“PUMAPAYAG ka na ba, Sandra? Baka binibiro mo na naman ako katulad nang araw-araw mong ginagawa sa akin, ang biruin at paasahin ako,” usal ni Leo at pinanliitan ako ng mata. Akala niya siguro ay nagbibiro pa rin ako sa mga sinabi ko na pumapayag na akong magpanggap kami.
“Kung ayaw mong maniwala, edi huwag. Hindi naman kita pinipilit at isa pa ay wala akong makukuha sa gagawin nating pagpapanggap kaya walang kaso sa akin kung hindi ka maniniwala,” mahabang lintanya ko at umiling. Alam kong dahil sa mga sinabi ko ay mapipilitan siyang maniwala sa akin.
Hindi naman din ako nagsisinungaling o nagbibiro dahil matapos ang ilang linggo ay napagdesisyunan kong pumayag na lamang. Naikuwento kasi sa akin ni Leo na narinig daw niyang nag-uusap ang mga magulang niya tungkol sa kanya at nagdududa na raw ito sa totoong kasarian ni Leo.
“Talaga? Totoo na ito, Sandra? Hindi mo na ako pinapaasa?” tuwang-tuwang saad niya at tumalon-talon pa dahil sa tuwa. Tumango ako bilang sagot. Bakit ba mahirap sa kanila ang tanggapin na lamang ang kasariang nais ng isang tao? Hindi ba sila puwedeng mamili ng gusto nila? Normal sila at sana ay tanggapin sila ng buong-buo dahil deserve nila iyon.
“Salamat talaga, Sandra. Pangako, babawi ako sa iyo. Kahit ano pa iyan ay gagawin ko. Kung hindi lang ako nangangambang baka palayasin o ipa-doktor ako ni daddy, eh. Wala talaga, eh. Ito ang gusto ko ng puso ko. At isa pa ay mahirap magkaroon ng amang sundalo, sis. Panganay pa naman din ako, sobrang taas ng ekspektasyon sa akin ni daddy. Isama mo na rin na sobrang istrikto niya,” mahabang lintanya niya. Bumuntong-hininga siya at biglang nawalan ng buhay. Marahil ay naalala niya na naman ang kaniyang problema.
Napabuntong-hininga na rin ako at muling nagsalita, “Kaya mo bang itago na lamang iyan habang buhay?” tanong ko at nangalumbaba sa upuan ko. Tiningnan ko ang labas ng bintana, maaliwalas at maganda ang paligid ngayong araw.
Break time namin at kaming dalawa lang nandito ngayon ni Leo. Inutusan din namin na bumili ng makakain si Kevin na siyang agad naman niyang sinunod. Kaya ngayon ay tanging dalawa na lamang kaming natitira sa loob ng classroom namin. Ako at si Leo Morde.
“Hindi ko naman habang buhay itong maitatago, eh. Ang sa akin lang ay kahit sana ay pansamantala lamang dahil alam kong darating ang araw na makakaya ko ring sabihin ito sa magulang ko, makakaya ko ring aminin sa kanila kung ano at sino talaga ako,” sabi niya at tiningnan niya ako. “Naniniwala akong kapag dumating ang araw na iyon ay tatanggapin nila ako,” buong determinasyon niyang hayag.
Hanga ako sa determinasyong mayroon siya. Alam kong hindi ito madali para sa kanya at para sa iba pa na may ganitong pinagdadaanan. Hindi pa man lubos na tanggap ang mga katulad niya o nila sa lipunan ay alam kong darating ang panahon na magiging malaya na rin silang ipakita ng buo ang kanilang tunay na pagkatao.
“Kung kailangan mo ng tulong ay nandito lamang ako. Suportado rin kita sa kahit na anong gusto at desisyon mo,” seryosong wika ko at tiningnan siya. Gusto kong malaman niya na totoo ang mga lumalabas sa manipis at kulay rosas kong bibig.
