Ten
“Heaven…” nakita ko ang pagdapo ng palad ni Hell sa luha ni Heaven na patuloy sa pag-agos sa kanyang pisngi. Pinunasan niya ito at ngumiti. Kasabay nito ay ang mahinang pagpatak ng ulan. “Nakakatawa ka. Bakit ka umiiyak?” tanong nito.
“Dahil nasaktan ka nang dahil sa amin. Naalala mo ang sinabi ko? Isasama kita sa langit Hell. Alam ko papayag siya dahil may kabutihang nilalaman ang iyong puso,” tuwirang wika naman ni Heaven.
“Demonyo ako Heaven sa mata ng Diyos mo at sa mata ng Diyos ko.” Ngumiti itong muli pero this time ay makikita mo ang pait. Ang ngiti ng hinagpis. “Pero Heaven, gusto kitang makasama pa. Gusto pa kitang makasama ng mas matagal pa. Kung pupwede lang na habang buhay.” Doon nagsimulang tumulo ang luha nito at nagliwanag ang buong katawan.
“Hell, isasama kita k-kaya huwag mo kong iiwan.” Muli ay ang pagbagsak ng mga luha ni Heaven na tila naramdaman naman ng langit ang kaniyang hinagpis. Kung kanina ay mahinang ulan lamang ang bumabagsak ngayon ay isang malakas na ulan ang nagsimula at may kasabay pa na malakas na hangin. Naalala ko tuloy noong mga panahong nawala sa akin si Sigfrid. Ganito rin ang lakas ng ulan noon.
“H-Heaven… Ingatan mo si Genie hanggang sa pagbalik mo sa langit. S-siguro maganda at masaya roon. S-sayang lang at hindi ko na iyon makikita pa. S-sayang lang din at hindi na kita makakasama pa.” Sa mga huling salitang iyon ay biglang nagliyab ang buong katawan ni Hell kasabay nito ang pagkamatay rin ng iba pang mga demonyo. Kasabay rin noon ang pagliwanag ng kalangitan at ang pagkawala ng iba pang mga anghel. Tanging ako, ang ibang walang malay na naroon at si Heaven na lang ang naiwan.
Nakaluhod ito habang patuloy sa pag-iyak habang nakatingin sa langit at pinagmamasdan ang pagbagsak ng mumunting abo na nagmula sa natupok na katawan ni Hell. Ibinuka niya ang kanyang palad at sinalo ang isa nito. Taimtim niya itong tinitigan bago ikinuyom sa kanyang kamao at niyakap sa kaniyang dibdib.
Lumapit ako sa kanya at niyakap siya. Ilang araw din kaming naging magkaibigan ni Heaven at alam kong naging kaibigan na rin kahit papaano ang turing niya kay Hell. Hindi maipagkakaila na kahit demonyo ito ay may mabuti pa rin itong puso. Hindi man ipakita ni Hell ang totoong siya ay alam kong nararamdaman iyon ni Heaven. Hindi na ako magtataka kung bakit ganito na lang ang pagtangis ni Heaven. Para sa kanya, si Hell ay isang kaibigan at hindi kaaway.
Dahan-dahan ko siyang itinayo at inalalayan. Nakita ko ang unti-unting paghilom ng sugat sa kanyang pakpak. Doon ko lang din mas nakita ang pinsalang dulot ng mga pangyayari. Marami ang namatay. Marami ang nasugatan. Halos lahat ng bahay na dati ay nakatayo ngayon ay mga durug-durog na. Ang mga sementadong kalsada ay bitak-bitak at ang iba pa nga’y lumikha ng isang malalim na bangin. May mga sasakyang nagliliyab sa paligid at mga punong nakabuwal sa sahig. Halos lahat sira na. Halos lahat din ay wala na. Paano na ngayon magsisimula ang lahat?
