MAKIROT ang ulo na nagdilat ng mga mata si Cynthia. Napaungol siya sakit. Naramdaman niya ang likidong umaagos sa kanyang mukha. Halos masilam siya ng likidong iyon. Nang tuluyang luminaw ang kanyang paningin ay nasa hindi pamilyar na lugar siya.
“Sus! Natakot naman ako sa iyo. Ikaw lang pala,” nakangiting sabi niya. Nang maramdaman niyang tila may nakamasid sa kanila ay inalihan siya ng kaba. Pero nawala iyon nang makilala niya kung sino iyon.
“Anong ginagawa mo rito gabing-gabi na ah?” tanong ng kanyang nobyo kay Lucita.
“Pasensiya na kung naabala ko kayo,” naringgan niya sa boses nito ang malisyoso. Muling bumalik ang kaba sa kanyang dibdib nang makita ang kakaibang ngisi nito. Noon niya lamang din napansin ang hawak nito.
“Bakit may dala kang itak?” tanong ng nobyo sa babae nang mapuna ang itak na hawak ni Lucita. Naramdaman niya ang mahigpit na paghawak sa kanyang kamay ni Gilbert. Pagkatapos ay nagkatinginan sila. Tulad niya marahil ay nakaramdam din ng kakaiba ang nobyo sa presensiya ni Lucita.
“Ah, ito ba?” sagot ni Lucita na itinaas ang itak na hawak nito. “Ginagamit ko ito sa mga ginagawa kong karne,” nakangising sagot nito.
“G-ganoon ba? S-sige mauna na kami,” anang kanyang nobyo sabay hila nito sa kanya. Nagpatianod naman siya.
Nakakailang hakbang pa lamang sila ng nobyo palayo kay Lucita nang may masalubong sila. Nakahinga sila nang maluwag.
“Oh, thanks heaven – ” hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin dahil isang malakas na hampas sa ulo ang naramdaman niya. Kasabay niyon ay pagdilim ng kanyang paningin. Subalit nakita niya pang sinaktan din ang kanyang nobyo.
Nang maalala ang nobyo ay mabilis niyang nilinga ang paligid. Apoy mula sa sulo ang nagsisilbing liwanag sa kung saan man siya naroroon. Nasaan siya? Tatayo na sana siya subalit noon niya lamang napansin na nakakadena pala ang isa niyang paa.
“Help!” sigaw niya. Nakiramdam siya kung may sasagot. “Gilbert!” tawag niya sa pangalan ng nobyo.
“Cynthia!” narinig niyang ganting-sigaw ng nobyo sa kanya. “Ah!” iyon ang sunod niyang narinig mula sa nobyo.
Napaisip siya. Tila nanggagaling sa itaas ang tinig ng nobyo. Ibig sabihin nasa ibaba siya? Basement? May ganoon ba sa Sitio Bangungot?
Isa pang malakas na sigaw ang narinig niya mula sa nobyo at pagkatapos ay nakabibinging katahimikan na.
“Gilbert?” Subalit wala ng sagot mula rito. “Gilbert!” halos malagot ang kanyang mga litid sa ginawa niyang pagsigaw. Nakiramdam siya. Hanggang sa may narinig siyang mga yabag. Nanggagaling iyon sa itaas. Sunod niyang narinig ay ang paglangitngit ng kung ano. Ilang sandali pa ay lumitaw sa kanyang harapan ang isang bulto ng babae.
“Ikaw? Ikaw pala ang may kagagawan ng mga pagkawala sa lugar na ito!”
“Sorry naman, paubos na kasi ang karne namin e,” nakangising sabi nito.
“I-ibig sabihin…ibig sabihin…karne ng tao ang niluluto ninyong putahe?” nanlalaki ang mga matang tanong niya.
Ngumisi lamang ito.
Sukat sa kumpirmasyong iyon ay naduwal siya. OMG! Nakakain siya ng karne ng tao!
“Arte mo naman! Sarap na sarap ka nga e,” nakakalokong saad ni Lucita.
“Hayop! Hayop kayong magpinsan!”
Mula sa pagkakangisi ay tumawa ito ng malakas.
“Ano ang ginawa ninyo kay Gilbert? Nasaan ako?”
“Nandoon sa itaas ang nobyo mo.”
“I-itaas?” Sa pagkakatanda niya ay wala naman siyang nakitang bahay na may itaas.
“Naririto ka sa basement, sa karinderia,” wika ni Lucita na marahil ay nakita ang pagkalito sa kanyang mukha.
“May basement ang karinderia ninyo? At dito…” nilinga niyang muli ang kanyang kinaroroonan. “dito niyo dinadala ang mga nawawalang dayo? at kinakatay?” nahihintakutang tanong niya kay Lucita.
“Daldal mo masyado!”
“Lucita! Pasakan mo na ang bibig niyan at baka may makarinig pa sa isa na iyan. Pagkatapos ay pumarine ka na at tulungan mo akong magtadtad!”
Narinig niya ang malakas na tinig na iyon.
“Tadtad? Gilbert! Ano ang ginawa niyo sa kanya?” sigaw niya. Dahil hindi naman nakatali ang kanyang mga kamay kung kaya nahagip niya ang buhok ni Lucita nang lumapit ito sa kanya. Ginamit niya ang buong lakas niya upang masaktan ang babae.
“Lagring!” hiyaw nito.
