Taguan [Chapter 9]

WALA ka nga talagang balak itanong ito sa akin iyon?” tanong ni Kevin dahilan upang tumingin ako sa kaniya. Napabuntong-hininga na lamang ako dahil naalala ko na, kaya rin pala ako pumunta sa reunion na ito ay upang ibalik ang panyo ng kung sino mang lalaking nag-abot nito sa akin.

“Hindi mo man ito tanungin ay sasabihin at sasagutin ko pa rin,” muli niyang saad. Nakatingin lang ako sa kaniyang mga mata dahil hinihipnotismo ako nito.

“Gusto kong magalit sa inyo ni Leo dahil sa ginawa ninyo,” pahayag niya. Napatingin ako sa kamay niyang nakakuyom. Hays, ano ba itong ginawa namin?

“Ngunit sa tuwing nakikita kita, ang iyong mga mata at ang matatamis mong ngiti ay hindi ko kayang magalit, nawawala ang galit ko. Oo, inaamin kong nasaktan ako noon. Sobra akong nasaktan dahil nagawa ninyo akong paglihiman,” pagpapatuloy niya. Gusto kong hawakan ang mga kamay niya ngunit mas pinili ko na lamang hindi gawin iyon.

“Hindi ko alam kung paano kayo haharapin dahil pakiramdam ko ay hindi na ako dapat maging mas malapit pa sa iyo o sa inyo. Ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin at ang relasyon ninyo. Ayan ang iniisip at iniingatan ko noon.” Tinakpan niya ang mukha niya gamit ang mga kamay niya. Nararamdaman ko ang hinanakit sa boses niya, ramdam na ramdam ko. At sobrang sakit nito para sa akin.

“Pasensya na talaga, Kevin. Hindi naman talaga namin intensyong saktan ka, eh,” sabi ko at muling tinikom ang bibig. Ayaw kong masaktan na naman siya. Ayaw kong saktan siya nang paulit-ulit dahil dobleng sakit din ito sa akin. Ayaw kong alalahanin niyang muli lahat ng nangyari noon at lahat ng sakit na pinaramdam namin sa kanya noon.

Sa ilang taon naming hindi pagkikita ay hindi ko rin talaga alam na mananatili pa rin ang nararamdaman ko para sa kaniya. Nang mag-college ako, kahit maraming nanligaw ay hindi ko pinansin dahil umaasa ako na baka isang araw ay babalik siya at sa pagbabalik niya ay itutuloy namin ang naudlot naming pag-iibigan. Oo, umasa akong gusto niya rin ako.

“Shh, hindi mo naman kailangang humingi ng tawad sa akin dahil pinapatawad ko na kayo. Pasensiya na rin kung naging malamig ang pakikitungo ko sa inyo matapos niyong aminin sa aming lahat ang relasyon niyo,” puno ng sinseridad niyang pagpapaumanhin at hinawakan ang kamay ko.

Bumuntong-hininga ako. “Hindi ko lang talaga maiwasang hindi ma-guilty dahil sa nagawa namin. Hindi kasi namin alam na sobra-sobra ka pala naming masasaktan,” sabi ko at yumuko upang tingnan ang kamay niyang nakapatong sa kamay ko.

Tanging kamay niya lamang ang nagbibigay init sa gabing malamig. Ang malamig na hangin na dumadampi sa balat ko ay nagpapataas ng balahibo sa katawan ko.

Ngumiti siya at tumingin sa buwan. “Nasaktan ako dahil ‘yong dalawang kaibigan ko ay may relasyon na. At iyong taong gusto ko, sa kaibigan ko pa na-in love.” Pinisil niya ang ilong ko at mahinang tumawa. Ito na naman ang puso ko, parang nasa karera sa bilis ng pagtibok.

“S-sinong gusto mo? Ako ba iyan? Sabi na nga ba’t matagal ka ng may gusto sa akin. Ang ganda ko talaga!” wika ko at ngumisi. Masyado na kasing mabilis ang tibok ng puso ko at naiilang na ako sa pinag-uusapan namin. Gusto kong kahit papaano ay pagaain ang mabigat na pag-uusap namin.

