“HINDI ito mangyayari kung hindi naging matigas ang ulo mo!” Pabalabag na isinara ni Add ang pinto.
“Sorry na nga eh. Hindi ko kasi magawang takasan si Uly kanina dahil…”
“Uly! Uly! Uly! Tingnan mo nga kung saan ka dinadala ng kayu – Uly mo! Puro ka Uly! Wala nang mahalaga sa’yo kung hindi ang lalaking ‘yan! Nakita mo ba kung anong kapahamakan ang naghihintay sa’yo sa kamay ng walanghiyang ‘yan ?!”
“Huwag mo ‘kong sigawan!”
“Sisigaw ako hanggang gusto ko at gagawin ko ‘yun kung iyon ang paraan para lang magising ka! Ano ba ang pinakain sa’yo ng lalaking ‘yan at ganyan mo siya kamahal?!”
Ibig niyang kontrahin ang sinabi ni Add subalit pulang – pula na ito sa galit. Wala siyang kahit siyang natatandaang pangyayaring nagpagalit ng husto dito. Ngayon pa lang. Kumilos ang kaniyang mga kamay para hawakan ang braso ni Add pero hinawi lang nito iyon. Patuloy ito sa pagsasalita ng kung anu – anong laban kay Uly.
“Sige na! Mali na kung mali! Ano ngayon ang gusto mong gawin? Patayin siya?!”
“Kung puwede lang ay talagang gagawin ko ang sinabi mong ‘yan, Althea! At sinisiguro ko sa’yong hindi ko pagsisisihan ang bagay na ‘yan!”
“Puwede ba, Add? Stop acting like a father to me? Matanda na ako at kaya ko na ang sarili ko!”
Bahagyang natigilan si Add at saglit na nakiraan sa mga mata nito ang galit.
“Kaya? Paano kung hindi ako nakahanap ng paraan na matunton ang bahay ng lalaking iyan? Kung hindi ako dumating kanina sa takdang oras? Kaya mo pa rin bang iligtas ang sarili mo sa kaniya?! Magagawa mo kayang ipagtanggol ang sarili mo sa pamimilit niya?!”
“At sino naman kasi ang nagsabi sa’yong kailangan pa niya akong pilitin, Add? Paano kung gusto ko rin naman pala ang ibig niyang mangyari?” Hindi niya alam kung bakit niya iyon nasabi. Pero nangyari na. Narinig na iyon ni Add at ngayon ay lalo lang nadagdagan ang pamumula ng mukha nito. Napadaing siya nang bigla nitong saklitin ang kaniyang kanang braso.
“Ano’ng sinabi mo?” Mariin ang tinig at tila mababasag ang mga ngipin nito sa galit.
“Bakit? Nagulat ka? Ikaw lang ba ang may karapatang gumawa ng ganoon? Akala mo ba ay hindi ko alam na nagpupunta dito tuwing hapon si Samantha?” Of course, that was exaggerated. Ang sabi ni Mrs. Santos ay dalawang beses lang nitong nakitang gumawi roon ang babae but just the same, nagpupunta pa rin ito roon. At ano pa nga ba ang maaaring gawin nito sa bahay ni Add? Alam na niya ang sagot sa tanong na iyon.
“Ganoon ba? Kaya ba hindi ka dumating kanina sa tagpuan natin? Kaya tulong – tulong ninyo akong pinagmukhang tanga nang iligaw ninyo ako kanina? Ano pa ang mga susunod na gagawin ninyo, Althea? Sabihin mo na habang maaga para hindi na kayo mahirapan pa!” Napangunot ang kaniyang noo sa narinig.
“Ano’ng sinabi mo?”
Pagak na tawa ang narinig niya mula sa lalaki. Na tila ba malaking katatawanan sa anyo niyang nagtataka.
“Puwede ba? Itigil mo na ang mga pagkukunwari mo, Teyang. Bakit hindi mo pa amining hindi mo gustong nandito ako? Na hindi mo gustong may nakikialam sa mga desisyon mo rito?” Humakbang itong palapit sa divider at marahas na binuksan ang isang cabinet niyon. Inilabas nito ang malaki nitong bag na ginamit at bitbit iyon ay lumakad ito papasok sa silid.
Tinangka niyang pigilan ang ibig nitong gawin. Binabaan niya ang tinig upang magpaliwanag rito pero tila bingi na sa anumang katwiran si Add. Para itong walang naririnig at patuloy lang sa paglalabas ng mga damit nitong nasa loob ng closet. Isa – isa nitong tinitiklop ang mga iyon at isinisilid sa loob ng dala nitong bag.
“Add, please…hindi naman ito ang ibig kong sabihin. Nabigla lang ako.”
Hindi kumibo si Add. Tahimik itong nag-empake ng mga gamit at tila ibig nang sumabog ng dibdib niya dahil sa labis na pagdaramdam. Nang makatapos ito ay mabilis nitong tinalunton ang pinto. Akala niya ay nagbago na ang isip nito nang lumingon sa kaniya. Naroon ang kaniyang pag – asam na gaya ng dati ay lalambot ang puso nito at sa halip na magalit ay hahagkan pa ang noo niya. Kagaya ng dati nitong ginagawa. Pero hindi nangyari ang hinahangad niya. Nanatili lang itong nakatayo roon at saglit na nagmasid sa kabuuan ng silid saka muling ibinalik ang tingin sa kaniya.
“Pasensiya ka na sa mga paghihigpit ko. Akala ko kasi ay nakabubuti iyon para sa’yo. Akala ko’y napoproteksiyonan kita sa mga ginagawa ko. Alam mo naman kung gaano ka kahalaga sa akin hindi ba? Kaya nga naririto ako sa kabila ng lahat.”
Agad na nangilid ang kaniyang mga luha nang marinig ang mga iyon mula kay Add.
“Ang totoo ay ginamit ko lang ang pag – aaral para magkaroon ng dahilan na mabantayan ka, Teyang. Hindi kasi ako matahimik nang malayo ka sa paningin ko. Akala ko’y nararamdaman mo ang pag – aalaga ko. Pasensiya ka na kung nagkamali ako. Uuwi na ako sa’tin…sa mundong bagay para sa isang tatanga – tangang kaparis ko.”
Iyon lang at mabilis nang nawala sa paningin niya si Add. Tuluyan nang lumaglag ang kaniyang mga luha nang unti – unti niyang maunawaan ang ibig sabihin niyon. Wala na si Add. Sa unang pagkakataon ay iniwan na siya nito. At umalis itong baon ang matinding hinanakit sa kaniya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




