Paano ba ang Magmahal (Chapter 2)

“MAG-A-ALAS OTSO na! Magsiayos na kayo! Parating na siya!”

Napapakunot ang noo ni Ashton. Nakita niya ang pagkataranta ng mga empleyado. Ano ang nangyayari?

Nilapitan niya ang isang babae. “Miss, bakit natataranta kayo? May mag-i-inspect ba?”

“Ah, eh, Sir Ashton. Parang gan’on na nga. Mas malala pa si Miss Catacutan sa mga inspector, eh. Lahat takot sa kanya.”

Lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo. “Bakit naman kayo natatakot kay Beatriz? I mean—kay VP?”

“Istrikta kasi. Mabusisi siya. Para bang perfectionist. Ganern. Ay teka, hindi ba ikaw `yong bagong secretary ni Miss Catacutan? Good luck, Sir!”

Walang alam ang mga tao roon na anak siya ng may-ari ng kompanya. Isa rin iyon sa naging rule ni Beatriz. Walang dapat na makaalam ng totoong pagkatao niya. Para raw walang special treatment.

Mayamaya pa ay sabay-sabay silang napalingon nang makarinig ng yabag mula sa takong ng sapatos. Para namang mga kitikiti na nagsibalikan sa kani-kanyang cubicle ang mga tao roon. Siya na lang ang hindi nakaupo. Napakibit-balikat na lang siya. Masyadong kinatatakutan ng mga ito ang Catacutan na iyon.

“Ay multo!” Nabigla siya nang nasa harapan na niya si Beatriz. Ni hindi man lang niya ito naramdaman. Catatacutan nga ito!

“Ano namang ginagawa mo rito, Mr. Ashton? Naiayos mo na ba ang mga file na dapat nasa desk ko?”

“Ah, of course!” mabilis niyang sagot.

Nilagpasan siya ng dalaga. “Sumunod ka sa ˋkin. Hindi iyong nakikipaglandian ka d’yan. Kaaga-aga!”

Sumunod naman siya rito. “So, puwede ako makipaglandian kapag tanghali na o kaya hapon?”

Hinarap siya nito. “One foot away, Mr. Ashton!”

“Chill!” Itinaas niya ang kamay at saka lumayo rito.

Tuluy-tuloy naman itong pumasok sa opisina. Nagpatianod na lamang siya. Pero may isa pa rin talagang gumagambala sa isip niya. Hindi na niya pinigilan ang sariling itanong iyon dito. “Iyong rule number four, seryoso ka talaga r’on? One foot away? Paano kapag kailangan talaga kitang lapitan? Kunwari, may kailangan akong ibulong?”

Naupo ito sa swivel chair. “Ano ba `yong rule number three natin. Ayoko nang matanong, ˋdi ba?”

“Sa lahat ng lalaki, ganyan ka talaga?”

“Mr. Ashton, coffee please!”

“ˋEto na po!”

 

“YOUR COFFEE.”

Nakatutok ang mga mata ni Beatriz sa monitor ng computer pero nakita naman niya sa kanyang peripheral vision ang paglapag ni Ashton ng puweslo ng kape sa kaliwang gilid niya. Ilang segundo rin ay naglakad na ito palayo. Narinig pa niya ang pagbulong nito. Hindi man lang daw siya marunong magpasalamat.

Inabot niya ang tinimpla nitong kape at sinimsim iyon nang ang tingin ay nasa screen pa rin ng computer. Oh hell! Isang malaking pagkakamali ang nagawa niya!

Naibuga niya ang kapeng nainom. “Ashton!” Malakas niyang sigaw habang nagdudumaling kumuha ng tissue. At gusto niyang mapamaang nang tumawa nang malakas ang “sekretarya”. Nagpukol siya nang matalim na tingin dito.

May napagtanto siya. “You! Sinadya mong lagyan ng cream and sugar ang coffee ko!” she exclaimed. Siguradong-sigurado siya roon. Napatunayan pa niya iyong lalo nang magkandatawa ito.

“Iyan ang napapala ng hindi marunong magpasalamat,” sabi nito sa pagitan nang pagtawa.

She clenched her teeth. Talagang sinusubukan siya ng lalaking ito!