Naglakad kami ni Heaven papuntang simbahan at nagulat pa akong nananatili itong nakatayo roon. Parang isang himala na tila hindi nagalusan ang buong gusali. Pumasok kami sa loob at nakita pa ang ilan sa mga pamilya. Mayroong isang ginang ang umiiyak sa bandang kanang bahagi ng simbahan habang akay-akay ang isang may edad na lalake. Sa kaliwa naman ay isang pamilyang mababakasan ng takot subalit nakangiti dahil sa kadahilanang buo pa rin ang kanilang pamilya. Magkakayakap sila habang ang mga bata ay humihikbi.
Lumapit kami sa altar ni Heaven bago siya humarap sa akin.
“Genie, salamat. Ngayong wala na si Hell ay wala na rin akong dahilan na manatili rito. Mula’t sapul ang ginawa kong pagpapakita sayo ay isang malaking kasalanan sa batas namin sa langit. Nagpatukso ako kay Hell sa takot kong paslangin ka niya kahit na alam ko namang hindi niya iyon gagawin sa simula pa lang. Nakipaglaro ako sa kanya gaya ng nais niya at sorry na ikaw pa ang nagulo ang buhay nang dahil sa amin.”
“Heaven, huwag kang humingi ng tawad sa akin. Masaya ako na nakilala kita na guardian angel ko. Masaya rin ako na nakilala ko si Hell kahit na muntik-muntikanan niya na akong patayin.” Napangiti pa kaming pareho dahil sa alaalang iyon.
“Genie, alam mo bang lagi mo akong kasama noon pa man pati na rin si Hell? Hindi mo nga lang kami nakikita,” sabi niya. Kung ganoon, matagal na pala silang magkakilala ni Hell.
“Sa tuwing umiiyak ka, ay umiiyak din ako. Nararamdaman ko ang bawat pighati at sakit sa puso mo. Noong araw na mawala sa’yo si Sigfrid ay ipinadala ako ng langit para bantayan ka. Iyon kasi ang araw na sinubok ng kasamaan ang tatag ng iyong pananampalataya. Iyon ang araw na isinugo ng demonyo si Hell,” pagkukwento niya.
“Bakit mo ikinukwento ang lahat ng ito sa akin Heaven?” tanong ko sa kanya.
“Dahil ayokong iwanan ka na puro palaisipan. Genie, alam mo bang hindi umuulan dahil lang umiiyak ka?” Napaisip naman ako. E ganoon nga ang nangyayari e.
“Umuulan kasi umiiyak ako Genie. Kaming mga anghel ay may kakayahang iparamdam sa isang tao ang aming pagdadalamhati. Na lagi lang kaming nandiyan. Ang langit ay ang tahanan namin. Kung kaya kaisa rin namin ang kalikasan bilang tagapagbantay nito at ng mga tao,” paliwanag niya. Dahil doon ngayon ay mas naintindihan ko na ang lahat. Ibig sabihin noon pa man ay ipinararating na sa akin ni Heaven na hindi ako nag-iisa.
“Salamat sa lahat Heaven. Sana dumating ang panahon na magkikita ulit tayo,” nakangiting sabi ko.
“Sana nga. Sayang lang at hindi na natin makakasama pa si Hell.” Muli ay lumungkot ang mga mata nito bago muling humarap sa akin at hinawakan ang mga kamay ko. “Aalis na ako Genie. Mag-iingat ka palagi. Tandaan mo kapag may problema ka ay huwag kang mahihiyang lumapit sa kanya.” Kapagkuwan ay tumingin siya sa altar. “Paalam Genie.” Pagkasabi ng huli ay unti-unting nagliwanag ng nakakasilaw na liwanag ang kanyang buong katawan na siyang naging dahilan ng pagtingin ng iba pang naroon bago siya tuluyang naglaho.
“Nakita niyo ba iyon? Ibig lang sabihin nito ay dapat na tayong magbalik loob sa Diyos!” sigaw ng isang lalake na siyang umalingawngaw sa bawat sulok ng simbahan.
“Humingi tayo ng kapatawaran sa kanya!” sabi naman ng isang ginang. Kapagkuwan sila ay sabay-sabay na lumuhod at humarap sa altar. Taimtim na nanalangin habang ang ilan ay nababakasan ng kanilang pagsisisi. Ang iba’y umiiyak pa sa pinaghalong lungkot at paghingi ng tawad.
