NAKAHINGA nang maluwag si Migo. Base sa senyas ni Elyza ay pumayag na si Michelle na sumama sa outing ng SPUDS. Doon niya balak na humingi ng sorry kay Michelle. Dahil ang mga nakasaksi sa ginawa niya rito ay ang mga officers at miyembro ng samahan, sa harap din ng mga ito ay hihingi siya ng tawad.
“Hmmm? Mukhang biglang umaliwalas ang mukha mo ah?” puna ni Jun sa kanya.
“We will be complete on Saturday. Sasama sina Elyza at Michelle.”
“That’s great. Baka puwede na nating kausapin si Elyza na maging active na uli sa SPUDS at si Michelle, sana i-withdraw na niya ang resignation. Sayang naman kasi silang dalawa kung mawawala nang tuluyan sa debating society.”
“Nakausap ko na si Elyza. Sabi niya, next semester, magiging active na siya uli,” aniya. “Si…si Michelle, I’ll try if I can convince her.”
“Ikaw pa, dude? Siyempre, kapag ikaw ang nagsabi, magkakandarapa iyon.”
“Iba na ang sitwasyon ngayon. Ramdam ko ang animosity ni Michelle.” Bumigat ang loob niya sa sinabi.
“Anong ginagawa ng charm mo? Gamitin mo ang pagiging campus heartthrob mo para mapaamo si Michelle tutal may palagay ako na mas apektado ka kaysa buong debating society.”
“N—no.”
“Your lips can lie but your eyes can’t, dude. Baka hindi mo alam na pansin na pansin ko na palagi kang nakatitig kay Michelle?”
“Kasi nga dahil sa nangyari. Gusto ko ngang manghingi ng sorry sa kanya but I had no chance. Nahihiya ako sa kagaguhang nagawa ko.”
“Iyon nga lang kaya o na-realize mo na gusto mo pala siya?”
Tumawa siya. “May girlfriend na ako. Hindi na ako gaya ng dati. I’m a serious man now.”
“Well…tingnan natin kung nagkakamali ako ng hinala. Basta ako, dude…I am your friend at kung gusto mong ihinga ang totoong nilalaman ng dibdib mo, narito lang ako, ha?”
Tinawanan lang niya uli si Jun. Nasapul nito ang laman ng kanyang puso pero wala siyang lakas ng loob na aminin iyon sa kaibigan lalo na sa kanyang sarili.
HINDI sigurado ni Michelle kung tama ba ang pakiramdam niyang palaging nakatingin si Migo sa kanya kapag sumasagot siya sa oral recitation o guni-guni lang niya iyon. Manaka-naka ay nagnanakaw siya ng sulyap dito at sa tuwing gagawin niya iyon ay nahuhuli niyang nakatingin din ito sa kanya.
Diyos na mahabagin! Bakit kung kailan handa na siyang kalimutan ang kahibangan niya rito ay saka naman ito sumusulyap na para bang may ibig itong ipakahulugan.
Gaga! Tumigil ka sa kahibangan mo! saway niya sa sarili. Ayan na naman siya. Baka nagkataon lang nakatingin ito sa kanya o baka naman totoo ang sinabi ni Elyza na gusto talaga nitong humingi ng sorry sa kanya. Whatever his intentions were, his actions made her heart beat faster. In fact, lihim siyang umaasam na lapitan siya nito at kausapin pero hanggang ngayon ay hindi pa ito nanghihingi ng sorry.
Ayaw man niyang aminin sa sarili ay sobrang nai-excite siya para sa darating na Sabado. Ilang beses na niyang naisukat ang dadalhin niyang ilang pares ng swim swear. Two days at one night silang mananatili sa beach house nina Migo. Hindi siya makapaniwala na kung kailan hindi na siya member ng SPUDS at kung kailan na-i-give up na ang dalawang taong kagagahan niya kay Migo ay saka niya ito makakasama sa outing.