 

TREINTA minutos nang late si Ashton. Napapikit nang mariin si Beatriz. Tila napagtanto na niya ang ibig mangyari ni Ashton. Sinasagad nito ang pasensya niya hanggang sa sumuko na lang siya at mag-resign sa Max Impact. Napapailing siya. Imposibleng mangyari iyon. Hinding-hindi niya isusuko sa isang gaya nitong iresponsable ang kompanyang iyon.

Hinubad niya ang suot na eyeglasses at saka naihilamos ang mga palad sa mukha. May conference meeting pa man din sila pero hayun at nauna pa siya sa sekretarya niya. At mukhang alam na niya kung bakit late ang herodes.

Kasasandal pa lang niya ng ulo sa backrest ng kanyang trono nang marinig ang paglagitik ng pinto.

“I’m—”

Hindi niya ito binigyan ng pagkakataong matapos ang sasabihin. “I already warned you. Ayaw na ayaw ko sa lahat iyong nale-late.”

“Ouch, busted na ko agad.”

Pinanlisikan ito ni Beatriz ng mga mata. “Akala mo ba hindi ko alam ang hidden agenda mo, Ashton? You want me out of this company, right?” She frantically shook her head. “I worked hard to reach this position. Kung gusto mo talagang makuha ang posisyong ˋto, exert some effort! Hindi iyong inuuna mo ang pakikipaglampungan sa kung sinumang babae!”

Bahagya itong napamaang. “How did you know…?”

Her lips twitched. “So, iyon nga ang dahilan? Kunsabagay ang isa nga namang pambababae ang alam na trabaho ay hindi nga naman malalaman ang code of ethics. At alam mo Mr. Ashton, bago pa ako mag-resign dito, mas mauuna ka munang mapatalsik kaysa sa akin.”

“Palibhasa, wala ka sigurong boyfriend,” he snapped. “Naiinggit ka sa akin. Hindi kasi ako katulad mo na ibuburyo ang sarili sa kompanyang ito as if ito na ang last lifeline ko. Life is just so short. I am just living it to the fullest, may masama ba r’on?”

Naikuyom niya ang palad. “You!”

Lumakad ito palapit sa table niya. “Nanggagalaiti ka na? So why not resign, Miss Beatriz?”

Ipinatong pa nito ang dalawang kamay sa desk niya at dumukwang. Awtomatikong naiatras niya ang inuupuan. Higit niya ang kanyang hininga. Ilang saglit siyang napatameme sa mukha nito. She felt as if the time stop. They stared at each other’s eyes. Kapwa naghahamunan ng tingin.

Pero biglang nagbuhol ang malalagong kilay nito at kapagkuwan ay lumamlam ang mga mata. At hindi naman niya malaman kung bakit parang rumagasa ang tibok ng kanyang puso. Naninikip ang dibdib niya. She needed to breathe.

Saktong-sakto naman nang mag-alarm ang kanyang wristwatch. Isa lang ang ibig sabihin niyon. Tatlumpung minuto na lang bago magsimula ang conference meeting.

Hinamig niya ang sarili. She cleared her throat. “Check on the projector. May inutusan na akong mag-set up kanina dahil ang magaling kong secretary ay mukhang nakalimutang may importante kaming conference meeting ngayon. And I want this presentation ready once I go there.” utos niya, sabay abot ng flashdrive dito.

“Masusunod, Miss Beatriz,” may pilyong ngiting sabi nito at kapagkuwan ay nilisan na ang silid.

Iyon pa pala ang isa. Si Ashton lang ang may lakas ng loob na tawagin siya on a first name basis. Ang iba nga, mas pipiliin pang i-address siyang ‘Miss  Catacutan’ dahil iyon talaga ang personalidad niya.

Tila hapong-hapo siyang napaupo sa kanyang trono. Hihinga lang siya saglit bago pumunta ng conference meeting.

Makalipas nga ng ilang minuto ay inihanda na niya ang sarili. Palabas na sana siya ng kanyang opisina nang maramdaman niyang tila may kulang sa kanya. Binistahan niya ang sarili. Dala naman niya ang file na kailangan pero parang may nawawala. Iniakma niya ang kamay papunta sa kanyang ilong para sana itaas ang kanyang salamin. Mukhang alam na niya kung ano ang kulang.