“Ang seryoso niyo namang dalawa diyan. Anong pinag-uusapan niyo?” sabat ni Kevin habang papasok siya sa loob ng classroom. Sabay namin siyang binalingan ng tingin ni Leo. Hindi namin napansing nasa pintuan na pala siya kanina dahil masyado kaming nakatutok sa pinag-uusapan namin.
May hawak-hawak siyang plastik sa kaliwang kamay niya at tatlong bote ng tubig sa kanan. Bitbit niya ang pinamili niyang pagkain namin.
“Anong binili mo?” tanong ni Leo upang maiba ang usapan. Hindi rin niya ito magawang sabihin kay Kevin, na matalik din naming kaibigan. Nirespeto ko na lamang ang desisyon niyang iyon dahil personal na problema niya naman ito at wala akong karapatang mangialam at pangunahan siya.
“Tatlong menudo at kanin. Paboritong pagkain ito ni Alessandra, hindi ba? Kaya ito na lamang ang binili ko,” malamig na saad ni Kevin habang seryoso pa rin ang mukha. Anong problema nito? May nangyari ba kanina kaya sumama ang timpla ng mukha niya?
“Oo paborito nga iyan ni Sandra. Ikaw Kevin ha, tinatandaan mo talaga ang paborito ni Sandra,” segunda ni Leo. Ngumisi naman si Kevin at hindi na nagsalita.
Dati-rati ay lagi siyang may sinasabi sa tuwing aasarin siya ni Leo sa akin. Bakit ngayon at tahimik lamang siya? Baka nga ay may nangyaring nakasira ng araw ni Kevin kaya siya ganyan ngayon.
Umiling na lamang ako at kinuha ang menudo at kanin na nakaplastik pa. Inabot sa akin ni Kevin ang paper plate at ang tubig na binili niya. Parang ang lamig ng tingin niya sa akin. Ang lamig ng pakikitungo niya sa akin. Ano bang nangyari? Wala naman akong natatandaang ginawa sa kanya kung hindi ang utusan lamang siyang bumili ng makakain. Isa pa ay hindi naman ito ang unang beses na inutusan namin siyang bumili ng pagkain.
Dalawang buwan na lang ay graduation na namin. Wala pa akong planong university na papasukan at kursong tatahakin. Ito talaga ang pinakakinakatakutan ko, ang kolehiyo. Paano kung hindi ko pala matapos ang kursong kukunin ko o hindi ko naman pala ito gusto?
“Saang university niyo balak mag-aral ng kolehiyo? Sama-sama na lang kaya tayo upang hindi tayo manibago sa papasukan natin? Kung gusto niyo ay pare-pareho tayo ng kurso!” rekomenda ko at isa-isa silang nginitian.
Seryoso pa rin si Kevin at parang walang ganang makipag-usap sa akin habang si Leo ay nakangiti lamang. Pakiramdam ko ay ayaw nila akong muling maging kaklase.
“Wala pa nga rin akong naiisip. Baka may academy nang naiisip si dad na papasukan ko. Alam mo naman iyon, may sariling desisyon,” saad ni Kevin at ngumuso. Mukhang kahit na magplano siya ay daddy niya pa rin ang masusunod.
“Kawawa ka naman, Leo. Hindi mo kayang pumili ng kursong gusto mo. Sana lamang ay maging worth it lahat ng ginagawa niya para sa iyo,” sabi ko at huminto sa pagsubo. “Sundin mo na lang muna siya ngayon at kapag natupad mo na ang mga pangarap niya para sa iyo ay ang pangarap mo naman ang tuparin mo,” payo ko at muling sumubo ng menudo.
“Gagawin ko ang lahat ng aking makakakaya upang matupad ko ang pangarap ng magulang ko sa akin. Salamat, Sandra,” pagpapasalamat ni Leo. Ngumiti lang ako bilang tungon at tiningan si Kevin.
