When Love Collides (Chapter 11: Emotional)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

TAHIMIK silang dalawa sa loob ng sasakyan. Pinagmamasdan lang ni Myra ang lahat ng dinadaanan nila. Hindi siya kumikibo. Tahimik. Nag-iisip. Napansin ni Milandro ang lungkot sa mga mata ni Myra.

“Are you okay? Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong ni Milandro habang nakatuon ang kanyang mga mata sa daan. Tumango lang si Myra.

“Mukhang malalim ang iniisip mo. P’wede ko bang malaman ito? Kung komportable ka lang na sabihin sa akin,” patuloy na sabi ni Milandro.

“Kung tutuusin, ikaw ang makakasama ko ng isang taon. Ikaw lang din ang nakakausap ko ng matino. Wala akong dapat itago sa iyo, ‘di ba? ‘Tapos sa sobrang kabutihang ipinakita mo sa akin, wala akong dahilan para hindi magtiwala sa iyo.”

“Then what’s on your mind?” tanong muli ni Milandro. Matagal na nag-isip si Myra. Matagal siyang hindi nakasagot. Pumikit muna ang mga mata niya. Hindi si Jeffrey o Trixie ang nasa isip niya. ‘The Husband Contract’ ang naglalaro sa kanyang isipan.

“Tungkol sa kontrata mo,” biglang sabi ni Myra.

“Why do you think about that? Mayroon bang hindi malinaw doon? Ano pa-”

“Gusto lang kitang makasama habang buhay. Paglilingkuran kita at tutulungan. Hindi sapat ang isang taon para mabayaran ko ang utang ko sa iyo, Milandro.”

Hininto ni Milandro ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Huminto siya sa pagmamaneho. Nabigla siya sa sinabi ni Myra. Tumingin siya kay Myra.

“Seryoso ka?”

“Wala ng natira sa buhay ko. Kaya ngayon sa bagong buhay ko, gusto kong magsimula sa iyo,” sagot ni Myra.

“A—Anong ibig mong sabihin?” Garalgal ang boses ni Milandro. Mabilis ang tibok ng puso niya. Hindi niya inaasahan na darating sa puntong ibibigay ni Myra ang sarili.

“Ano ba ang nasa isip mo? Tama, sinabi mo sa akin na p’wede kitang ituring bilang kapatid o kuya. Mananatili lang ako sa tabi mo bilang kapatid at hindi kita iiwan,” paliwanag ni Myra.

Naging iba ang reaksyon sa mukha ni Milandro. Kumunot ang noo niya at nagsalubong ang dalawa niyang kilay. Biglang tumigil ang bilis ng tibok ng puso niya. Dahil iba ang nasa isip niya.

“Kung ano ang napag-usapan muna natin, iyon ang dapat gawin,” diretsong sagot ni Milandro. Muli niyang pinaandar ang sasakyan.

“Sigurado ka? Isang taon lang?”

“Huwag na nating pag-usapan ‘yan. Napagkasunduan na natin ‘yan. P’wede mo naman akong makasama habambuhay, pero hindi bilang kapatid. Asawa mo pa rin ako,” diretsong sabi ni Milandro. Nilinaw ni Milandro kay Myra kung ano ang nasa kontrata.

“Ah—”

“No one can own you while I’m with you. Naiintindihan mo ba, Myra?”

“Ang sungit mo naman,” biglang sabi ni Myra kay Milandro.

“Ano ang sinabi mo?”

“Wala! Sabi ko, pag-iisipan ko ang sinabi mo. Kung tutuusin, wala akong ibang mapupuntahan at wala akong balak maghanap ng bagong buhay o bagong makakasama.”

Huminto muli si Milandro sa pagmamaneho. Nanlaki ang mga mata niya habang nakatitig kay Myra.

“Ano? Bakit ganyan ang itsura mo?” Sinamaan siya ng tingin ni Myra.

“Ah kasi—”

“Ano ito?” sigaw ni Myra.

“Sigurado ka ba sa iniisip mong gawin? P’wede habang buhay akong magiging asawa mo kahit walang pagmamahal?”

“Hindi ba, ikaw na ang may sabi na ‘wag kitang iibigin?” walang-alinlangan na sabi ni Myra. Napalunok si Milandro. Hindi siya nakasagot kay Myra. Napaiwas siya ng tingin. Muli niyang pinaandar ang sasakyan.

“Huwag na nating pag-usapan iyan. Sapat na sa akin na maalis kita doon sa impyernong lugar na kinalalagyan mo,” tanging nasabi ni Milandro.

Hindi sumagot si Myra. Nakatingin na naman siya sa bintana ng sasakyan. Nakatutok si Milandro sa kalsada. Hindi na naman sila nagpapansinan. Ngunit, isa lang ang tumatakbo sa isip nila.