Gustong-gusto kong malaman na gusto niya rin ako ngunit para akong mahihimatay kapag narinig ko ang mga salitang iyon mula sa kaniya. Sa mga titig niya ay natutunaw na ako. Paano ko papakalmahin ang puso ko?

“Akala mo ba ikaw? Hindi ‘no!” giit ni Kevin at tumawa na rin. Shesh! Mr. Kupido, bakit mo pinana ang puso ko? Ang sarap niyang tingnan nang ganito kasaya. Na-miss ko lang makita ang mga tawa at ngiti niya. His smile and laughter shine a light in my darkness, just as the moon does in the dark.

“Wow! Alam ko namang gusto mo rin ako ‘no!” segunda ko at muling tumawa. Nawala ang tawa ko nang bigla siyang sumeryoso.

“Oh, anong nangyari sa iyo? May dumi ba ako sa mukha?” tanong ko dahil seryoso lang siyang nakatingin sa akin. May nasabi ba akong mali? May mali ba sa itsura ko? Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako? Kidding aside, ano bang ginawa ko para bumigat na naman ang ambiance?

“Gusto rin naman kita. Oo, gustong-gusto rin kita, Alessandra!” tumatango-tangong sabi niya at muling ngumisi. Bigla akong natauhan sa sinabi ko. Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi at saka yumuko. Bakit ko ba iyon sinabi? Nakakahiya!

“Alam ko namang alam mo na gusto rin kita. Kaya h’wag kang mag-alala, ‘yong gusto mo ay gusto ka rin,” paulit-ulit niyang saad. Hindi mawala ang laki ng ngiti niya sa kaniyang labi. Ibang-iba ang ngiti niya ngayon, mas lalo akong nabibighani.

“Ang kapal! Hindi ah, baka nga ikaw diyan ang may gusto sa akin noon pa,” kumpiyansa kong wika at mahinang hinampas ang balikat niya.

“Ayan ka na naman sa hampas mo ha, yakapin mo na lang kasi ako kaysa hampasin. O kung gusto mo halikan mo na lang ako,” diretsahang sabi niya at itinaas baba ang makakapal niyang kilay.

“Asa ka, Kevin! Maiwan na nga kita diyan dahil puro kalokohan lang naman ang sinasabi mo!” Akmang tatayo na sana ako nang muli niyang hinila ang kamay ko kaya napaupo ako bigla.

Imbis na matigas na semento ang maramdaman ko ay naramdaman ko ang malambot niyang kandungan. Nakaupo ako sa kandungan niya at sobrang lapit ng mukha namin sa isa’t isa. Hindi ako makahinga. Sandaling tumigil ang oras at pag-ikot ng mundo dahil sa ginawa ni Kevin.

“A-anong ginagawa mo?” tanong ko at diretsong tumingin sa mga mata niya. Ngumisi siya kaya sa labi niya naman ako tumingin. Ano kaya ang pakiramdam na halikan? Alam mo na, wala akong naging nobyo noon pa man.

“Gusto mo akong halikan?” sabi niya at hinawakan ang baba ko at iniangat. Ilang segundo kaming nagkatitigin. Hindi ko alam kung anong gagawin o sasabihin ko dahil hindi ko pa naranasan ang ganito sa buong buhay ko.

Hinaplos niya ang labi ko at wala akong magawa kung hindi titigan ang mga mata niyang mas nagniningning pa kaysa sa mga bituin.

“A-ano bang s-sinasabi mo?” wika ko at mabilis na tumayo. Napatingin ako dagat dahil hindi ko alam kung saan titingin. Ayaw ko rin naman tingnan ang mga mata niya dahil nanghihina ako.

“Ayaw mo? Edi huwag!” naiilang niyang utas at tumingi sa malayo. Pareho kaming nabigla sa mga nangyari. Kahit si Kevin ay hindi na rin makatingin ng diretso sa akin.

“A-ah, gusto mo bang bumalik na tayo, Kevin?” nauutal kong tanong na hindi pa rin siya tinitingnan. Napapikit ako dahil sa hiya.