“Hayop ka!” nanggigigil na sambit niya. Halos malagas ang buhok nito sa higpit ng pagkakasabunot niya rito.
“Kapag hindi ka tumigil, isusunod na agad kita sa nobyo mo,” mabalasik na sabi ni Lagring na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila. “Bitawan mo siya!” utos nito sa kanya.
Nanlilisik ang mga matang tinitigan niya si Lagring. Pagkatapos ay padarag na binitawan ang buhok ni Lucita. Isang malakas na sampal ang ginawad ni Lucita sa kanyang magkabilang pisngi nang pakawalan niya ito. Halos mabingi siya sa lakas niyon.
“Lagyan mo na ng busal ang bibig niya. At tayo na!”
Sandali,” awat ni Lucita sa pinsan nito. “Hintayin mo na ako.”
Naiiling na hinintay matapos ni Lagring ang paglalagay ng busal sa kanyang bibig si Lucita. Pagkatapos ay sinigurado pang maayos ang pagkakadena sa kanyang mga paa. Ilang sandali pa ay iniwan na siya nito. Pero bago tuluyang iwan siya ng mga ito sa basement ay pinatay ng mga ito ang tatlong sulo. Kumalat ang kadiliman sa kanyang kinaroroonan. Nang maisip ang sinapit ng nobyo ay mabilis na naglandas ang kanyang mga luha. She was hopeless. Dalangin niya ay matagpuan siya ng kanyang mga kaibigan bago pa siya isunod ng magpinsan sa kanyang nobyo.
“SAAN na kaya nagpunta ang dalawang iyon?” tanong ni Cassey. Tinatahak nila ang eskinita mula sa homestay patungo sa mainroad. Baka sakaling doon nagawi sina Cynthia at Gilbert.
“Kukutusan ko talaga ang dalawang iyon!” nanggigigil na sambit ni Ronavie. “Alam ng delikado ang lugar na ito e,” palatak pa nito.
“Gilbert three point!” malakas na sigaw ni Randel.
“Malamang nga naka-iskor ang kumag na iyon,” paghagikgik naman ni Meynard. “Hu-oh!” malakas pang sigaw nito.
“Kadiri itong dalawang ito,” sabi ni Louise.
“Kadiri ka diyan! Baka kapag nagkaroon ka ng nobyo ay tumirik ang mga mata mo kapag nakatikim ka ng luto ng – ”
“Narinig niyo ba iyon?” aniya. Dahilan upang huminto si Randel sa pagsasalita.
“Huh? Wala naman ah,” sabi ni Ronavie. “Ang talas naman ng pandinig mo, Ate Cassey.”
“Parang may narinig akong sigaw,” pahayag niya.
“Wala naman,” si Meynard.
“May narinig din nga ako,” pakli ni Randel. Pagkatapos ay mabilis itong naglakad patungo sa may mainroad.
“Ano ba kasi iyong narinig ninyo?” humihingal na tanong ni Louise sa kanilang dalawa ni Randel nang marating nila ang kalsada.
“Sigaw,” sagot niya.
“At galing iyon sa lalaki,” sagot naman ni Randel.
“Ptng-ina!” nahihintakutang sambit ni Meynard. “Baka may nangyari ng masama kay Gilbert.”
“Gilbert! Cynthia!” malakas na tawag ni Louise bago niya pa ito maawat. Kung sakaling may nangyari na nga sa dalawa ay hindi niya gustong maalerto kung sino man ang culprit.
“Ano ang ginagawa ninyo dito sa labas?” tanong ng isang tinig mula sa kanilang likuran.
“Mang Victor!” halos panabay na wika nila sa matandang lalaki.
“Kayo ho, ano ho ang ginagawa niyo rito sa labas?” tanong ni Meynard sa matandang lalaki.
“Kayo ang tinatanong ko! Bakit kayo naririto pa sa labas ng ganitong oras?” galit ang tono ni Mang Victor.
“Hinahanap po namin iyong dalawang kaibigan namin,” sagot ni Ronavie.
Umiling si Mang Victor. “Kung ako sa inyo ay lilisanin ko na ang lugar na ito.” Sambit nito at pagkatapos ay tinalikuran na sila nito.
Tinawag niya pa ito pero hindi siya nito pinansin at nagpatuloy ito sa paglalakad palayo sa kanila. Kung saan man ito patungo ay ito lamang ang nakakaalam.
MABILIS na pinatay ni Lagring ang ilaw. Pumalatak si Lucita dahil kasalukuyan silang nagtatadtad ng karne pero sinaway niya ito.
“May tao sa labas,” aniya sa pinsan.
“Wala naman ah,” kontra nito.
“Medyo malayo pa sila sa kalsada pero may parating,” aniya.
Ilang sandali silang nakiramdam. Nang may maulinigan na nag-uusap ay maingat silang lumapit sa may maliit na siwang ng karinderia.
“Hinahanap siguro nila iyong dalawa,” anas ni Lucita.
“Sigurado ka bang hindi makakasigaw iyong babae?” mahinang tanong niya rito.
“Nakita mo naman hindi ba?”
“Mabuti na ang sigurado,” aniya.
“Hanggang kailan ba natin itong gagawin?” tanong ng pinsan sa kanya.
“Hanggang marami tayong parokyano,” sagot niya.
“Sino iyong dumating? Sino iyong kausap nila?” tanong ni Lucita.
“Ang tiyo.” Tiim-bagang na sagot niya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