“Ang totoo, gusto na kita.” Hindi lang nila masabi sa isa’t isa.

 

THIRTY minutes lang ang layo ng hotel ni Trixie mula sa Mines View. Dumating na sina Milandro at Myra. Pagpasok pa lang nila sa lobby ay natigilan si Myra. Hindi makagalaw ang katawan niya sa nakita. Natigilan siya sa pwesto niya. Pinagmamasdan lang siya ni Milandro. Sinundan ni Milandro ang mga mata ni Myra, kung saan ito nakatingin. Nakatitig sa wala. Galit ang mga mata nito.

Nakita ni Milandro si Trixie na kausap ang dalawang matanda. Isang babae at isang lalaki. Napansin ni Trixie ang pagdating nila. Lumingon din sa kanila ang dalawang matanda. Nagulat si Milandro ng sumugod ang matanda at kinaladkad si Myra papasok sa opisina ni Trixie. Sumunod naman si Milandro at hinayaan na lang ni Trixie na masaksihan ni Milandro ang mangyayari sa pagitan ni Myra at ng kanyang mga magulang. Sinampal ng matanda ang pisngi ni Myra. Napaawang ang bibig ni Milandro sa gulat.

“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Nakuha mo pang makipaglandian sa sitwasyon mo. Bakit hindi mo na lang gawin ng maayos ang trabaho mo dito,” sigaw ng ama ni Myra. Lumapit ang ina ni Myra. Hinila niya ang braso ng asawa.

“Ed, tama na!” pigil ng ina ni Myra. Nakita ni Milandro na bumagsak ang patak ng luha ni Myra sa sahig. Tinulak ni Ed ang ina ni Myra.

“Huwag kang makialam dito, Lina.”

“Huwag akong makialam? Hindi ka ba naaawa sa anak mo? Tinanggalan mo na siya ng magandang buhay, ngayong nakakita siyang taong magmamahal sa kanya, ipagkakait mo pa ba ito?”

“Kailan ka pa natutong sumagot sa akin, Lina?”

“Hindi ko na kaya ang ginagawa mo, Ed. Naging sunud-sunuran din ako sa iyo. Hindi ko na kaya ang ginagawa mo sa pamilya natin. Ikaw ang magtrabaho dito kung gusto mo, ‘wag na ang anak ko,” lumuhang sigaw ni Lina. Hindi inaasahan ni Trixie na ganun ang ipapakitang asal ni Lina sa kanyang Tito.

“Anong sabi mo?” Unti-unting humakbang ang mga paa ni Ed palapit kay Lina. Pagbubuhatan sana niya ito ng kamay, nang biglang sigawan siya ni Myra. Pinapanood lang sila ni Milandro, pero hindi maiwasan ni Milandro ang masaktan. Naalala niya ang kanyang isang kaibigan na nawala. Katulad ng ugali ng ama ni Myra, ganun din ang ama ng kanyang kaibigan na si Leandro.

“Tama na!” sigaw ni Myra sa kanyang ama.

“Subukan mong saktan ang aking ina, hinding-hindi na kita mapapatawad kailanman!” Lalong bumuhos ang luha ni Myra. Mabilis na lumapit si Ed kay Myra, itinaas niya ang kanyang kanang kamay para sampalin ulit si Myra. Subalit, may kamay na humarang sa dapat na gagawin ni Ed, ang kamay ni Milandro. Pinigilan ni Milandro ang kamay ni Ed. Tiningnan ni Ed si Milandro. Galit ang mga mata ni Milandro.

“Kahit ikaw ang ama ni Myra, wala kang karapatan na hawakan siya, maski ang hibla ng buhok niya dahil pagmamay-ari ko na siya!” gigil na sabi ni Milandro kay Ed.

“Pagmamay-ari?” nagtaka na tanong ni Ed. Binitawan ni Milandro ang kamay ni Ed. Lumapit siya kay Myra at pinahid ang mga luha na nasa pisngi nito. Gigil na gigil si Trixie. Inggit na inggit na naman siya sa ginagawa ni Milandro kay Myra, imbes na magdiwang siya sa kanyang naging plano na pagsumbong ng kung anu-ano sa magulang ni Myra. Mabilis na bumalik sa kanya ang karma.

“Tama na. ‘Wag ka nang umiyak,” ngiting sabi ni Milandro kay Myra. Nainis ang ama ni Myra kay Milandro.

“Sino ka bang lalaki ka?” sigaw ni Ed.