“Hindi, ayaw ko. Ngayon na natin ito pag-usapan,” giit niya at umiling-iling. Ano pa ba ang pag-uusapan namin? Pakiramdam ko ay tapos na naming pag-usapan ang dapat pag-usapan.

“Pag-usapan ang alin? Hindi pa ba tayo tapos mag-usap?” muli kong tanong. Nagtataka ko siyang tiningnan dahilan upang mapatingin din siya sa akin. Shesh, bakit pakiramdam ko ay bumagal ang ikot ng mundo?

Napakamot siya sa ulo niya bago magsalita. “Iyong pinunta natin dito. Pag-usapan na natin kung bakit ako umalis no’ng graduation natin,” wika niya at naiilang na ngumiti. Muli siyang umupo at nagbigay siya ng malaking espasyo sa pagitan naming dalawa.

Napabuntong-hininga na lang ako at muling umupo. Pakiramdam ko ay ang bilis ng oras dahil mag-iisang oras na pala kami rito. Baka hinahanap na rin kami nina Leo at Haze sa tagal naming dalawa.

Yumuko ako at hinihintay lamang siyang magsalita. Nanatili akong tahimik na nakaupo at pinapakiramdaman si Kevin dahil hindi ko rin alam kung may dapat ba akong sabihin sa kaniya o siya ang may dapat sabihin sa akin.

Tumikhim si Kevin. “Ahm, kailan niyo pala binalak ni Leo na sabihin sa akin na ‘yong relasyon niyo ay pagpapanggap lamang?” tanong ni Kevin dahilan upang maalala ko ang mga nangyari no’ng graduation namin. Noong binalak naming sabihin sa kanya at aminin ang lahat.

“SANDRA, ayos ka lang ba? Kanina ka pa hindi mapakali at parang may hinahanap,” tanong ni Leo habang inaayos ang suot niyang toga. Kasalukuyan kaming nasa Philippine International Convention Center dahil dito ang venue ng graduation namin.

Lumingon-lingon ako at nagbabakasakaling makita si Kevin. Buong araw ko siyang hindi nakita at nakausap. Nag-aalala akong baka hindi siya pumunta.

“Nakita mo ba si Kevin? Malapit nang magsimula ang graduation ceremony natin pero wala pa rin siya. Akala ko ba ay magpapakuha tayong tatlo ng litraro sa araw ng pagtatapos natin?” sunod-sunod na tanong ko kay Leo at muling inilibot ang aking mga paningin.

“Hindi ko pa nga siya nakikita simula kanina, Sandra, eh. Baka nandiyan lang iyon sa tabi-tabi kasama nila Ferci. Alam mo namang mas close na sila ngayon kaysa sa atin at madalang na lang siyang sumama at makipag-usap sa atin,” dismayadong tugon niya at ang toga cup naman niya ang iayos niya.

“Paano natin masasabi sa kaniya na nagpapanggap lang tayo?” muli kong tanong at maamo ko siyang tiningnan. Baka sakaling maawa siya sa akin at tulungan akong hanapin si Kevin.

“Marami naman tayong oras ngayon. Kung gusto mo ay mamaya na lang pagkatapos ng graduation natin. Sigurado naman akong makikita natin siya, eh. H’wag kang mag-alala diyan, Sandra. Kung hindi man ngayon ay baka bukas o sa mga susunod na araw,” buong kumpiyansa niyang saad at hinila na ako papasok.

Nagpapaawa pa naman ako ngunit bigo pa rin ako. Ngayon ay sigurado na akong hindi siya tunay na lalaki. Walang epekto ang maganda kong mukha sa kaniya, eh.

Wala na akong nagawa kung hindi magpahila na lang kay Leo. Nang makapasok ay agad kaming nakita ng mga magulang namin at binati. Malaki at maganda ang Philippine International Convention Center. Engrande ang graduation namin dahil na rin sa mga bigatin ang mga nag-aaral sa aming paaralan. Kasama na rin ang pamilya ko at pamilya ni Leo. Si Kevin ay iskolar sa paaralan namin kaya saludo ako sa kaniya.