Siguro kung nagkataong hanggang ngayon ay kinamamatayan pa rin niya si Migo, baka mabaliw siya na magkakaroon ng pagkakataong makasama niya ito sa beach. Only God knew what she would do to win her attention.
Kaya nga marahil niloob na rin ng Diyos na maputol ang kahibangan niya habang maaga para hindi na siya makagawa pa ng kung anu-anong kagagahan. Tutal, may girlfriend na ito at hindi naman habang panahon na kikimkimin niya ang damdaming iniukol para dito, panahon na rin upang tuluyan na niya itong kalimutan at ibasura na niya ang ultimate dream niyang maging girlfriend nito at eventually ay maging asawa at maging ina ng mga anak nito.
Dapat niyang palaging isaksak sa kanyang isip na hindi ang gaya niya ang magugustuhan nito.
Sa naisip ay muli na namang kumirot ang munting bahagi ng kanyang puso. Hay…buhay! Bakit ba ang hirap tanggapin ng kabiguan? hinaing ng tinig sa likod ng kanyang utak.
Nang muli siyang palihim na sumulyap sa kinauupuan ni Migo ay napahugot siya nang malalim na buntong-hininga. Nakikipagpalitan ito ng kuro-kuro sa iba nilang kaklase. Ewan ba niya kung bakit wala na yatang makakahigit pa sa mga aktuwasyon nito. Napakaguwapo nito sa kanyang paningin.
Nataranta siya nang bigla itong lumingon. Huling-huli nito na nakatingin siya rito. Agad niyang itinaas ang kilay at inirapan ito nang ubod ng talim. Hmmm…kailangan niyang magpa-suplada effect. Ipinahiya siya nito ng bonggang-bongga at kailangan naman niyang i-save ang kanyang pride kahit paano. She had to keep her promise to herself that she would never let Migo hurt her feelings again.
Ibinaling na lang niya ang atensiyon sa mga kaklaseng nagkukuwentuhan. Mabuti na lang at busy si Elyza sa pakikipag-usap kaya hindi nito napansin ang pagsulyap niya kay Migo.
Hanggang sa matapos ang huling subject nila sa araw na iyon ay uneasy ang pakiramdama ni Michelle.
“Sabay ka na sa akin,” yaya ni Elyza sa kanya nang naglalakad na sila palabas ng school building. “Susunduin ako ng driver ni Mommy. Ihahatid ka namin sa bahay ninyo.”
“Huwag na. Nag-text si Kuya Ben. Nag-deliver siya somewhere here. Dadaanan na lang daw niya ako. Maghihintay na lang ako sa tambayan habang hinihintay ko na mag-text si Kuya.”
“Wala kang kasama sa tambayan. Nakauwi na lahat ng barkada.”
“Okay lang. Dala ko ang iPad ko. Maglilibang na lang ako at saka I’m sure hindi naman magtatagal si Kuya Ben.”
“Sure ka. Okay ka lang mag-isa?”
“Heller, Bhez…as if naman ngayon lang ako mapapag-isa at saka maaga pa naman. Marami pang estudyante. Okay lang ako. Hala! Layas na at baka mainip ang driver ninyo,” natatawang sabi niya. Inihatid pa niya ng tanaw ang matalik na kaibigan bago siya nagtuloy sa tambayan nila.
Mabuti na lang at nadala niya ang kanyang iPad. May free wi-fi sa unibersidad kaya anumang oras ay puwede silang mag-internet. Magba-browse siya ng mga speeches ng mga past presidents sa mga state of the nation address. Kailangan nilang mag-submit ng term paper next week at dahil may pupuntahan silang outing sa weekend ay mas mabuti kung mauumpisahan na niya iyon ngayon.
“Hi.”
Napahindig siya nang biglang may narinig na boses sa kanyang likuran kasabay ng mabilis na pintig ng kanyang puso.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




