SAMPUNG minuto bago mag-alas kuwatro ay panay na ang sulyap ni Sharina sa kanyang relong pambisig. Ang totoo ay kanina pa siya palinga-linga sa paghahanap kay Matteo pero mula nang dumating ang kapatid nitong si Aven ay hindi na niya ito ulit nakita. Kanina, ang sabi nito ay pupunta raw sila sa bayan para bumili ng buko. Excited pa naman siyang muling makasama ang lalaki pero mukhang hindi yata ito mangyayari ngayong dumating ang kapatid nito.
Matamlay niyang ipinagpatuloy ang pagbabalot ng lumpia. Kung alam lang niyang hindi sila matutuloy ni Matteo ay hindi na sana siya nagpaiwan kay Mikaela. Matapos ang pananghalian kanina ay nagsabi itong lalabas kasama ng mga kaibigan nito. Gusto siya nitong isama pero tumanggi siya. Sinabi niya rito ang totoong dahilan at hindi naman siya nito pinilit. Natuwa pa nga ito dahil mukhang nagkakamabutihan na raw sila ng kuya nito.
Nang matapos sa ginagawa ay tinakpan niya iyon ng maliit na planggana. Papanhik na sana siya sa kanyang silid nang may magsalita mula sa kanyang likuran. Gulat siyang napalingon. Naroon at nakatayo si Mr. Guanzon, ang mga kamay ay nasa baywang habang nakamasid sa kanya.
“Bakit hindi ka sumama sa kaibigan mo, hija? Nakakahiya naman sa iyong ikaw ang bisita pero narito ka at tumutulong sa paghahanda. Maraming maaaring gumawa niyan. Nasaan ba ang aking esposa?” anito sabay linga.
“A-ayos lang po ako, Sir,” kandautal naman niyang sabi. “Nagpaiwan po talaga ako kanina kay Mikaela dahil gusto ko talagang maranasan ang ganitong klaseng paghahanda para sa fiesta. Hindi po kasi kami ganito sa Maynila. Ayos lang po ako at nag-e-enjoy sa aking ginagawa.”
“Sigurado ka ba, hija? Mas mabuti kasi kung sumama ka na lang para makilala mo ang mga kaibigan ng bunso ko.”
“Ayos lang po. Maraming salamat po sa concern.” Magalang siyang nagpaalam rito at tumalikod na. Malapit na siya sa hagdan nang muli siya nitong tawagin. Saglit lang ay nasa harapan na niya si Mr. Gunazon.
“Pasensiya ka na nga pala sa nangyari kanina, hija. Hindi ko kasi alam na kaibigan ka ng bunso ko. Ang akala ko’y kasama ka ni Matteo.”
Mababa ang boses nito, parang kaiba sa taong kausap ni Matteo kanina lang. Gusto sana niyang itanong kung may pagkakaiba ang bisita ng dalawang anak nito pero natural ay hindi niya iyon makakayang gawin.
“Wala pong problema. Nauunawaan ko po.”
Tumikhim muna ito at saka muling nagsalita. “Alam mo kasi, iba ang pangarap ko para sa anak kong ‘yan. Kaya lamang, sadyang matigas ang ulo.” Pagak itong tumawa bago nagpatuloy. “Pero hindi pa rin ako sumusuko. Alam kong isang araw ay matutupad rin ang aking pangarap para sa aking panganay.”
Tipid siyang ngumiti at nang marahil napansin ng matanda ang kanyang pagkailang ay hindi na nito pinagtagal ang kanilang pag-uusap. Ito na ang kusang nagpaalam at tinungo ang garden at baka naroon daw ang esposa nito.
Pumanhik na siya nang hagdan at dumiretso sa kanyang silid. Naligo siya at nagbihis. Ang sabi ni Mikaela ay uuwi ito ganap na alas-otso ng gabi at lalabas daw sila para mamerya sa plaza. Ang bisperas raw ng fiesta ay higit na masaya kaysa sa mismong kaarawan dahil marami raw mapapanood na pagtatanghal sa plaza. May mga artista raw, mga palaro at kung anu-ano pang pakulo ang mga kabataan ng barangay. Hihintayin na lamang niyang sumapit ang gabi para makasama ang kaibigan.
Nang bahagyang tuyo na ang buhok ay nahiga na siya sa kama. Sisimulan na niyang basahin ang baon niyang libro nang makarinig siya ng pagsipol. Bigla siyang napatayo at napalinga. Umulit ang sipol na iyon. Nang marinig niya ang kanyang pangalan ay saka lang niya natukoy na sa bintana iyon nanggagaling. Mabilis siyang napatayo at humakbang palapit sa bintanang yari sa kapis at kahoy.
Pagsilip niya roon ay laking gulat niya nang matanaw si Matteo. Nakasampa ito sa malaking puno ng bayabas na halos isang metro lang ang layo sa bintana. Ang ilang sanga niyon, kung hindi lang pinutol ay tiyak nang nakapasok na sa bintana ng silid na iyon. Hindi niya napigilan ang mapangiti.
