My Fairy Princess (Final Chapter)

Author's Note

Sa aking mga readers don't worry po kung medyo sad iyong ending ng love story nila Rafael at Aliyah, may book 2 po ito. In another lifetime ay muli silang magtatagpo. Salamat po sa pagbabasa ng aking akda.

――*☆*――*☆*――*☆*――

ISANG mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Rafael habang siya ay nakapikit at ninanamnam ang mahinang pag-uga ng kanyang inuupuang tumba-tumba. Isang mahinang pagkatok ang kanyang narinig mula sa pinto subalit hindi niya iyon pinansin. Ilang sandali pa ay naramdaman niyang bumukas ang pinto.

“Happy birthday po.”

Kahit hindi dumidilat ay alam na niya kung sino ang pumasok sa kanyang silid. Sa tuwina, kapag sasapit ang kanyang kaarawan ay ang tatlong anak ni Inday ang parating naunang pumapasok sa kanyang silid upang batiin siya.

“Nagkakasiyahan na po sa ibaba.”

It was his seventy fiftth birthday. Magmula nang umalis si Aliyah ay hindi niya pinagdiriwang ang kanyang kaarawan. Pero this time ay naging mapilit ang mga anak ni Inday na i-celebrate nila ang kanyang kaarawan kung kaya hindi na siya nakatanggi pa.

He opened his eyes. Kung nabubuhay lamang siguro si Manang Aurea marahil ay tuwang-tuwa ito sa mga apo nito na pawang mga titulado na. At ipinaubaya na niya sa mga ito ang pagma-manage ng negosyong naiwan sa kanya ng mga magulang. Ilang dekada na rin magmula nang pumanaw ang kanyang mga magulang.

“Kayo talaga, oo. Hindi niyo naman kailangan regaluhan pa ako,” sabi niya sa tatlo nang iabot ng mga ito sa kanya ang malaking kahon ng regalo. “Mamaya ko na ito bubuksan ha, pakilapag mo na lamang muna ito sa kama ko,” he added.

“Hindi pa po ba kayo lalabas?” Umiling siya at sinabi niyang mauna na ang mga ito at susunod na lamang siya. Nasa pintuan na ang mga ito nang masalubong ng mga ito ang kanyang matalik na kaibigan.

“What are you doing here? Birthday na birthday mo ay nakakulong ka dito sa silid mo,” si Arthur na bagong dating.

He smiled at him, but it didn’t reach his eyes. Ilang taon na bang ganoon lagi ang eksena nilang magkaibigan sa tuwing sasapit ang birthday niya?

“I can’t believe you, it has been ages, pare, hanggang ngayon pa rin ba? Siya pa rin ang iniisip mo?” tanong nito.

Hindi maiwasan na mamasa ng mga luha ang kanyang mga mata. He missed her so much. It has been years…decades for that matter, pero heto siya at naghihintay pa rin sa pagbabalik ng nag-iisang babaeng pinag-alayan niya ng kanyang pagmamahal. At hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya na tutuparin ni Aliyah ang pangako nitong babalikan siya nito.

“Karma mo na siguro iyan, pare, imagine sa dami ng mga babaeng pinaglaruan mo, hayan at nang makita mo ang real love mo nawala naman sa iyo,” sabi nito sa wikang pabiro.

“Sira ulo ka talaga, Arturo!” palatak niya sa kaibigan. “Bumaba ka na roon at mamaya ay susunod na rin ako,” pagtataboy niya rito.

“Alright.” pagtalima naman nito.

Nang makalabas ang kaibigan ay pinagulong niya ang kanyang wheelchair at tinungo ang balcony. Magmula nang magdesisyon siyang sa resort na manirahan ay pinaayos niya ang kabuuan ng balcony. Ginawa niya iyong balcony garden. Huminto siya sa isang partikular na halaman. Mapait siyang nagpakawala ng ngiti habang pinagmamasdan ang Bleeding Rhubarb. Bago pumanaw ang kanyang mama ay iniwan nito sa kanya ang pagiging Keeper ng mahiwagang halaman mula sa kaharian ng Aetavittera.

“I miss you so much, Aliyah.” bulong niya sa halaman.

 

SA KAHARIAN ng Aetavittera, nag-aalala na si Haring Pyro at Reyna Amaltheia sa kalagayan ni Prinsesa Aliyah. Magmula nang magbalik ito ng kaharian ay naging malulungkutin na ang prinsesa hanggang sa ito ay maratay na lamang sa higaan.

“Ano ba dapat nating gawin para sa prinsesa? Matagal na panahon siyang ganyan,” nababahalang wika ni Reyna Amaltheia. Naroroon sila sa silid ng prinsesa na himbing na natutulog. Pero bakas ang ginawa nitong pagluha.

“Gusto kong sisihin ang aking sarili sa nangyayari sa ating anak,” malungkot na sambit ni Haring Pyro. “Kung sana ay hindi ko siya ipinadala sa mundo ng mga tao ay hindi niya mararanasan ang masaktan,” dagdag pa ng hari.

“Huwag mong sisihin ang sarili mo, aking hari. Gagaling din ang ating prinsesa.”

