Taguan [Chapter 6]

KASALUKUYAN kaming naglalakad papalabas ng restaurant. Hindi ko maipaliwanag ang kabang bumabalot sa buong katawan at sistema ko. Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko sa mga oras na ito, ang alam ko lang ay ito na ang oras upang sabihin na ang lahat ng mga nais naming sabihin sa isat isa.

Hawak-hawak niya ang aking kamay habang kusang sumusunod ang katawan ko sa kung saan man ako gustong dalhin ni Kevin. Nagkakarera ngayon ang puso ko at sumasabog dahil sa mainit niyang balat na tumatama sa balat ko. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin o kung saan na kami nakarating dahil tanging sa kanya lang nakatuon ang paningin ko. Siya lang tinitingnan ng nangungusap kong mga mata. Siya lang ang gusto nitong makita.

“Hindi ka ba nag-aalala kung saan kita dadalhin? Siguro kung kidnaper ako ay matutuwa ako sa iyo dahil kusa kang sasama sa akin at hindi ko na kailangang gumamit ng dahas,” sabi niya habang sa kalsada pa rin ang tingin. Patuloy lang ito sa paglalakad at alam ko rin na ngumisi siya habang sinasabi ang mga katagang iyon.

“Mabuti na nga lang talaga ay hindi ka kidnaper,” seryosong saad ko at hindi ko inaalis ang tingin ko sa kanya. Sobrang na-miss ko siya. Na-miss ko ang mga ngiti, tawa at boses niya. Na-miss ko ang amoy niya at mga luto niya. Na-miss ko lahat sa kanya. Gustuhin ko mang sabihin iyon sa kanya ay hindi ko na ginawa.

“Hindi mo alam na kasalukuyan kitang kinikidnap?” wika niya at mahinang tumawa. Nababaliw na ata ako. Pakiramdam ko ay gusto niya rin ako ngunit nagdududa pa rin ako ngayon, hanggat hindi ko ito naririnig mismo sa bibig niya.

Gusto mo ba ako, Kevin? O imahinasyon ko lamang ito. Isa iyon sa maraming tanong na naglalaro sa isipan ko at alam kong siya lang ang makakasagot ng lahat ng iyon. Pero hindi ko kayang itanong lahat ng katanungan ko sa kanya. Hindi ko pa kaya.

Umiling ako at nagsalita, “Ano namang makukuha mo sa akin? Gusto mo ba ng pera? Ibibigay ko sa iyo ng kusang loob,” sabi ko na ikinahinto niya. “Bakit ka huminto?” muli kong wika at tinitigan siya. Dahan-dahan siyang humarap at kitang-kita sa mukha niya ang saya.

“Akin na lahat ng pera mo dali,” saad niya at ngumisi. Seryoso ba siya? Pera lang ang gusto niya sa akin at hindi ako? Napailing ako sa ideyang iyon. Wala naman siyang sinabing gusto niya ako.

Nanliit na rin ang mata ko bago siya inirapan nang mapagtanto ko na gusto niya lang pala ang pera ko. Ngunit alam kong hindi siya gano’ng tao at kilala ko siya. Isa pa, hindi man gano’n kayaman ang pamilya nila, mayaman naman sila sa pagmamahal at hindi iyon matutumbasan ng kahit anong pera.

“Tumigil ka nga sa mga kalokohan mo, Kevin. At saan nga ba tayo tutungo?” tanong ko at kahit labag sa loob kong bitawan ang kamay niya ay binitawan ko na, upang makausap ko siya nang maayos at upang makaharap siya sa akin habang kausap niya ako.

“Sa simbahan tayo pupunta dahil magpapakasal na tayo! O baka naman gusto mong diretso na tayo sa honeymoon natin? Ikaw ang mamili niyan, Sandra. Kahit alin diyan ay handa akong gawin, kahit dito pa sa kalsadang ito,” sabi ni Kevin at binigyan niya ako ng naiilang na tawa. Natawa naman ako sa paraan nang pagtawa niya dahil maski siya ay nabigla sa sinabi niya.

