PAGKATAPOS ituro ni Mang Gado kay Raffa ang tamang pagtatanim ng mais ay agad na niyang sinimulan ang trabaho.
She just thought that planting corn wasn’t really that hard. Madali niyang natutunan kung paano gamitin ang baril sa pagtatanim ng mga binhi. Pero sa bagal ng kanyang galaw ay paniguradong gugulin man niya ang maghapon ay hinding-hindi matatapos iyon nang siya lamang ang mag-isa.
Nasa dalawang oras na siyang naroon nang mapansin ang pagdating ng isang truck. Bumaba mula sa likod ng truck si Ramiro upang magtungo sa taniman ng mga melon. Sa pagkakataong iyon ay hindi na nito kasama si Misha.
Nakatitig siya nang matalim dito nang mahuli ni Ramiro. Kaagad siyang umirap sa binata.
Hindi kasi makapaniwala si Raffa na nagtatrabaho siya ngayon para lang sa kagustuhang mapatunayang may kapupuntahan ang kanyang buhay. Naisip niyang kahit naman hindi hingiin ni Ramiro na magtrabaho siya sa bukid kapalit ng password ng internet nito ay mapipilitan pa rin siyang magtrabaho.
Bakit? Eh, kasi wala siyang pera para sa gusto niyang pasuking career. Naisip bigla ni Raffa na dapat pala hindi siya nagpakagasta noon sa perang nakukuha sa pagmomodelo at nag-ipon din kahit paano. Eh, ’di sana’y may sarili siyang pera ngayon at hindi na niya kinakailangang pagbigyan ang kapritso ng kanyang ina. Kung sana rin ay walang mga taong laging ikinukumpara siya sa kapatid. Sana na lang ay walang mga kagaya ni Jarviz na mababa ang tingin sa kanya nang dahil lang sa wala siyang sariling source of income at nakaasa lang sa monthly allowance na nakukuha sa pangalan ng kanyang ama. Kung sana lang talaga…
Pero wala, eh. Kaya heto siya ngayon sa ilalim ng medyo mainit na sikat ng araw, nagtatanim ng mais at nakakaramdam na ng gutom.
Ah, isa pa iyon. Kung bakit naman din kasi pinairal niya ang katigasan ng ulo kanina? Kahit man lang sana fried rice at pritong itlog pinatulan niya na kanina.
‘But I don’t eat rice in the morning!’ angal niya sa sarili ngunit kaagad din siyang natauhan nang muling mag-reklamo ang kanyang tiyan.
Muli siyang napatingin kay Ramiro na abala sa pagbubuhat ng mga nakasakong mga bunga ng melon paakyat sa truck. Sinusundan lamang niya ito nang tingin nang bigla na lamang itong lumingon sa kanyang gawi na nagresulta upang magsalubong ang kanilang mga paningin.
Nasa ganoong sitwasyon sila nang muli na naman niyang maramdaman ang pagkalam ng sikmura. Awtomatikong napahawak siya sa sariling tiyan na agad din namang nakita ni Ramiro. Inirapan niya ito upang itago ang pagkapahiya saka muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
Mayamaya pa’y hindi inaasahan ni Raffa ang paglapit ng binata sa kanya. “Nagugutom ka na?”
Marahan siyang nag-angat ng tingin dito. “Hindi. And who told you that, huh?”
Gumuhit ang iritasyon sa mukha nito. “Huwag naman sana maging matigas ang ulo mo, señorita.”
“Hindi nga sabi ako—”
Hindi na niya natapos pa ang mga sasabihin nang makitang umalis na sa kanyang harapan ang binata. Para tuloy gustong magsisi ni Raffa sa ginawa niyang pagsusungit dito. Nagugutom naman talaga kasi siya at sadyang pride lang niya ang pinaiiral.
