Sa Kanya (Chapter 5B)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

Five years ago…

NAGLULUTO siya at nanonood naman ng TV si Sachi nang marinig ang tunog ng doorbell. Tiyak niyang sa pinto nila nagmumula iyon dahil wala namang doorbell ang mga katabi nilang silid sa three door apartment na iyon. Sinenyasan siya ng kaibigan na siyang magbubukas ng pinto at laking pagkagulat niya nang makita ang kanilang bisita.

“Add!” Tumayo siya sa kinauupuan at agad na sinalubong ng yakap ang kaniyang bisita. Hindi siya makapaniwalang naroon ito at nasa harap niya.

“Mabuti at natunton mo ako rito?” Hinawakan niya ang isang kamay nito at hinatak sa settee na naroon.

“Ibinigay ng mamang mo ang address mo rito at hindi naman ako nahirapang maghanap.” Wika nito habang hinuhubad ang suot nitong sapatos. Napangiwi siya; gayunman ay hindi siya kumibo at pinanood lang ito sa ginagawa. Matapos na mahubad ang suot nitong sapatos ay isinunod nito ang medyas at saka nito itinaas ang mga paa sa lamesitang naroon.

“Siya nga pala…Add, meet my friend and classmate here, si Sachi. Chi, my buddy, si Add.”

Inilahad ni Add ang palad nito kay Sachi at sabay silang napangiwi ng kaibigan sa ginawa nito. Gayunman ay tinanggap pa rin ni Sachi ang palad nitong kanina lang ay may hawak na medyas.

“Napasugod ka?” Tanong niya nang makapasok na sa silid nito si Sachi.

“Hindi ba hinihimok mo akong mag – aral dito? Heto na ‘ko.”

Saglit niyang inunawa ang sinabi nito. Kaya pala malaki ang bag na dala nito ay dahil magtatagal pala ito sa Maynila.

“P-paano ang bukid ng tatay mo? Akala ko ba ay…”

“Kinausap ko nang masinsinan si Nanay. Kulang ang buhay ko sa probinsiya kung wala ka, Teyang. Hindi ko makasanayang malayo ka at ang isiping baka kung ano na ang nangyayari sa’yo dito ay hindi magpatulog sa akin sa gabi – gabi.” Wika nitong nangungusap ang mga mata. Nabagbag ang loob niya sa puntong iyon.

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Iminungkahi ko sa Nanay na kung maaari ay humingi ng tulong kay Tiyo Martin na asikasuhin ang bukid. At kung hindi nila kaya ay maaari namang ibenta ang kalahating bahagi niyon.”

Napamaang siya. Ganoon ba siya kahalaga kay Add para isakripisyo nito ang pangarap na manirahan sa San Simon at samahan siya sa Maynila? Hindi siya makapaniwala.

“Hindi mo sana ginawa iyon. Ano na lang ang sasabihin ni Aling Nancy? Na hinimok pa kita rito? Nakakahiya sa nanay mo, Add. Isa pa’y sayang naman ang bukid na iniwan ng tatay mo.”

Tinapik nito nang mahina ang kaniyang pisngi saka nito hinaplos ang kaniyang baba.

“Ano ka ba? Lupa lang iyon, Teyang. Mas mahalaga ka.” May kung anong init siyang nadama sa sinabi ng kababata pero hindi niya iyon pinansin. Marahil ay excitement lang dahil talaga namang na-miss niya ito nang husto.

Nang hinagkan ni Add ang kaniyang noo ay napapikit siya at tuluyan nang yumakap dito.

 

SINAMAHAN niya ang kababatang makapasok sa unibersidad na pinapasukan niya. Sa simula ay naging mahirap pero kalaunan naman ay nakasanayan na rin nila ang pasikot – sakit sa gusali ng kursong kinuha ni Add. Two year course lang ang ini-enroll nito samantalang nasa Ikatlong taon naman siya ng kursong Architecture.

Suwerteng matatawag dahil nang banggitin niya sa kaniyang kasera na naghahanap sila ng matutuluyan ni Add ay sinabi nitong mababakante na pala ang kanilang katabing silid. Uuwi raw kasi ng Leyte ang nangungupahan doon at tamang – tama lang ang pagdating ni Add.

Nang sumunod na mga araw ay naging abala sila sa pagsasaayos ng silid nito. Namili sila ng mga gamit at magkatulong na inayos ang interiors noon. Maging sa pag – aaral ay nagtutulong din sila ni Add. Isang linggo siyang nagpaalam sa Dance Beat, ang dance group na kinaaaniban niya para matulungan sa pag – aadjust ang kaibigan. Pero hindi nagtagal ay kinailangan na rin niyang balikan ang dating routine niya bago pa man ito dumating.

“Bakit ba kailangan mo pang sumali sa dance group na ‘yan? May mapapala ka ba diyan, Teyang?”

“Tumigil ka nga. Huwag mo ‘kong tatawagin ng Teyang dito at baka marinig ka ng mga kaklase ko.” Saway niya rito isang hapong galing siya sa ensayo. Ang sabi niya rito ay hintayin siya sa Kalayaan Tree na matatagpuan sa parke malapit sa unibersidad na sinunod naman nito. Iyon ay sa kabila ng isang oras niyang pagkaantala sa oras na ipinangako kay Add.

“Sige, Althea na kung Althea. Bakit kako kailangan ka pang sumali sa grupong iyan? Nahahati lang ang oras mo sa pag – aaral at dumarami lang ang mga lakad mong wala namang kawawaan.”

Napaismid siya. Tinalo pa ni Add si Lolo Vito sa tindi nitong manermon.

“Masaya ‘ko sa ginagawa ko kaya sa tingin ko ay may sense naman ito, Add. Saka isa pa, kayang – kaya ko naman ang mga plates ko eh. Chicken feed lang ang mga iyon sa akin, promise!” aniya matapos maupo katabi nito sa bench na naroon.

“Sana lang ay hindi ka mapariwara sa mga ginagawa mo. Nag – aalala ako para sa’yo.”

Tiningala niya ito at saka pinisil nang marahan sa pisngi.

“Alam ko po iyon! Don’t worry about me, okay! I’ll be fine! By the way, kumusta nga pala ang araw mo?”

Nagliwanag ang mukha ni Add sa tanong na iyon.

“Okay naman. Masaya saka madali lang ang mga lessons namin.”

“Yabang naman! Talaga lang ha. Eh ang mga girls? I’m sure masaya rin silang kausap?”

Ngumisi si Add sa tanong na iyon.

“Magaganda. Gaya mo.” May kung anong kirot siyang nadama sa narinig na sinabi nito. Tila hindi yata maganda ang ideyang tumitingin na ito sa ibang babae. Mula kasi noong nag – aaral sila ay wala kahit isang babaeng pinatuunan ng pansin si Add. Katwiran nito ay prayoridad nito ang pag – aaral kaysa sa mga ganoong bagay.

“O, bakit napasimangot ka? Maganda silang lahat pero kailangan pa nilang magsama – sama para mapantayan ang ganda ng bestfriend ko.” Napangiti siya nang hagkan ni Add ang kaniyang noo. Sabagay. Kahit ano ang mangyari ay alam naman niyang siya lang ang numero unong babae sa buhay ng kababata. Iyon ay isa sa mga katotohanang hindi niya dapat pagdudahan.

 

 

 

 

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sa Kanya (Chapter 5B)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.