HANGGANG makapasok ng kabahayan ay nagkukuwentuhan pa rin sina Matteo at Sharina. Pakiwari ng dalaga ay nakalutang sa hangin ang kanyang mga paa. Masayang-masaya ang kanyang pakiramdam kaya’t hindi niya agad napunang naroon pala sa tanggapan ng bisita ang grupo ni Mikaela. Bahagya pa siyang nagulat nang magtayuan ang mga ito upang batiin sila.
“Mukhang masigla ang pamilihan ngayong araw ah! Bakit ang saya niyong dalawa?” biro ni Mikaela na sa kapatid nito nakatingin. Hindi na nila nagawang kumibo ng lalaki dahil agad ring ipinakilala ng dalaga ang mga kasama nito sa kanya. “Mga kaibigan ko, Sha, si Marie, Carla at Judy.” Pagkuwa’y nilinga nito ang mga lalaki. “Yan namang makukulit na ‘yan ay sina Marlon at John. Teka, nasaan si Derek?” Siya namang pagpasok ng lalaki buhat sa pintong papunta sa hardin ng mga Guanzon. Kasama nito ang nakangiting ina ni Mikaela. “Ma, kasama mo pala ang kolokoy kaya nawawala.”
“Pinuntahan ako sa garden at nagmano sa akin, hindi niyo ba napansin? At bakit ang iba ay hindi?” Tila isa-isa namang natauhan ang mga kaibigan at nagsilapitan kay Mrs. Guanzon upang magmano din.
“Makaluma talaga itong si Derek! Beso naman will do ah!” nakairap na sabi ni Mikaela sabay halik sa pisngi ng ina. Nagtawanan lang ang buong grupo.
“Nariyan na pala kayo, Sharina, anak,” ani Mrs. Guanzon nang mapansin sila. “Naipakilala mo na ba ang mga kaibigan mo, Mik?”
“Hindi pa po—” maagap na sagot ni Derek sabay hakbang palapit sa kinaroroonan nila ni Matteo. “Hello, my name is Derek, and you are…?” Inilahad nito ang kamay na tinanggap naman niya kasabay ng isang ngiti.
“Sharina,” kimi niyang sagot.
“What a beautiful name…bagay sa’yo…”
Umugong ang kantiyawan at biruan mula sa grupo. Kabilang na roon si Mikaela. Agad naman siyang namula dahil doon. Bukod sa hindi siya komportableng nagiging tampulan ng tuksuhan ay aware din siyang nasa tabi niya si Matteo. Palihim niya itong sinulyapan at nakangiti lang ang binata. May bahagya siyang kurot na naramdaman dahil doon.
Ano ba kasi ang ine-expect niya? Nakasimangot ito? Nagseselos? At bakit naman magseselos ang binata kung wala naman itong feelings sa kanya? Sa naisip ay awtomatiko siyang napangiti nang malapad at nakipagpalitan ng tingin kay Derek.
“Tita, hindi naman siguro masamang mapadalas ng dalaw dito habang narito si Mikay, ano po?” ani Derek.
“Si Mikay ba ang dadalawin mo o ang kaibigan niya?” biro naman ni Marlon.
“Puwede naman sigurong pareho,” natatawang tugon nito habang malagkit pa rin ang pagkakatingin sa kanya. “Puwede ba, Sha?”
Ilang saglit na hindi niya alam ang isasagot kaya napatingin siya kay Mikaela. Sumenyas ito sa kanya na umoo siya. Hindi siya kumibo pero pasimpleng tumango na sinundan na naman ng isang malakas na sigawan.
Nang muli niyang lingunin si Matteo ay palapit na ito sa ina. Humalik at hinagkan ito saka iniabot dito ang kanilang mga pinamili. Nag-excuse siya sa grupo at sumunod sa mga ito hanggang kusina.
“Iyan talagang kapatid mo, Matteo, napakahilig magreto!” anang Mrs. Guanzon. “Dati ay si Girlie kay Aven, ngayon naman ay ang kaibigan niya kay Sharina.”
“Just let her do what she wants, ‘Ma. Malaki na ‘yan,” tila balewalang sagot ng lalaki.
Nakadagdag na naman iyon sa kirot ng puso niya. Siguro ay kahibangan lang talaga para sa kanya si Matteo. Malamang ay kapatid lang ang tingin nito sa kanya kaya hindi na siya dapat pang umasa.
Napalingon si Matteo at bahagya pa itong nagulat nang makita siya. Lumapit upang abutin ang mga hawak niyang pinamili. Inabot iyon sa ina. “Thanks,” anito. “You can go back there. Okay na kami rito ni Mama,” anitong nakangiti.
Maikli lang ang mga sinabi nito pero iba ang dating sa kanyang pandinig. Na para bang pasimple siyang itinataboy nito. Hindi kaya alam na ng lalaki na may pagtingin siya rito at kakuntsaba nito ang kapatid na ireto siya sa Derek na iyon? Tama! Baka nga si Mikaela na mismo ang nagsabi sa kuya nito at nang i-reject ng kapatid ay naisipan nitong hanapan siya ng makakapareha para hindi naman siya malungkot. Knowing her friend, posible nga iyon!
Agad siyang nalungkot. Hindi niya sinuklian ang matamis na ngiti ni Matteo at sa halip ay inis na tinalikuran niya ito at mabibilis ang mga hakbang na tinungo ang kusina.