“Pero napakatagal na ang ating prinsesa ay nakahiga lamang at hindi nagsasalita. Kahit sinong manggagamot ay hindi malunasan ang kanyang karamdaman.”

Nagpakawala na lamang ng malalim na buntong-hininga si Reyna Amaltheia. Pagkatapos ay malungkot na pinagmasdan ang prinsesa. Mahirap talagang kalaban ang sobrang kalungkutan sanhi ng wagas pag-ibig. Walang gamot para doon.

 

SAMANTALA, patuloy lamang sa paglalakbay si Aliyah. Pakiwari niya ay matagal na siyang naglalakad pero hindi niya naman alam ang eksaktong kanyang patutunguhan. Basta patuloy lamang siya sa kanyang paglalakad sa kawalan.

                “Halika rito, Prinsesa Aliyah,” utos ng isang tinig.

                “Nasaan ka?” tanong niya.

                “Sundan mo lang ang aking tinig, prinsesa.”

                Tinunton niya ang pinagmumulan ng tinig. Ilang sandali pa ay may nakita siyang nakakasilaw na liwanag. Pumasok siya sa tila yungib na pinanggagalingan ng liwanag. Nakita niya ang isang babaeng kumikinang sa liwanag. Napapalamutian ito ng halamang Bleeding Rhubarb.

                “Kayo ang –”

                “Ako ang Diyosa ng pinakamakapangyahirang halaman dito sa Aetavittera,” nakangiting pagpapakilala nito.

                Nababasa niya lamang mula sa mga aklat ang Diyosa ng Bleeding Rhubarb. Ni isa sa kanila ay wala pang nakakakita sa diyosang ito.

                “Ikinagagalak kong makilala ang diyosa ng Bleeding Rhubarb,” malugod na bati niya rito.

                “Isa akong piping saksi sa buhay pag-ibig mo, mahal na prinsesa. Bagaman alam mong walang patutunguhan ang iyong pagmamahal sa taga-mundo ng mga tao ay naging matapang ka at itinuloy ang iyong nararamdaman,” anito.

                Nabahiran ng lungkot ang kanyang mukha. Nagbigay siya ng pangako kay Rafael na gagawa siya ng paraan upang makabalik sa mundo ng mga ito. Pero iyon ay isang hungkag na pangako lamang. Sinabi niya lamang iyon upang kahit paano ay mapawi ang lungkot ni Rafael sa gagawin niyang paglisan. She sighed. Pero kahit siya ay umasa at patuloy na aasa na muli silang magkikita ng lalaking pinakamamahal niya.

Nagpatulong siya sa mga pantas upang basahin ang lahat ng aklat kung paano siya makakabalik ng mundo ng mga tao nang hindi niya ginagamit ang magic crystal ball. Subalit bigo ang mga ito. Hindi niya na maaaring gamitin ang mahika ng magic crystal ball sapagkat iyon ay pagmamay-ari ng kanyang amang hari. Mapapasakanya lamang ang pagmamay-ari ng magic crystal ball kapag ito mismo ang pumili sa kanya. Pero nangangahulugan lamang iyon na siya na ang mamumuno sa kanilang kaharian.

                “Mahal na mahal ka ng taong pinag-alayan mo ng iyong pagmamahal mahal na prinsesa. Nakikita ko ang kanyang lungkot at hinagpis sa bawat araw na lumipas ng iyong pagkawala.”

                Hindi niya maiwasan ang mapaluha dahil sa narinig mula sa diyosa.

                “Magkakaroon ng pagkakataon na muli kayong magkikita at magkakasama. “

                “Ano ang ibig mong –”

                Subalit nawala na ang Diyosa ng Bleeding Rhubarb. Kasabay niyon ay ang paghigop sa kanya ng liwanag.

 

NANLAKI ang mga mata ni Rafael nang mapansin ang muling pagliwanag ng Bleeding Rhubarb. Huling nagliwanag iyon nang lisanin ni Aliyah ang kanilang mundo. Ang pagliwanag ba ng makapangyarihang halaman ay indikasyon na sa wakas ay matutupad na ang pangako ni Aliyah?

At hindi nga siya nagkamali. Iniluwa ng nakakasilaw na liwanag na nanggagaling sa Bleeding Rhubarb ang matagal na niyang pinakahihintay.

“Aliyah!” maluha-luhang sambit niya sa pangalan ng dalaga. Walang pinagbago ang itsura nito. Kung ano ang itsura nito noong  umalis ito ay ganoon pa rin ito. Walang kakupas-kupas ang gandang taglay nito. Samantalang siya ay kulubot na ang balat at naka-wheelchair na.

“Rafael, mahal ko,” nakangiting lumapit ito sa kanya at inilahad ang isang kamay. Nakangiting inabot niya ang kamay nito.

“Tutuparin ko ang aking pangako, mahal ko. Sa susunod nating buhay ay hahanapin kita at tutuparin ko ang aking pangako.”

“Hihintayin kita, mahal ko.”

THE END


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

My Fairy Princess (Final Chapter)

3 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.