Bumalik siya sa kanyang desk sa pag-aakalang naroon ang kanyang eyeglasses. Her eyebrows knotted. She pulled her drawers. Nang hindi pa rin makita ang hinahanap ay halos magsuot na siya sa ilalim ng desk.

“Beatriz…” tawag ni Ashton. “Beatriz, where are you? The meeting is about to start.”

Naiinis siyang napatayo. “Argh!” Pinatong niya lang iyon sa mesa niya kanina, eh. Bakit ba ngayon pa iyon nawala?

“For Pete’s sake!” gulat na sabi ni Ashton. “Ano naman ang ginagawa mo d’yan?”

Bumaling siya rito. “Ikaw, tulungan mo akong hanapin ang eyeglasses ko.”

“Is it that necessary to wear your eyeglasses?” tanong pa ng lalaki.

“I need my eyeglasses!” pagmamaktol niya.

“Your eyeglasses or the conference meeting?”

Napapikit si Beatriz nang mariin. Hindi kasi buo ang pagkatao niya kung wala ang salamin sa mga mata. But she could not afford to let the board of the directors wait. Idinilat niya ang mga mata at pagdaka ay dere-deretso siyang tumulak papunta sa conference room habang kasunod naman si Ashton.

Nang mapatapat sa pinto ng sadyang silid ay nag-iwan muna siya ng paalala sa sekretarya. “Make sure to jot down every detail of the meeting.” Nang lingunin niya ito ay pansin niyang ngiting-ngiti ito. Inigkasan niya ito ng kilay.

“Yes, Miss VP.”

Binuksan na niya ang pinto. “Good morning!” agad niyang bati.

Bumati naman din ang mga taong naroroon. Ilang sandali ay naramdaman niya ang pagtitig ng mga ito sa kanya. Nahihinuha na niya kung bakit. Hindi niya hinayaang sitahin siya ng mga ito. Agad niyang sinimulan ang meeting.

 

PAPUNTA na yata sa Baguio ang handwriting ni Ashton. Paano ba naman, panay ang sulyap niya kay Beatriz.

Naalala niya nang magtagisan sila ng tinginan nito. Kaya pala parang may kakaiba rito, iyon ay dahil hindi nito suot ang eyeglasses nito. Mukhang hindi nga dapat eyeglasses ang itawag doon. Antipara ang mas akmang itawag sa suot nito. Makalumang tawag na tugma sa makaluma niyong disenyo. Napakalaki kasi ng lens at bahagya pang makapal na halos takpan na ang hitsura nito.

Mula sa ilalim ng mesa ay dinukot niya sa bulsa ang hinahanap ng dalaga. Wala na siyang balak pang ibalik iyon dito. Napangiti siya nang maisip na halos bumaligtad ito kanina sa paghahanap ng salamin nito. Hindi niya maintindihan pero nakadama siya ng amusement dito. Tila ba hindi ito kompleto kung hindi nito suot ang antipara.

Ibinalik ni Ashton ang tingin sa Vice President ng Max Impact. Maaliwalas ngayong nakikita ang kabuuan ng mukha nito. Simple ang bukas ng mukha nito. Iyong tipo na sa unang tingin ay walang dating pero kapag pinagtagal ang tingin dito ay noon mo malalaman ang gandang angkin nito.

Mayamaya pa ay dumako sa kanya ang mga mata ng taong tinatapunan ng pansin. He was astounded for a moment. Bakit nga ba hindi niya napansin agad ang taglay nitong ganda? Lalong napagkit ang tingin niya rito. Saglit naman siya nitong pinanlisikan ng mga mata. Ginantihan naman niya iyon ng pagkindat.

Beatriz unconsciously stomp her feet. Nagulat ang board of directors, kabaligtaran ng naramdaman niya. He chuckled lightly. Humingi ng paumanhin ang VP saka nagpatuloy sa presentasyon.

“Meeting adjourned,” mayamaya’y sabi ni Beatriz.

