“TEYANG, tanawin mo ang nanay at kanina pa siya dumaraing na masakit ang kaniyang dibdib. Sasaglit lang ako sa bayan para puntahan si Dr. Lim.”
Napaunat siya nang marinig ang tinig ng kaniyang ina. Napatingin siya sa hawak nitong malaking payong. At noon lang niya napansing malakas pala ang ulan sa labas ng bahay. Mula sa kaniyang pagkakatayo ay dapat na alam niya iyon dahil nakatunghay siya sa bukid na abot tanaw niya. Pero tila malayo ang narating ng kaniyang imahinasyon at hindi nga niya iyon napuna.
“Huwag mong hihiwalayan ng tingin ang lola mo, Teyang. Saglit lang ako ha. Kung bakit kasi ngayon pa umulan eh. Hindi ko tuloy maisama ang nanay sa bayan.” Napabuntong hininga ang nanay niya matapos sabihin iyon. Tumango naman siya para iparating ditong nauunawaan niya ang sinasabi nito. Nang bumaba ang nanay niya sa silong ay lumakad na siya patungo sa silid ng kaniyang Lola Mela.
Doon ay nadatnan niya ang kaniyang Lolo Vito na nagsusulsi ng kamisadentro nito habang nasa gilid ng upuan ng kaniyang lola.
“Lo, madilim na po. Baka lumabo ang mga mata niyo diyan.” aniya bago umupo sa tabi niyo.
“Hayaan mo na ‘ko, apo. Ang lola mo na lang ang kausapin mo at kung anu – ano na ang sinasabi niyan…”
“Aruuu Victorino, ikaw baga’y magtigil!”
Napangiti siya sa puntong Batangas ng kaniyang Lola Mela. Kahit nakahiga ito sa malapad na papag na iyon ay wala pa ring patid ang pagsasalita nito. Na tila ba walang hindi magandang dinaramdam.
“Mangyari ay puro kamatayan ang mga pinagsasasabi mo kanina pa bago pumasok ang prinsesa mong apo.”
Umungol nang mahina ang matanda senyales ng pagtanggi. Natawa siya.
“Totoo ang mga sinasabi ko, matanda ka! Nakita ko talaga ang Ama! Nakatayo diyan sa paanan ng katre at inaabot pa ang kamay ko.” Napaantanda pa ito kasabay ng pag – usal ng maikling panalangin. Napasunod rin ang kaniyang Lolo Vito. Ang tinutukoy nito ay ang ama nitong namatay sa digmaan noong panahon pa ng mga Hapon.
“Banggit ka nang banggit ng kung sinu – sinong patay ay baka kung mapaano ka, Carmela!”
“At ano naman kung gayon nga? Hindi naman ako takot mamatay. Matanda na ako at natupad na ang lahat ng pangarap ko liban sa isa.”
“Ano naman iyon, ‘la?” lakas – loob na tanong niya rito. Sa halip na sumagot ay sinenyasan siya nitong lumapit. Hinawakan nito ang kaniyang mga kamay at buong kaseryosohang nagsalita.
“Handa na akong mamatay anumang oras, Teyang. Napapagod na rin naman ako at napapanay na ang pagsakit ng dibdib ko.”
Bigla siyang kinilabutan sa tinutungo ng salita ng kaniyang abuela. Tila ito namamaalam sa pandinig niya.
“Lola, huwag kayong magsasalita ng ganyan. Hindi pa kayo mawawala dahil kailangan pa namin kayo.”
Umiling si Lola Mela ng dalawang ulit.
“Makinig ka, apo. Ang buhay ay parang tsinelas. Habang bago at buo ay magagamit mo pero kung ito’y magsimula nang masira, ipaayos mo man ng makailang ulit ay muli itong mawawasak. Ako’y dumating na sa panahahong iyon, anak. Ang mahalaga ay natupad ko na ang lahat ng aking tungkulin sa inyong mag – ina. Masaya akong lilisan sa mundo dahil alam kong maayos naman ang magiging buhay ninyo kapiling ang iyong Lolo. Hindi magtatagal ay susunod naman ‘yan sa akin.”
“Aba’t isinali mo pa ‘ko!” Kunwa’y galit namang sabad ni Lolo Vito. Saglit na tumawa ang lola niya pero sa halip na mahawa rito ay agad na nangilid ang kaniyang mga luha at kusang tumulo sa magkabila niyang pisngi. Pinahid niya iyon saka hinagkan ang mga kamay ni Lola Mela. Magsasalita sana siya pero pinigilan siya nito.
“Isang bagay lang ang hihilingin ko sa’yo at sana’y maipangako mo sa akin ngayon na susundin mo, Teyang…ipangako mong si Romualdo ang lalaking maghaharap sa’yo sa dambana, apo.” Muntik na siyang masamid. Hindi niya akalaing sa ganoong punto ng paalaman ay magagawang magbiro ng kaniyang Lola Mela.
“Lola, ano ba naman ang mga pinagsasasabi ninyo?”
“Naku Teyang, umoo ka na lang at hindi ka titigilan ng lola mo. Para namang hindi mo ‘yan kilala, apo. Hindi iyan hihinto kung hindi makuha ang gusto.”
Umangat ang kanang palad ni Lola Mela at kumaway na senyales na pinapatigil nito sa pagsasalita ang kaniyang lolo.
“Isa ka pa, Vito! Kung sakaling magkahiwalay ng landas ang dalawang batang ‘yan ay ipangako mo sa aking gagawa ka ng paraan para magkasundo sila! Kung hindi ay mananagot ka sa akin!”
“O eh bakit pati ako ay idadamay mo sa mga kalokohang ‘yan, Mela? Magtigil ka nga at baka ako ay mainis mo.”
“Sumige ka at mumultuhin kita ‘pag namatay ako! Alam mong kaya kong gawin iyon, Victorino!” Hindi niya alam kung matatawa siya o maiinis sa nasasaksihang pag – aaway ng dalawa. Nahahati ang loob niya sa usaping may kinalaman kay Add at sa ‘kamatayan’ na isinisingit ng kaniyang lola. Just the mere thought of losing her grandmother wouldn’t let her sleep that night. Pero para na lang matahimik si Lola Mela ay sumang – ayon na sila ni Lolo Vito. At hindi nila kapwa inakala na iyon na pala ang huling pagkakataong makakausap nila si Lola Mela.
Alas sais ng umaga kinabukasan ay narinig niya ang malakas na iyak ng kaniyang ina. At nang daluhan niya ito ay saka niya nakita ang kaniyang Lola Mela na bahagyang nakangiti at tila payapang natutulog lang sa kama nito. Si Lolo Vito naman ay nasa isang tabi at tahimik na lumuluha. Wala na si Lola Mela. Sa kabila ng mga sinabi ni Dr. Lim ng nagdaang gabi na malakas ito ay tuluyan na nga itong namaalam sa edad nitong pitumpo at lima. Masakit pero dahil kahit paano ay naihanda siya ni Lola Mela, magaan niyang tinanggap sa sariling wala na nga ito.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