“Ako lang naman ang bagong nakabili kay Myra. Hindi ba binenta ninyo ang sarili niyong anak sa masamang babae na iyan. Ngayon, bibilhin ko na siya para mabayaran ang naging utang niyo dito, kaya ako na ang bagong nagmamay-ari sa kanya.” Lumaban si Milandro.

“Kahit bilhin mo pa siya, anak ko pa rin siya.”

“Wala ka ng anak simula nang ibenta mo siya dito sa hotel na ito, kaya mawalang-galang na po kami’y aalis na.” Natulala ang ama ni Myra. Inakbayan ni Milandro si Myra. Yumakap naman si Myra sa bewang ni Milandro. Naglakad sila palabas ng pinto, pero hinarangan sila ni Trixie.

“Wala na akong balak ipagbili si Myra. Wala ka pa naman binibigay sa akin na pera. Wala pa rin tayong pinirmahan na—” Hindi pinatapos ni Milandro na magsalita si Trixie.

“Kung ganun kakasuhan na lang kita. Kuha naman siguro sa mga cctv mo ang naging usapan natin tungkol sa pagbili ko kay Myra. Kung ayaw mo rin na masiwalat ang masamang pagtrato mo kay Myra.”

“Anak, patawarin mo ako.” Hindi napansin ni Milandro at Myra ang paglapit ni Lina. Umiyak nang umiyak si Myra. Hindi niya natiis na yakapin ang kanyang ina kahit ano pa ang nagawa nito sa kanya.

“Miss na miss na kita, Ma!” Hagulgol sa pag-iyak si Myra.

“Ako din, anak. Sa ngayon wala pa akong magagawa pero pipilitin kong magbago. Para mabayaran natin sa kasama mo–”

“Hindi niyo na po kailangan bayaran, may pinag-usapan na po kami ni Milandro. Mabuting tao po siya. Hindi po ako mapapahamak. Magtiwala lang po kayo sa akin,” pakiusap ni Myra sa kanyang ina.

“Iho, maraming salamat sa pagligtas mo sa aking anak.” Luhaan ang ina ni Myra.

“Walang anuman po. Magtiwala lang po kayo sa akin. Hindi ko po sasaktan ang anak ninyo. Ang hangad ko lang po ay ang matulungan siya.”

“Napakabuti mo, sana ikaw na lang ang maging asawa ni Myra.”

“Ano po?” gulat na sabi ni Milandro. Namula ang pisngi niya.

Samantala ang ama ni Myra, nakatalikod lang siya sa kanila. Hindi pa rin siya lumalapit kay Myra para humingi ng tawad. Hindi dahil ayaw niya. Dahil sobrang nahihiya siya sa kanyang nagawa. Pakiramdam niya ngayon wala siyang kwentang ama. Subalit, si Myra na mismo ang lumapit sa kanya.

“Dad, kahit hindi ka humingi ng tawad sa akin, pinapatawad ko na po kayo. Ang tanging hiling ko na lang po sa aking pag-alis, ‘wag niyo na lang pong pabayaan si Mama,” pakiusap ni Myra. Tumulo ang luha ni Ed habang nakatalikod siya kay Myra. Niyakap siya bigla ni Myra.

“Aaminin kong nagalit ako sa inyo, halos isumpa ko kayo. Pero ngayon masaya akong natulungan ko kayo. Malaya na kayo ni Mama, Dad. Magsimula na kayong muli. Tulad ng pagsisimula ko kasama si Milandro. Tutulungan ko pa rin kayo hanggang sa abot ng makakaya ko. Mahal ko kayo ni Mama.”

Hindi na napigilan ni Ed. Humarap siya sa kanyang anak. Napaluhod siya sa tindi ng kanyang nararamdaman.

“Anak, patawarin mo ako. Wala akong mukhang ihaharap sa iyo!” nangingini na sabi ni Ed. Ngumiti si Myra. Tinayo niya ang kanyang ama.

“Kalimutan na po natin ang nakalipas. Ang ‘bukas’ na lang po ang isipin natin. Sasamahan ko na po si Milandro. Umuwi na din po kayo ni Mama. Nasa maayos na kalagayan po ako.”

“Anak, patawarin mo ako!” Nagyakapan silang mag-ama. Naging maayos na din muli ang kanilang pamilya dahil kay Milandro. Galit na galit si Trixie kay Myra. Galit na galit siya sa nasasaksihan. Ayaw niyang maging masaya si Myra. Kaya padabog siyang lumabas sa kanyang opisina.

“Hindi pa ako tapos sa iyo, Myra. Sa inyong dalawa ni Milandro. Araw mo ngayon, darating muli ang araw ko.” Pinipigilan ni Trixie ang luha sa kanyang mga mata dahil sa galit.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When Love Collides (Chapter 11: Emotional)

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.