Bigla siyang sumeryoso at muling hinawakan ang kamay ko. “Hindi pa tayo nakakarating sa pupuntahan natin ay nasasabi ko na ang mga gusto kong sabihin,” seryosong utas niya at marahang umiling. Wala na akong nagawa nang hilain niya akong muli. Gusto ko rin naman ang sinabi niya, gusto ko na siyang pakasalan ngayon na mismo.

“Malayo pa ba? Baka gusto mong sumakay tayo, ‘no? Nakakapagod kayang maglakad nang maglakad at parang walang katapusan ang daan dahil kanina pa tayo naglalakad,” protesta ko at napanguso na lamang.

“Kung ganoon ay—” hindi niya tinapos ang sinabi niya nang bigla niya akong buhatin. Kinilig ako sa paraan ng pagbuhat niya ngunit ayaw kong magpahalata.

“Ano ba, Kevin! Ibaba mo ako rito!” sigaw ko at pinaghahampas ang dibdib niya habang tumatadyak sa kawalan. Para tuloy kaming bagong kasal, eh. Naka-dress pa man din ako kaya hindi ako masyadong makagalaw ng maayos.

“Hush, my wife. Mag ha-honeymoon na tayo!” wika niya at malakas na tumawa. Tiningnan ko siya ng masama at muling pinaghahampas ang walang hiyang lalaking ito. Hindi pa nga kami kasal ay wife na agad ang tawag niya sa akin! Paano pa kaya kung talagang ikinasal na kami?

Paano ba ako nagkagusto sa isang Kevin Lawis? Hindi ko na rin alam. Basta ang alam ko lang ay kaya niyang patibukin ang puso ko nang sobrang bilis. Siya lang ang tanging lalaki na nakagawa nito sa akin. Ang nag-iisang Kevin Lawis na matagal ko ng kaibigan at inibig ko sa matagal na panahon.

“Kevin, ibaba mo na ako, please. Nakakahiya na,” saad ko. Tinakpan ko na rin ang mukha ko dahil sa hiya. Marami na rin kasing nakatingin sa amin at sa paraan nang pagtingin nila ay alam kong hinuhusgahan na nila ako. Bakit ba kasi bigla na lang akong bubuhatin ni Kevin? Hindi niya ba alam na hindi nakakatuwa ito, sobrang nakakahiya!

“Huwag kang malikot, Sandra. Gusto mo bang masilipan diyan? Sa sobrang likot mo ay mauuna pa silang makita iyang itinatago mo kaysa sa akin,” naiiritang patutyaga niya. Siya pa ang may ganang mairita? Ako nga itong binuhat niya nang walang pasabi, eh! Dapat ako ang mairita sa kanya.

“Eh kung ibinaba mo na lang kaya ako ‘di ba?” segunda ko at muli siyang hinampas. Wala na akong pakialam kung makita man nila ang mukha ko, basta ba’y mahampas ko lang si Kevin upang ibaba niya na ako.

“Ayan ka na naman sa hampas mo, Sandra ha. Bakit ba ang hilig mong manghampas, mangurot, manipa at kung anu-ano pa?” utas niya habang nasa daan pa rin ang tingin niya. Hindi siya nagpapatinag sa mga hampas ko sa kanyang matigas na dibdib.

“Eh ano bang pakialam mo? Ang sarap mong tirisin, eh!” muli kong sigaw dahilan upang mapatingin sa akin ang mga tao sa paligid. Nahihiya na talaga ako sobra. Kahit anong hampas at sigaw ko ay hindi niya pa rin ako ibinababa.

“Kaysa sapakin at hampasin mo ako, yakapin at halikan mo na lang ako, mas matutuwa pa ako sa iyo,” segunda niya at ngumiti. Nakita ko kung paano siya kiligin at kung paano biglang namula ang pisngi niya.

Natahimik ako at napayuko. Kinikilig din kasi ako at ayaw kong makita niya kung gaano na ako kapula sa mga oras na ito.  Hindi ko kayang harapin siya ngayon dahil naiilang na ako.

“Natahimik ka ata, Sandra. Sige, mamaya ay gagawin natin iyan,” sabi ni Kevin. Hindi ko pa rin inaangat ang mukha ko. Nagkakagulo ang mga ugat sa puso ko. Hindi ko na rin maipaliwanag ang kilig na aking nararamdaman sa mga oras na ito.