Iniwas niya ang tingin niya sa akin at sunod-sunod na sumubo. Nawala ang ngiti sa maganda kong labi at napangiwi ako. Gusto ko sana siyang tanungin ngunit baka hindi niya rin ito sagutin. Halatang iwas siya sa akin at naiilang din akong pag-usapan ang dahilan.
“Ikaw naman, Kevin. Saan mo balak mag-aral?” tanong ni Leo. Buti naman at naitanong niya ito kay Kevin dahil hindi ko ito magawa. Buong araw ko tuloy iisipin kung ano bang nagawa ko sa kanya.
“Wala pa akong plano at hindi ko nga alam kung makakapag-aral pa ako,” simpleng saad niya at muling sunod-sunod na sumubo. Kulang na lang ay mabilaukan siya dahil sa bilis at sunod-sunod niyang pagsubo.
“Bakit naman? Nagdadalawang-isip ka ba kung mag-aaral ka pa o magtatrabaho na lang? Balita ko ay nag apply ka raw sa isang fast food restaurant?” tanong ni Leo. Napahinto ako sa pagkain dahil sa gulat. Bakit hindi ko alam iyon? Balak niya palang magtrabaho?
Pareho naming inantay ang sagot ni Kevin ngunit nagkibit-balikat na lamang ito bilang sagot. Nagkatinginan kami ni Leo at sabay na bumuntong-hininga.
“Nag-apply ka, Kevin? Bakit hindi namin alam iyan? Gusto mo ay tulungan ka namin?” sunod-sunod na tanong ko. May kilala kasi si papa na manager sa isang fast food restaurant at baka lang makatulong ito. Kung gusto niya ay maghanap kami na nag-ooffer ng scholarship. Marami naman ding paraan, eh. Huwag lang siyang tumigil sa pag-aaral dahil alam kong marami siyang pangarap.
Hindi siya sumagot at tahimik na kumain. Ano bang problema niya sa akin? Mas gusto ko iyong inaasar at binabara niya ako kaysa sa hindi niya ako pinapansin. Invisible na ba ako? Nakakainis naman itong si Kevin!
“May problema ka ba, Kevin? Hindi ka naman dati ganiyan,” wika ni Kevin at halata sa boses niya ang pag-aalala. Nag-aalala na rin ako kay Kevin ngunit hindi ko ito pinapahalata. Kung alam niya lang kung gaano ako nag-aalala para sa kanya.
Tumango ito. “Kung sa ating tatlo, kayo ang naunang nagtago. May nais ba kayong sabihin sa akin?” nagtatampong saad ni Kevin. Nagkatinginan kami ni Leo at pareho kaming na blanko sa sinabi niya. Nagtataka at naguguluhan kami sa sinabi niya.
“Ano bang sinasabi mo, Kevin?” sabi ni Leo. Pareho naming hinihintay na linawin ni Kevin ang mga sinabi niya. May nagawa ba kami sa kaniya? Anong ikinatatampo niya?
“Aminin niyo na, hindi naman ako magagalit, eh. Akala ko ba ay bawal tayong maglihim sa isat isa? Bakit kayo naglilihim sa akin? Hindi niyo na ba ako tinuturing na kaibigan?” utas niya at huminto sa kinakain niya. Napahinto na rin kami sa pagkain dahil sa sinasabi niya.
Mukhang alam ko na ang ibig niyang sabihin at mukhang dito na talaga kami magsisimulang magpanggap. Sa totoo lang ay hindi ko talaga siya itinuring na kaibigan. No’ng una ay galit na galit ako sa kanya, kaaway ang turing ko sa kanya. Hanggang sa naging kagrupo ko siya sa group activities at projects. Doon ay nagustuhan ko siya, humanga ako sa kanya. At ngayon ay pakiramdam ko ang lalim na nitong nararamdaman ko sa kaniya.
“Ang totoo niyan Kevin ay kami na ni Alessandra,” hayag ni Leo. Kay Kevin lang ang atensyon ko at kinakabahan ako sa magiging itsura at sasabihin niya. Magagalit kaya siya? Magseselos?
