya puwede ba, tama na ang ka-etsos-an na ito. Kain na lang tayo, okay?”

Nang ibaba ng waiter ang dalawang family size pizza sa table nila ay nag-unahan na silang kumuha at kumain. Wala na ngang bumanggit pa ng pangalan ni Migo hanggang sa nakatapos silang kumain.

The date with her friends was fun subali’t nang makauwi si Michelle sa bahay at napag-isa sa kanyang kuwarto ay muling nilamon ng  kalungkutan ang kanyang kalooban.

Kung hanggang kailan niya malilimutan ang hapding nilikha ni Migo sa kanyang puso ay hindi niya alam. Kung kinausap siya nito marahil nang maayos at hindi siya nito ipinahiya ay mas madali niyang matatanggap ang kanyang masaklap na kapalaran pero ang ipahiya siya nito karamihan  ay hindi ganoon kadaling malimutan.

Nakakainis! Paano ba niya tuluyang mabubura sa kanyang sistema ang walang-kuwentang lalaki na umalipin sa kanyang puso nang mahabang panahon? At paano niya mapapasinungalingan sa sarili na hindi pa rin niya ito nalilimutan?

HINDI maganda ang resulta ng quiz ni Michelle. Pumasa man siya, nasisiguro niyang pasang awa lang iyon. Ewan ba niya kung bakit na-mental block siya gayong alam na alam naman niya ang mga sagot sa questionnaire.

Malapit na ang mid-term examination. Kailangan na niyang makabalik sa katinuan para hindi maapektuhan ang kanyang grade. Kung si Migo ang naging motivating factor para maging dean’s lister siya, baka ito rin ang maging dahilan para sumemplang siya at hindi matupad ang kanyang pangarap. That would be awful. Parang hindi tamang lalaki lang ang maging dahilan ng pagkaunsiyami ng pangarap niyang maging lawyer.

“O, bakit mukhang nalugi ka, Bhez?” untag ni Elyza sa kanya nang makalabas na ang professor nila at hinihintay nila ang professor sa sunod na subject.

Umiling siya. “I’m not satisfied with the result of the quiz. Na-mental block ako.”

“Quiz lang naman ‘yon pero alam mo, nagwo-worry na ako sa iyo pati ang ibang barkada. Napapansin namin na palagi kang tahimik.”

Pumiksi siya. “Hindi ah. Sinong may sabi?” Sinadya niyang lakasan ang kanyang boses. “I am still the same me.”

“I doubt it. Nami-miss na nga namin ang dating ikaw.”

Inirapan niya ang kaibigan. “Ano ka ba?”

“Bhez, ikaw ang nagsabi sa akin noong nawala sa akin si Gil na I had to deal with the problem. I did it. Alright, inaamin ko na naiisip ko pa rin siya minsan pero nagawa kong maka-move on. Kaya gawin mo rin ang ipinayo mo sa akin dati.”

“Duh!! Eh, hindi naman…”

“See? Sinungaling ka na rin ngayon. Puwede ba…tigilan mo ako ng kaka-pretend mo. If you want to cry, umiyak ka. Hindi ‘yang puro ka pagkukunwari pero nasasaktan ka naman. Humahalakhak ka pero malungkot ang mga mata mo. I can feel that. All our friends feel that, too.”

“Bhez, naman…anong gagawin ko? Ikaw, madali mong nalimutan si Prof Gil kasi hindi naman kayo nagkikita. Pinipilit ko naman talagang kalimutan eh kaso ‘yong…’yong lalaking ‘yon…parang virus na laging nakasiksik sa sistema ko. Buwisit!”

“Iniiwasan mo kasi. If you want to deal with your problem, face the problem. You can’t avoid him kasi nakikita mo siya araw-araw. Sa ginagawa mo, iisipin ng marami na bitter ka sa pag-reject niya sa iyo which is not right. You’re a campus figure just like him.”

“And what do you want me to do? Mag-flirt-flirt uli sa kanya? Mapahiya na naman ako?”

