When Love Collides (Chapter 14: Kupido)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

“CHEERS!” sabay-sabay nilang tinaas ang kanilang mga baso at ininom ang kanilang kanya-kanyang beer. Pagkatapos nilang kumain sa steakhouse, hindi na sila nagtagal pa at naghanap na sila ng isang restaurant bar. Hindi naman sila nahirapan maghanap, dahil kasama nila si Myra. At saka, halos tabi-tabi lang din naman ang mga kainan at bar.

Nagkasiyahan na silang apat. Halos makalimutan na ni Robert at Cleo ang utos ni Milandro sa kanila, ang tanungin nila si Myra. Isang paraan ni Milandro para makilala niya ng husto si Myra. Sinipa ni Milandro ang paa nina Robert at Cleo sa ilalim ng mesa. Muntik ng mabulunan si Robert sa kanyang iniinom. Napatingin siya kay Milandro, ‘saka niya naalala ang dapat nilang gawin ni Cleo.

“Ah— Myra,” tawag ni Robert kay Myra. Wala pa kasi siyang maisip na itanong sa dalaga.

“Madalas ka bang pumunta dito?” Si Cleo na ang unang nagtanong.

“Ang bagal mo, ginagalit mo si boss e,” pasimpleng bulong ni Cleo kay Robert.

“Minsan lang kapag kasama ko ang mga kaibigan ko at si Jeffrey.”

“Jeffrey?” kaagad na lumabas sa bibig ni Milandro.

Tumango lang si Myra. Binagsak ni Milandro ang basong hawak niya sa lamesa. Nagulat sina Robert at Cleo. Samantala si Myra, walang naging reaksyon dahil mukhang nakainom na siya. Hindi naman talaga umiinom ng alak si Myra. Uminom siya kahit alam niyang malalasing siya dahil alam din niyang hindi siya pababayaan ni Milandro. Buong-buo na ang tiwala niya kay Milandro.

“Sa susunod ‘wag mo ng babanggitin ang pangalan niya,” utos ni Milandro kay Myra. Hagikgik si Myra.

“Bakit ka tumatawa?” nagtatakang tanong ni Robert.

“Kasi, nagseselos ang boss niyo doon sa kaibigan ko.” Humalakhak si Myra. Nagsalin pa siya ng alak sa kanyang baso. Gustong matawa din nina Robert at Cleo, pero pinipigilan nila. Napansin din kasi nila na parang nagseselos nga si Milandro.

“Ano ang sabi mo? Ako, nagseselos?” Humarap na ng tuluyan si Milandro kay Myra. Silang dalawa kasi ang magkatabi ng upuan.

“Oo, hindi ba? Hik.. hik..” Tumawa na naman si Myra. Napansin ni Milandro na nakainom na ito. Kaya naisipan niya na sakyan na lang ang mga sinasabi ni Myra.

“E, paano nga kung nagseselos ako? May magagawa ka ba?” Tinitigan lang niya ang mukha ni Myra habang tumatawa ito. Nagulat na naman sina Robert at Cleo.

“Boss, ba—“

Hindi natuloy ni Robert at Cleo ang kanilang sasabihin, nang tinaas ni Milandro ang kanyang kamay. Isang senyales na ‘wag muna silang magsalita. Ang mas ikinagulat nina Robert at Cleo, maski si Milandro, nang biglag pumalupot ang dalawang kamay ni Myra sa leeg ni Milandro. Nanlaki ang mga mata ni Milandro, habang seryoso siyang tinititigan ni Myra. Parang hindi siya makagalaw sa kanyang kinauupuan.

“Huwag kang m–magselos kay Jeffrey, hik.. hik.. hindi ba ikaw ang mapapangasawa ko habang buhay? Ibig sabihin, ikaw lang ang magiging lalaki sa buhay ko, ‘di ba?” Papikit-pikit na ang mga mata ni Myra habang nakangiti ang kanyang mga labi.

“Wow!” sabay na sabi nina Robert at Cleo.

Walang masabi o masagot si Milandro kay Myra. Parang huminto ang oras para sa kanya. Parang huminto din ang tibok ng kanyang puso sa sinabi nito. Gustong maniwala ng kanyang puso. Ngunit, kung anu-ano ang pumapasok sa kanyang isipan. Hinawakan ni Milandro ang dalawang kamay ni Myra na nakapalupot sa kanyang leeg. Tinanggal niya ang mga ito.

“Lasing ka na. Tama na ang pag-inom mo. Hindi mo na alam ang mga sinasabi mo,” suway ni Milandro.

“A-Alam k-ko ang sinasabi ko, kahit lasing ako. Hik-hik..”

“Halika na. Bumalik na tayo sa hotel. Matulog ka na lang dun, baka ano pa ang sabihin mo o gawin mo.” Tumayo na si Milandro. Sumimangot ang mukha ni Myra. Pabagsak sinandal ni Myra ang kanyang likod sa upuan. Nag-krus ang kanyang mga kamay.

“Ayoko!”

Napanganga si Milandro. Nagkatinginan naman sina Robert at Cleo. Gustong matawa ng dalawa, kaso pinipigilan talaga nila sa harapan ni Milandro. Nanggigil si Milandro. Hinila niya si Myra patayo.

“Akala ko ba ako ang mapapangasawa mo habang-buhay. Kaya sumunod ka sa asawa mo. Kapag sinabi kong tumigil ka na at tama na, sumunod ka kaagad. Naintindihan mo ba, Myra?”