“Ang ganda mo talaga, Sandra! Bagay na bagay kayo ng anak kong si Leo,” bola ni Tita Leah sa akin. Maganda at mukhang bata pa ang mama ni Leo.

Legal kaming dalawa sa aming mga pamilya dahil nagsimula kami sa pagiging magkaibigan. Ang hindi lang nila alam na hindi naman talaga totoo ang relasyon naming dalawa ni Leo at ang lahat ng ito ay puro pagpapanggap lamang. Pati ang sarili kong magulang ay walang alam sa ginagawa namin ni Leo.

“Salamat po, tita Leah.” Matamis akong ngumiti kay Tita Leah gano’n din kay Tito Joel na daddy ni Leo. Malaki rin ang ngiting ibinigay nila sa akin.

Hindi ngayon ang plano namin na aminin sa mga magulang namin, lalo na sa magulang ni Leo ang pagpapanggap namin. Ayaw naming masira ang araw na ito kaya minabuti naming palipasin muna namin ang graduation namin. Subalit ngayon ang araw para sabihin kay Kevin lahat ng dapat naming aminin.

Sa kasamaang palad, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya nakikita, pati na rin ang magulang niya. Kaya nakipagyakapan na lang ako kay Tita Leah at kay Mommy. Hinalikan din ako sa noo ni daddy.

“Basta’t mag-aral kayong mabuti mga anak. Kapag may mga trabaho na kayo ay kami na mismo ang mag-aasikaso ng kasal ninyo,” wika ni Tito Joel at tinapik ang balikat ni Leo.

Naiilang na ngumiti kami ni Leo sa mga magulang namin. Hindi ko maimagine na magpapakasal kaming dalawa dahil nakikita ko lang ang pagpapakasal ko kay Kevin at wala ng iba pa. Siya lang ang gusto kong pakasalan.

“Magsisimula na raw po ang kasal este graduation namin. Uupo na po kami sa upuan namin,” nagmamadaling sabi ni Leo at hinila na ako palayo sa kanila. Buti na lang at hiwalay ang magulang at estudyante kaya mabilis kaming nakaalis sa usapang ayaw naming marinig.

Hila-hila niya ako. “Buti na lang at nailusot ko. Nasusuka na ako sa usapan eh,” bulong ni Leo. Natawa na lamang ako dahil gano’n din naman ako.

Naglakad kami sa hanay ng mga kaklase namin na seryosong nag-uusap. “Alam niyo ba, hindi raw makakaakyat at makakarating si Kevin ngayon dahil ikakasal na?” sabi ng kaklase naming si Julie.

“Totoo ba iyan? Sino nagsabi?” sabat ni Leo kaya lahat sila ay napatingin sa gawi namin.

“Hindi ba’t magkaibigan kayo? Hindi niyo ba alam?” nagtatakang tanong ni Maricel na ikinailing naming dalawa ni Leo. Wala namang sinasabi sa amin si Kevin na magpapakasal na siya.

“Baka naman si Ferci may alam, tanungin natin siya dahil parang niligawan siya ni Kevin, eh,” suhestiyon ni Maricel. Nagsitanguan naman sila at nakisama na rin kaming hintayin na pumunta si Ferci sa gawi namin.

“Akala ko ba magandang plano ito para mapaamin natin si Kevin?” bulong ko kay Leo. Nag-aalalang tinignan niya ako at hinawakan ang kamay ko upang pagaain ang loob. Sabi niya kasi ay kapag nagpanggap kami ay baka magselos si Kevin at umamin na sa akin.

“Ayon din ang akala ko, Sandra. Pasensya ka na at parang huli na ang lahat,” bulong niya. Bumuntong-hininga na lamang ako.

“Ferci, alam mo bang magpapakasal na si Kevin kaya siya hindi nakapunta rito?” tanong ni Julie sa kararating lang na si Ferci.

“Masiyado pa siyang bata para magpakasal, sa tingin ko ay hindi pa siya magpapakasal.”

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Taguan [Chapter 9]

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.