“Ano’ng ginagawa mo diyan?!” anas niya rito. Natural ay hindi naman niya gustong gumawa ng eksena gayong kahit papagabi na ay marami pa ring tao sa paligid na abalang-abala sa paghahanda para sa kinabukasan.
“Di ba may lakad tayo? Ang aga mong pumanhik,” ganti nitong bulong na malinaw naman niyang naririnig.
“Eh bakit diyan ka dumaan, may hagdan naman?”
“Kadarating ko lang at ayokong makabangga ulit si Papa sa loob. Halika na, dali!”
Nataranta siyang bigla. “Saglit lang. Okay lang ba itong suot ko?” conscious niyang tanong sa lalaki.
“Of course! Let’s go?”
“Sige. Hintayin mo ‘ko sa baba,” aniya at akma nang tatalikod nang muli siyang tawagin ni Matteo. “Bakit?”
“Dito tayo dadaan,” anitong nakangisi.
“Ano?! Ayoko nga, baka mahulog ako diyan!”
“Ako’ng bahala sa’yo. Don’t you trust me?”
‘I do. Mahal na nga kita eh!’ bulong ng isip niya.
“Malaki ang punong ito, hindi ka man lang malulula, believe me. Ako’ng bahala.”
‘O sige, Sharina. Si pogi na raw ang bahala…’
Hindi niya nasupil ang isang matamis na ngiti. Pagkuwa’y sinipat niya ang layo ng puno sa bintana gayon din ang taas niyon.
Ang totoo ay hindi naman siya natatakot dahil doon. Malaki ang katawan ng puno gayondin ang mga sanga niyon, alam niyang totoo ang sinasabi ng lalaki. Iba ang kinatatakutan niya—ang tuluyang maging dependent at umasa sa guwapong lalaking ito.
Pero sa tingin niya ay desidido si Matteo. Inilahad nito ang kamay sa kanya at saka ito ngumiti. Ang ano mang kaba o pag-aalinlangan sa isip niya ay agad na nilipad ng hangin palabas ng bintana. She wanted to be with him and she was excited to do anything with this man.
Iniabot niya ang kamay sa lalaki at hindi nagtagal ay magkasama na sila nito sa isang malapad na sanga ng puno. Marahil ay kasya pa ang isang tao roon pagkat sa mismong kinatatayuan nila nagsasalubong ang limang matitibay na sanga ng puno. Bahagya pa siyang humilig sa sinasandalang sanga dahil nakita niyang ganoon rin ang posisyon ni Matteo.
“Ngayon lang ako nakakita ng ganito kalaking puno ng bayabas,” mangha niyang sabi habang nakatingala at minamasdan ang mabeberdeng dahon sa kanilang ulunan. Pakiramdam niya ay nasa loob sila ng isang bilog na napaliligiran ng mga puno dahil sa kadawagan niyon. Nakadagdag pa sa ganda niyon na papalubog na ang araw at ang kulay kahel na sikat niyon ay tumatama sa mga nagsasayawang dahon.
Napangiti ang lalaki. “Alam mo bang hindi ito itinanim ng kahit sinong miyembro ng pamilya? Kusa itong tumubo dito. Ang sabi ng Papa, kuwento raw noon ng mga magulang nila na basta na lamang nakitang tumubo ang puno sa lupaing ito. Siguro raw ay galing sa laglag na bunga ng mga ibong mula sa gubat.”
“Amazing…” aniya. Iniwasan niyang yumuko upang hindi malula pagkat ilang metro rin ang layo nila sa lupa.
“Sharina…”
Naramdaman niya ang paghawak ni Matteo sa kanyang kamay. Tila slow motion scene sa isang pelikula na nilingon niya ang lalaki. At pakiwari niya, kasabay ng pagsasayawan ng mga dahon ay ang pag-aawitan ng mga ibon sa paligid. “Y-yes?”
“Natatakot ka ba?”
Umiling siya bilang sagot sa tanong nito. Paano niyang katatakutan ang isang masaya at kakaibang karanasang iyon?
Pero nang aktong bababa na ay saka siya biglang kinabahan. Hindi kasi maiiwasang yumuko at lumalampas sa mga sanga ng puno ang paningin niya. Nakakalula pala.
“I know what you’re thinking but don’t worry. Naisip ko na ‘yan,” narinig niyang sabi ni Matteo. Hawak pa rin nito ang kaliwang kamay niya at ang isa nitong kamay naman ay nakaalalay sa kanyang likuran.
Napangiti siya nang makita ang hagdan na nakasandal sa likod ng isa sa mga sanga. Inaalalayan iyon ni Aven na nakangiti sa kanila at kumaway pa.
“Hindi naman halatang takot kang makita sa loob ng bahay ang papa mo, ano. Hindi ka ready eh,” biro niya na ikinatawa ni Matteo.
Ilang saglit pa ay safe na silang nakababa nito sa tulong ni Aven.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




