Aniesha’s POV
MAAGANG umalis si Simon dahil may meeting daw sila ng mga ka-opisina niya. Mugto pa rin ang mga mata ko dahil kahapon ay inilibing na si Israel. Inilibing na siya’t lahat pero ang mga magulang niya ay hindi manlang pumunta bagay na ikinatataka ko.
Bakit parang walang pakialam sa ‘kanya ang kanyang mga magulang? Ni sulat ay wala silang ibinigay sa akin. Ni kamusta sa anak nila ay hindi nila ginawa. Kung hindi nila kayang pumunta dito sa Pilipinas ay puwede naman nila akong i-video call para maipakita ko sa kanila si Israel kahit saglit lang ngunit ni isa sa mga ‘yon ay hindi nila ginawa.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala wala ang takot sa mga bata dahil sa nangyari. May mga oras na nanginginig sila sa takot t’wing nasa sasakyan kami at may mga pagkakataon na umiiyak na lang sila bigla bigla at ang tanging lumalabas sa kanilang mga bibig ay ‘Uncle Israel’ na siyang ikinalulungkot ko.
Natigil ako sa paglalakad sa gitna ng mall nang makarinig ako ng isang pamilyar na boses. “Aniesha?!”
Nang lumingon ako ay laking gulat ko nang makita ko si Arianne….. kasama si Jeff. Nagulantang ako at hindi agad nakapagsalita. Kung puwede lang na magpakain sa lupa ay kanina ko pa sana ginawa.
“Oh my gosh! Ikaw nga! Kumusta?” Aniya at lumapit sa akin pagkatapos ay ipinulupot ang kanyang kamay sa aking braso.
Natutuwa ako dahil nakita ko silang muli sa tinagal-tagal ng panahon subalit may parte sa ‘kin na natatakot dahil sa hindi ko malamang dahilan.
“A-ayos lang ako. Kayo ba?” Tanong ko pagkatapos ay kinamot ang aking batok.
Kita ko na nagkatinginan silang dalawa ni Jeff. Pakiramdam ko ay alam nilang kinakabahan ako. Iba ang instinct ni Arianne.
“Hindi mo ba gustong nandito kami? Tsaka, bakit bigla ka na lang nawala ng parang bula?” Iiling-iling na tanong ni Arianne habang naglalakad kaming tatlo palabas ng mall.
Huminga ako nang malalim at dahan-dahang tinanggal ang kamay ni Arianne na kanina’y nakapulupot sa aking braso pagkatapos ay hinarap siya.
“May malaking problema kasi ang pamilya namin noong panahong ‘yon kaya hindi ako nakapag-paalam sa inyo ng maayos.” Pagpapaliwanag ko.
Tanggap ko sa sarili kong hindi lang ‘yon ang dahilan kung bakit ako umalis nang walang paalam subalit hindi ito ang tamang panahon para ipaliwanag sa kanila ang tunay na nangyari sa pagitan namin ni Jaxson.
Gusto kong ibaon na lang sa lupa ang totoong nangyari…. na may nangyari sa pagitan namin ni Jaxson at ang bunga ay sila Amari at Amaru pero bakit kahit anong pilit ko ay kabaliktaran ang nangyayari?
“May asawa ka na?” Biglang tanong ni Jeff dahilan para mapa-iling ako.
“Naku! Wala!” Umiiling-iling na wika ko.
Kaunting uspan at kamustahan ang nangyari sa aming tatlo. Napagdesisyon naming kumain na lang sa isang fast food chain at nagsimulang mag-order.
“Tara, Aniesha! Sama ka! Gora tayo nila Martha at ng iba pa natin mga ka-trabaho papuntang bar!” Excited na ani Arianne.
Hindi agad ako nakapagsalita. Nahihiya akong tumanggi dahil minsan na lang ulit kami magkikita-kita pero ayaw ko namang iwan ang mga anak ko dahil hanggang ngayon ay may trauma pa rin sila sa nangyari.
“Hindi puwede eh. Inaantay ako ng mga anak k—”
Hindi ko na natuloy pa ang dapat kong sasabihin nang ma-realized ko ang huli kong sinabi! Kahit ako ay nagulat! Bigla na lang lumabas sa bibig ko ang mga anak ko. Hindi sa kinakahiya ko ang aking mga anak pero maaari silang mabigyan ng hint na kaya ako umalis sa kompanya ay dahil nabuntis ako.
“You have babies?!” Gulat na tanong ni Arianne.
Wala akong ibang nagawa kun’di ang tumango at magpanggap na hindi ako nabigla sa sinabi ko dahil lalo silang maghihinala kapag gano’n ang iaakto ko.
“Oh my gosh! Gusto ko silang makita, Aniesha!” Kinikilig na ani Arianne na siyang ikina-kunot ng aking noo.
“N-naku! H-hindi puwede kasi hanggang ngayon ay may trauma pa rin sila sa pagkamatay ng Uncle nila,” wika ko.
Totoo naman ‘yon. Magmula nang mamatay si Israel ay laging umiiyak ang aking mga anak at hindi mapakali t’wing nasa labas kami ng bahay.