Pinilit na lamang niyang abalahing muli ang sarili sa pag-iisip ng susunod na gagawin habang marahang itinutuloy rin ang pagtatanim ng mais hanggang sa mayamaya pa’y naramdaman niyang muli ang paglapit ng presensya ni Ramiro. Handa na sana siyang sungitan ito nang tumambad sa kanyang harapan ang hawak nito lunch bag. Iyon ang lunch bag na binitbit nito bago sila magtungo roon.
Sa puntong naisip niyang may posibilidad na pagkain ang laman noon ay mas lalong tumindi ang paghihimagsik ng kanyang tiyan.
Umarko ang isang bahagi ng kanyang kilay kahit pa nga ba ipinagkakanulo na siya ng sariling tiyan. “Ano ’yan?”
Isang marahas na pagbuga ng hangin muna ang pinakawalan ng binata bago sagutin ang kanyang tanong. “Gaya ng sinabi ko kanina, señorita. Pagkain ’yan na para sa ’yo.”
Sandali pa niyang tinitigan muna ang lagayan na iyon. Nag-iisip kung tama bang tanggapin niya ang ibinibigay nitong pagkain. Hindi ba siya magmumukhang cheap kung tatanggapin niya ang pagkain mula kay Ramiro?
Pero hindi pa man siya nakapagdedesisyon ay bigla na lamang nag-ingay ang kanyang tiyan. At sa pagkakataong iyon ay hindi na lamang siya ang nakarinig nito. Nang kanyang sulayapan muli si Ramiro ay nabasa agad niya sa mukha ng binata ang mga salitang, “Tatanggihan mo pa rin ba ito?”
Napanguso siya at mas pinili pa rin ang magmatigas. Hindi na rin siya nagsalita pa dahil baka lalo lamang siyang mapahiya. Matigas na kung matigas pero hinding-hindi siya susuko. She continued what she was doing.
Dumakot siya sa sisidlan ng binhi nang bigla na lamang hatakin ni Ramiro ang kanyang braso patungo sa kamalig. Natapon din ang ilang binhi ng mais dahil sa ginawang paghila sa kanya ng binata. Maging ang hawak niyang baril ay nabitiwan din sa lupa.
Nang dahil naman sa gutom at bahagyang panghihina ay hindi na nagawang magpumiglas pa ni Raffa. She just let him lead her to where he wanted them to go.
Tuluy-tuloy sila sa loob ng kamalig hanggang sa bitiwan na siya nito saka pilit na isinaksak sa kanya ang lunch bag. Sa puntong iyon ay nasa tabi na sila ng mesang medyo may kalakihan. Mukhang ang kamalig na iyon ay pahingahan at kainan ng mga taong malapit doon. Napakarami ring mga kagamitan ang naroon na ginagamit sa pagtatanim. Habang nasa gilid namang parte ng kamalig ang saku-sakong abono.
“Bakit ba tayo nandito?” naitanong niya upang pigilan ang unti-unting pag-usbong ng tensyon sa kanyang dibdib.
“Dito ka kumain,” walang emosyong tugon naman nito.
“’Di ba, sinabi ko na. Hindi ako kakain dahil hindi naman ako nagugutom.”
Pero imbes na sagutin ng binata ang kanyang sinabi ay muli nitong kinuha ang lunch bag saka binuksan iyon. Bumungad sa kanya ang isang transparent na food container at nabanaag agad niyang kanin ang laman niyon.
Hindi siya nagsalita hanggang sa ilabas nito ang dalawang lata ng…
‘Sardines?’
Mabilis na nagsalubong ang mga kilay niya sa dalawang lata na iyon. Ang isa ay kulay pula habang berde naman ang kulay ng isa pang lata.
Umakmang bubuksan na ni Ramiro ang berdeng lata ng sardinas nang umalma si Raffa.
“W-wait— ’yan lang ang ipapaulam mo sa ’kin?” And that’s the reason why Ramiro had stopped what he was doing and looked at her again, with a frigid look.
