NAGPANG-ABOT sina Cassey pati na ang grupo nila Ronavie sa may kubo.
“Naririto din pala kayo?” tanong niya nang makalapit sa mga ito. Agad naman siyang sinalubong nila Randel upang kuhanin sa kanya ang dala niyang bayong. Agad itong napapalatak nang maamoy nito ang lutong putaheng ulam na kanyang binili sa karinderia.
“Ang bango! Lalo akong nagutom,” kinikilig pang wika ni Randel.
“Bakit naginda ka rin dito sa may kubo Ate Cassey?” tanong sa kanya ni Ronavie.
“May tao ba?” tanong niya sa halip.
“Wala e. Kanina pa kami nagpapatao po, e,” sagot naman nito sa kanya.
“Kain na muna tayo, guys!” yakag ni Randel sa kanila.
Sa ilalim ng mayabong na puno ng akasya sila kumain ng tanghalian. Kalansing ng kutsara at tinidor ang pawang maririnig. Tila ba galit-galit sila dahil wala halos silang imikan habang kumakain.
“Salamat Ate Cassey sa masarap na tanghalian,” wika ni Randel sa kanya na hinihimas pa ang tiyan nito. Hindi niya maiwasan na mapangiti nang bigla na lamang itong dumighay ng malakas. “See, sobrang nabusog talaga ako,” natatawang sabi nito na kinindatan siya.
“Oist, hindi libre ito ha, pagdating sa bahay kuwentahin natin kung magkano ang nagastos ni Ate Cassey at magse-share tayo,” wika ni Ronavie.
“Hindi na. Okay lang,” tanggi niya.
“Kaya mas lalong sumarap ang pananghalian natin kasi libre,” nakangising komento naman ni Meynard na pumiraso ng maliit na sanga at pagkatapos ay ginamit nitong pangtinga.
“Haist nakow! Ang mahilig kumain ng libre kung magkasakit ay grabe!” pabirong sabi naman ni Louise.
“Tama na iyan at baka magkapikunan pa kayo,” saway niya. Minsan kasi ay siya ang nangungunti kapag nag-umpisang magbiruan ang mga ito. Nag-aalala siyang baka may tuluyang mapikon at mauwi iyon sa away.
Nang tingnan niya si Ronavie ay napakunot ang kanyang noo. “Bakit Ronavie?” tanong niya rito.
“Sa falls pa lamang ay nararamdaman ko na na para bang may nagmamasid sa atin,” sagot ni Ronavie.
Luminga-linga siya sa paligid. Malawak na kaparangan. Wala ni isang tao. Sandali! Napatayo siyang bigla nang may mahagip ang kanyang mga mata. “Feeling ko tama ka, Ronavie,” aniya rito. “Nawala na siya,” muli niyang sabi nang hindi na niya matanaw ang isang bulto na nakatayo sa mga puno. Karatig na iyon ng ilog. Lugar iyon na pinagsabihan siya ng mga nakausap niya kanina na huwag niya o nilang tawirin.
“Nakita mo rin ba siya?”
“I think,” sagot niya. “Kung nakita mo rin siya ibig sabihin hindi ako namamalik-mata lamang,” dagdag niya pa.
“Ano ba ang pinagsasabi ninyong dalawa Ronavie ni Ate Cassey?” tanong ni Cynthia. Pero bakas sa tinig nito na kinakabahan ito. Siyempre nga naman nasa ilang na lugar sila. At pagkatapos ay talamak pa sa lugar na iyon ang mga nawawalang mga dayo.
“Sinabi ko na kanina, hindi ba? Na parang may nakita talaga ako. Nakamasid siya sa atin. Hindi ko lang masyadong pinansin kanina dahil bigla rin naman siyang nawala kaya inisip ko na guni-guni ko lamang iyon. Pero nakita naman ulit ngayon ni Ate Cassey. Ibig sabihin may nagmamasid talaga sa atin,” mahabang saad ni Ronavie.
“Gusto niyo bang puntahan natin iyon?” tanong ni Randel sa kanila. Na inginuso ang karatig ng ilog.
Tiningnan niya ang mga kababaihan. Umiling si Cynthia. Si Louise naman ay nagkibit-balikat lamang. Si Ronavie ay tumango.
“Sige,” sang-ayon niya sa suhestiyon ni Randel. Inayos muna nila ang kanilang pinagkainan. Si Meynard at Gilbert na ang nagdala ng mga bitbit niya kanina. Si Randel naman ang nagpatiuna sa paglalakad.
Binaba nila ang matarik na daan. Karugtong iyon ng falls. Pagkatapos ay muli silang umakyat. Hinihingal sila nang ganap silang makatawid sa karatig ng ilog.