“Bilisan mo na lang sa paglalakad upang makarating na tayo sa kung saan mo ako gustong dalhin!” giit ko at tinakpan ko ang aking mukha. Hiyang-hiya ako sa mga tao at mas lalo akong nahihiya sa kanya.

“Huwag kang magmadali, darating din tayo diyan at doon sa iniisip mo,” wika niya at mahinang tumawa. Ano bang sinasabi ng lalaking ito? Bakit parang natutuwa siya sa mga nangyayari?

“Tumahimik ka diyan, Kevin. Gusto ko lang maibaba mo na ako dahil may mga paa naman ako. Para saan pa ito kung hindi ko rin naman gagamitin?” usal ko. Tinanggal ko na ang aking kamay na nakatakip sa mukha ko at tiningnan ang dinaraanan namin.

“Malapit na tayo, Sandra. Ayaw ko lang napapagod ang reyna ko,” sambit niya at diniretso na ang tingin sa daan. Gusto ko pang marinig ang boses niya, gusto ko pang asarin at pakiligin niya pa ako ngunit sinabi ko pa lang manahimik siya. Kaya iyan, nananahimik na siya. Ano ba ‘yan, Alessandra!

Tinuon ko na lang ang atensyon ko sa dinaraanan namin. Hindi ito pamilyar sa akin dahil bihira ako sa lugar na ito. Sa isang mamahaling restaurant kasi ang reunion namin at hindi naman ako mahilig pumunta sa mga ganitong lugar.

Oo, may kaya kami ngunit hindi ko nilalagay sa ulo ko iyon. Mas gusto kong mamuhay ng simple lang dahil ito ang masaya para sa akin.

“Ito na po, malapit na tayo,” basag niya sa katahimikan. Hindi ko naman siya tiningnan dahil nagagandahan ako sa paligid. Ganito pala kapag gabi rito, punong-puno ng mga iba’t ibang pailaw. Masarap sa mata.

“Paki-bilisan,” utos ko dahilan upang maglakad-takbo siya. Bumilis ang paglalakad niya at agad akong kumapit sa leeg niya dahilan upang ngumisi siya. Ngayon ay nakatingin na ako sa mukha niya. Kapag talaga ako nahulog dito ay sasapakin ko siya. Okay lang naman mahulog, kung sasaluhin niya ako.

“Dahan-dahan naman,” saad ko habang nakatingin pa rin sa mukha niya. Muli kong kinakabiso ang kaniyang buong mukha. Sa tagal naming hindi nagkita ay may iilan akong nakalimutan sa itsura niya.

“Nandito na tayo,” sabi niya at ngumiti. Dahan-dahan niya naman akong binaba. Ang bilis naman, hindi ko pa nga napagmamasdan ang buo niyang mukha, eh. Wala na akong nagawa at agad ko na lamang tiningnan ang paligid. May dagat pala rito?

Oo na, ignorante na ako sa mga lugar dahil hindi naman ako palaging lumalabas ng bahay at gumagala. Kung hindi pa ako sinasama ni Leo ay baka hindi nadadagdagan ang mga lugar na alam ko.

“Ang ganda naman dito. Kung alam ko lang na may dagat dito ay baka araw-araw akong nagagawi rito,” wika ko at tinitigan ang dagat. Sobrang sarap pagmasdan ang dagat, napapakalma ako nito. Idagdag mo pa ang bilog na buwan na tumatama ang repleksyon sa dagat.

“Gusto ko sanang pag-usapan natin ang mga nangyari noong high school tayo,” panimula niya. Binalingan ko siya nang tingin. Nakatingin lamang siya sa dagat at seryosong-seryoso ang itsura niya.

Kung kanina ay wagas siyang ngumisi, ngayon naman ay sobrang seryoso niya. Umupo kami sa seaside at tahimik na pinagmasdan ang dagat. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Marami akong gustong itanong at sabihin sa kanya ngunit napapangunahan ako ng kaba.