Nagsimula na akong maglakad palabas ng simbahan. Bago pa man ako lumabas ng pinto ay muli akong lumingon sa altar kung saan naroon ang rebulto ng Diyos Ama.
“Talaga ngang hindi mo ako pinabayaan. Salamat,” wika ko sa kanya bago tuluyang lumabas ng pinto. Nakita ko naman ang papalubog na araw at doon naisip ko na ito na marahil ang katapusan ng isang kabanata. Bukas ay magsisimula naman ang panibagong libro ng bawat buhay ng nilalang dito sa mundo kabilang na ako.
After 5 years…
“Ama, patawarin niyo po ako at ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na humarap sa inyo. Labis po kasi akong nahihiya sa aking nagawang kasalanan,” wika ni Heaven sa malambing na tinig habang taimtim na nakikipag-usap sa Diyos Ama ng sanlibutan.
“Heaven, isang malaking kasalanan ang iyong nagawa. Sinuway mo ang batas at nagpakita sa isang mortal. Alam mong iyon ay mahigpit na ipinagbabawal,” sabi ng isang tinig mula sa liwanag sa mga ulap. Ang Diyos.
“Handa po akong tanggapin ang inyong kaparusahan. Handa po akong pagbayaran ang aking pagkakasala,” sinserong sabi niya pa.
“Kahit na ang kapalit nito ay ang pagkawala ng iyong mga pakpak at kakayahan bilang isang anghel?” tanong ng tinig.
Sandaling nag-isip si Heaven bago muling sumagot. “Tinatanggap ko po ng malugod sa aking puso.”
“Kung gayon, simula sa araw na ito. Ikaw Heaven ay aking ipadadala sa lupa bilang maging isang mortal na nilalang,” sabi ng Ama kaya ganoon na lamang ang labis na pagkagulat ni Heaven sa narinig. “Hindi maitatanggi na araw-araw iyan ang iyong dalangin. Napakabusilak ng iyong puso at nagawa mong palambutin ang puso ng isang nilalang na hindi nabubuhay kaisa natin. Isang nilalang na sa una ay tinukso ka kapalit ng buhay ng iyong binabantayan. Dahil dito Heaven, ikaw ay may sorpresang ring matatanggap sa iyong pagbaba sa lupa. Isang gantimpalang matagal mo na ring inaasam.” Napaisip naman si Heaven sa tinuran ng Diyos subalit naroon masisilayan ang kanyang ngiti sa katotohanang maaari niya ng makasama ulit si Genie. Ang mortal na naging kanyang kaibigan.
“Humayo ka at patuloy na ipamahagi ang pag-ibig ko sa laha,” sabi ng Diyos.
Dali-dali namang nagtungo si Heaven sa isang malaking gate na gawa sa ginto at lumabas roon. Naglakad sa mga ulap habang papalayo hanggang sa isang kisapmata lang ay narating niya ang altar ng simbaban kung saan niya iniwan noon si Genie. Wala siyang kahit anong balabal. Sakto naman na walang misa ng mga oras na iyon at walang tao sa loob ng simbahan. Pasimple niyang kinuha ang damit na nakita niyang nakasampay sa isa sa mga upuan at dali-daling lumabas at nagsimulang magtanung-tanong sa labas tungkol kay Genie.
Nagpaikut-ikot na siya sa lugar ngunit bigo siyang matagpuan ito.
“Hindi kaya wala na sa lugar na ito si Genie?” Nalungkot naman siya sa isiping iyon. Kung ganoon, mukhang malabo ng magkita pa silang muli.
“Heaven…” at isang pamilyar na tinig ang kanyang narinig.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
… Yung feeling na parang ending na ito pero ang dami pang next chapters 😅 Naka-focus na ba next kina Heaven at Hell ang mga iyon?
Hype Wala sa bible na sambahin Ang rebulto kita at Meron ka pang kwentong liwanag at boses lang Ang narinig ni Heaven at di niya Nakita hahaha🤣 well natuwa aq at nagkatawang tao na Sila heaven at hell so start na Ng tunay nilang pag iibigan hahaha 🤣🤣🤣 next chap sheeessshhh