“Dito ko nakita iyong bultong nakita ko. Hindi ko lang alam kung babae ba siya or lalaki,” sabi niya na hinawakan pa ang isang matayog na puno. Mula nga roon ay tanaw niya ang kubong kanilang pinanggalingan…partikular ang puno ng akasya kung saan sila nananghalian.
“Ako rin e,” sabi naman ni Ronavie. “Hindi ko rin sure kung ano ang gender niya.”
Muling naglakad si Randel. “Saan ka pupunta?” tanong niya rito.
“Doon,” sagot naman nito sabay turo sa diretsong daan.
“Teka,” awat niya rito. “Kanina ay binilinan ako ng mga matatandang nakausap ko na huwag daw tayong tatawid dito sa karatig ng ilog,” pag-iimporma niya rito.
“Bakit daw?” kunot-noong tanong nina Meynard at Louise.
“Dito sa lugar na ito natagpuan ang mga buto ng tao.”
Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ng mga babae. Si Cynthia ay mabilis na lumapit sa kanya at humawak pa sa kanyang braso.
“Ang mga iyon ba ang nawawalang mga dayo?” tanong ni Ronavie.
“Tiyak iyon,” sagot ni Randel. “So, ano…tuloy pa ba tayo? Kahit mga ilang metro lang ang lakarin natin. Hindi naman tayo lalayo e.”
Muli silang nagkatinginan. Pagkatapos ay sabay pa silang nagkatanguan ni Ronavie. May bente minutos din silang naglakad nang marinig nila ang malakas na boses ni Randel. Nauuna kasi itong maglakad.
“Hayun may kubo ulit!” malakas na sabi ni Randel sabay turo sa kubo.
“Sandali!” awat ni Louise. Agad naman na huminto si Randel sa ginagawa nitong paglalakad. Lahat sila ay napatingin naman kay Louise.
“Paano kung diyan nakatira iyong culprit?” tanong nito. Isa-isa silang tiningnan nito.
Nagkatinginan naman silang lahat. May punto naman ito. Paano nga kung doon nakatira ang may kagagawan kung bakit may mga nawawala sa Sitio Bangungot? Hindi ba at delikado sila? Pero paano kung ang nakatira pala doon ay ang maaaring makapagturo kung nasaan ang kanyang kapatid at mga kaibigan nito? Tiningnan niya si Ronavie.
“Ikaw, Ate Cassey? Ano sa palagay mo?” tanong nito sa kanya.
Pero bago pa siya makasagot ay tumakbo na nang mabilis si Randel patungo sa kubo. Malakas pa itong sinigawan ni Louise subalit hindi nito iyon pinansin. Wala silang nagawa kung hindi ang sumunod na rin. Ilang sandali pa ay narating na nila ang kubo.
“Tao po,” tawag niya. Naroroon sila at nakatayo sa harapan ng kubo. Walang tugon mula sa loob. “Tao po!” tawag niyang muli subalit wala pa rin.
Lumapit siya pintuan at bahagyang sumilip sa maliit na siwang sa pinto. Napakunot ang kanyang noo. Kung pagbabasehan ang nakita niyang ayos ng loob ng kubong iyon ay tila hindi naman tinitirhan iyon dahil wala sa kaayusan ang loob ng kubo. Tila abandonado na iyon. Hindi katulad ng isang kubo na tinigilan na nila kanina na malinis ang bakuran ng kubo at nakasalansan pa ng maayos ang mga kahoy na panggatong. Ibig sabihin ay may nakatira roon. Siguro ay may pinuntahan lamang o di kaya ay nasa trabaho. Samantalang ang kubong ito ay halatang hindi nawawalisan ang bakuran.
“Wala na yatang nakatira dito e,” sabi niya.
“Mukha nga. Sobrang daming kalat e. Iyong isang kubo malinis. Pansin niyo ba?” si Ronavie.
Tumango sila. Mula sa kanyang peripheral vision ay nakita niyang tinungo ni Randel ang likurang bahagi ng kubo.
“Guys…” narinig niyang tawag nito makalipas ang ilang sandali. “Kailangan niyong makita ito,” sabi pa nito.
Dala ng kuryosidad dahil sa timbre ng boses nito ay lumapit sila rito. At ganoon na lamang ang panlalaki ng kanilang mga mata.
SAMANTALA, sa may hindi kalayuan ay may isang nilalang na nakamasid sa kanila. Nakangisi ito. Pagkatapos ay hinimas ang itak na hawak at sinipat kung sino sa pito ang kanyang uunahin. Nasasabik na itong makakita muli ng pagsirit ng dugo. Nasasabik na siyang kumatay muli ng karne ng tao. Dalawang buwan na ang nakakalipas mula nang huli siyang kumatay ng karne ng tao. Muli siyang napangisi. Malapit na muling mangyari iyon!
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Nakuhhh po, Yung karne nga sa karinderia ay karne Ng mga kaibigan ni Brenan nakuuu