Kita ko ang pagpalit ng reaksyon ni Arianne mula sa kunot noong reaksyon hanggang sa pagkagulat. Hindi nila kilala si Israel at wala akong balak ipakilala si Israel sa kanila dahil alam kong masaya’t kuntento na si Israel kung nasa’n ‘man siya ngayon.
“Hala! Totoo ba? Condolence, Aniesha. Pasensya na at hindi naman namin alam na may pinagdadaanan pala ang pamilya mo ngayon,” ani Jeff.
Ilang minuto ang lumipas bago namin natanggap ang orders namin at nagsimulang maghanap ng pwesto pagkatapos ay doon kami umupo.
“Alam mo, Aniesha? Ang blooming mo ngayon! ‘Di ba wala kang asawa? Edi sino ang ama ng mg aanak mo?” Pag-uusisa ni Arianne. Kita ko ang pagsiko ni Jeff sa ‘kanya na siyang ikina-iling ko.
Snay naman na ako kay Arianne, ganyan na siya noon pa. Hiniwa ko ang order ko na ulam pagkatapos ay kinain ‘yon bago ako nagsalita.
“Long story,” iiling-iling na turan ko.
Tinignan ko sila at mukhang hindi sila kuntento sa isinagot ko dahilan para bumuntong hininga ako at muling nagsalita. “Masyadong komplikado eh. Siguro hindi talaga kami ang nararapat para sa isa’t-isa.”
“I’m sorry, Aniesha.” Nakayukong ani Jeff.
Ilang minuto pa ang lumipas bago kami nagdesisyong umuwi sa aming sariling mga tahanan. Hindi ko alam pero gusto kong ipakilala ang kambal kila Arianne subalit natatakot ako dahil baka mawala sa akin ang mga anak ko kapag nalaman ni Jaxson na may bunga ang ginawa namin noon.
“Aniesha! Anong nangyari at hindi ka namin ma-contact? Ang kambal, itinakbo sila sa Ospital!” Ani Mildred dahilan para mapamura ako at agad na sumakay sa sasakyan kahit hindi ko alam ang dahilan kung bakit itinakbo ang aking kambal sa Ospital.
Nang makarating ako ay agad kong tinanong ang nagbabantay sa information desk upang malaman ko kung nasa’n ang kambal ko. Agad naman niyang sinabi sa ‘kin kung anong numero ng kwarto ni Amari at Amaru.
Nang makapunta ako sa kwarto nila Amari at Amaru ay agad kong nilapitan si Mildred at tinanong kung anong nangyari sa kambal.
“Jusko! Mabuti at nakarating ka agad. Kanina ka pa inaantay ng Doktora!” Ani Mildred.
“Ang kambal? Nasa’n?” Tanong ko.
“Nasa loob sila.”
Agad naman akong pumasok sa pinaka-loob ng kwarto at tiningnan ang aking mga anak. Nang makita ko sila na malalim ang tulog ay agad ko silang hinalikan sa kanilang mga noo.
“Anong nangyari?” Tanong ko habang inaayos ang kumot ng mga anak ko sa magkahiwalay nilang higaan.
Minsan naiiisip ko na baka nga malaki ang kakulangan ko bilang Ina dahil hindi naman mangyayari ito kung tinutukan ko sila ng maayos.
“Hindi sila maka-hinga nang maayos kanina dahil sa sobrang pag-iyak, Aniesha. Sa tingin ko ay grabeng trauma ang nangyari sa kanila magmula nang mangyari ang insidente niyong katakot-takot ni Israel,” malungkot na aniya.
Agad na nagsibagsakan ang aking mga luha at ibinaling ang aking paningin sa bintana. “Kasalanan ko ito,” tanging nabanggit ko.
Ramdam ko ang paglapit sa akin ni Mildred at hinaplos ang aking likuran, “Walang may kasalanan sa inyong lahat. Ang may kasalanan ay ang mga taong kumitil ng buhay ni Israel.”
Totoo naman ang sinabi ni Mildred pero hindi ko alam kung bakit sa tingin ko ay ako ang may kasalanan. Totoo naman, buong buhay ko ay ibinuhos ko ang oras ko sa pagta-trabaho. Hanggang sa nagkaroon ako ng anak, gano’n pa rin ang ginawa ko. Ni hindi ko man lang sila nagawang makausap ng usaping malalim dahil abala ako lagi sa negosyo ko bagay na pinagsisisihan ko.
Akmang magsasalita na sana ako subalit biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang pamilyar na mukha na hindi ko ninais pang makitang muli. Ang Ina ni Jaxson.
Ni kahit anong emosyon ay hindi ko makita sa ‘kanyang napakagandang mukha. Maski gulat at galit ay wala.
“Good Morning, Doc,” ani Mildred
“Good Morning,” seryosong ani Ma’am Madonna na siyang ina ni Jaxson.
“K-kamusta po ang lagay ng mga a-anak ko?” tanong ko subalit ni hindi manlang ako binalingan nang tingin ni Ma’am Madonna dahil abala pa siya sa pagche-check ng heartbeat ng aking mga anak gamit ang kanyang stethoscope.