“No! Ang gusto ko, ipakita mo sa kanyang hindi ka katulad ng inisip niya sa iyo. Kalimutan mo ang ginawa niya. Act normal. Act like you did before. Be yourself, Bhez. Kausapin mo si Migo.”

Nanlaki ang mga mata niya. “What? Nababaliw ka na ba, Bhez? Kakausapin ko siya? Para ano? Para mapahiya uli? No way!”

“He talked to me.”

“H—ha? Kelan? About what?”

“Last night. He called me. Gusto daw niyang humingi ng sorry sa iyo pero hindi niya alam kung paano.”

Sumikdo ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya napigilan ang sariling sumulyap sa kinauupuan nito. To her surprise, she saw him gazing at her. And he smiled. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Agad niyang binawi ang ang kanyang mga mata.

Agad niyang binawi ang tingin. “Echos ‘yan,” aniya kay Elyza. “What trick does he want para mas mapahiya pa ako?”

“No. He is serious. Gusto raw niyang makabawi sa nagawa niya. Sa Sabado, may overnight swimming ang SPUDS members. Sumama tayo. Iniimbitahan niya tayo.”

“A—ayoko. Hindi na ako member, right? I just resigned as member of SPUDS. Irrevocable resignation.  Ikaw na lang.”

“Alam mong ako ang unang umayaw sa SPUDS pero naisip ko na unfair naman sa society na pareho tayong founding member na basta na lang tumalikod. At saka kauna-unahan nating inter-university championship ang ipagsi-celebrate ng SPUDS kaya dapat present tayo.”

“Ayoko. Magiging uneasy lang din ako doon.”

“That is if you will still think of Migo as your future boyfriend. Eh, di ba, binasted ka na nga niya?” biro ni Elyza.

“Sige, asarin mo pa ako.”

“Basta…sasama tayo. It will be fun.”

“Sasama ako sa isang kondisyon.”

“Anong kondisyon?”

“Kung siya mismo ang mag-i-invite sa akin.” Sinabi niya iyon dahil alam naman niyang imposibleng magpakababa si Migo para imbitahan siya. Parang mahirap ngang paniwalaan ang sinabi ni Elyza na gusto siya nitong kausapin at manghingi ng sorry sa kanya. Baka sinabi lang iyon ng kaibigan para maibsan ang kalungkutan niya.

“Mas otsosera ka pala eh,” natatawang sabi ni Elyza. “Bakit naman kailangan pang siya mismo ang mag-invite sa iyo?”

“Kung talagang sincere siya na hihingi ng sorry sa akin, he can do it anytime. Bakit kailangan pa niyang maghintay ng chance?”

“Ano? Gusto mong sabihin ko sa kanya ngayon ‘yang sinabi mo? Madali akong kausap.” Akmang tatayo na si Elyza pero pinigil niya ang kamay nito.

“Huwag na.”

“Sasama na tayo sa swimming?”

“Pag-iisipan ko pa. Busy ang utak ko ngayon.”

Natawa si Elyza. “Baliw ka talaga kahit kailan. Actually, ayoko rin naman sana na pumunta kaya lang nakiusap si Migo sa akin. Let’s just wait kung paano siya magso-sorry sa iyo.”

“A simple sorry will do. Tapos, hindi ko naman na siya gagambalain pa kahit kailan. Kung puwede nga lang sana na mag-transfer ako ng school, ayaw mo naman.”

“Basta…Saturday. Tatlong van daw ang sasakyan natin papunta sa Batangas. Iprinisinta ko na ang isang van namin dahil sigurado ako na papayagan ako ni daddy kung may kasamang driver bodyguard.  Malayo na kasi iyon eh.”

“Sige na nga. Matigil ka na lang. Iisipin ko na lang na go away party ko iyon sa SPUDS.”

Pumalakpak si Elyza pagkuwa’y lumingon ito at nag-thumbs up kay Migo.

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

My Bubbly Girl (Chapter 7)

One Response

  1. Haha sana magkaroon tong mahabang book yung struggle nila sa pagsasama pero never mangyayari yunmahiliglang talaga ko maging komplikado ang mga bagay bagay bwHahahaha

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.