“Bakit, señorita? May problema ka ba sa sardinas? Madalas itong banunin ng mga tagarito lalo na ang mga nagtatrabaho sa hacienda. Masarap din ito kung ang lasa lang din ang pinagdududahan mo.”
Kusang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha. “You know what? You’re unbelievable! Ipapakain mo sa ’kin ’yan? Eh, ’di ba? It’s dog’s food.”
Matinding pagkunot ng noo naman ang naging reaksyon ng mukha ng binata nang dahil sa kanya sinabi. “Ano?”
“Yeah. Sardinas ang kapalit kapag walang dog food.”
Walang kagatul-gatol niyang sinabi iyon at hindi man lang natakot sa magiging reaksyon ni Ramiro. Ngunit nang makita ni Raffa ang mas pagdilim ng mukha ni Ramiro ay napaatras siya nang bahagya. Nakagat pa yata niya ang loob ng pisngi.
Hinaklit nito ang kanyang braso at mariing hinawakan. Pinigilan niyang mapadaing sa ginawa ng binata sa kanya. “Bakit ka ba ganyan, ha? Napakababa talaga ng tingin mo sa lahat. Ano bang tingin mo rito samin? Mga aso?”
Naging palaban siya at tumitig din nang matalim sa lalaki. “I don’t say that. Hindi ko sinabing mga aso kayo!”
“Pero gano’n na rin ’yon, señorita!”
Napakurap siya nang pagtaasan siya nito ng boses. Does he forget who’s the boss here?
Ngunit parang nananadya ang pagkakataon dahil bigla na namang nag-ingay ang kanyang tiyan at hindi iyon nakaligtas sa pandinig ng lalaki. May ilang segundo silang napaligiran ng katahimikan pagkatapos ng ingay na iyon na kagagawan ng kanyang bituka.
“Kumain ka na para magkalaman ’yang tiyan mo.” Biglang nag-transform ang boses nito at naging malumanay ngunit naroon pa rin ang panlalamig. “Malayo ang hospital dito at lahat ng tao rito ay abala sa pagtatrabaho. Magiging abala pa kung may mangyayari sa ’yong masama nang dahil d’yan sa katigasan ng ulo mo.”
Pinilit niyang ngumisi nang tila nang-iinsulto. ‘So, he’s saying na magiging abala ako sa kanya?’ “And who the hell told you that I’ll gonna eat that sh*t. Wala akong—”
Namilog ang kanyang mga mata nang bigla na lamang siyang halikan ni Ramiro sa mga labi. Mapusok iyon na tipong wala sa plano nito ang pakawalan agad siya. Marahas pero mainit. Makirot ngunit masarap sa pakiramdam. Iyon ang naging epekto ng paglalapat ng kanilang mga labi. Paglalapat na nagpabuhay ng sensitibong pakiramdam sa pagkatao ni Raffa. Mainit at malambot ang mga labi nitong kagabi lang ay iniwasan niyang isipin bago matulog. Kaya bago pa man siya madarang ay malakas na niyang itinulak si Ramiro. Mabilis ding umigkas ang kanyang palad sa pisngi nito.
Galit siyang humarap sa binata habang ito naman ay bahagyang nabigla sa nangyari. “Bakit mo ginawa ’yon, ha? Why did you kiss me?!” Dinuro pa niya ito. Hindi pa man ito nakasasagot sa kanyang mga tanong nang muli siyang nagsalita. “I knew it! May lihim kang pagnanasa sa ’kin kaya mo ako tinatrato ng hindi maganda.”
Nang muling magtagpo ang kanilang mga tingin ay naroon na naman sa mga mata nito ang mala-Antartica na lamig.
“Hindi na kasi maganda ang lumalabas d’yan sa bibig mo. Hindi na kaaya-kaaya at napatunayan ko iyon nang halikan kita.”
Siya naman ang lumambot ang ekspresyon at medyo nabalot ng pagkalito. “W-what do you—”
“Hindi ka masarap halikan. Hindi masarap halikan ang kagaya ng mga labi mo.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