Noon bahagyang nagulat si Ashton. Napatingin siya sa minutes of the meeting na ginagawa. Napatabingi ang labi niya. Naloko na. Wala siyang naisulat! May naisulat man siya, hindi naman niya maintindihan ang sariling penmanship.

Nag-angat siya ng tingin nang maramdaman ang paglapit ng tunog ng takong ni Beatriz. Parang ngayon na niya naiintindihan ang pagkataranta ng mga kasamahan kapag naririnig ang naturang tunog. Noon niya napansing sila na lang ang tao sa conference room. At bago pa siya makahuma rito ay mabilis na nitong nakuha ang handy notebook niya.

He heard her sneered. “Ang lakas ng gana mong kindatan ako kanina, wala ka naman palang naisulat!”

Umiral muli ang kapilyuhan niya. “So okay lang na kindatan kita kung may naisulat ako?”

Humigpit ang hawak nito sa maliit na kuwaderno.

Napapangiti siya sa isipan. “Chillax! Genius yata ito, ˋno! Na-jot down ko sa isip.”

“Siguruhin mo lang, Mr. Lizeralde. Kindly submit the details before noon.”

Iyon lang at nilagpasan na siya nito. Naihaplos niya ang kamay sa batok. Ni wala siyang naalala sa napag-meeting-an, kaya paano siya makakapagpasa ng detalye niyon sa loob ng tatlong oras?

May naalala ka naman, ah? For sure, you can still remember the details of Beatriz’ face. kastigo ng kanyang isip.

 

PAULIT-ULIT pang muling binasa ni Beatriz ang s-in-end na file ni Ashton. Nang tila wala na ngang lalabis pa sa detalyeng nakikita ng mga mata ay noon na niya nanggagalaiting tinawag ang lalaki.

“Yes?” nakangiti pa nitong lapit sa kanya.

She could feel her blood rushed to her head. Sinikap niyang pakalmahin ang sarili. “I told you to send the details of the meeting, right?”

“Na-send ko na, ah?” maang-maangan nito sa kalokohang ginawa. “Have you not received the file yet? Wait, ise-send ko na lang uli.”

Nang akmang magbabalik ito sa desk nito ay sinigawan na niya ito. Hindi na niya kayang kumalma. “Ashton! Nabasa mo ba kung ano ang s-in-end mo? My God, what the hell did you send me?!”

“Bakit ano ba ang na-send ko? Patingin nga.” Walang sabi-sabi itong lumigid patungo sa kanyang desktop. Mabilis naman ang reflexes na naiatras niya ang swivel chair na kinauupuan. Bumilis din ang tibok ng kanyang puso sa ginawi nito.

Malakas nitong binasa ang nakasulat sa na-receive niyang detalye kuno ng meeting mula rito. “I found out how beautiful you are when you’re not wearing your oh-so-old fashioned eyeglasses. You should not wear those kind of eyeglasses anymore.” Bahagya itong huminto para magtapon ng tingin sa kanya. “What’s wrong about this?”

Marahas siyang tumayo. “Mr. Ashton, hindi ako nakikipagbiruan sa ˋyo. I’m not even asking about your opinion kung ano ang hitsura ko kung wala akong salamin. Kung anuman ang maging paningin ng iba sa akin, the hell would I care about it! Wala ka na ba talagang matinong gagawin?”

Tila balewala lang rito ang galit niya. Prente pa itong naupo sa trono niya. “What should I do? Kaysa naman mag-send ako ng maling detalye, ˋdi ba? At least iyan, totoo.”

Napailing-iling siya. “Samantalang ang sabi mo kanina, genius ka. I don’t know what to do with you, Ashton. Can you please just leave my office for a while? Kahit ten minutes lang.” Nang hindi ito tumayo ay sininghalan niya ito. “Leave! Now!”

He frowned. “Fine!”

Nang makalabas ito, dumeretso siya paupo sa couch na naroon. Kung puwede lang sana ng hindi pansinin ang mga pinaggagawa ni Ashton kaya lang hindi naman puwedeng ganoon. She could not tolerate it.

She blew out a breath. Ano ba ang gagawin niya sa lalaking iyon?

 

Next to: Paano ba ang Magmahal (Chapter 3)


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Paano ba ang Magmahal (Chapter 2)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.