“Kayo na?”
Nagulat kami sa pagsulpot ng mga kaklase namin. Si Ferci ang nagtanong sa amin kung kami na ba. Naalala ko kung paano siya magpa-cute kay Kevin. Dahil dito ay sumama ang timpla ng mukha ko at nawalan ako nang gana.
“Oo, kami na nga ni Sandra,” kumpirma ni Leo at tumayo upang hawakan ang kamay ko. Pilit naman akong ngumiti upang hindi sila maghinala. Ayaw ko nitong pinasok ko ngunit kailangan kong panindigan.
“Congrats sa inyo! Sa totoo lang ay bagay na bagay kayo,” masayang saad ni Ferci. Sa tuwa niya ay kahit hindi kami close ay niyakap niya ako nang mahigpit. Buti na lang talaga at mahaba ang pasensya ko dahil kung hindi ay baka naitulak ko na siya.
Isa pa ay wala naman akong karapatang ipagdamot si Kevin sa iba, mas lalo pa ngayong kinumpirma na namin ni Leo na kami na. Hindi naman kami magkaway o nag-away ni Ferci. Hindi ko lang talaga siya gusto dahil masyado siyang nagpapapansin kay Kevin. Hindi ako dapat magalit dahil hindi ko naman pag-aari si Kevin at wala akong karapatang ipagdamot siya sa iba.
“Salamat sa inyong lahat,” sabi ni Leo at ngumiti. Inakbayan niya rin ako bago bumulong. “Hindi na mahagilap ng mga mata ko si Kevin, nakita mo ba siya? Sa tingin ko ay umalis siya dahil nagseselos siya,” bulong ni Leo.
Hinanap din si Kevin ng mga magaganda kong mata ngunit ni anino ay hindi siya nakita. Saan naman kaya ito pumunta at hindi man lang nagpaalam? Nagseselos ba talaga siya? Dahil sa pagyakap ni Ferci ay nawala tuloy sa paningin ko si Kevin.
“Alam mo, hanga ako sa inyong dalawa dahil nasabi niya ang totoo niyong nararamdaman sa isa’t isa bago pa man tayo magtapos. Ako kaya ay magagawa ko rin bang maamin sa lalaking gusto ko na gusto ko siya? Kailan ko kaya masasabi sa lalaking gusto ko ang tunay kong nararamdaman?” tanong ni Ferci at lumingon-lingon. Sana lang ay hindi siya magkaroon ng pagkakataon para sabihin ito kay Kevin. Dahil kung sa aming dalawa ay wala na akong laban. Hindi pa nag-uumpisa ay talo na agad ako.
“Masasabi mo rin iyan sa kanya Ferci, hintayin mo lang ang tamang pagkakataon,” payo ni Maricel kay Ferci at tinapik-tapik ang balikat niya. Sana lang talaga ay hindi siya magkaroon ng tamang pagkakataon.
Alam ko naman na si Kevin lang ang gusto niya dahil kay Kevin lamang siya nagpapapansin. Sobrang halatado kasi ng mga kilos niya.
“Sana nga,” sagot ni Ferci at nagningning ang mga mata. Sige, umasa ka lang sa wala. Pakiramdam ko tuloy ay ang sama kong tao dahil sa mga naiisip ko. Ngunit ayaw kong maging sila ni Kevin! Hindi ko kaya. Ano nga bang gagawin ko? Wala na naman akong magagawa pa.
Paano ako aamin kung nauna na naming aminin na kami na ni Leo? Paano ako lalaban kung para kay Kevin ay si Leo ang inilalaban ko? Ang hirap naman! Inilibot kong muli ang aking mga mata at nagbabakasakaling mahahanap nito si Kevin ngunit sa pangalawang pagkakataon ay nabigo akong mahanap siya. Napailing na lamang ako at bumuntong-hininga.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Haha sarap basahin talaga ng kwentong to hayyy