Kinausap ni Clay si Yuna na dalhin muna ang kanilang anak sa kanyang mga magulang. Katwiran niya kay Yuna, magbabakasyon lang si Xandrei kasama ang kanyang lolo’t lola dahil masaya ang mga matatanda na makita ang kanilang apo. Pero ang totoo, iniiwasan ni Clay na madamay ang kanilang anak ni Yuna sa kapahamakan at mas madali para sa kanya na kumilos nang wala ang bata.
Kinausap ni Yuna si Ces. Hindi niya muna siya pinapasok sa trabaho para bantayan si Xandrei. Para rin may kasamang mag-aalaga sa bata ang mga magulang ni Clay. May edad na rin kasi ang magulang ni Clay. Hindi rin maiwasang mapaisip ni Yuna. Parang biglaan ang naging desisyon ni Clay sa bata. Sigurado siyang may ibang dahilan si Clay. At ano ‘yun? Kung ano man iyon, buong puso niyang pagtitiwalaan ang asawa kahit hindi sabihin sa kanya ni Clay ang totoong dahilan.
Samantala, kahit malayo si Charles sa bahay ng kapatid ay napapanood at nakikita niya ang mga nangyayari sa labas at loob ng bahay. Nakakonekta na ang mga gadgets niya sa mga surveillance camera na nakakalat sa paligid at loob ng bahay ni Clay. Nakaplano na ang lahat.
Nagsinungaling sila kay Yuna. Balak talaga nilang iwanan si Yuna sa bahay na nag-iisa. Alam nina Clay at Charles na aatake ang impostor kapag nag-iisa lang si Yuna sa bahay. Iyon lang ang inakala nilang pinakamadaling paraan o bitag para mahuli ang impostor, pero delikado.
Alam nina Clay at Charles na susugal sila sa naging plano nila at nakasalalay ang buhay ni Yuna. Ayaw ipaalam ni Clay sa pulis dahil gusto niyang siya ang makahuli sa impostor. Hindi hahayaan ni Clay na masaktan ang kanyang pinakamamahal na asawa, kaya gumawa na siya ng paraan sa simula pa lang.
Hindi alam ni Yuna sa araw-araw nilang pamumuhay ni Xandrei ay matagal na silang binabantayan ni Clay. Umaalis siya ng bahay hindi para magtrabaho, kundi para magtago lang kung saan habang pinapanood ang lahat ng surveillance camera na palihim niyang nilagay sa bahay nila.
Dumating na ang umaga na hinihintay nina Clay at Charles. Sinundo na rin sina Xandrei at Ces, para sa kanilang bakasyon. Siguradong hahanapin ni Yuna ang kanyang anak. Mula nang ipanganak niya si Xandrei, hindi na ito nahiwalay sa kanya.
Oras na para magpaalam na rin si Clay na kunwaring pupunta sa kanyang trabaho. Hindi na sanay si Yuna na mag-isa, pero titiisin niya ang lahat dahil malakas ang kutob niya na may kakaibang nangyayari sa kanyang paligid. Umalis na rin si Clay. Ang una niyang ginawa ay ang tumawag sa kanyang kapatid.
“Where are you?” agad na sabi ni Clay nang sagutin ni Charles ang tawag niya.
“Malapit na ako,” sagot ni Charles at talagang kinakabahan siya sa gagawin nila. Hindi niya alam kung magtatagumpay sila sa plano nila sa impostor.
“Ituloy mo ang plano natin, that’s all we’re going to do,” patuloy ni Clay, habang naka-loud speaker ang cellphone niya. Ganun din ang cellphone ni Charles dahil nagda-drive siya.
“Sigurado ka ba talaga? Hindi ka ba natatakot? Hindi na ba magbabago ang isip mo?”
“Hindi!” matigas na sagot ni Clay. Huminga nang malalim si Charles.
“Kakahinto lang ng sasakyan ko dito sa kanto. I know the impostor will show up today,” dagdag ni Clay habang pinagmamasdan ang labas at loob ng bahay nila sa video na kuha mula sa surveillance camera. Nakikita niya ang kanyang asawa na tahimik na nagtatrabaho sa harap ng laptop. Hanggang sa nakita niya ang impostor. Nakatayo ito sa labas ng kanilang bakuran.
“I was right in my suspicions, Charles. Nandito na ang impostor,” bulalas ni Clay sa kapatid.
“Wait, just calm down! Wait for me, I’m coming!” sigaw ni Charles. Pero, hindi siya pinakinggan ni Clay. Mabilis bumaba si Clay sa kanyang sasakyan. Madaling narating ni Clay ang bahay nila dahil nasa kabilang kanto lang siya.
“Hanggang diyan ka na lang, don’t try to enter my house!” sigaw ni Clay at nagulat silang dalawa nang magkaharap sila. Magkamukha talaga silang dalawa.
“Naloko na!” wika ni Charles sa sarili habang sinusulyapan ang kanyang gadget kung saan niya mapapanood ang dalawa. Gusto niyang tawagan si Yuna, pero nangako siya sa kapatid na silang dalawa ang lulutas sa problema.
Napuno ng galit ang buong pagkatao ni Clay. Sinugod niya ang impostor. Nagsimula silang mag-away physically. Nagpalitan sila ng suntok at sipa. Kitang-kita ni Charles ang lahat kaya naman binilisan niya ang pagmamaneho na para bang pag-aari niya ang kalsada. Si Yuna naman ay walang kamalay-malay sa karahasan na nangyayari sa labas ng kanilang tahanan.
Tinalo ni Clay ang impostor gamit ang sarili niyang kamao. Hanggang sa bumagsak sa lupa ang impostor at nagkaroon ng pagkakataong makapulot ng buhangin at ihagis sa mukha ni Clay. Pinunasan agad ni Clay ang mga mata dahil may pumasok na buhangin. Gayunpaman, nakangiti na ang mga labi ng impostor habang hawak niya ang bato.
“Sa tingin mo matatalo mo ako?” Sabay hampas ng impostor kay Clay sa ulo. Ngunit nakaiwas si Clay, pero tumama pa rin ang bato sa mukha niya at nagdilim ang kanyang paningin. Hilong-hilo si Clay hanggang sa nawalan siya ng malay.
“Clay!” sigaw ni Charles na muntik nang mabangga sa kalsada. Kinaladkad ng impostor ang mga paa ni Clay palayo sa bahay.
“No!” sigaw ulit ni Charles.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




