My Bubbly Girl (Chapter 13)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

LITONG-LITO siya. Bakit naroon si Migo at wala ito sa sariling van nito? At magkakatabi pa sila sa pang-hulihang upuan. Kung hindi ba naman nananadya ang pagkakataon na sinang-ayunan ng bruha niyang bestfriend! Alam pala nitong naroon si Migo, hindi man lang siya winarningan. Paano siya makakakilos ng maayos? Pagkalayo-layo ng Batangas. May dalawang oras pa ang tatakbuhin ng van hanggang sa Batangas.

Napalunok siya. “M—maluwag naman dito sa gitna. Dito na lang ako,” sabi niya.

“No. Dito ka na sa likuran. Mas maluwag dito,” sabi ni Migo.

Parang binabayo ang dibdib niya sa sobrang lakas ng tibok niyon. “Eh…kasi…ano eh…”

“Ayaw mo ba akong makatabi?” tanong nito.

Muling nagsalita si Elyza. “Bhez…, ‘wag nang mag-inarte. Maupo ka na d’yan.”

Wala na nga siyang nagawa. Wala sa personalidad niya ang maging pa-kiyeme. Hindi siya ang tipo ng babae na nagpapakipot. Kapag gusto niya, go! Kapag ayaw, back-out. Gusto ng puso niyang magkatabi sila ni Migo. Naghuhumiyaw ang isip niyang sinadya iyon ng pagkakataon. Gayunman, dapat niyang isaalang-alang ang naipangako na niya sa kanyang sarili. She would only be a friend to Migo. No more no less. May Sarah na ito.

Sapat na ang katotohanang tanggap na siya nito bilang kaibigan. Katunayan ay nag-sorry na nga ito sa presensiya ng maraming estudyante at gusto na siya nitong makatabi. Ibig sabihin, hindi na gaya ng dati na iwas na iwas ito sa kanya. Kaya bilang ganti, hindi siya dapat magpaka-gaga at magpahalatang ang puso niya’y tumatalon sa kaligayahan.

Cool Michelle! Cool! paalala niya sa sa sarili.

Maluwang  ang paghulihang upuan. Apat ang seating capacity niyon. Nasa kanan si Migo. Sa kaliwa siya nakapuwesto.

Tahimik na tahimik sa van. Si Elyza ay hindi nagsasalita sa unahan. Ang dalawang babae sa gitna ay tahimik din.

Nakikiramdam si Michelle. Kung hindi magsasalita si Migo, hindi rin siya magsasalita. She had learned her lessons, hadn’t she? Ayaw na niyang masupalpal sa kanyang ka-taklesahan at kadaldalan. She needed to shut her mouth. Bahala nang magkapanisan silang pare-pareho ng laway sa loob ng van.

Kinuha niya ang iPad sa body bag niya at inihanda ang sarili sa pakikinig ng music. Atleast ay hindi siya mababato sa mahabang biyahe kapag may music. Magdi-day dream na lang siya tutal ay katabi niya si Migo.

Isasaksak na sana niya ang earphone sa kanyang mga tainga nang marinig niyang magsalita si Migo.

“Akala ko hindi ka na darating,” anito.

Bahagya niya itong nilingon. He held her gaze and she caught her breath in her throat when their gazes locked. She needed to gasp for air. “K—kasi nga…nagpakarga pa ng gasoline si Kuya. Naiwan ko pa ang cellphone ko kaya…” Napaubo siya dahil hindi na niya kinaya ang hanging pumupuno sa kanyang dibdib. Hindi kasi tinatanggal ni Migo ang pagkatitig sa kanya. “E—excuse me. Naalala siguro ako ng Mommy at Daddy ko kaya…kaya nasamid ako,’ dahilan niya.

“Gusto ko nga sanang paghintayin ang van kanina kaya lang alam mo naman na istrikto ang society when it comes to time and discipline. I can’t break the rule even if I wanted to. I really wanted to…to wait for you. Akala ko hindi ka tutupad sa kasunduan natin.”

She took a deep breath. Wala na. Para  na siyang nalulunod sa kaligayahan. “K—kasunduan?”

“That you will join the outing if I will apologize in public.”

Hindi na niya naitago ang tinitimping hinhin. “OA naman ang ginawa mo. Tuloy…puro kantiyaw ang inabot ko sa campus kahapon at saka…sabi nila, nagalit si Sarah. Alam mo, hindi ko naman sinadya na i-dare ka. Hindi ko naman kasi akalaing papatulan mo ang dare ko na ‘yon. I’m really sorry if I caused you trouble again.”

Nakita niyang nangunot ang noo nito pero nakangiti naman. “Hey, what trouble are you talking about?”

“’Yong kay Sarah nga. Eh, kahit naman sino sigurong girlfriend, magre-react sa ganoon. To think pa na nag-apologize ka sa babaeng dead na dead sa iyo.”

Ngiting-ngiti si Migo sa kanya.

Saka lang niya napagtanto ang huli niyang nasabi. Aww…me and my big tactless mouth again! “Ahm…I mean…dati…hindi na ngayon ha? Baka…baka kung ano namang isipin mo sa akin. Huwag kang mag-alala. I will never make your life hard again. I will never ever annoy you again. Ipinangako ko na ‘yan nang bongang-bongga sa sarili ko.”

“I certainly know that.” Itinaas nito ang kanang kamay. “Friends?”

Ikinuskos muna niya ang kanang kamay sa suot niyang jeans dahil nanlalamig at namamawis iyon sa sobrang tensiyon saka niya tinanggap ang kamay nito. “F—friends.” Nang mapaloob ang kamay niya sa mainit na kamay nito ay gumuhit ang kilabot sa kanyang kaibuturan. Agad niyang hinila ang kanyang kamay. “I’ll…I’ll listen to music,” aniya para ma-divert ang kanyang atensiyon.

“Yeah. Go ahead. Iidlip ako. Napuyat kasi ako kagabi. Hindi ako nakatulog.”

Inalihan na naman siya ng kadaldalan. “Pareho tayo. Ako rin. Hindi masyadong nakatulog. Bakit hindi ka nakatulog?” Gusto na naman niyang mainis sa sarili. Dapat pa ba niyang itanong iyon?

Sinagot naman nito ang tanong niya . “I was thinking of so many things. Feeling ko kasi, things went astray the past few days. Gusto ko sanang itama pero hindi ko alam kung paano magsisimula.”

Natameme siya. Naisip niyang baka ang tungkol sa pagkagalit ni Sarah sa ginawa nitong pag-a-apologize sa kanya ang sinasabi nitong mga maling nangyayari nitong mga nakalipas na araw. “S—sige. Matulog ka na. Sana paggising mo, may maisip ka ng solusyon sa problema mo.”

He smiled. “Sana nga.”

Pinigilan na niya ang sariling sumagot pa. Isinaksak na niya sa magkabilang tainga ang earphone at nagpatugtog ng music. Paglingon niya kay Migo ay nakapikit na ito.

Nakadama siya ng bigat ng kalooban. Friends. May pinalidad ang salitang iyon ni Migo sa kanya kanina. Wari’y gusto nitong ipaalala sa kanya na dapat siyang maging totoo sa pangako niya sa sariling hindi na ito muling guguluhin pa.

Well…at least they were friends now. Hindi na siya nito iiwasan na para siyang may sakit na nakakahawa. Tanggap na siya nito bilang kaibigan.

Iyon lang. At wala na siyang dapat na asahang hihigit pa roon.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

My Bubbly Girl (Chapter 13)

Other Titles

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.