NASUNDAN ng tingin ni Matteo si Sharina habang palabas ito ng kusina. She looked upset. Marahil ay dahil inakala nitong nalimutan niyang kunin ang mga pinamili nilang hawak nito at dahil doon ay nag-abala pa itong sumunod sa kanila ng ina sa kusina upang dalhin lamang ang mga iyon.
Paano naman kasi ay nakita niyang tutok na tutok ang mga mata nito sa Derek na iyon. Ni hindi matinag ang eye contact ng dalawa habang umuugong ang kantiyawan ng grupo.
Hindi marunong magtago ng damdamin si Sharina, he knew that instantly. Sa ilang beses na pagtatagpo ng landas nila nito ay nakita na niya ang iba’t-ibang emosyon sa mga mata nito. At kanina ay iyon ang dahilan kung bakit hindi niya inabala ang sariling kunin ang mga supot na hawak ng dalaga. Wala siyang lakas ng loob na putulin ang pakikipagtitigan nito sa lalaking iyon. Kaya naman nagulat pa siya nang makitang kasunod pala nilang mag-ina si Sharina sa komedor. So he said what was in his mind, ang itaboy ito pabalik sa grupo or technically pabalik sa Derek nito.
“Hoy, Matteo! Huwag mong pulpulin ang mga sitaw ko, ano ba!”
Gulat siyang napaigtad. Napatingin siya sa hawak na sitaw. Inutusan siya ng inang putul-putulin iyon para sa pagsisigang pero lumipad ang isip niya kay Sharina. Ngayon ay na-realize niyang nasobrahan pala ang ikli ng pagkakaputol niya sa mga sitaw. “Sorry, ‘Ma,” haplos ang noong sabi niya.
“Ano ba kasi ang nasa isip mong bata ka? Ang papa mo ba?”
Hindi niya sinagot ang tanong ng ina. Tumabi ito sa kanya at tinulungan siya sa ginagawa.
“Pagpasensiyahan mo na ang papa mo, anak. Pasasaan ba at magkakaayos din kayong dalawa.”
Nagbuntong-hininga muna siya bago sumagot. “Hindi ko alam, ‘Ma. Naubusan na po ako ng pag-asang lalambot pa ang puso ni Papa para sa akin.”
“Please don’t, hijo. Mabait naman ang papa mo at mapagmahal na ama. Sadyang umasa lang siya na sa inyong magkakapatid ay ikaw ang susunod sa tapak niya. Gusto niyang tulad niya ay maglingkod ka rin sa mga tao.”
“Pero puwede ko namang gawin iyon kahit hindi ako tumakbong konsehal ng bayan noon, hindi ba, ‘Ma?”
Tumango-tango ang ina. “Alam ko, anak. Pero alam mo rin namang hindi hanggang konsehal lang ang pangarap ng papa mo para sa’yo. Gusto niyang maging mayor ka pagdating ng araw—”
“Which I couldn’t understand, ‘Ma. You know how much I want to manage business. Bata pa ako’y alam mo na ang gusto kong marating sa buhay.”
Muling napatango ang mama niya.
“Hindi ko maunawaan kung bakit hindi madaling naunawaan ni Papa na hindi ako para sa pulitika. Si Aven naman ay nakuha ang kursong gusto niya, gayon din si Renan. Bakit kami ni Mikaela ang ibinubuyo niyang magpulitika?”
“Hindi ko masasagot ang tanong mong iyan, anak. Basta ang alam ko, nang tumanggi ka sa kanya noon ay si Mikay agad ang kinausap niya. Kaya naman na-disappoint siya nang husto nang mag-decide ang kapatid mong sa’yo tumira sa Manila para kanyang pagkokolehiyo. Naisip niyang kalaunan ay maiimpluwensiyahan mo ang usapan nilang dalawa na nangyari nga dahil hindi naglipat taon ay nag-shift ng kurso ang kapatid mo.”
Muli siyang napailing. “Maniniwala ka ba ‘Ma, kung sasabihin kong ni minsan ay hindi namin napag-usapan ni Mikaela ang tungkol sa bagay na ‘yan?”
Tumango ang ina. “Oo, anak. Dahil alam ko ang plano ng kapatid mo mula simula. Sinakyan lang niya ang gusto ng papa mo para payagan siyang mag-aral sa Maynila at nang makapasok nga ay agad nang nag-shift sa kursong gusto niya talagang kunin.”
“But she’s happy, ‘Ma. I mean, of course it’s not a smooth road for her but I can see she’s doing her best shot. Mahirapan man siya, at least it was her choice.”
“And I agree. Siguro, unawain na lang natin ang inyong ama. Limang magkakasunod na henerasyon ng pamilya nila ay naging alkalde ng bayang ito ngunit ang huling Guanzon na namuno bago ang iyong ama ay naging sakim sa kapangyarihan. Dahil doon, nang sumunod na halalan ay sumubok ng iba ang mga tao at nataon iyon sa panahon ng papa mo. Alam ko, hindi man niya aminin, kung gaano kasidhi ang kagustuhan niyang maibalik sa mga Guanzon ang karangalang muling makapaglingkod sa bayang ito.”
“Kung talagang gusto niya ‘Ma, kahit siya ay maaari pa rin namang sumubok.”
“Tama, anak. May kutob akong sa darating na eleksiyon ay muling tatakbo ang papa mo. Kaya’t asahan mo nang muling mabubuhay ang usaping iyan sa pagitan ninyong mag-ama.”
Hindi na niya nagawang kumibo sa sinabing iyon ng ina. Tulad kanina ay nahulog na naman siya sa isang malalim na pag-iisip.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