Nanlaki ang mga mata nina Robert at Cleo sa nakikita nila. Hindi sila makasingit nais rin nilang magsalita. Gustong-gusto naman nila ang nasaksihan nila, parang nanonood lang sila ng isang pelikula. Nang biglang sumubsob ang mukha ni Myra sa dibdib ni Milandro. Napayakap si Milandro kay Myra. Nanginginig pa ang kanyang mga kamay.

“H—Huwag  mo akong bibitawan, M—Milandro. Nahihilo ako,” bulong ni Myra. Naramdaman ni Milandro ang panlalambot ng katawan ni Myra. Napalunok si Milandro dahil nasasalat niya ang katawan nito.

“Boss, mas maganda siguro bumalik na kayo sa hotel,” nakasingit din si Robert.

“Oo. Tara na,” anyaya ni Milandro kay Robert at Cleo, kahit sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso.

“E, boss. Pwede bang maiwan na lang muna kami ni Robert. Uubusin na lang namin itong huling order natin, sayang kasi.”

“Sige.”

Tinalikuran na sila n Milandro habang inaalalayan niya si Myra. Nang makalayo si Milandro at Myra, nagpustahan ang dalawa.

“Pustahan tayo, limang-daan. May kapanabik-nabik na mangyayari kay Sir Milandro at Myra ngayong gabi,” natatawa na sabi ni Cleo kay Robert.

“Payag ako diyan sa pustahan. Walang mangyayari diyan sa dalawa na ‘yan. Matagal ko ng kilala si Sir Milandro. Hindi siya mapagsamantala na tao. Hindi niya gagawin kay Myra ang nasa isipan mo,” wika din ni Robert.

“Paano, limang-daan ha?”

“Sure.” Matipid na sagot ni Robert.

 

ILANG minuto lang nakarating na muli si Milandro at Myra sa hotel. Lasing na lasing nga si Myra. Hindi na niya kayang buhatin pa ang kanyang sariling katawan. Nakasandal lang ang kanyang ulo sa upuan na nasa loob ng sasakyan ni Milandro habang nakapikit ang kanyang mga mata. Pinagmasdan siya ni Milandro.

“Anong gagawin ko sa babae na ito?” tanong ni Milandro sa kanyang sarili habang pailing-iling ang kanyang ulo.

“T–Tulungan m–mo na a–akong bumaba.” Nagsalita si Myra kahit pikit ang kanyang mga mata.

“Sabi ko nga,” sabi na lang ni Milandro.

Bumaba si Milandro sa kanyang sasakyan. Binuksan niya ang pintuan ng kotse kung saan nakaupo si Myra. Pagbukas niya ng pinto, muntik nalaglag si Myra. Kaagad siyang nasalo ni Milandro.

“Hay, buhay nga naman!” sambit ni Milandro. Narinig ni Myra ang sabi nito. Natawa si Myra. Pinilit ni Myra na tumayo.

“Ako ba pinagloloko mo ha? Lasing ka bang talaga o hindi?” matigas na sabi ni Milandro.

Dahan-dahan siyang tiningnan ni Myra. Humakbang ang mga paa nito palapit sa kanya. Umuurong naman ang mga paa ni Milandro dahil nakita niyang pasuray-suray ang lakad ni Myra. Kung sakali man matumba si Myra, masasalo niya ito. Hindi nga nagkamali si Milandro. Natumba si Myra. Pero bago masalo ni Milandro si Myra. Nakakapit na ang dalawang kamay ni Myra sa leeg ni Milandro.

Natulala si Milandro. Hindi siya makapagsalita dahil ang kanilang mga labi ay magkadampi. Ilang segundo din natulala si Milandro. Dahan-dahan niyang ginalaw ang kanyang mga mata papunta sa mukha ni Myra. Nakapikit si Myra, tila ba natutulog ito. Maingat na kumawala si Milandro. Binuhat na lang niya ang katawan ni Myra papasok sa hotel. Hindi nila alam na nagmamasid lang si Trixie sa kanila. Pinabayaan lang ni Trixie ang dalawa, dahil nagawa na niya ang gusto niyang mangyari.

Dire-diretso si Milandro sa kanilang kwarto habang buhat niya si Myra. Maingat niyang ibinaba si Myra sa kama. Hinihingal siya sa pagbubuhat. Nang tatayo si Milandro upang pumunta sa banyo, napansin niya ang mga luha sa mata ni Myra. Lumapit si Milandro. Tumutok siya sa mukha nito. Dahan-dahan niyang pinunasan ang luha ni Myra sa pisngi.

“Awa lang siguro ang nararamdaman ko para sa iyo,” bulong ni Milandro sa kanyang isipan. Huminga nang malalim si Milandro. Nang tatayo muli si Milandro upang pumunta nang muli sa banyo, biglang hinawakan ni Myra ang kanyang kamay, kahit nakapikit ang mga mata nito.

“Huwag mo akong iiwan,” iyak na sabi ni Myra. Kahit sarado ang mga mata nito, lumalabas ang luha sa kanyang mga mata. Bumilis nang bumilis ang tibok ng puso ni Milandro. Gustong gumalaw ng kanyang kamay para haplusin ang pisngi ni Myra. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang nagwala ang puso niya. Parang ayaw na rin niyang bitawan si Myra.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When Love Collides (Chapter 14: Kupido)

Other Titles

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.