“Saan mo gustong magsimula?” tanong niya. Parehas lang kaming nakatingin sa dagat. Parehas kaming hindi alam kung saan o paano magsisimula. Pinapakiramdaman ang isa’t isa dahil nangangapa pa kami. Ganito naman kapag matagal kayong hindi nagkita, hindi mo na alam ang timpla ng ugali niya at kung kailan ka dapat makipag-usap ng seryoso.

“Hindi ko rin alam,” saad ko. Bumuntong-hininga ako at umiling. Paano nga ba simulan? Hindi ako sanay na ganito kami ni Kevin. Nakakapanghinayang lang dahil ingat na ingat akong hindi masira ang pagkakaibigan namin kaya hindi ako basta-basta umamin sa kanya. Ngunit, bigla na lamang siyang umalis nang walang pasabi. Wala rin akong nagawa upang hindi masira ang pagkakaibigang binuo namin.

“Paano nga ba naging kayo ni Leo? At ano iyong sinasabi niyong nagpanggap lang kayo? Hindi ko maproseso sa utak ko, eh,” sunod-sunod na tanong niya. Halata sa boses niya na hindi siya makapaniwala. Parang hindi niya pinaniniwalaan ang mga sinabi namin kanina.

“Sabihin na lang natin na, nagpanggap kami dahil hindi tunay na lalaki si Leo,” panimula ko. Tiningnan ko siya at gano’n din siya. Nagkatitigan kami ng ilang segundo bago ako muling nagsalita.

“Kinausap ako ni Leo no’ng P.E. time natin, hindi ba’t may event din ang school natin no’ng araw na iyon? Hindi namin napanood ng buo dahil kinausap niya akong magpanggap na nobya niya,” kuwento ko at muling tumingin sa dagat. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Tahimik lang siya, siguro ay pinoproseso pa niya ang mga sinasabi ko.

“Ano namang dahilan kung bakit kayo nagpanggap? Hindi ko lang talaga maintindihan. Oo, masaya akong hindi pala iyon totoo ngunit parang ang gulo lang,” wika niya at seryoso akong tiningnan.

“Hindi kasi siya totoong babae, in short bakla siya, Kevin at hindi niya ito kayang aminin sa magulang niya,” tugon ko. Bahagyang napanganga ang bibig niya dahil sa gulat. Hindi ko inaasahang magugulat pa siya.

Kung gano’n ay magaling pala talaga kaming magpanggap ni Leo na kahit na malapit na kaibigan namin ay nalinlang namin. Hindi ko rin inaasahan na maniniwala siya sa lahat ng pagpapanggap namin.

“Totoo ba iyan, Sandra?” paninigurado ni Kevin. Hindi ba siya naniniwala sa akin? Sa ganda kong ito? Oo, pilya ako minsan ngunit marunong akong magsabi ng totoo.

Tumango ako. “Totoo iyan, Kevin. Kung hindi ka naniniwala ay tawagan natin ngayon si Leo,” sambit ko at inilabas ko ang cellphone ko. Papatunayan kong totoo ang sinasabi ko. Kasi gusto ko na kapag ako naman ang nagtanong ay magsabi rin siya sa akin ng totoo.

“Kung gayon ay paanong para kayong totoong nagmamahalan noon? Para kayong totoong magkasintahan, para ka niya talagang totoong nobya. Parang totoo talaga ang lahat dahil hindi ko makita na nagpapanggap kayo. Paano?” sunod-sunod na tanong niya at tiningnan ako. Gano’n din ang ginawa ko at muli kaming nagkatitigan.

Kung paano kumislap ang buwan sa dagat at mga bituwin sa kalangitan ay gano’n din kumislap ang mga mata ni Kevin. Mas lalo akong nahuhulog sa kanya at pakiramdam ko ay mahirap nang umahong muli. Masyado na ata akong malalim kaya nahihirapan na akong umahon sa pagkakalunod.

Bigla ko tuloy naalala ang mga nangyari noong nakaraan. Kung paanong naging makatotohanan ang pagpanggap namin ni Leo. Kung paano namin nalinlang lahat at kasama na roon si Kevin Lawis na aking iniibig.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Taguan [Chapter 6]

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.