Naninikip ang aking dibdib habang isa-isang pumapasok ang mga alaalang hindi ko alam kung saan nagmula. Mga katanungang nangangailangan ng kasagutan ang siyang umiikot sa aking isip.
Sino ba ako?
At ano ang koneksyon ng lalaking iyon sa akin upang maramdaman ko ang sakit ng kaniyang pinagmulan? Sino ba siya para guluhin ang buhay kong ang tanging hangad lang ay makasama ang babaeng aking pinakamamahal?
“Ayos ka lang ba, Anak?”
Napatingin ako sa babaeng kumupkop sa akin. Puno ng pag-aalala sa mga mata nito. Tama. Siya ang aking ina sa mundong ito. Siya ang nagbigay sa akin ng ngalan mula nang magising ako ng walang pagkakakilanlan. Kaysarap sa pakiramdam na may taong handang mahalin ka kahit na hindi ka lubosang kilala, kahit pa hindi ka nagmula sa dugo at laman nito.
“Ma…” iyon lang ang tangi kong nasambit bago ako tuluyang nawalan ng malay.
***
3 months later
“Ma, aalis lang po ako,” pagpapaalam ko sa aking ina.
“Palagi ka yatang umaalis ng bahay. Hindi man lang tayo nagkakaroon ng oras para makapagkwentuhan.” May halong tampo sa tinig nito.
Ngumiti ako bago siya kinintalan ng halik sa pisngi. “Hayaan mo, Ma, sa oras na mahanap ko na ang mga kasagutan sa mga tanong ko ay babawi ako sa iyo.”
“Hanggang ngayon ba ay inaalam mo pa rin ang iyong nakaraan?”
“Gusto ko lang malaman nang sa gayon ay matahimik na ako. Wala naman akong balak na iwanan po kayo lalo na at utang ko sa iyo ang buong buhay ko.” Niyakap ko siya nang mahigpit at gayundin siya sa akin.
“Nag-aalala lang kasi ako na baka mapaano ka. Baka masaktan ka lang sa mga malalaman mo.” Batid ko ang labis niyang pag-aalala kaya naman ganoon na lang ang pagmamahal na ibinibigay ko sa kaniya. “Ngunit alam ko rin namang wala akong magagawa sa mga nais mo lalo pa at buhay mo iyan. Pero, anak, palagi mong pakakatandaan na narito lang ako para damayan ka sa lahat ng oras. Huwag mong pababayaan ang sarili mo.”
“Maraming salamat, Ma. Salamat po at naiintindihan ninyo ako.” Muli ay iniwanan ko siya ng isang halik sa noo bago ako nagpasyang maglakbay upang hanapin ang mga kasagutan sa tanong mula sa aking pinagmulan.
***
Genie’s POV
“Hell, hindi ka pa rin ba kakaen?”
Unti-unting umuwang ang pintuan sa silid nito at iniluwa nito si Hell. Halata sa itsura nito ang hinagpis na pinagdaraanan nito nang mga oras na iyon. Kahit naman ako ay hindi ko pa rin matanggap ang mga nangyari lalo pa at napakalaking parte sa buhay ko ang nawala. Ang pagkawala ni Heaven at ang pagkawala ni Alladin – ang dalawang bagay na iyon ay hindi ko maaaring isisi kay Hell. Higit kanino man batid kong si Hell ang siyang mas nakakaramdam ng pait at pighati sa mga oras na iyon subalit kailangan naming patuloy na mabuhay para sa mga taong ibinuwis ang kanilang mga buhay maprotektahan lang ang mundong ito.
“Genie… ayos ka lang ba?”
Napaawang ang bibig ko sa tanong na iyon. Hindi ko kasi lubos akalaing sa dami ng tumatakbo sa isip niya ngayon at magagawa niya pang mag-alala para sa akin.
“Hell…”
Humakbang ito ng isang hakbang palapit sa akin at isang yakap ang naging tugon nito. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat na itugon ko sa kaniya nang mga sandaling iyon. Ramdam na ramdam ko ang init ng kaniyang katawan gayundin ang hinagpis sa kaniyang dibdib.
“Kahit tatlumpung segundo lang, hayaan mo akong manatili na nakayakap sa ‘yo,” bulong niya na umabot naman sa aking pandinig.
Tama. Marahil eto nga ang higit na kailangan niya. Ang maramdamang hindi siya nag-iisa. Na kahit na anong mangyari ay may kasama siya sa bawat labang pagdaraanan niya. Sino pa bang magdadamayan sa panahon ngayon? Tanging siya na lang ang natitira sa akin, at gayundin ako sa kaniya. Kaya naman hindi ko siya maaaring biguin at iwanan ngayon pa at alam kong kailangan niya ng masasandalan. Ngayong malinaw kong nakikita ang kahinaang taglay ng isang kagaya niya.
Totoo ngang walang sino man sa mundo ang kakayaning mabuhay ng mag-isa. Na kahit pinakamakapangyarihang tao ay may kahinaan din at si Hell ang isa sa patotoong iyon. Hindi ko aakalaing ipapakita niya sa akin ang tunay na siya. Ang nilalaman ng puso niya. Na kinakailangan niya rin ng suporta sa iba dahil alam niyang hindi niya na kaya.
Huminga ako nang malalim bago tinugon ang yakap niya. Doon ko lang unti-unting narinig ang kaniyang hikbi na kanina niya pa pilit na itinatago. Masakit para sa akin ang lahat subalit kailangan kong maging matatag. Para sa akin, para kay Hell at para sa bukas na kahaharapin namin.
***
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” Kasalukuyan na kaming nakaupo ngayon sa harap ng hapag habang tahimik na kumakain. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko nang mga oras na ito dahil parang balik na naman si Hell sa pagiging masungit at moody niyang tao.
“Kumain ka na nga lang diyan.” Umismid pa ‘to bago muling sumubo ng pagkaing nakahain sa mesa.
“Bat ba ang sungit mo? Parang kanina lang iyak ka ng iyak diyan na parang bata,” pang-aasar ko sa kaniya.
Tumingin lang ito sa akin sabay irap.
“Kailangan na pala nating lumipat ng bahay. Obviously, kita mo naman ‘di ba? Sira-sira na ang lahat nang nandito.”
“Handa ka bang iwan ang lugar na ito?” tanong niya.
Hindi kaagad ako nakapagsalita dahil hindi ako nakapaghanda sa tanong niyang iyon. Marami rin kasing alaala ang nabuo sa bahay na ito maging sa lugar na ito. Mula sa alaala ng mga magulang ko, sa amin ni Sigfrid, kay Heaven maging kay Alladin. Handa nga ba akong iwan ang lahat ng iyon?
“Pwede naman tayong mag-stay pansamantala hanggang hindi ka pa sigurado sa isasagot mo.”
Inilibot ko ng aking mga mata ang paligid. Malaki na ang naging pinsala sa pundasyon ng bahay. Alam kong hindi na ligtas para sa amin. Sandali pa akong nag-isip bago ibinigay ang sagot ko sa kaniya.
“Buo na ang desisyon ko, Hell.” Masakit mang iwan ang lugar kung saan kami bumuo ng masasayang alaala ngunit kailangan. Bukod sa kaligtasan naming dalawa ay batid ko ring iyon din ang kailangan namin para makapagsimula ng bagong buhay. Hindi kami makaka-move on sa mga nangyari kung mananatili kami roon. “Bukas na tayo umalis. Dito na muna tayo magpalipas ng gabi.”
“Fine. Kung anong nais mo, iyon ang masusunod.”
Bakit parang tila may kahulugan ang mga salitang iyon?
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