Nang matapos niyang i-check ang heartbeat ng mga bata ay agad siyang bumaling sa ‘kin habang naka-halukipkip.
“You lack in so many things raising your twins, Ms. Zarzuela,” ani Ma’am Madonna na siyang ikinabilis ng tibok ng aking puso.
Sinenyasan ko si Mildred na lumabas na muna. Nang makalabas ito ay agad akong humarap kay Ma’am Madonna at ngumiti ng pilit sa ‘kanya.
“Kinailangan ko po kasing kumayod para may mapakain sa mga anak ko at upang mabili ang mga pangangailangan nila,” nakayukong wika ko.
“That’s not a valid excuse. Kung talagang naibigay mo lahat ng pagmamahal at kalinga ng isang Ina sa mga anak mo ay hindi nila mararanasam ang depresyong nararanasan nila ngayon!” Sigaw niya na ikinabigla ko!
“M-may depression ang mga bata?” Gulat na tanong ko.
Marahil ay dahil ‘yon sa pagkawala ni Israel. Ngayon lang naman naranasan ng mga bata ang umiyak nang umiyak hindi lang t’wing gabi kun’di maging bawat minuto o oras.
“If that’s what you’re doing to my grandchildren then I’d rather file a case against you for putting so much problems with them. You know me, I can do whatever I want and if putting you to jail will be the only answer, then, I will not hesitate doing it. See you on the court,” aniya na siyang ikinabigla ko!
“Hindi ko pinabayaan ang mga bata. Malinis ang konsensya ko at alam kong alam ng mga nakakakilala sa ‘kin ang tunay na dahilan kung bakit nararanasan ‘yan ng mga bata,” inis na turan ko.
Totoo naman ‘yon! Walang may kasalanan sa ‘min ni Israel dahil ang tunay na may kasalanan ay ang pumatay sa matalik kong kaibigan.
“Then why are they experiencing this?” Nakangising tanong niya.
“Labas ka na kung ano ‘man ang nangyayari sa pamilya ko,” wika ko.
“At magiging labas na rin ang mga bata kapag pinakulong kita,” aniya.
Alam kong makapang-yarihan ang pamilyang Montenegro at kung gaano nila kayang baliktarin ang batas dahil sa mga koneksyon nila, bagay na ikinakakaba ko.
“Maayos kami ng mga anak ko. Hindi niyo na ho kailangan pang manghimasok sa pamilyang matagal kong binuo nang hindi humihingi ng tulong sa inyo,” turan ko.
“Baka nakakalimutan mong sa akin nanggaling lahat ng bagay na meron ka ngayon? Mga bahay, mga sasakyan, negosyo at ni ultimo pagkain na kinakain mo.”
Natigilan ako nang bahagya nang sabihin niya ang mga salitang ‘yon dahil alam kong totoo ang mga ‘yon. Sa pamilya niya nagmula ang pera na pinanimula ko para sa akin at sa pamilya ko.
“Ano ho ba ang kailangan mo? Nanahimik kami ng mga anak ko at patuloy na nananahimik pero narito ka at ginugulo ang tahimik na buhay namin ng mga anak ko!” Sigaw ko.
Nananahimik kami nila Amari at Amaru at ilang taon kaming nanahimik pero bakit bigla niya kaming giguluhin ng mga anak ko?
“I want my grandchildren back,” aniya dahilan para matawa ako nang mapakla.
“Ipinagtabuyan at ikinahiya niyo ang mga anak ko tapos ngayon kung umasta ka parang napakalaki ng ambag mong pagmamahal para sa mga anak ko?” Galit na turan ko.
Lahat naman ng sinabi ko ay totoo. Pinilit nila akong itago ang kambal dahil sabi nila magulo ang buhay nila tapos ngayon na ilang taon ang lumipas ay gusto niyang bawiin ang mga anak ko mula sa ‘kin? Sa’n siya kumukuha nang lakas ng loob para sabihin sa ‘kin ang mga salitang ‘yon?
“I want them back and I will do anything or even everything just to bring them back to my family.” Pinal na saad niya pagkatapos ay lumabas sa kwarto ng mga bata.
Natigil ako sa pag-luha nang biglang pumasok si Mildred sa kwarto at agad na tinanong kung kamusta ang lagay ko.
“Anong nangyari? Ayos ka lang ba? Sinaktan ka ba niya?” Sunod sunod na tanong niya bagay na ikinagalak ng puso ko.
Agad kong pinunasan ang mga luha ko at ngumiti nang pilit sa ‘kanya.
“Ayos lang ako. Nasa’n si Kuya? Kailan ko siyang makausap sa lalong madaling panahon, Mildred. Pakitawagan siya, please,” pakiusap ko na siyang naging dahilan ng pag-labas niya. Marahil ay tinatawagan niya na ang panganay kong kapatid.
Siguro kung nandito si Israel ay sabay naming lalabanan ang lola ng
mga bata upang hindi nila maagaw sa amin ang mga anak ko. Pero iba na ang panahon. Wala na si Israel at wala na ang taong tagapagtanggol ko.
to be continued…
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




